Walang konsepto ng Human Rights ang mga Pilipino: Sagot ng kasaysayan sa malaking kabalintunaan

Binigkas sa “Fighting the Big Lie:  A Lecture Series on Democracy and Disinformation” ng The Consortium on Democracy and Disinformation at The Asian Center on Journalism at the Ateneo de Manila University noong 10 Disyembre 2021, International Human Rights Day. Malaking pasasalamat sa paanyaya ni G. John Nery: https://www.facebook.com/holyangel1933/videos/456328555834707

Michael Charleston “Xiao” Chua

Para sa akin bilang isang public historian, sa usaping pangkasaysayan sa Pilipinas, ano ba ang malaking kabalintunaan?

May mga nagsasabi na ang human rights o karapatang pantao ay kinopya lamang natin mula sa Kanluran.  Na walang konsepto ng human rights ang mga Pilipino.

Nakakabit sa isyu na ito ang pagkakaroon ng tendensiya, hindi lamang ng mga Pilipino, subalit maging ng mga iba pang mamamayan sa Southeast Asia, na kumikiling sa mga malalakas na pinuno.  At ang ibig sabihin daw ng malakas na pinuno ay awtokratiko, diktador o yung kagustuhan lamang niya ang nasusunod.  Hindi demokratiko at puwede niyang isawalang bahala ang human rights.  May nagsasabi na kailangan ito dahil matigas raw ang ulo ng mga Pilipino subalit may nagsasabi rin na gusto lang daw sumunod sa utos ng mga Pilipino.  Medyo magulo.

Kung tutuusin, ang malaking kabalintunaan ay hindi talaga purong kasinungalingan.  Nakabatay ito sa ilang katotohanang nakikita natin sa ating paligid.  Hindi ba’t kaysa individual rights o karapatan ng bawat isang tao, ang mas pinahahalagahan ng mga Asyano ay ang higit na kabutihan ng lahat?  Gayundin, hindi ba’t ilang beses na ring sinuportahan ng mga Pilipino ang mga awtokratikong pinuno?  Kung tutuusin, matapos na ipataw ni Pangulong Marcos ang Batas Militar noong 1972, hindi ba hindi naman agad naghimagsik ang nakararami?  Tila naniwala sila na ito ay para naman sa kabutihan ng lahat.  Sa kabila ng libo-libong pinahirapan at napatay sa kamay ng mga puwersa ng estado at iba pang mga kalabisan tulad ng pandarambong na naitala pa sa Guinness Book of Records, 14 na taon pa bago nagkaroon ng People Power at iyon ay nang bumagsak na ang ekonomiya at nagtaas ang presyo ng mga bilihin?  Hindi naging ganap na isyu sa maraming Pilipino ang kinasadlakan ng mga human rights violations victims.

Hanggang sa ngayon, tumatanggap ng suporta mula sa bayan ang mga pinunong nagapapakita ng kalakasan at tendeniyang awtokratiko.  Sa katunayan, ito ang hinihingi ng marami.

Ngunit, hindi ibig sabihin na wala tayong konsepto mula sa Pilipinas ng human rights.  Mayroon, at mauugat natin ito sa kung papaano ba natin dapat ituring ang ibang tao ayon sa ating kultura. 

Carmen Peñalosa, Ph.D.
Zeus Salazar, Ph.D. (Obra ni Bon Bernardo)

Ayon kay Dr. Carmen Peñalosa ng Miriam College, may itinuturing tayong tatlong uri ng nilalang—Una ay ang “tao.”  Sentral sa pagiging tao ang pagkakaroon ng “kaginhawahan.”  Mula sa salitang ginhawa na ang kahulugan ayon sa pag-aaral ng historyador na si Zeus Salazar ay mabuting pakiramdam, magandang kalusugan, komportableng buhay, o katiwasayan ng isip); Pangalawang uri ay ang mga hayop at halaman na nagbibigay ng ginhawa sa tao sa pamamagitan ng pagkain ng mga ito; at ang pangatlong uri ay ang aswang, na siyang diumano ay nagtatanggal ng kaginhawahan sa tao.

