IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Month: November, 2012

XIAOTIME, 30 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Unang Pangulo ng Pambansang Pamahalaan

Broadcast of Xiaotime news segment today, 30 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanging larawan ng Supremo Andres Bonifacio na nagpapatunay na 1) Hindi niya kamukha si Gardo Versoza 2) Nag-amerikana siya at hindi lang kamisa chino (empleyado kasi siya sa internasyunal na mga kumpanya sa Maynila noon). Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo at PDI.

30 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=RHmS4O2uFbE

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  149 years ago ngayong araw, November 30, 1863, isinilang si Andres Bonifacio, batang Tondo, Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at pambansang bayani.  Sa susunod na taon, 2013, ipagdiriwang na natin ang Boni@150.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Sabi nila, si Bonifacio raw ay walang pinag-aralan, mapusok at isang bobong bodegero.  Liwanagin natin.  Hindi totoong ipinanganak na super hirap si Andy, may tutor nga raw siya noong bata pa siya.  Ang ina niya ay isang mestisang Espanyol.  Ngunit nang mamatay ang kanyang mga magulang noong kanyang kabataan, bilang panganay kailangan niyang buhayin ang kanyang limang kapatid.  Doon siya nagsikap.  Nagbenta ng mga baston at pamaypay na abaniko at naging raket niya ito hanggang 1896!!!

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Natuto sa sariling sikap na magbasa sa Espanyol at naging bihasa sa Wikang Tagalog, nagbasa ng ukol sa Rebolusyong Pranses, mga pangulo ng America, Les Miserables ni Victor Hugo at ang mga nobela ni Rizal.  Nakumpiska ang mga aklat sa kanyang opisina noong rebolusyon.

Nagsikap na matuto sa sarili at naging palabasa. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Naging empleyado ng dalawang international companies sa Maynila, ang Fleming and Co. at ang Fressel and Co. bilang bodegero o clerk, hindi po kargador, na messenger rin, na marahil naging dahilan na madali niyang naipalaganap ang Katipunan.  Hindi alam ng marami na isa siyang aktor sa teatro na may sariling theatre company, ang Teatro Porvenir.  Ang paborito niyang karakter ay si Bernardo Carpio, ang mitikal na Haring Tagalog na nakagapos sa pagitan ng dalawang bundok na kapag lumaya ay iligtas ang mga Tagalog mula sa mga Espanyol.

Popular na representasyon kay Bernardo Carpio, pinipigil magsalpukan ang dalawang bundok. Guhit ni Ricky Serrano Mula sa Merrian Webster & Bookstore.

Noong July 3, 1892, sumali sa La Liga Filipina ni Rizal na nag-aadhika ng pagkakaisa ng mga Pilipino bilang isang katawan.  Pero after three days inaresto si Rizal at itinapon sa Dapitan.  Kinabukasan, itinatag ni Bonifacio ang Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK.  Ngunit hindi siya agad naging Supremo.  Siya lamang ang ikatlo sa mga umupo sa pwestong ito.  Biyernes Santo ng 1895, pinangunahan niya ang mga Katipunero sa pagtungo sa mga kweba ng Bundok Tapusi sa Montalban.

Bundok Tapusi, Montalban. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Sinulat nila sa mga pader, “Naparito ang mga Anak ng Bayan, Hinahanap ang Kalayaan.  Mabuhay ang Kalayaan!” na tila idinedeklara na ang ating kalayaan.  Ang tila kambal na bundok sa Montalban ang mitikal na lugar ng pinaggapusan kay Bernardo Carpio na tila sinasabi, kami si Bernardo Carpio, ang mga anak ng bayan ang magliligtas sa bayan, handa kaming magsakripisyo ng buhay tulad kay Kristo. Kung mapusok siya, paano niyang napanatiling lihim ang kanyang samahan ng matagal?  Kung hindi siya magaling paano kumulat bilang pambansang samahan ang Katipunan?  Ibinalik niya ang mga elemento ng sinaunang bayan tulad ng sandugo sa ritwal ng Katipunan, magkakapatid tayo sa iisang Inang Bayan, anak tayo ng bayan.  Na walang tunay na kalayaan kung walang ginhawa na natatamo lamang kung malinis ang kaooban, makatwiran, may dangal at puri.

Sanduguan sa Katipunan,. Detalye ng mural na “History of Manila” ni Carlos V. Francisco.  Nakalagak sa City Hall ng Maynila.

