IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Month: September, 2012

XIAOTIME, 28 September 2012: SAN LORENZO RUIZ

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 28 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

St. Laurentius Ruiz of Manila, likhang-sining sa hagdan ng Seminaryo ng San Carlos sa Lungsod ng Makati

28 September 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=cdzvmu7u9Cw&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  375 years ago bukas, noong September 29, 1637, namatay si Saint Laurentius Ruiz.  Huh?  Who’s that Pokemon?  Ito pala ang pangalan sa Latin ni Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo.  Ipinanganak si Lorenzo sa isang amang Tsino at Inang India at ipinangalan sa Kristiyanong martir na si St. Lawrence.  Lumaki siya sa Binondo, kung saan inilagay ng mga Espanyol ang mga Tsino na naging mga Katoliko na.  Siya ay naging sakristan at kalaunan, sa ganda ng kanyang sulat ay naging isang escribano ng simbahan.  Ang ating unang santo ay nakapag-asawa ng isang girl na ang pangalan ay Rosario, at nagkaroon pa sila ng tatlong anak.  Ang kanilang mapayapang buhay ay mababago nang mapagbintangan siyang pumatay ng isang Espanyol.  Dali-dali itong sumama sa mga Dominikano sa kanilang paglalakbay bilang misyunero papunta sa Japan noong 1636.  Ang Japan noon ay nasa ilalim ng tinatawag na Tokugawa Shogunate, tulad ng napanood ninyo sa Samurai X, na may patakarang close-door at ayaw madumihan ang kanilang kultura ng dayuhang impluwensya.  Nang ang mga paring dayuhan na kasama niya ay nahuli, ang saling pusang mestizo-indio na si Lorenzo ay kasama sa mga nagdanas ng tortyur tulad ng pagpasok ng mga malalaking karayom sa bawat daliri.  Ang tanging dapat niyang gawin upang mapalaya ay bumaligtad at maging Shinto.  Ngunit kanya diumanong sinabi, “Isa akóng Katoliko at buong-pusóng tinátanggáp ang kamatayan para sa Panginoón. Kung ako man ay may ‘sanlibong buhay, lahát ng iyón ay iaálay ko sa Kaniyá.  Kaya gawin niyo na ang nais ninyo sa akin.”  September 27, 1637 nang sila ay dalhin sa Nishizaka Hill sa Nagasaki, ang burol ng mga martir, kung saan sila ay binitin ng patiwarik sa isang butas, isang masakit at mabagal na pagpatay na tinawag na ana-tsurushi.  Tatlong araw pa bago tuluyang pumanaw si Lorenzo, umaawit ng papuri sa Diyos.  Upang bigyan ng importansya ang mga Third World countries, ang saling pusang si Lorenzo ay ginawang bida ni John Paul II nang gawin niya itong Beato noong 1981 sa Luneta, sa unang beyatipikasyon na ginawa sa labas ng Vaticano.  Sa isang martir ng simbahan hindi kailangan ng milagro upang maging Beato, ngunit nang gumaling diumano sa pananalangin kay Lorenzo ang 2-year old na batang si Cecilia Alegria Policarpio sa sakit na hydrocephalus, ito ang isang kailangang milagro para siya ay gawing santo noong 1987.  Ngayong ang araw ng kanyang pista.  Anuman ang ating relihiyon, si Lorenzo ay huwaran ng isang ordinaryong tao na maaaring magkaroon ng ekstra-ordinaryong paninindigan sa pinaniniwalaan, sa harap ng kamatayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)

Ana-tsurushi

XIAOTIME, 27 September 2012: HEN. MIGUEL MALVAR: Rebolusyunaryong May Balbas

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 27 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Heneral Miguel Malvar, ang pangulo ng Pilipinas matapos si Hen. Emilio Aguinaldo, larawan sa kagandahang loob ng Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar sa Sto. Tomas, Batangas / Gng. Zarah Escueta

