IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Month: October, 2023

Saan nagmula ang salitang Undas?

By XIAO CHUA

First published by GMA News, November 1, 2015 10:20am

Dahil panahon na naman ng Todos Los Santos at pupunta na naman tayo sa sementeryo upang alalahanin ang ating mga mahal sa buhay, balikan natin ang mga tradisyon ng ating mga ninuno na may kinalaman sa mga yumao. 

Dahil sa impluwensyang Katoliko ng mga Espanyol, naitali sa Todos Los Santos o All Saints’ Day ang paggalang natin sa mahal nating mga kaanak na yumao at tila ang ating mga namatay na ninuno ay itinuturing na rin natin na mga santo na nasa langit kasama ng Panginoon.  

Ang doktrina ng Santa Iglesia Catolica Romana ay nagsasabi na ang namatay na mahal sa buhay ay ipinapanalangin upang mahango sa purgatoryo, mapunta sa langit o magabayan ang kanilang mga kaluluwa sa kabilang buhay.  

Panahon ng Sinaunang Bayan

Ngunit hindi ba kayo nagtataka, kapag undas ay hindi lamang natin ipinapanalangin ang mga patay, nagdadasal tayo mismo sa kamag-anak natin at kinakausap natin sila?  Ito ay pagpapatuloy ng sinaunang kulturang Pilipino na mas matanda pa sa Katolisismo sa Pilipinas.  

Pagdating ng panahon, kapag tayong lahat ay wala na dito sa mundong ibabaw, libu-libong taon ang lilipas, ang mga tao sa hinaharap ay mahuhukay ang ating mga libingan.  At sa mga libingan na ito makikita nila kung paano tayo mamuhay.  Tulad ng ginagawa ng ating mga arkeyologo ngayon, hinuhukay nila ang mga libingan ng ating mga ninuno at nagkakaroon sila ng ideya sa kung ano ba ang pamumuhay ng mga tao noon batay sa anyo ng paglilibing at sa mga gamit na isinasama sa mga bangkay.  

Noong unang panahon ng mga ninuno nating Austronesians, naglilibing ang mga Pilipino sa mga banga.  Iba-iba ang klase nito.  May isang natagpuan na hugis itlog na banga na inilibing sa lupa.  Makikita na sa bangang ito, buong tao ang inililibing.  Ang tawag dito ay Primary Burial Jar.  Sa ibabaw ng libingan ay may mga bato na ihinugis sa bangka.  Salamin ito ng halaga sa ating mga ninuno mula Luzon hanggang Mindanao ng kultura sa paglalayag o Maritime Culture ng mga Pilipino, at naniniwala silang sa pamamagitan ng katubigan at bangka dinadala ang mga kaluluwa sa kabilang buhay.  

Sa mga kapatid nating Badjao sa Sulu, ang kanilang mga pananda sa mga libingan na tinatawag na sunduk ay disenyo ng bangka na may nakatayong tao.  

Tila kahalintulad din ito ng pinakamahalagang libingang banga sa Pilipinas na natagpuan sa Kuweba ng Manunggul sa Palawan, ang Manunggul Jar na ang edad ay tinataya nilikha noong 710 B.C.  Ang disenyo ng takip ay tila mga alon sa dagat at sa ibabaw nito, dalawang kaluluwa na nakasakay sa isang Bangka-kaluluwa na may mukha.  Mga buto na lamang ang inilalagay dito kaya maituturing ito na Secondary Burial Jar.  Noong 1991, daang-daang secondary burial jars ang natagpuan sa Ayub Cave sa Maitum, Saranggani.  Ang mga takip ay pinaniniwalaang representasyon ng nakalibing, disenyo ng iba’t ibang mukha.  

Tulad nang makikita sa bangang panlibing na Manunggul, naniwala ang mga ninuno natin na ang ating mga kaluluwa kapag tayo ay namatay ay naglalakbay at dumadaan sa mga ilog at dagat patungo sa kabilang buhay bilang salamin ng ating maritime culture.  Sa Batanes, may mga natagpuang mga libingan sa lupa ngunit ang kanilang mga pananda ay mga batong hugis Bangka, at sa Cordillera na kahit bulubundukin, ang mga kabaong kung saan sila naglilibing sa mga kweba ay hugis bangka rin!  