Samakatuwid, kung ikaw ay tao, dapat na itrato ka bilang isang tao.  At para sa isang tao, ang dapat, na siyang pinagmulan ng karapatan, ay ang pagkakaroon ng ginhawa.  Sa tamang pagtrato sa iyo dumadaloy ang ginhawa.

Makikita rin ang konsepto ng karapatang pantao sa ang ating konsepto ng “kapwa” na walang katumbas na salita sa Ingles.  Ibig sabihin ng kapwa, ay nakikita natin ang sarili natin sa ibang tao.  Samakatuwid, kung nakikipagkpawa-tao ang nakararami—hindi ba’t iginagalang mo ang dapat na pagtrato sa ibang tao, sa kapamilya mo, mga kaibigan at sa buong lipunan sa pangkalahatan.  Sapagkat kung lahat ay nakikipagkapwa-tao at nagiibigan bilang magkakapatid, hindi ba’t giginhawa ang buong bayan?  Kung gayon, walang kontradiskyon sa karapatang pantao, pagiging malaya at kabutihan ng lahat. 

May isang sikat na blogger ang nagsabi, “Do we really need freedom, or do we need discipline?” Sobra sobra na raw ang kalayaan ng tao na gawin ang lahat ng ibig niya kaya kailangan isuko na ng bayan ang kanyang kalayaan sa ating lider.  Disiplina na lang daw.  Ngunit ito ay pagbabaluktot sa diwa ng Kalayaan.  Ang Kalayaan ay hindi ang kalayaang gawin ang lahat, sapagkat ayon sa mga sulatin ng bayaning Heneral Emilio Jacinto, sa adhikain ng Kalayaan, “napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat.”  Nagiging malaya ang lahat dahil gumagawa ang bawat isa ng mabuti, samakatuwid, disiplina.

Heneral Emilio Jacinto

Ang pagsasabi na nakasasama ang kalayaan ay pagyurak sa diwang ipinaglaban ng mga bayani. Kahiya-hiya. Ang disiplina ay kaakibat ng Kalayaan, hindi kalaban nito! Hindi dapat isakripisyo ang kalayaan para lamang sa disiplina. Magkasama dapat ito. Sapagkat ang pagrespeto sa batas at ang pagrespeto sa karapatan ng iba ay tunay na pag-ibig sa bayan at sa kapwa.

Mula sa diary ni Pangulong Ferdinand Marcos

Which brings me to my next point.  Sa sikolohiya ng mga sinaunang Pilipino, ang pagiging mabuti ay konektado sa pagkakaroon ng matuwid na kaluluwa na naka-align sa langit.  Sa paniniwala ng mga Pilipino, konektado ang kaluluwa sa ginhawa.  Dapat mabuti ang iyong kalooban at matuwid ang kaluluwa upang tunay na guminhawa.  Kaya sa Katipunan, bago ka lumaban, kailangan munang pag-aralan mo ang Kartilya ni Jacinto na siyang nagtuturo ng tamang asal at pakikipagkapwa, “Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.”

Samakatuwid, ang pagiging mabuti o matuwid ay pinagmulan ng salitamg katuwiran na kapwa inuugnay natin sa pagkakaroon ng tamang pag-iisip at maging sa konsepto ng katarungan, na by the way, ay isang mas bagong term sa Filipino na galing sa salitang Bisaya na “tarong” na ang kahulugan ay matuwid rin.

Xiao Chua kasama si Vim Nadera at National Artist Virgilio S. Almario

Sa mga sulatin ni National Artist Virgilio S. Almario, ipinapaliwanag niya na ang makatang si Francisco Balagtas ay isang bayani sapagkat ang mga konseptong ipinunla niya sa Florante at Laura ang siyang dinala ng mga bayaning nagluwal sa ating pagkabansa.  Sa Florante, sinulat ni Balagtas ang nangyayari sa pagkatalo ng tinatawag na “santong catouiran” – “Ang magandang asal ay ipinupukol / sa laot ng dagat ng kutya’t linggatong; balang magagaling ay ibinabaon / at inililibing na walang kabaong.”

Francisco Balagtas
Florante at Laura

“Sa loob at labas ng bayan kong sawi, / kaliluha’y siyang nangyayaring hari, / kagalinga’t bait ay nalulugami,

/ ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”

Sa pagkatalo ng katuwiran, ang kataksilan ang hari at pinapalakpakan, ang mabuting gawa ay ikinakahiya at pinarurusahan.  Hindi ba at ito ang nangyayari sa panahon ng abuso sa karapatang pantao?