27 September 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=wCr4sahvE4c&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sabi ng Parokya ni Edgar sa kanilang kantang “Yes Yes Show”:  “Huwag kang mag-aangas sa lalaking may balbas.”  Lalo na siguro sa rebolusyunaryong heneral na may balbas, si Heneral Miguel Malvar ng Batangas na nagdiriwang ngayon ng kanyang 147th birthday.  Ipinanganak si Malvar noong 1865 sa Sto. Tomas, Batangas, at naging schoolmate ni Apolinario Mabini.  Ngunit siya ay nagdrop-out.  Naging negosyante na lamang siya ng mga manok at hayup.  Pinahiram pa ni Saturnina Rizal, kapatid ng ating pambansang bayani, si Miguel ng puhunan.  Maging ang Tsinong si Carlos Palanca pinahiram siya ng puhunan ng walang kolateral, at lumawak pa ang negosyo niya maging sa industriya ng asukal.  Bumili siya ng mga lupa sa Sto. Tomas at Banahaw at nagpatanim ng mga oranges at sumikat ang brand na “Naranjita-Malvar” sa buong Pilipinas!  Dahil sa pagiging matipid at marunong makisama, dumoble ang kanyang kita at naging tanyag sa kanyang bayan.  Ginawa siyang gobernadorcillo o mayor.  Astig si Malvar, naging bukas sa kanyang mga opinyon sa harap ng mga prayle at gobernador-heneral, at nang pumutok ang Himagsikang 1896, dinis-armahan ang lokal na pulisya upang itatag ang sariling hukbo na matagumpay na nilusob ang yunit ng mga Espanyol sa Talisay, Batangas, napalaya pa ang nakakulong niyang ama.  Sumama kay Heneral Emilio Aguinaldo at nagtagumpay sa Zapote, at matapos ang maraming labanan, magiging pinunong hukbo ng Batangas, at sa kalaunan ng buong Timog Luzon.  Nang dumating ang mga Amerikano, lumaban siya sa Muntinlupa, Tunasan at sa maraming bayan sa Laguna.  Nang dakpin si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela ng mga Amerikano noong 1901, bilang pangalawa kay Heneral Aguinaldo bilang pinunong hukbo ng Timog Luzon, siya ay itinuturing ng marami na sumunod na Pangulo ng Pilipinas matapos si Aguinaldo.  Sa pag-iisip ng kapakanan ng pamilya at mga tapat na tauhan, sumuko si Malvar sa mga Amerikano noong 1903, isa sa pinakahuli noong Digmaang Pilipino-Amerikano.  Sa edad lamang na 46, namatay si Malvar noong 1911.  Sa kabila ng pagiging magaling na negosyante, nakilalang hindi sakim si Miguel Malvar, isang pahiwatig na imbes na isigaw na ibagsak ang mga mayayaman, kailangang ipakita sa mayayaman na maaari rin nilang mahalin ang bayan at mga kababayan.  Pangulong Miguel Malvar, isa kang bayani!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012, pasasalamat kay Gng. Zarah Escueta ng National Historical Commission of the Philippines sa pagtulong sa akin sa episode na ito)

Si Miguel Malvar, tsinito kapag walang balbas

Heneral Miguel Malvar, rebolusyunaryong may balbas.

Si Miguel Malvar sa kamatayan, dinagsa ang kanyang burol at libing noong 1911. Larawan mula sa Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar.

Si Xiao Chua ang opisyal na tagapagsalita ukol sa mga aral ng pamumuno ni Miguel Malvar noong Lunes, 24 Setyembre 2012 sa Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar, Sto. Tomas, Batangas sa imbitasyon ng curator nito na si Gng. Zarah Escueta.

XIAOTIME, 26 September 2012: DEATH PENALTY SA PILIPINAS, Nakabuti nga ba?

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 26 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Paghahanda sa silya elektrika upang gamitin kinabukasan, 1969, larawan mula sa http://billgann.smugmug.com/Travel/Philippines/7788532_HKdK8p/507111649_HhBEp.

26 September 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=06gJuT1jGck&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  13 years ago, namatay sa pamamagitan ng lethal injection ang convicted rapist na si Pablito Andan noong 1999.  Napatunayan siyang nagkasala sa panggagahasa at pagpatay ng isang babae sa Bataan noong 1994.  Mahaba ang kasaysayan ng Death Penalty sa Pilipinas.  Sinasabing nasa dokumentong nagmula raw sa ating mga ninuno na itinuro sa atin sa paaralan, ang Kodigo ni Kalantiyaw, na ang mga nag-iingay sa mga libingan ay pinapakain sa langgam hanggang mamatay.  Napaparusahan din ng kamatayan ang mga bumibigay sa sobrang pagnanasa, pumapatay ng mga punong mukhang kagalang-galang, o namamana ng mga matatanda kung gabi.  E paano kung sa umaga namana o bata ang pinana?  Well, eventually, napatunayan ni William Henry Scott na fake ang dokumento at sinulat ito lamang ng isang Jose Marco.  Ayos naman pala.  Noong panahon ng mga Espanyol, binabaril tulad ng kay Rizal at ginagarote tulad ng sa GomBurZa ang mga sinasabing taksil sa Inang Espanya.  Sa panahon na wala pang sine, TV at internet, panonood ng pagbitay ang libangan sa Luneta.  Paglilinaw ni Ambeth Ocampo at Vic Torres, hindi pagsakal ang pagpatay ng garote kundi mabilis na pagputol ng spine at mabilis na kamatayan, para humane pa rin.  Well, wala nang makapagsasabi, wala pang nabuhay upang ikwento kung humane nga ito.  Noong panahon ng mga Amerikano, lubid na ang pagbitay tulad ng ginawa kay Sakay noong 1907.  Mula 1926-1976, tayo lamang ang tanging bansa sa mundo liban sa Estados Unidos na gumamit ng silya elektrika.  Itinigil ni Pangulong Tita Cory noong 1986 ang pagbibigay ng parusang kamatayan, na itinuloy naman ng Pangulong FVR, at una ngang nasampolan si Leo Echagaray noong 1999.  Tuluyang ipinatigil ni Pangulong GMA ang death penalty at iniregalo ng personal kay Pope Benedict XVI ang kopya ng batas.   Nang ikomyut tungong habambuhay na pagkakabilanggo ang kaso ng 1,230 na death convicts noong 2006, tinawag ito ng Amnesty International na “largest ever commutation of death sentences.”  Sa aking pananaw, ang parusang kamatayan ay hindi nakakapagpigil ng krimen sa bansa, at sa nakaraang panahon wala pa akong naririnig na mayaman na nabigyan ng parusang bitay, puro mga mahihirap.  Ang layunin ng bilangguan ay hindi talaga parusa kundi pagbabago.  Paano magbabago ang patay na?  Mas mainam pang magpalaya ng maraming nagkasala kaysa kumitil ng buhay ng isang inosente.  Teh, alam niyo ba kung ano ang tunay na nakakapagpapigil ng krimen?  Ang kaalamang hindi ka makakalusot sa krimeng gagawin mo dahil sa tamang pagpapatupad ng batas ng pamahalaan, anuman ang kapurasahan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)