Nang pumutok ang himagsikan, nahalal siya ng Kataas-taasang Sanggunian ng KKK na unang pangulo ng unang pambansang revolutionary government, mas nauna pa doon sa kay Hen. Emilio Aguinaldo.  Bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, ang Tagalog ay lahat ng nangagkakaisang Anak ng Bayan na pawang mga taga-ilog, ang hari ay hindi mga pinuno, kundi ang bayan.

Sa wanted poster sa isang Kastilang pahayagan noong Pebrero 1897, kinilala mismo ng mga kalaban ang unang panguluhan ni Andres Bonifacio sa Pamahalaang Rebolusyunaryo. Mula sa Studio 5 Publishing, Inc.

Sa kanyang pagkamatay noong 1897, naudlot ang konsepto niyang ito.  Hindi pa tapos ang laban, kailangan natin itong ipagpatuloy!  Sa pagkakaroon ng malinaw na konsepto ng bansa na nag-uugat sa mga konsepto at kalooban ng bayan, si Bonifacio ay dapat kilalanin bilang Ama ng Sambayanang Pilipino.  Mabuhay ang Supremo!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(On the taxi and at PTV, 22 November 2012)

XIAOTIME, 29 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Supremo Bilang Pinunong Militar

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 29 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang hinirayang paglalarawan sa Supremo ng Katipunan, Andres Bonifacio bilang Pinunong Militar na binihisan ng rayadillo. Bilang isang aktor sa teatro, kung ang kanyang mga heneral ay may uniporme, ang kanyang bihis ay pihadong mahalaga para sa kanya. Mula sa Tragedy of the Revolution ni Adrian Cristobal at ng Studio 5 Publishing.

29 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=xG63WzrxUrI

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Bukas ang 149th birth anniversary ng Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at ang ating Pambansang Bayani na si Andres Bonifacio.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Ang sabi-sabi si Bonifacio ay bobo at walang istratehiyang militar!  Lahat ng labanan niya ay natalo.  Huh???  Liwanagin natin.  Naging matagumpay ang Cavite sa pagputok ng himagsikan noong 1896 dahil sa mga trintsera na pinlano ni Edilberto Evangelista na nag-aral ng inhinyeriya sa Brussels, Belgium.

Ang inhinyerong nagtapos sa Belgium, Edilberto Evangelista. Larawan mula kay Dr. Isagani Medina.

Ngunit matapos ang ilang buwan, nang bumalik ang mga pwersang Espanyol mula sa digmaan sa Mindanao, dumami na ang mga Espanyol at unti-unti nang bumagsak ang mga bayan sa Cavite.  Ayon kay Zeus Salazar, ang digmaang trintsera na nagmula sa Kanluran ay kabisado ng mga Espanyol, magastos, hindi madaling maiwanan, madaling mapaligiran, at kapaki-pakinabang sa mga Espanyol kapag kanilang nakukuha.

Ang mga trintsera ng Cavite na itinayo ni edilberto Evangelista habang epektibong ginagamit… ng mga Amerikano. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Iba ang istratehiyang ipinatupad ni Bonifacio na sinunod ng maraming heneral sa buong Pilipinas.  Hinugot niya ito sa “Ilihan” ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol, ang pinag-aatrasan ng bayan sa mga burol o kabundukan upang maging ligtas sa sakuna o makibaka sa mga kalaban.  Tinawag niya itong “real” na ang ibig sabihin ay kampo o “komunidad na may tanggulan malapit sa bayan.”