At kung may “human rights,” ipinakita rin ng ating mga bayani na may “human wrongs”—ano ang maling ginagawa sa tao.  Sa isang tula na ipinapalagay na kay Pangulong Andres Bonifacio, ito raw ang ginagawa noong ng Madre España sa mga dumadaing sa mga problema ng lipunan:

Pangulong Andres Bonifacio (Obra ni Pablo Amorsolo)

“Gapusing mahigpit kaming lumuluhog; / Lamugin sa sikad, kulata at suntok, / Makinahi’t ibitin na gaya ng hayop; / Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

“Ypabilanggo at saka sa dagat itapon; / Barilin, lasunin, patain sa gutom; / Sa aming Tagalog ito baga’y ampon, / ng Ynang maguiliw sa lahat ng kampon?”

Malinaw na ipinakita ni Andres Bonifacio ang tinutukoy ni Balagtas na pagkawala ng “santong catuiran” at ang hindi dapat na gawin sa isang kapwa tao.

Ngunit bakit pinapayagan ng maraming kababayan natin ang karahasan laban sa kapwa?  Bakit marahas na rin tayo sa pagtrato ng ating kapwa sa social media dahil hindi lamang tayo naniniwala sa kanila.  Sapagkat binigyan tayo ng ideya na dapat na ituring natin na “aswang” imbes na “tao” ang mga taong kalaban natin.  Kailangang ituring kang aswang, upang tanggalan ka ng ginhawa.  Hindi na tao ang tingin sa iyo.  Ito ang ginagawa noon at ngayon sa mga kritiko ng pamahalaan, at gayundin sa mga adik na kung tutusin mas kailangan ng ating tulong upang mapagbago.

Study on Oil on Canvas, for the Philippine Revolution by Jorge Pineda (Courtesy of Leon Gallery)

Ngunit hindi ba marahas din ang ating mga ninuno na bagani o nangangayaw?  Hindi ba marahas din ang tawag ng Katipon sa kanilang sarili.  Kailangan ng konteksto:  Sa panahon ng ating mga ninuno, totoong may karahasan ang pangangayaw o pangungubat ng ating mga ninuno sa kanilang mga kalaban.  Pinupugutan nga nila ng ulo ang kanilang mga kalaban upang kunin ang “gahum” o “kapangyarihan” ng mga ito at iuwi bilang dangal ng bayan.  Subalit kahit sa kanilang sinaunang sistema, may dinadaanan itong mga rituwal, kailangang makatuwiran ang dahilan ng pangungubat.  Sa mga Katipon naman, panahon iyon ng himagsikan, karahasan ang sagot sa 333 taon nang kolonyalismo.  Sa kanilang kaisipan, marahas sila sa kalaban ng kalayaan at sa mga sumuporta dito. 

Ngunit kahit nga si Andres Bonifacio ay may konsepto ng demokrasya na nangmula sa Pilipino.  Tinawag niya ang unang pamahalaang mapanghimagsik na “Haring Bayan.”  Samakatuwid, ang bayan ang hari, na kung tutuusin ay katumbas ng Kapangyarihang Bayan o People Power.

Andres Bonifacio, Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan

May proseso at konteksto ang karahasan ng mga nauna sa atin.  Ang konteksto natin sa kasalukuyan ay mayroon tayong mga batas, mayroon na tayong mga proseso, mayroon na tayong estado na dapat nagpapadaloy ng proseso.  Iyon dapat ang nagtatakda kung ang isang tao ay dapat tanggalan ng kalayaan o ginhawa. 