XIAOTIME, 25 September 2012: HISTORY SUBJECT, BORING NGA BA?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 25 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

THE DEAN AND I: Ito ang larawan ko kasama si Dekana Gloria Santos sa aking unang kumperensya ng Philippine Historical Association bilang bahagi ng lupon nito, sa Unibersidad ng Sto. Tomas noong 19 Setyembre 2008.

25 September 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=I-VT_-n7NHU&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Aminin na natin mga chong, ang History para sa mas nakararami ang pinaka-boring na subject sa balat ng lupa.  Malungkot na nagbalik-tanaw ang Dakilang Dean Gloria Santos ng Philippine Historical Association.  Ang nangyayari raw ngayon na kawalan ng pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino ay maituturing na kabiguan, kung hindi man krimen, ng mga guro ng kasaysayan.  Bakit kaya?  Sa pagtatanong ko sa mga estudyante kanilang sinabi sa akin, kasi raw puro memorization—pinapamemorya ng mga hindi maispeling na pangalan, mga mahirap na matandaan na mga lugar at petsa.  Bakit?  Kung alam ba natin ng December 30, 1896 nabaril si Rizal ay magagamit ba natin ito sa pagpunta sa palengke?  Sa palagay ko mayroon pang isang dahilan kung bakit hindi tayo maka-relate gaano sa history.  Kung titingnan sa diskyunaryo ang kahulugan ng History, ito ay “chronological record of significant events.”  Kung ito ay rekord o dokumento ng nakaraan, sino lamang ba ang mga sumulat nito?  Ang mga edukado at nakakapagsulat.  At bakit sila naging edukado?  Dahil sila ay may pera.  Samakatuwid, kung ang History ay written record, ito ay nakaraan lamang ng mga mayayaman at nasa kapangyarihan.  Ika nga “History is written by the victors.”  Tama nga naman, kung titingnan ang History books natin, marami sa mga ito ay kwento lamang ng mga pinuno at heneral o listahan lamang ng mga nagawa ng mga presidente.  Nasaan ang kwento ng mga magsasaka, mga manggagawa, mga mahihirap?  Sabi rin ng mga kababaihan, sa history nasaan ang her-story?  Isa pang problema ang kakulangan ng rekord ng ating mga ninuno ukol sa ating sarili na pasalita kung magsalaysay ng mga epiko at kwentong-bayan.  Kaya darating ang dayuhan at sasabihin sa atin, “Wala kayo na historia?  Isusulat naming ang inyo na historia!  Wala kayo na cultura, bibigyan naming kayo na cultura.”  Kaya naman, binasa natin ang mga isinulat nila ukol sa atin na may pananaw na tayo ay mga barbaro at bobo.  Pinaniwalaan na rin natin na ibinigay nila lahat ng magandang bagay sa atin:  Ang ating relihiyon, ang ating demokrasya, ang ating edukasyon.  Kaya naman, akala lagi natin, ang dayuhan ay laging mas magaling sa atin at sila ang tanging pagmumulan natin ng ginhawa.  Hangga’t ang nakaraan na isinasalaysay ay hindi kwento ng mga Pilipino, maka-Pilipino at para sa Pilipino, ang bayan ay mananatiling alipin lamang ng sariling kamangmangan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)