Ang mga kaluluwa ng mga namatay ay itinuturing na anito na nagbabalik sa kalikasan, sa mga ilog, sa mga bundok, sa mga bato at sa mga punongkahoy.  Sila ay kinakatawan ng mga estatuwa at inaalayan at dinadasalan natin ang mga ninuno natin na ito.  At pinaniniwalaan na nakikipag-usap pa ang mga anito sa atin noon sa pamamagitan ng mga babaylan at catalonan.  

Kaya hanggang sa ngayon ipinagpapatuloy natin ang pakikipag-usap sa mga namayapa.

Pinag-aralan naman ni Dr. Grace Barretto-Tesoro sa kanyang disertasyon sa Cambridge ang mga libingan ng mga ninuno natin sa Calatagan, Batangas kung saan natagpuan ang mga ninuno natin na nakalibing kasama ang mga shells na Tridacna gigas, ang iba ay may mga ginto at alahas, at ang iba may mga ibang bungo na nakalibing.  Ang bangkay na ito ay pinaniniwalaan na sa isang Catalonan, ang babaylan o espituwal na pinuno sa Luzon.  

Bayan sa Panahon ng Kolonyalismo

Ang pista ng patay sa Pilipinas ay tinatawag nating “Undas.”  Nang tanungin ko si Dr. Lars Raymund Ubaldo, ang salitang “Undas” ay nagmula sa Espanyol na “honras funebres” o funeral honors na sa ibang lalawigang Tagalog ay naging “honras” at “undras,” at sa Ilocos ay “atang” na tinatawag ding “umras.”

Pinag-aralan ni Dr. Ubaldo ang kaugalian sa Ilocos ng pagtagis sa burol na ang inaawit ay ang buhay ng namatay.  Tawag dito sa tagulaylay na ito ay dung-aw.  Tila pagpapatuloy ito ng sinaunang pag-awit ng epiko ng mga ninuno natin.

Noong unang mga taon ng ika-20 siglo, ayon sa Kapampangang si Alex R. Castro, ang pagpapalibing ay P 30.00 na samantalang ang mananahi ay sumasahod ng P5.00 lamang kada buwan.  

Kung ikaw ay Katoliko, nararapat ka lamang ilibing sa Sementeryong Katoliko.  Ang mga ito ay itinuturing din na banal na lugar kaya tinawag itong Campo Santo—banal ang mga inililibing dito.  Kadalasan sa mga sementeryo na ito ay mayroon isang ermita, o isang maliit na simbahan tulad ng nabisita ko sa Paniqui, Tarlac; Vigan, Ilocos Sur; at sa San Joaquin, Iloilo.  Isa sa pinakasikat na Sementeryong Katoliko sa bansa ay ang Sementeryo ng Nagcarlan. Dahil ito ay nasa mataas na lugar, tila mayroon itong basement kaya tinawag itong Underground Cemetery.  Sa mga tagong lugar na ito lihim na nagpulong ang Katipunan sa Laguna noong Himagsikang 1896.  Ang mga hindi Katoliko ay inililibing sa Sementeryo halimbawa ng mga Tsino.  

Ang mga tao rin noon ay kumukuha ng Recuerdos de Patay o “Souvenirs of the Dead,” tulad ng obra na ito ni Simon Flores ng isang patay na bata na ipinagpatuloy naman sa pagpapalitrato kasama ang patay.  Kung minsan itinatayo pa ang kabaong para makita ang patay sa loob.  

Ayon kay Ambeth R. Ocampo, ang peryodikong Renacimineto Filipino ay napakahilig na ilabas ang litrato ng kamatayan ng mga bayani.  Ito si Miguel Malvar matapos malagutan ng hininga noong 1911, full coverage ang kanyang libing.  Nilathala din ang larawan ng ina ni Rizal “en enfermedad” o sa kanyang pagkaksakit, at “el cadaver” bilang isang bangkay!  