Ngunit bakit tayo narito?  Sa kabila ng People Power noong 1986, kung saan pinakita nating mga Pilipino ang pagmamahal natin sa demokrasya at kaparapatang pantao, tila ngayon isinusuka na ang mga ito ng marami?  Bakit ganito na tayong mag-isip?  Kailangan nating aminin na matapos ang himagsikan ng bayan, may ilan sa ating mga lider, pambansa man o loka, ang nakita natin na inabuso para sa sarili nilang kapakinabangan ang ating electoral system, ang ating justice system, ang ating political system.  Kumbaga, nanaig ang elite democracy, demokrasya nga pero iilan lamang ang nananaig, interes lamang ng iilan ang nanaig.  Sa kabila ng pagtatangka ng iba na maging mabuting mga pinuno, para sa marami, nakita nila na imbes na kapangyarihang bayan ay ginagamit upang pagsilbihan ang bayan, nagiging kapangyarihan ng may per ana nagsisilbi sa interes ng iilan.  Imbes na ang kalayaan at demokrasya at magbunsod sa kaginhawahan ng lahat, nagbunsod ito sa kaginhawahan lamang ng iilan.

Hindi ganito ang tunay na demokrasya.  Tulad nang ipinakita ng ating mga bayani, ang Kapangyarihang Bayan o Haring Bayan, ang pagtataguyod nang kung ano ang DAPAT para sa tao, ay nagdudulot ng kaginhawahan.  Subalit mangyayari lamang ito kung gagawin natin ang ating bahagi. 

Anlakas rin kasi ng pamana ng diktadura sa mga Pilipino, ang sentralisasyon ng kapangyarihan, imbes na sa mamamayan ito.  Pinamalas niya na tulad daw ng sinaunang datu, siya lamang ang nagpapamudmod ng ginhawa at puwede namang magpatigil ng pagdaloy ng ginhawa

Tunay na may tendensiya ang mga Pilipino na sumandig sa mga malalakas na pinuno.  Subalit kailangang liwanagin na hindi ibig sabihin na malakas na pinuno, o pamunuang datu, ay awtokratiko, sapagkat sa sinaunang bayan, ang datu ang pinakamagaling na bagani.

Ano nga ba ang “bagani”?  Ang bagani ang sinaunang mandirigma sa ating mga ninuno.  Ngunit ayon sa mga eksperto ng wika, ang “bagani” ay nagmula sa salitang Tagalog na “bayani,” Bahasa Malay na “Berani” at Austronesian o Javanese na “wani,” samakatuwid ito ay nasa wika na ng mga ninuno nating pinagmulan.  Ang ibig sabihin ng “wani” ay tumutulong sa kapwa ng walang inaasahang kapalit, at ginagamit ang kakayahan upang ayusin ang kabuuan o ang lipunan.  Kaya ang tawag natin sa government employee ay kawani ng pamahalaan.

Kaiba sa “Hero” ng Kanluran na ekstrardinaryo at may persona, ayon kay Zeus Salazar, hindi mayabang ang “bayani” sa Pilipinas.  Siya ay may kababaang loob, laging kasama niya ang bayan, at nakatuon sa pagsusulong ng interes ng mga kasama.

Bagani (Pintados) mula sa Boxer Codex of 1590

Kung ganito ang “bagani” at ang datu ang pinakamagaling o batikan (kasi maraming batek o tattoo) na “bagani” samakatuwid, ang datu ay hindi nagpapakasasa sa pagpapaibayo ng sariling interes kundi iniaalay ang sarili sa paglilingkod sa kapwa.

Hindi rin totoong awtomatikong ang mga anak ng datu ang nagiging susunod na datu, bagama’t ito ang kadalasang nangyayari.  Ngunit nararapat na patunayan muna ng hahalili na mayroon siya ay magaling rin sa sandata at pamumuno.  Kung hindi na nais ng bayan ang datu o ang kanyang angkan, hahamunin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng sandata.  Kaya sa diwa nito, oo nga’t pinapayagan ng bayan at inihahalal pa nga nila ang mga dinastiyang pulitikal, ngunit ito ay habang nakikita pa ng bayan na nagsisilbi pa sila para sa kanilang interes.

Datu Lapulapu ng Mactan, ang kanyang bayan ang tumalo kay Magellan, obra ni Carlo Caacbay

Ang datu ang nagpapadaloy ng ginhawa ng bayan, bagama’t siya ang may-ari ng mga lupa at mga bangka, hinahayaan niyang ito ay pakibangan ng bayan.  Ito ang papel ng estado sa kasalukuyang panahon.  At upang magkaroon ng tunay na kaginhawahan ang bayan, kailangan hind imaging dorobo, bagkus magkaroon ng katuwiran at mabuting kalooban ang mga pinuno.