Isa sa mga pinagrealan ni Bonifacio ay ang Bundok Tapusi sa Montalban, Rizal. Kung saan ang maalamat na si Bernardo Carpio ay nakagapos at malapit nang makawala upang palayain ang ating bayan. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Unang naisip ni Bonifacio sa kanyang paglalakbay sa Montalban at natatag sa Balara, Krus na Ligas, Marikina, Makiling, Banahaw, atbp.  Lumaganap din sa mga kabundukan ng Tayabas, Morong, Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija.  Gamit nito ang mga natural na anyo sa kalikasan tulad ng mga kakahuyan, mga bato, mga kweba at mga bundok.  Dahil pakikidigmang mas angkop sa Pilipino:  Hindi magastos, madaling iwanan at balikan kapag hinabol sila roon marami sila lulusutan, hindi mapakikinabangan ng mga Espanyol at pahihirapan sila dahil wala silang kasanayan.  Matapos ang mga pagsalakay sa Pinaglabanan, kahit na maraming nasawing mga Katipunero, hindi sila naubos at nalipol.  Hindi rin sila nahabol ng mga Espanyol.  Dahil naka-atras sila sa mga “real.”  Ang pinagtuunan ng pansin ay ang Cavite na mas kaya nilang pataubin.  At nang tuluyang bumagsak ang mga trintsera sa Cavite at tuluyang matalo si Aguinaldo, ang sumalo sa kanya ay ang mga “real” na ipinatayo ng “walang taktikang-militar” na si Bonifacio hanggang sa mapadpad siya sa  “real” ng Biyak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan!  Kung saan nagkaroon sila ng bentahe na makipagkasundo sa mga Espanyol, linlangin sila at kalaunan ituloy ang Revolucion habang ang himagsikan ay ipinagpatuloy ng mga anak ng bayan.  Ayon kay John Ray Ramos ng Security Matters magazine may pagkakaiba ang taktika na mas limitado at ispesipiko habang ang istratehiya ay mas malawang pakikidigma.  Samakatuwid sina Aguinaldo ay nasa lebel ng taktika noong 1896 habang hawak ni Bonifacio ang istratehiya ng Katipunan.  Samakutuwid, hindi totoong walang istratehiyang militar si Bonifacio.  Mas katutubo nga lamang ito.  Kung tutuusin, ginagamit pa rin ito ng NPA at mga Mandirigmang Moro.  Ayon kay Milagros Guerrero, dahil sa pagtatakda ng istratehiya ng himagsikan bilang may command responsibility, lahat ng mga pagkatalo at pagkapanalo ng himagsikan ay dapat ding ibigay kay Bonifacio.  Ang sinasabi ng ilang historyador na natalo si Bonifacio sa lahat ng kanyang laban ay katawa-tawa.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Yellow Cab DLSU Taft, 22 November 2012)

Zeus Salazar

Milagros Guerrero

John Ray Ramos

XIAOTIME, 28 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 28 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Pagsalakay ni Andres Bonifacio sa Pinaglabanan sa madaling araw ng August 30, 1896. Kung gayon, paano siya nakatulog at hindi nakapaghudyat kung naroon nga sila sa San Juan? Mula sa “History of Manila,” mural ni Carlos V. Francisco, na nasa City Hall ng Maynila.

28 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=htU6w3sfqv8

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong November 26, 2008, idinaos ng UP Lipunang Pangkasaysayan o UP LIKAS ang isang sampaksaan na nagnanais maghubad ng mga mito ukol kay Andres Bonifacio sa tulong ng mga eksperto ukol sa bayani tulad nina Milagros Guerrero, Zeus Salazar, Luis Camara Dery at Gary Bonifacio.  Tinawag ang lektyur na Undress Bonifacio.  Sa tradisyon ng UP LIKAS, tatlong araw mula ngayon hanggang sa 149th birth anniversary ni Bonifacio sa Biyernes tatalakayin natin ang ilang isyung bumabalot sa misteryosong Supremo.  May mga sabi-sabi, walang istratehiyang militar si Bonifacio, at siya ang dahilan ng pagkapalpak ng pagsalakay ng Katipunan sa Intramuros noong August 29-30, 1896.  Liwanagin natin.  Noong August 24:  Nagpulong ang Kataas-taasang Sanggunian ng KKK, itinatag nila ang Rebolusyunaryong Pamahalaan at hinalal si Bonifacio bilang unang pangulo ng Unang Pambansang Pamahalaan sa Pilipinas at napagkasunduan na ganapin na ang pagsalakay sa Maynila sa hatinggabi ng  August 29-30.  Ang plano:  Palibutan ang sentro ng Kapangyarihang Espanyol sa Asya, ang Intramuros, Maynila habang abala ang pwersa nila sa Mindanao!

Lumang mapa ng Intramuros, ang Kastilang lungsod ng Maynila.