XIAOTIME, 24 September 2012: PROPETA MUHAMMAD (PBUH), Panahon pa ni Mahoma

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 24 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Pangalan sa Arabe ng pangalan ni Propeta Mahoma (PBUH) sa Lumang Masjid, Edirne, Turkey. Kuha ni Nevit Dilmen, mula sa http://commons.wikimedia.org/wiki/File:Edirne_7331_Nevit.JPG

24 September 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=ui-Q4Y-ZYYo&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Nitong nakaraang mga linggo, nakita natin na maraming nagalit na mga Muslim sa pelikulang “Innocence of Muslims” ni Sam Bacile kung saan ipinakita ang propeta Muhammad (Peace be upon him) bilang isang anak sa labas, babaero, pirata at child-molester.  Kailangan nating maintindihan na sa relihiyong Islam bawal na bawal po ang paggawa ng wangis ng kahit na sino, lalo na ng Propeta Muhammad.  Sa mga mosque, tanging pangalan lamang niya ang isinasabit.  Malalim din ang debosyon ng mga Muslim sa alaala ng kanilang propeta, at itinuturing na tila paglapastangan sa kapamilya ang paglapastangan sa kanya, kaya ganoon na lamang ang kanilang damdamin ukol sa pelikula.  Sino nga ba ang Propeta Muhammad?  Kung naririnig niyo ang katagang “Panahon pa ni Mahoma,” si Mahoma po ay hindi isang Heneral na Hapones kundi ang salin sa Espanyol ng pangalan ng propeta Muhammad.  Taong 570 sinasabing ipinanganak si Mahoma sa Mecca sa may Arabia.  Nahiligan niyang manalangin sa mga kuweba at dito raw niya natanggap mula kay Anghel Gabriel ang mga pahayag ng Diyos na si Allah.  Naisulat ang mga pahayag na ito sa banal na aklat ng Islam, ang Koran na nagpapakita ng halos parehong mga karakter sa Bibliang itinataguyod din ng mga Kristiyano.  Dumami ang kanyang tagasunod ngunit dumami rin ang kanyang mga kaaway, kaya naglakbay siya patungong Medina noong 622.  Ang paglalakbay na ito na tinatawag na Hijra ang siyang simula ng kalendaryong Muslim. Bumalik siya sa Mecca at halos mapayapa niyang nasakop ito.  Ipinasira niya ang mga diyos-diyosan dito.  Dahil sa relihiyong kanyang pinasimulan, ang Arabia ay nagkaisa bilang isang bansa.  Ngunit kahit isa na siyang tinitingalang pinuno, namuhay ng simple sa isang kwarto lamang at patuloy na nakikitang nagwawalis pa ng bakuran, naghanda ng pagkain, nanahi at naghanda ng mga sapatos, ala Secretary Robredo.  Pumanaw si Mahoma noong 632.  Pinili ni Michael Hart si Mahoma bilang una sa listahan ng The 100: A Ranking of the Most Influential Persons in History (1978) dahil hindi lang siya naging matagumpay sa pananampalataya kung hindi gayun din sa pulitika.  Hindi na maitatanggi ang malaking papel ni Mahoma sa kasaysayan ng daigdig.  Kailangang ipagdiwang ang kalayaan sa pamamahayag ngunit maganda rin namang ugali ang rumespeto ng paniniwala ng iba.  Ngunit kung ikaw naman ay malapastangan, sana ay huwag namang ilalagay ang batas sa sarili nating mga kamay.  Muli, isang panawagan ng hinahon.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012, pasasalamat kay Prop. Ayshia F. Kunting sa pagtulong sa akin sa episode na ito)

FM DECLARES MARTIAL LAW: You Saw The Most Famous Headline in Philippine History, Now Read The Rest

Xiao Chua talks about the day Martial Law was proclaimed and shows his personal copy of the most famous headline in Philippine History (Courtesy of The Lasallian).

Daily Express, 24 September 1972: The most famous headline in Philippine History. Now read the rest of the paper scanned from photocopies of the original in the possession of Michael Charleston “Xiao” Chua.  The original I bought for only Php 150.00 when I was still in college in a thrift shop near the Cubao post office now demolished.  Personally signed by First Lady Imelda Romualdez Marcos in 2005.  Download and use but please cite me whenever possible. Thanks.

Published in WordPress to commemorate the 40th anniversary of the headline on the Proclamation of Martial Law, in the service of Filipino teachers and history enthusiasts.