Ang Kahulugan ng D.O.M. sa mga Puntod

Sa mga semeteryo, makikita rin sa disenyo ng mga puntod ang kalagayan ng tao.  Isang obra ni Guillermo Tolentino ay nakalagay dati sa isang puntod ng isang mayaman sa Bulacan na ngayon ay nasa Pambansang Tipunan ng Sining sa Pambansang Museo ay isang malaking rebulto ng anghel na katulad ng anghel sa taas ng Monumento ni Bonifacio sa Caloocan, ngunit ito ay tila nakabuka ang palad na nagsusumamo sa Diyos na tanggapin ang kaluluwa ng yumao.  

Nagsimula tayong maglibing sa mga kabaong na may mga panandang krus o mga lapida noong panahon ng mga Espanyol.  Kung maykaya ka, maaari kang mailibing sa loob ng Simbahan tulad nitong mga pamilyang Roxas, Zobel at Ayala na mayroong sariling kapilya sa Simbahan ng San Agustin sa Intramuros.  

Sa pagtingin sa mga lumang simbahan sa Pilipinas makikita mo ang mga nakasulat sa lapida tulad ng  “Recuerdo de la Familia”—katumbas ngayon ng nakalagay na “Family Remembrance.”  Liban sa R.I.P. (Hindi pa Ingles noon na Rest in Peace kundi Latin na “Requiescat in pace”) at D.E.P. para sa Espanyol na “Descansar en Paz,” mayroon ding D.O.M.  Akala ng iba, Dirty Old Man ito, pero nagmula pa pala ito sa mga paganong Romano na nagsasabi na Deo, Optimo Maximo, “To the Greatest and Best God,” pinauubaya na ang mahal sa buhay sa kandungan ng makapangyarihang Diyos.  Kung mahirap ka sa Katagalugan, hindi Latin o Spanish ang mga letra na nakalagay sa lapida mo kung hindi S.L.N.—hindi yan “Sa Lagnat Namatay” ha kundi “Suma Langit Nawa.”  

Ang mga libingan ay hindi lamang himlayan o lugar na katatakutan, ito ay isang mayaman na batis ng ating kasaysayan.  

Ang Halloween at ang Pagpasok ng Komersyalismo sa Undas 

Tulad ng maraming aspekto ng kultura, ang Undas ay ginawang negosyo sa pagdating ng impluwensyang Amerikano sa Pilipinas sa pagpapakilala nila ng konsepto ng Halloween.

Ipinagdiriwang sa daigdig ang Halloween tuwing October 31.  Ang salitang ito ay nagmula salitang “All Hallow’s Evening,” ang kahulugan ng “hallow” ay saint dahil gabing bisperas nga ito ng All Saints’ Day.  

Kasabay nito ang bisperas ng pista ng mga patay na ipinagdiriwang pa ng mga sinaunang Celtic bilang “Samhain” kung kalian pinaniniwalaan nilang bumabalik sa mga tahanan nila ang kaluluwa ng mga ninuno nila.  Ginugunita nila ito sa pamamagitan ng “trick or treat,” kumbaga, kung may kakatok sa iyo at hindi mo bigyan ng kahit ano ay maaari ka nilang lokohin ng mga pranks.  Upang kumatawan sa mga kaluluwa na maaari kang saktan o patayin kung maging maramot ka, nagsusuot ng kung anu-nong nakatatakot na costume ang mga bata.  

Gayundin, gumagawa ng mga inukitang kalabasa o pumpkin ang mga Kanluranin upang pantaboy sa mga masasamang demonyo na naglipana sa tuwing Holloween.  1866 unang nabanggit ang koneksyon ng Holloween at pumpkin sa Amerika.  Mapapansin din na sa kwentong bayan sa Kanluran, ang mga mangkukulam ay may nakaugalian na gawing mga pumpkin ang mga tao.  Dahil sa komersyalisasyon at globalisasyon, umabot ang mga Kanluraning praktis na ito sa Pilipinas.  Kung anu-anong kasuotan at mga dekorasyon ang nabibili ukol dito at kung anu-anong party at reunion ang nagaganap sa panahong ito.  Ang dung-aw ay napalitaan na ng videoke.  Tila nagsanib ang komeryalismo ng kanluran at ang pagiging masaya at pagbubuklod ng mga Pilipino na makikita kahit sa mga lamay.