Ngunit, huwag kayong magkamali, hindi natin pinapakahulugan dito na hindi dapat sugpuin ang kriminalidad.  Ayon nga sa dakilang bayani na si Apolinario Mabini, “Kapag ang kapwa mo tao ay …pinagtatangkaang lipulin ang iyong buhay at kalayaan at pag-aari, ay dapat mo namang ibuwal at lipulin siya.” Ngunit ano kaya ang ibig sabihin ng salitang ibuwal.  Patayen???  Abogado si Mabini, nainiwala siya sa proseso ng batas.  Makatuwiran.

Apolinario Mabini

Muli, ang pagkakaroon ng strong leader ay hindi nangangahulugang diktadura, kundi ang paggamit ng malakas na kapangyarihan sa tama at nararapat:  ang proteksyunan ang dapat na kaginhawahan, ergo, ang karapatan ng mamamayan. 

Paano kaya natin matutugunan ang malaking kabalintunaan na kailangan natin ng awtokratikong mala-diktador na lider at hindi natin kailangan ang karapatang pantao.

Tulad ng nabanggit, ang malaking kabalintunaan ay nagmula rin naman sa ilang katotohanan.  Hindi dapat natin sisihin ang bayan kung naging walang silbi ang tingin nila ukol sa demokrasya at karapatang pantao.  Ito ay produkto ng kanilang mga nakita at naranasan matapos na maibalik sa atin ang demokrasya. 

May narinig ako na mga nagbibigay daw ng “voters’ education” to make our voters “smarter” raw.  Umaalingasaw ang elitismo ng ilan sa atin kahit na maganda ang ating hangarin.  Hindi nakatutulong ang insultuhin ang bayan sa kanilang paniniwala.  Hindi nakatutulong na sila at tawaging “bobotante” o ignorante.  Inuulit ko, ang kanilang mga pananaw ay produkto ng ng historikal na karanasan. 

Hindi elitismo ang dapat na isagot, iyon bang ang tingin lang natin sa demokrasya ang tama.  Ang dapat na sagot natin ay ipakita ang tunay na demokrasya, na ang kahulugan ay isang tunay na talastasang bayan na naiintindihan ng mamamayan.  Tingnan natin ang kanilang pananaw, at patuloy natin silang iengage ng may paggalang at pakikipagkapwa ang kahulugan ng demokrasya ngunit dapat ito ay magkasaysay sa kanila.

Sa makatuwid, kulang ang diskurso ng pagpapakita lang na kailangan natin ng demokrasya at karapatang pantao, kailangang dalhin natin ang usapin sa kung papaanong ang paggalang sa karapatang pantao, demokasya at kalayaan ay dapat magdulot ng kaginhawahan.

Nagsisimula ito sa tunay na desentralisasyon, ang gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga kapangyarihan sa Local Government Code upang hindi na umasa ng todo sa pambansang lider lamang at gamitin ang kanilang autonomy sa pagpapaunlad ng sariling mga lalawigan at lokalidad.

Ang mga hakbang na ito ay hindi madali, malaki ang gawain.  Hindi man tayo magwagi ngayon, kailangan natin magpunla para sa panahon na darating na ang pagsibol ng Kalayaan at kaginhawahan sa bayan.  Huwag tayong panghinaan ng loob, kailangan lang nating magsimula sa ating kalooban, hindi man tayo perpekto.  Magsisimula tayo sa pag-ibig sa bayan, samakatuwid, pagrespeto sa kakayahan na maintindihan ka ng kapwa mo Pilipino.

Sapagkat kung tayo mismo ay hindi natin nirerespeto ang kapwa natin at ang kanyang kakayahan at karapatan, ang Bill of Rights o ang Katipunan ng mga Karapatan at ang ating Saligang Batas ay isang walang saysay na kapirasong papel lamang.  Hindi totoong hindi buhay ang konsepto ng human rights sa mga Pilipino, sapagkat TAYO MISMO ang Katipunan ng mga Karapatan.

Maraming salamat po at mabuhay ang Haring Bayan!

Sinyut noong 13 Setyembre 2021