WHY SEPTEMBER 23, WHY NOT 21?  Read this by Manolo Quezon:  http://www.gov.ph/featured/declaration-of-martial-law/

THE DAY MARTIAL LAW WAS PROCLAIMED, read this by Rod Vincent Yabes:  http://www.philstar.com/Article.aspx?articleid=401934

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Xiao Chua, with the most famous headline in Philippine History, 203 Yakal Residence Hall, UP Diliman, December 2003

XIAOTIME, 21 September 2012: LILY, Paggunita sa mga Martir ng Martial Law

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 21 September 2012, at News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Lily Hilao, sa kagandahang loob ni Alice Hilao-Gualberto

21 September 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=DNjSvbx1zfY&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Naaalala ba natin ang pinakaunang pulitikal na detenido na namatay sa loob ng kampo militar sa Kalakhang Maynila noong panahon ng Martial Law? Naaalala pa ba natin si Liliosa Hilao? Kung hindi, ipaaalala natin. 40 taon na ang nakararaan ngayong araw nang ipataw niya ang Batas Militar. Tila naging datu tulad noong panahon ng sinaunang bayan si Apo Marcos. Ang datu ay tabapagbigay ng ginhawa, na mayroon ding magandang asawa na masasabing isang magandang binukot na kanyang dangal at gahum o kapangyarihan, at isang ring babaylan, espiritwal na pinuno, manggagamot at tagasalaysay ng epiko ng bayan. Ngunit kung tagapagbigay sila ng ginhawa, ipinakita nila na kung nais nila, maaari rin nilang pigilin ang ginhawa. Upang payapain ang bayan mula sa isang panganib ng rebelyong NPA na hindi lalampas sa 500 lamang ang bilang, binigyan ng wagas na karapatan ang militar at pulisya. Dumami ang bilang ng sundalo mula 55,000 noong 1972 hanggang 250,000 noong 1984, at lumobo ang budget nito mula 608 milyong piso noong 1972 hanggang 8.8 bilyong dolyar noong 1984. Dahil sa kapangyarihang ito, inaresto nila ang lider-estudyante at makata na si Lily habang isinisigaw sa kanyang tagahuli, “Democracy is dead in the Philippines!”  Sekswal siyang inabuso at natagpuang patay sa CR ng lalaki. Naglason daw ito sa sarili sa pag-inom ng muriatic acid ito ngunit nang kunin ng pamilya ang bangkay, ang katawan nito ay sobrang minaltrato, hindi maaaring ilarawan sa telebisyon. 23 years old lamang siya. Hindi lamang si Lily ang baging biktima, ayon sa Amnesty International, 70,000 ang kinulong, 34,000 ang natortyur, 3,240 ang pinaslang at 700 pa ang nawawala. Marami sa kanila ay mga kabataan, ideyalistiko, mga cum laude. Hindi man mismo ang Pangulong Marcos ang nagpapatay sa kanila isa-isa, hindi pinarusahan ang mga taong gumawa ng mga ito. Bakit hindi na natin maalala ito? Walang malayang media na magkukuwento. Wala pang fb at twitter. Halos maubos ang mga dreamers at idealists na dapat sanang naging mga mayor at congressmen natin ngayon. Nagtaka pa tayo kung bakit tayo nagkakaganito ngayon. Wala na si Lily, wala na rin sina Tonyhil, Laurie, Edjop, Eman, Bobby at Ninoy. Kapag hindi tayo nagbantay at maulit ito, baka anak mo na ang susunod. NEVER AGAIN TO MARTIAL LAW. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 14 September 2012)

 

Justice for Aquino, Justice for All, mula sa Koleksyon Dante Ambrosio.

 

Pagiging bahagi nina Jonathan Balsamo at Xiao Chua sa pag-aalay ng Pangulo ng Pilipinas at ng Armed Forces of the Philippines sa mga bayani at martir ng Martial Law sa Bantayog ng mga Bayani, sa ika-40 anibersaryo ng pagpataw ng Batas Militar sa Pilipinas, 21 Setyembre 2012.  Sa kagandahang loob ni Jonathan Balsamo.

 

XIAOTIME, 20 September 2012: HINDI LANG SI NINOY (Mabuting dulot ng Batas Militar)

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 20 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang mga bayani ng People Power noong Pebrero 1986, kuha ni Patrick Uy