Ngunit sa kabila nito, sana hindi natin malimutan ang dahilan ng undas, ang pag-alala sa ating mahal sa buhay, na panatilihin sila sa ating puso kahit sila ay wala na.  

Mabalik tayo sa undas.  Ang lumang terminong Kapampangan sa pag-aalay ng mga bulaklak sa mga patay ay “Daun.”  Parang binaligtad lang na Unda.  

Muli, ngayon alam niyo na ang UNDAS ay nagmula sa Honras Funebres, hindi sa binaligtad na “SADNU?”  Dahil hindi naman sad ang pista ng patay sa Pilipinas, hindi ba HAPPYNU ito?  

Happy Undas!  

_______________________________________________________________________________

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.    Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.    Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:    Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.  

Retraction ni Jose Rizal: Mga bagong dokumento at pananaw

By XIAO CHUA

First published in GMA News, December 29, 2016 7:05pm

There seems to be no end to the debate whether Rizal retracted his writings against the Catholic Church on the very last day of his life. Will a new independent testimony settle the debate finally?

Ayon sa ilan, si Jose Rizal, na pinaslang ng mga kolonyalistang Espanyol 120 years ago, December 30, 1896, ay naging bayani dahil sa kanyang mga sinulat upang wasakin ang ideya ng kolonyalismo at palayain ang isip natin upang mabuo ang bansa—ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo at ang kanyang mga sanaysay sa La Solidaridad, na kumuwestiyon sa mga paniniwalang nakabubulag sa atin, lalo na ang pagsunod sa kagustuhan ng mga prayle bilang sugo ng Diyos.

Ngunit, ilang oras bago siya barilin, pinirmahan daw ni Rizal ang isang dokumento na nagsasabing siya raw ay isang Katoliko at binabawi niya lahat ng kanyang mga sinulat laban sa simbahan. Nakilala ang dokumento bilang ang retraktasyon, “The Retraction.” Dahil sa kanyang pagbabalik-loob sa simbahan, ikinasal sila ni Josephine Bracken, ang kanyang huling pag-ibig.

http://images.gmanews.tv/webpics/2016/12/Ang_sinasabing_Retraktasyon_ni_Rizal_(Courtesy_of_Ambeth_R_Ocampo)_2016_12_29_17_16_23.jpg

Ang sinasabing retraktasyon ni Rizal. Courtesy Ambeth R. Ocampo

http://images.gmanews.tv/webpics/2016/12/Salin_ng_Dokumento_ng_Retraktasyon_2016_12_29_17_20_46.jpg

Salin ng dokumento ng retraktasyon

Ayon sa ilan, mas lalong naging dakila si Rizal sa pagkilala ng kanyang mga kamalian laban sa pananampalataya. Ngunit para naman sa marami, hindi kapanipaniwala na sa huling sandali ng kanyang buhay, babawiin niya ang kanyang mga sinulat, ang dahilan ng kanya mismong pagkabayani. Para na rin niyang itinapon ang kanyang kabayanihan.

  • Ang testimonya ni Padre Vicente Balaguer

Kahit natagpuan ang sinasabing dokumento ng retraktasyon noong 1935, patuloy ang pagdududa. Lalo na sa itinuturing na natatanging eyewitness account ng pangyayari—ang isinulat ng Heswitang si Padre Vicente Balaguer. Paano naman kasi, ang resonableng si Rizal ay bigla na lamang nagising ng makailang beses, apat na beses na nangumpisal, nagpamisa, nangomunyon at nagrosaryo pa. Kakatwa para sa ilan, kabilang na ako.

Isa ako sa mga historyador na hindi naniniwala sa retraktasyon. At para sa akin, hindi na matatapos ang “Retraction Controversy.”

Isa lamang ang maaaring magresolba nito, sabi ko—kung magkakaroon ng isa pang eyewitness account ng gabi at umagang iyon na maaaring magpatunay o magpasinungaling sa retraktasyon o sa testimonya ni Padre Balaguer.