Sa pagtagpas ng ulo ng dragon, babagsak ang buong imperyo.  Sasalakay sa tatlong direksyon, mula sa Marikina sa silangan, Gitnang Luzon sa hilaga, Cavite mula sa timog at sa loob mismo ng Intramuros, 500 pwersang Pilipino sa pangunguna ng ilang opisyal na mestizong Espanyol.  Sa umaga ng pag-aalsa, nabisto ang pwersang ito at ipinatapon sa Mindanao.  Sa madaling-araw ng pag-aalsa, nagkaroon ng pag-atake sa paligid ng Intramuros lalo na sa Sampaloc, Sta. Ana, Pandacan, Makati, San Juan at Pasig, kasama ng Laguna … pero hindi umatake ang Cavite!  Ayon kay Hen. Aguinaldo, namuti daw ang kanilang mga mata sa kakahintay ng napagkasunduang hudyat.  Iba-iba ang mga bersyon:  pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis.  Kumalat ang balitang nakatulog daw si Bonifacio!  O di kaya’y nakipagkwentuhan at hindi namalayan na alas-cuatro na!  Ngunit bakit may sinasabing hudyat kung pinag-usapan nga na hatinggabi ang pagsalakay.  Ang pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis, ay makikita kaya mula sa malayong pampang ng Cavite?  Ok, granting makita nga ang mga ito, doon pa lang ba susugod pa-Maynila ang mga pinuno ng Cavite?  Edi pagdating nila doon tapos na ang labanan?

Pabalat ng aklat ni Dr. Zeus A. Salazar ukol sa pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila.

Tanong ni Zeus A. Salazar sa kanyang pananaliksik ukol sa insidente:  umuwi na lamang ba sila dahil ayon sa mga French Consular Reports ay umuulan sa Maynila noong gabing iyon? O hindi kaya ayaw lamang sumama o kumilala sa awtoridad ng Supremo ang mga pinuno ng Cavite sa kabila ng pagiging pangulo nito ng pamahalaang rebolusyunaryo at ng Haring Bayan?  Ang mga kasagutan ay ay tila mahihinuha sa madugong pagwawakas ng Supremo sa kanilang kamay noong 1897.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Gokongwei Hall, DLSU Manila, 22 November 2012)

XIAOTIME, 27 November 2012: NINOY@80

Broadcast of Xiaotime news segment today, 27 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ninoy Aquino, the Hero. Photo-montage ng Philippine Daily Inquirer, 21 August 2012.

27 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=mdqe8WHB8jg&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Mahalagang pagdiriwang po ang araw na ito!  Ito po ang 80th birth anniversary ni Benigno S. Aquino, Jr. NINOY@80!  Isinilang siya noong November 27, 1932 sa Concepcion, Tarlac.  Ang ama ni Ninoy na si Benigno Sr. ay nanilbihan bilang opisyal sa ilalim ng mga Hapones at binansagang kolaboreytor at taksil sa bayan.  Nag-iwan ito ng mapait na alaala sa batang Ninoy na mahal na mahal ang kanyang ama.  Kaya naging determinado ito na iangat ang pangalang Aquino.

Ang bata at gwapong war correspondent na si Ninoy Aquino sa Korean War, pangalawa mula sa kaliwa. Mula sa Video 48.

Sa kanyang sobrang ambisyon at kayabangan, naging pinakabata sa lahat ng bagay, pinakabatang war correspondent sa Korean War sa edad na 17 at pinasuko ang pinuno ng rebeldeng Huk na si Luis Taruc sa edad na 21.  Naging pinakabatang alkalde, bise gobernador, gobernador at kahit hindi gaanong kilala noong 1967, nangunang senador dahil sa sipag mangampanya gamit ang isang helikopter.  Maaari siyang ituring na tradisyunal na pulitiko.  Gumamit ng guns, goons and gold, isang balimbing, malakas ang charm sa kababaihan.

Si Ninoy Aquino, Tarlakin. Kuha ni Dick Baldovino.

Ngunit masipag, nagbigay ng eksplosibong mga rebelasyon ukol sa sinasabing katiwalian sa pamunuan ni Pangulong Marcos—ang pagiging “Garrison State in the Make” ng pamahalaang Marcos, ang Jabidah Massacre, ang luho diumano ng Cultural Center of the Philippines na proyekto ni Gng. Imelda Romualdez Marcos na ex niyang niligawan, at ang pagsasabatas ng “Study Now, Pay Later.”  Target niyang maging pangulo sa eleksyon ng 1973, ngunit ang brad niyang equally ambitious ay naunahan siya.  Nang ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar, si Ninoy ang unang inaresto noong September 22, 1972 at binulok sa kulungan ng pitong taon at pitong buwan.

Pinakulong ni Pang. Marcos ang brad niya sa Upsilon Sigma Phi na si Ninoy.

