XIAOTIME, 26 September 2012: DEATH PENALTY SA PILIPINAS, Nakabuti nga ba?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 26 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Paghahanda sa silya elektrika upang gamitin kinabukasan, 1969, larawan mula sa http://billgann.smugmug.com/Travel/Philippines/7788532_HKdK8p/507111649_HhBEp.

26 September 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=06gJuT1jGck&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  13 years ago, namatay sa pamamagitan ng lethal injection ang convicted rapist na si Pablito Andan noong 1999.  Napatunayan siyang nagkasala sa panggagahasa at pagpatay ng isang babae sa Bataan noong 1994.  Mahaba ang kasaysayan ng Death Penalty sa Pilipinas.  Sinasabing nasa dokumentong nagmula raw sa ating mga ninuno na itinuro sa atin sa paaralan, ang Kodigo ni Kalantiyaw, na ang mga nag-iingay sa mga libingan ay pinapakain sa langgam hanggang mamatay.  Napaparusahan din ng kamatayan ang mga bumibigay sa sobrang pagnanasa, pumapatay ng mga punong mukhang kagalang-galang, o namamana ng mga matatanda kung gabi.  E paano kung sa umaga namana o bata ang pinana?  Well, eventually, napatunayan ni William Henry Scott na fake ang dokumento at sinulat ito lamang ng isang Jose Marco.  Ayos naman pala.  Noong panahon ng mga Espanyol, binabaril tulad ng kay Rizal at ginagarote tulad ng sa GomBurZa ang mga sinasabing taksil sa Inang Espanya.  Sa panahon na wala pang sine, TV at internet, panonood ng pagbitay ang libangan sa Luneta.  Paglilinaw ni Ambeth Ocampo at Vic Torres, hindi pagsakal ang pagpatay ng garote kundi mabilis na pagputol ng spine at mabilis na kamatayan, para humane pa rin.  Well, wala nang makapagsasabi, wala pang nabuhay upang ikwento kung humane nga ito.  Noong panahon ng mga Amerikano, lubid na ang pagbitay tulad ng ginawa kay Sakay noong 1907.  Mula 1926-1976, tayo lamang ang tanging bansa sa mundo liban sa Estados Unidos na gumamit ng silya elektrika.  Itinigil ni Pangulong Tita Cory noong 1986 ang pagbibigay ng parusang kamatayan, na itinuloy naman ng Pangulong FVR, at una ngang nasampolan si Leo Echagaray noong 1999.  Tuluyang ipinatigil ni Pangulong GMA ang death penalty at iniregalo ng personal kay Pope Benedict XVI ang kopya ng batas.   Nang ikomyut tungong habambuhay na pagkakabilanggo ang kaso ng 1,230 na death convicts noong 2006, tinawag ito ng Amnesty International na “largest ever commutation of death sentences.”  Sa aking pananaw, ang parusang kamatayan ay hindi nakakapagpigil ng krimen sa bansa, at sa nakaraang panahon wala pa akong naririnig na mayaman na nabigyan ng parusang bitay, puro mga mahihirap.  Ang layunin ng bilangguan ay hindi talaga parusa kundi pagbabago.  Paano magbabago ang patay na?  Mas mainam pang magpalaya ng maraming nagkasala kaysa kumitil ng buhay ng isang inosente.  Teh, alam niyo ba kung ano ang tunay na nakakapagpapigil ng krimen?  Ang kaalamang hindi ka makakalusot sa krimeng gagawin mo dahil sa tamang pagpapatupad ng batas ng pamahalaan, anuman ang kapurasahan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)