  • Ang testimonya ng Cuerpo de Vigilancia

Nitong 4 August 2016, binasa ni Commissioner Rene R. Escalante, ang OIC ng National Historical Commission of the Philippines, ang isang “Professorial Chair Lecture sa Rizal Studies” na pinamagatang “Re-examining the Last 24 Hours of Rizal Using Spy Reports” sa De La Salle University.

Sa mga dokumento ng mga espiyang Espanyol na tinatawag na Cuerpo de Vigilancia, matatagpuan ang ulat na isinulat sa araw ng kamatayan ni Rizal ni Federico Moreno, na nagkukuwento ng pahayag sa kanya ng isang ahente ng Cuerpo de Vigilancia, isang bantay sa selda ng Rizal, samakatuwid, isang “additional independent eyewitness account.”

http://images.gmanews.tv/webpics/2016/12/Ang_Unang_Pahina_ng_Report_ni_Federico_Moreno_(Cuerpo_de_Vigilancia,_NCCA)_2016_12_29_17_16_46.jpg

Ang unang pahina ng ulat ni Federico Moreno (Cuerpo de Vigilancia). Courtesy National Commission for Culture and the Arts

Ayon sa pahayag, sumulat si Rizal ng isang papel na narinig niyang ang retraktasyon. Binanggit rin ang dalawang paring Heswita na pumasok sa piitan ni Rizal—si Padre Jose Vilaclara at Padre Estanislao March, at dalawa pang tao, sina Juan del Fresno at Eloy Moure. Narito ang ilang bahagi ng sanaysay na isinalin na sa Ingles mula sa wikang Espanyol:

“Most Illustrious Sir, the agent of the Cuerpo de Vigilancia stationed in Fort Santiago to report on the events during the [illegible] day in prison of the accused Jose Rizal, informs me on this date of the following:

“At 7:50 yesterday morning, Jose Rizal entered death row accompanied by his counsel, Señor Taviel de Andrade, and the Jesuit priest Vilaclara. At the urgings of the former and moments after entering, he was served a light breakfast. At approximately 9, the Assistant of the Plaza, Señor Maure, asked Rizal if he wanted anything. He replied that at the moment he only wanted a prayer book which was brought to him shortly by Father March.

“Señor Andrade left death row at 10 and Rizal spoke for a long while with the Jesuit fathers, March and Vilaclara, regarding religious matters, it seems. It appears that these two presented him with a prepared retraction on his life and deeds that he refused to sign. They argued about the matter until 12:30 when Rizal ate some poached egg and a little chicken. Afterwards he asked to leave to write and wrote for a long time by himself.

“At 3 in the afternoon, Father March entered the chapel and Rizal handed him what he had written. Immediately the chief of the firing squad, Señor del Fresno and the Assistant of the Plaza, Señor Maure, were informed. They entered death row and together with Rizal signed the document that the accused had written. It seems this was the retraction.

Makikita na ang dalawang binanggit na opisyal, sina Juan del Fresno at Eloy Moure, ay ang mga nakapirma mismo sa dokumento ng retraktasyon na tumayong mga saksi. Gayundin binanggit ng guwardiya na bago dalhin sa Luneta si Rizal, ikinasal siya kay Josephine Bracken:

“At 5 this morning of the 30th, the lover of Rizal arrived at the prison …dressed in mourning. Only the former entered the chapel, followed by a military chaplain whose name I cannot ascertain. Donning his formal clothes and aided by a soldier of the artillery, the nuptials of Rizal and the woman who had been his lover were performed at the point of death (in articulo mortis). After embracing him she left, flooded with tears.”

At ang nakagugulat, itinala ni Moreno, ang lahat ng taong pumasok sa selda noong gabing iyon, ni minsan, walang binanggit na may pumasok na Padre Balaguer. Ibig sabihin wala si Padre Balaguer doon, maaaring secondary source na lamang siya at kinapanayam lamang sina Padre Vilaclara at Padre March upang buuin ang kanyang testimonya.