20 September 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=tVQk2QRs5OM&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  May maganda bang naidulot ang Martial Law liban sa mga imprastraktura, OPM at mga love bus?  Mayroon.  Dumami ang mga bayani.  Akala ng iba, si Ninoy Aquino lang ang lonely hero noong Martial Law na ipinataw 40 years ago, na nagsimula lamang ang People Power nang mapaslang siya noong 1983.  Unfair ito sa napakaraming nakibaka at nagbuwis ng buhay.  Unfair ito mismo kay Ninoy, na noong nasa kulungan pa lamang ay sinamahan ang bayan sa paghihirap at pakikibaka nang ito ay hindi kumain ng 40 days!  Dalawang buwan pagkatapos pa lamang ipataw ang Martial Law, mayroon nang nagpupukpok ng mga tray sa mga kantina ng UP Diliman bilang protesta; Noong 1976, nanalo na ang mga unyonista sa La Tondeña sa isang strike.  Naglabas na ang “Philippine Collegian” editor na si Ditto Sarmiento ng edisyong “Kung Hindi Tayo Kikilos Sino ang Kikilos, Kung Hindi Ngayon Kailan Pa” nang bumisita sa UP ang pangulo.  Kahit walang fb at twitter, nagdidikit na ang mga estudyante ng mga slogan at nagpapakalat ng mga mimeo ng pakikibaka kahit baka sila mahuli o mapatay.  Nag-oorganisa na ang mga taga-Tondo pati ang mga taga-Kalinga.  Isinusulat na nila Lino Brocka, Behn Cervates, Freddie Aguilar at APO Hiking Society ang kanilang mga likhang-sining pamprotesta,  magiging aktibo ang mga abogado at mga pulitiko tulad nina Tañada, Diokno, Saguisag, at iba pa sa pagtulong sa mga biktima ng Human Rights Violations kasama ang Kardinal Arsobispo ng Maynila, mga madre, pari at mga imam.  Si Chino Roces ay haharap pa rin sa tear gas at mga tubig ng bumbero sa kabila ng kahinaan at katandaan.  Nang mamatay si Ninoy, doon na sumama ang mga middle class, mayayaman at iba pang sektor, pero naihanda ang ang daan.  Bayani kayong milyong-milyong taong nakipaglibing kay Ninoy, nakipagprotesta, nakimeron at nakisigaw sa People Power kasama ang inyong mga anak.  May maganda bang naidulot ang Martial Law?  Oo, nalaman natin na puwede palang magkaisa ang mga Pilipino gamit ang iba’t iba nilang talento at kakayahan para tapusin ito noong 1986.  Sana, ang mga talentadong Pinoy ay magkaisa muli para bigyang ginhawa ang bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 14 September 2012)

XIAOTIME, 19 September 2012: ISANG DAKOT, Ekonomiya Noong Martial Law

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 19 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Pope John Paul II kasama ang kanyang sekretaryang si Stanislaw Dziwisz at ang mag-asawang Marcos sa Manila International Airport noong Pebrero 1981.  Larawan mula sa: http://www.juice.ph/cms_images/3882/feb1981manillaairportph3ph.jpg

19 September 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=2br8jLwbZlg

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sumikat sa MetroPop noong Nineteen Eighties ang “Isang Dakot.”  Ano ang nag-inspire kay Louie Ocampo na isulat ang lyrics nito?  Sagot:  Nang bumisita kasi si Blessed John Paul II sa Pilipinas noong 1981, nakita niyang nagsulputan ang mga malalaking puting pader sa ruta na kanyang dadaanan. Ikinukubli sa likod nito ang mga maralitang tagalungsod at ang ating kahirapan!  “…Isang dakot na gunita ang bulong ng isang dukha / Na humihingi sa tulad mo, sa tulad mong ganap ang karangyaan / Ba’t di bigyan?  Tapunan mo ng pagtingin na’ng langit ay ‘di magdilim.”  May mga nagsasabi na mas ok ang ekonomiya noong Martial Law:  Totoo naman, ang daming naipatayong kalsada at tulay na hanggang ngayon pinakikinabangan natin.  Pasasalamatan mo si Imelda kapag kahit na mahirap ka makapagpagamot ka pa rin sa kanyang Heart Center.  Ngunit ang naaalala natin ay ang ganda ng ekonomiya noong mga unang taon ng Martial Law.  Pero lomobo ang bilang ng mga walang trabaho 6.30 % noong 1972 hanggang 27.65 % noong 1985.  Ang utang panlabas natin na 360 Milyong dolyar nooog 1962 ay lumaki hanggang 28.3 Bilyong dolyar noong 1986, at naging isa sa topnotcher na utangero sa Asya.  Mula dalawang piso sa dolyar sa pagsisimula ng rehimen noong 1965, ang palitan ay naging anim na piso sa isang dolyar matapos gumastos ng pera ng bayan sa pinakamaruming halalan sa bansa noong 1969.  Pagdating ng 1986, 25 pesos na ang isang dolyar.  At ito ang malala, ang inflation rate ay tumaas mula 10 % noong 1983 hanggang 50 % noong 1984, ang pinakamataas na infalation rate mula pa noong digmaan.  Habang naagaw sa mga Marcos sa kanilang pag-alis sa bansa ang 24 na maleta ng ginto, diamante sa mga diaper, at sa palasyo naiwan ang libo-libong sapatos ng Unang Ginang.  Bakit hindi alam ito ng mga magulang natin?  Kasi naman teh, epektibong naitago ito ng sensura at mga puting pader.  Aminin!  Hanggang ngayon, sobra atang natuto ang mga opisyal natin mula sa style ng Martial Law, naglalagay pa rin ng puting pader upang ikubli ang kahirapan.  Chong, maawa naman kayo sa bayan, isang dakot man lang.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 14 September 2012)

XIAOTIME, 18 September 2012: BAKIT NA-BAN ANG VOLTES V?

