XIAOTIME, 25 September 2012: HISTORY SUBJECT, BORING NGA BA?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 25 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

THE DEAN AND I: Ito ang larawan ko kasama si Dekana Gloria Santos sa aking unang kumperensya ng Philippine Historical Association bilang bahagi ng lupon nito, sa Unibersidad ng Sto. Tomas noong 19 Setyembre 2008.

25 September 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=I-VT_-n7NHU&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Aminin na natin mga chong, ang History para sa mas nakararami ang pinaka-boring na subject sa balat ng lupa.  Malungkot na nagbalik-tanaw ang Dakilang Dean Gloria Santos ng Philippine Historical Association.  Ang nangyayari raw ngayon na kawalan ng pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino ay maituturing na kabiguan, kung hindi man krimen, ng mga guro ng kasaysayan.  Bakit kaya?  Sa pagtatanong ko sa mga estudyante kanilang sinabi sa akin, kasi raw puro memorization—pinapamemorya ng mga hindi maispeling na pangalan, mga mahirap na matandaan na mga lugar at petsa.  Bakit?  Kung alam ba natin ng December 30, 1896 nabaril si Rizal ay magagamit ba natin ito sa pagpunta sa palengke?  Sa palagay ko mayroon pang isang dahilan kung bakit hindi tayo maka-relate gaano sa history.  Kung titingnan sa diskyunaryo ang kahulugan ng History, ito ay “chronological record of significant events.”  Kung ito ay rekord o dokumento ng nakaraan, sino lamang ba ang mga sumulat nito?  Ang mga edukado at nakakapagsulat.  At bakit sila naging edukado?  Dahil sila ay may pera.  Samakatuwid, kung ang History ay written record, ito ay nakaraan lamang ng mga mayayaman at nasa kapangyarihan.  Ika nga “History is written by the victors.”  Tama nga naman, kung titingnan ang History books natin, marami sa mga ito ay kwento lamang ng mga pinuno at heneral o listahan lamang ng mga nagawa ng mga presidente.  Nasaan ang kwento ng mga magsasaka, mga manggagawa, mga mahihirap?  Sabi rin ng mga kababaihan, sa history nasaan ang her-story?  Isa pang problema ang kakulangan ng rekord ng ating mga ninuno ukol sa ating sarili na pasalita kung magsalaysay ng mga epiko at kwentong-bayan.  Kaya darating ang dayuhan at sasabihin sa atin, “Wala kayo na historia?  Isusulat naming ang inyo na historia!  Wala kayo na cultura, bibigyan naming kayo na cultura.”  Kaya naman, binasa natin ang mga isinulat nila ukol sa atin na may pananaw na tayo ay mga barbaro at bobo.  Pinaniwalaan na rin natin na ibinigay nila lahat ng magandang bagay sa atin:  Ang ating relihiyon, ang ating demokrasya, ang ating edukasyon.  Kaya naman, akala lagi natin, ang dayuhan ay laging mas magaling sa atin at sila ang tanging pagmumulan natin ng ginhawa.  Hangga’t ang nakaraan na isinasalaysay ay hindi kwento ng mga Pilipino, maka-Pilipino at para sa Pilipino, ang bayan ay mananatiling alipin lamang ng sariling kamangmangan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)