Mayroon akong malaking paniniwala na walang dahilan para magsinungaling ang guwardiya o si Moreno lalo na at ginawa nila ang tala sa mismong panahon na iyon.

  • Ang sinulat ni Rizal sa kopya ng “Imitations of Christ”

Kamakailan, isang kopya ng “De La Imitacion de Cristo” na isinulat ni Thomas á Kempis ang ipinaubaya sa Direktor ng Pambansang Museo ng Pilipinas, Jeremy Barns. Ito ang mismong kopya na ibinigay ni Rizal kay Josephine Bracken sa kanyang huling pagbisita dito sa araw ng kanyang kamatayan. Isinulat niya dito, “To my dear and unhappy wife, Josephine, December 30th, 1896, Jose Rizal.”

http://images.gmanews.tv/webpics/2016/12/Kopya_ng_De_La_Imitacion_de_Cristo_(Courtesy_of_Jeremy_Barns)_2016_12_29_17_17_16.jpg

Kopya ng ‘De La Imitacion de Cristo.’ Courtesy Jeremy Barns

http://images.gmanews.tv/webpics/2016/12/Kopya_ng_De_La_Imitacion_de_Cristo_na_may_sulat_ni_Rizal_(Courtesy_of_Jeremy_Barns)_2016_12_29_17_17_37.jpg

Kopya ng ‘De La Imitacion de Cristo’ na may sulat ni Rizal. Courtesy Jeremy Barns

Liban sa tinawag niyang “wife” o asawa dito si Josephine, na maaaring magpatungkol sa pagiging legal ng kanilang kasal, ang mismong aklat na ibinigay niya sa huling babaeng kanyang minahal ay isang aklat ukol sa paggaya sa landas ni Kristo. Namatay siyang Kristiyano.

  • Ang paglalagay ng “krus” sa kanyang mga huling sulatin

Ang krus ang unibersal na simbolong Kristiyano. Pinaalala sa akin ni Prop. Wensley Reyes ng Philippine Normal University na sa dalawang sulatin ni Rizal bago mamatay binanggit niya ang simbolong ito.

Sa kanyang huling bilin sa pamilya na hindi na nila natanggap hanggang noong 1953 (ang sulat ay naging bahagi ng donasyon ng Spanish Foreign Minister Alberto Martinez Artajo y Alvarez sa pamahalaang Pilipinas):

“Ilibing niyo ako sa lupa. Lagyan ninyo ng panandang bato at KRUS. Ang aking pangalan, araw ng kapanganakan at ng kamatayan. Wala nang iba. Kung pagkatapos ay nais niyong bakuran ang aking puntod, maaari niyong gawin. Wala nang anibersaryo. Mas mabuti kung sa Paang Bundok. Kaawaan ninyo si Josephine.”

Sa kanyang huling tula, binaggit din ni Rizal ang panandang krus sa kanyang libingan ng dalawang beses.

“Suffer the moon to keep watch, tranquil and suave, over me:
Suffer the dawn its flying lights to release:
Suffer the wind to lament in murmurous and grave manner:
And should a bird drift down and alight on my CROSS,
Suffer the bird to intone its canticle of peace.

“…And when my grave is wholly unremembered
And unlocated (no CROSS upon it, no stone there plain):
Let the site be wracked by the plow and cracked by the spade
And let my ashes, before they vanish to nothing,
As dust be formed a part of your carpet again.”

Kung titingnan ito, si Rizal ay nais na mabigyan ng isang Kristiyanong libing, samatuwid, namatay na isang Kristiyanong Katoliko.

Kaya naman sa liwanag na dala ng mga bagong labas na mga dokumento at mga bagong interpretasyon, maaari ngang si Jose Rizal ay nag-retract. Maaari ngang totoo ang retraktasyon. May dahilan kung bakit niya isinulat ang dokumento.

Ngunit mahalaga pa ba talaga kung totoo ito? Mababago ba ang paninindigan at nagawa ng isang tao sa kanyang buong buhay ng pagtindig at katapangan ng isang papel na pinirmahan niya sa araw ng kanyang kamatayan? Hindi. Hindi. — BM, GMA News

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.