Broadcast of Xiaotime news segment last Tuesday, 18 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

18 September 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=XV-R_9OxlAA

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sisimulan natin ngayon ang serye ng pagbabalik tanaw natin: REMEMBERING MARTIAL LAW @ 40.  40 taon na ang nakalilipas sa Biyernes, September 21, 1972, pinirmahan ni Pangulong Marcos ang Batas Militar.  Ngunit naramdaman lamang ito ng bayan after two days, September 23, 1972.  Paggising nila, walang dyaryo, walang radyo, walang telebisyon.  Ngunit sa pagtatapos ng araw, bigla na lamang nagkaroon ng signal ang Channel 9.  Ipinalabas ang Amerikanong kartuns na “The Wacky Races.”

Ngunit sa gitna ng paghahabulan nina Penelope Pitstop at Dick Dasturdly, naputol ang programa at tumambad sa telebisyon si Press Secretary Kit Tatad at binasa ang proklamasyon ng Martial Law, at eventually 7:15 ng gabi, lumabas mismo si Pangulong Marcos at sinabing “I have proclaimed Martial Law to save the republic and reform our society.”

Maraming inosenteng kartuns ang ipinalabas noong mga panahong iyon.  Ginagawa na tayong mga behave na bata ng ating Daddy Andy at Mommy Meldy.  Sa kalaunan, pinasalamatan ng kabataan ang rehimen dahil ang Hapones na kartuns na Voltes V ay pinalabas noong 1978, ngunit, bago ito natapos, bigla na lamang itong na-ban.  Tsk.  Sabi ng pamahalaan dahil ito sa karahasan.  Nga ba?  Tanong ng maraming galit na bata kung bakit itinuloy ang Daimos e pareho lang naman silang bayolente.  Noong maipalabas ang ending ng Voltes V noong 1999, alam na natin kung bakit.  May subersibo palang mensahe na dapat pabagsakin ang mapaniil na rehimen tulad ng kay Prince Zardos at ng Boazanian Empire.

Sabi nila, walang ibinigay na pagbabago ang EDSA.  Para sa akin mayroon po.  Kung ngayon, kaya nating mamili kung ano ang pwede nating panoorin, sabihin / at itakda ang sarili nating buhay, noong Martial Law, ang puwede lang magtakda ng buhay nating 48 Milyong Pilipino ay ang Daddy Andy.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 13 September 2012)

 

Post Script:

Ang kasagutan ko na may “subersibong elemento” sa Voltes V kaya ito na-ban ay aking unang narinig mula sa pagbabahagi na ibinigay ng Likasyan na si G. Redante dela Cruz sa Sampaksaan ng UP Lipunang Pangkasaysayan na “Batas Militar sa Likod ni Voltes V” sa Palma Hall 207, UP Diliman noong 27 July 2004.  Isa siyang matinding fan ng Voltes V.  Nang buhayin ko ang tanong bilang pamagat ng aking lektura ukol sa Martial Law at People Power, may ilang mga magagandang komento akong natanggap na nagbibigay sa atin ng clue sa totoong mga pangyayari ukol sa pagka-ban ng Voltes V.  Ang una ay noong 3 August 2012 mula sa kaibigang G. Rod Vincent Yabes:

http://www.facebook.com/photo.php?fbid=10151123196452437&set=a.10150109438062437.311025.582402436&type=3&theater

  • Rod Vincent Yabes …Tungkol naman sa tanong hinggil sa Voltes V, ito ay nawala sa ere hindi lamang dahil sa temang violente nito tulad ng iba pang animated series kagaya ng Mazinger Z, UFO Grendizer at Vanguard Ace. Bumababa na rin ang ratings ng mga ito nuong panahon na iyon. Maging ako ay hindi nanunuod ng Voltes although nakapanuod na ako ng ilang palabas ng Vanguard Ace. Ito ay pinalitan ng mga local educational programs para sa mga kabataan tulad ng Kulit Bulilit, Kutitap, atbp. Nagkaroon din ng biblical animated shows kagaya ng Super Book at Flying House. Subalit hindi naman totally banned ang mga animated robot shows dahil nagkaroon pa ng “Voltron.” Ang “He-Man: Master of the Universe” ay violente rin, subalit hindi siya inalis sa ere.
    August 3 at 6:37pm · Edited · Unlike · 1

At ilang araw matapos kong i-tape ang episode na ito para sa Xiaotime, noon lamang Lunes, 17 September 2012, natanggap ko ang sagot na ito mula mismo sa isa sa nag-dub ng Voltes V, ang klasmeyt kong si Bb. Celina S. Cristobal na isang manunulat at anak ni G. Adrian Cristobal.  Siya na ang susi para malaman ang totoong nangyari sa Voltes V:

http://www.facebook.com/photo.php?fbid=10151215299312437&set=a.10150109438062437.311025.582402436&type=1&relevant_count=1

  • Celina S. Cristóbal go Michael! Pero bago ka magkamali, si Polly Cayetano ng Catholic Women’s League ang nagpatanggal ng Voltes V, hindi si Marcos. Dubber ako nuon kaya alam na alam ko yan. Na pressure ang gobyerno (one of the few times it was) kaya nawalan ako ng trabaho. 😀
    Monday at 2:54pm · Unlike · 2
  • Michael Charleston Briones Chua Oo nga, sige, pero kasi marami na ring speculation. Sige maging bahagi ng mga sagot ang sagot niyo.
  • Michael Charleston Briones Chua Nakita ko nga name niyo sa dubbers Ma’am Celina S. Cristóbal. Kako kilala ko ito. Pero ma’am sa inside info niyo bilang anak ni Sir Adrian hindi naman gusto ni Marcos ipatigil ang Voltes V? Kasi bakit daw ang Daimos ay tumuloy naman e pareho namang violent yun? Di tinigil ng simbahan? Hahaha. Nagiging interesting ang Voltes V discourse.
  • Celina S. Cristóbal ahaha. hindi, natigil rin yan. Dubber kc ako ng Voltes V, Daimos at Mekanda Robot. Nawala pambayad ko ng tuition bigla, kaya nagtrabaho na ako sa iba. Nagreklamo ako sa tatay ko na ba’t ganun? Violent din naman ang Warner Bros at ibang Kanong cartoons. Wala daw magawa si Marcos dahil nga Catholic Women’s League at ang daming magulang na sumang-ayon (pero malamang na middle-class at upper middle-class na pamilya; at wala namang boses ang mga bata, di tulad ngayon). at bakit magpo-protesta ang kaliwa o ibang org? Cartoons lang yan, di pa Pinoy. Nung natunugan ng mga boss ko na patatanggal ng Catholic Women’s League yung mga robot anime, binili na nila yung rights ng Candy, Candy at iba pang “wholesome” na Japanese anime.
  • Celina S. Cristóbal I suppose ang puno’t dulo nito ay political approval at socio-economics. 5 years into martial law, i believe, at kailangan bumigay sa lahat ng mga sektor para matanggap na mas malalim ang martial law. Tapos, malakas ang merchandising ng Japanese robot anime, and of course the evolution of violence in animation, and un-American, was too unreal (compared to the “cuteness” of aniimals), and therefore real, for the unevolved older generation. Evolved ang parents ko kaya wala silang nakitang masama. Eh ang iba tulad ng CWL?
  • Michael Charleston Briones Chua Thanks, enlightening ito Ma’am Celina S. Cristóbal. Kasi siyempre I’ve been sharing the textual interpretations of some people. With your first-hand story I can add the factual, kayo po bilang akademiko rin, nabasa ko na the government used the word “violent and subversive” in their statement stopping Voltes V. Tama ba yung nabasa ko?
  • Michael Charleston Briones Chua Yan din ang maganda when you share publicly your lectures kasi in the end, kahit na magkamali ako, nacocorrect agad-agad.
  • Celina S. Cristóbal well, of course you can read into the texts since that is what is available. Voltes V had a revolutionary theme, one that Marcos could have also used. It was anti-feudal, anti-capitalism, royalty, in fact anti-oligarchy. I’m not defending the man only that if you are to use texts, you should also peruse the circumstances, i.e. context, of that particular aspect. the CWL was making headlines for days, asking for the anime’s remnoval, before the govt acted on it. I understand the call was derided as well but Ms Cayetano (I hope she doesnt read this haha) was seen as rabid, unreasonable but powerful, as a constituency. Alam ko ang “excessive violence”; the subversive part i think is a “reading”, or a more plausible reason for censorship.
    Monday at 7:44pm · Like · 1
  • Xiao Chua Wow, salamat po… Tama talaga kayo, interesting. Catholicism in the Philippines heri hodie semper
    Monday at 7:52pm · Like · 1
  • Celina S. Cristóbal Sorry Michael Ang haba pala neto! Significant kc SA Buhay ko. Haha. Tigil na po ako!

Magbabago ba ang sagot ko sa tanong na yan?  In fairness kay Pang. Marcos, ayaw nga niyang ipatigil ang Voltes V ngunit hindi rin maikakaila na nang magpadala siya sa pressure ng Simbahan, siya pa rin ang may kapangyarihan na pumutol nito, DAHIL KAYA NIYA.  At dahil dito hindi na malilimutan ng maraming Pilipino ang papel niyang ito sa kasaysayan ng kanilang pagkabata.