Nang minsang pinabartolina ni Pangulong Marcos dahil sa kanyang pasaway na pagsulat ng mga artikulo na nalathala sa Bangkok, kanyang kinwestiyon kung totoo ba ang Diyos, at doon din kanyang napagtanto na ang buti sa kanya ng Diyos, bakit nga ba siya malulumbay e nabigyan siya ng lahat ng biyaya sa mundo—mabuting pamilya, pagkakataong makapaglingkod bilang pinakabatang lahat.  At naalala niya si Kristo sa kalbaryo, walang kasalanan ngunit inalay ang pagdurusa para sa kaligtasan ng mundo.  Sino ba naman siya?  Naisip niya.

Si Senador Ninoy Aquino at anak na si Kristina Bernadette. Mula sa Ninoy: the Willing Martyr ni Alfonso Policarpio.

Kaya naman mula noon nagkaroon ng pagbabagong puso si Ninoy at minsang sinabing, “While it’s true Mr. Marcos, I sad, that after eight years in prison I have lost appetite for office, I am no longer seeking the presidency of this land, I am not seeking anymore any office in this country, but believe me, I said when I tell you, that while I have vowed never to enter the political arena again, I shall dedicate the last drop of my blood to the restoration of freedom and the dismantlement of your Martial Law.”  Naging bayani na sumama sa paghihirap ng bayan, ipinakita ang sinseridad nang hindi kumain ng 40 days bilang pakikibaka sa diktadura.

Si Ninoy, malaking mama na pumayat nang mag-hunger strike ng 40 araw dahil sa kalokohang paglilitis militar laban sa kanya. Koleksyong Dante Ambrosio sa Sinupang Xiao Chua.

Nang payagang umalis papuntang Amerika upang magpagamot, ito na marahil ang pinakamasayang tatlong taon nila niya bilang ama at asawa kay Cory, ngunit iniwan niya ang lahat ng ito sa paniniwalang may magagawa siya upang makausap si Pangulong Marcos, udyukin si Hesukristo sa puso ni Marcos, upang ibalik ang demokrasya.  Sa kanyang pagkamartir sa tarmac noong 1983, ipinakita niya na ang mayabang pulitiko noon ay maaari rin palang mag-alay ng buhay para sa bayan.

Pagkamartir ni Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport, August 21, 1983.

Dalawang milyon ang nakipaglibing kahit na bawal, inspirasyon sa mga pinuno natin, magbago na tulad ni Ninoy at nang malasap niyo ang pagmamahal ng sambayanan!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Trellis, Kalayaan, 14 November 2012)

Si Ninoy Aquino sa morge ng ospital ng Fort Bonifacio, 21 August 1983. Mula sa Ninoy: Ideals and Ideologies.

XIAOTIME, 26 November 2012: TANGKANG PAGPASLANG KAY PAUL VI SA MAYNILA

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 26 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Napigilan ng Sekretaryo ng Papa na si Msgr. Pasquale Macci si Benjamin Mendoza Y Amor ng Bolivia na patayin ang Santo Papa Paul VI. Si Pangulong Marcos ay nasa pinakadulong kaliwa. November 27, 1970 (United Press International).

26 November 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=G3lubxPLK4A&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  42 years ago bukas, November 27, 1970, nang dumating si Pope Paul IV sa Maynila para sa Conference of Asian Bishops.  Ang tatlong araw na pagbisita sa Pilipinas, ay bahagi ng paglalakbay sa Asya, ang pinakamahaba at pinaka-nakahahapo sa pitong taon na niyang papasiya.  Ngunit lingid sa alaala ng marami, nauwi sana ang pagbisita sa isang makasaysayang trahedya.  Paano???  Sa pagbaba ng papa sa eroplano habang binabati ang mga sumasalubong sa kanya, bigla na lamang siyang nilapitan ng isang mamang nakasuot pari.  Nang lumuhod at hinalikan ni Stephen Cardinal Kim ang kamay ng santo papa, binitawan din ng mama ang krusipiho, nilabas ang kanyang ten inch na patalim at inundayan ng saksak ang papa.  Napunit ang kapa ng cardinal at dumugo ang kanyang kamay.  Nagulat ang papa ngunit matapang na nakabalik sa ulirat.

Banjamin Mendoza

Nailayo agad ang sumaksak na napag-alam na isa palang Bolivianong pintor na si Benjamin Mendoza, isang ateo na naniniwalang ang relihiyon ang ipokrisiya kaya kailangan niyang saktan ang papa.  Ngunit paano nga ba nakaligtas ang Santo Papa?

Si Paul VI at ang mga Marcos . Larawan mula sa Marcos Presidential Center.

Kinagabihan, sinulat ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang diary, “This has been an eventful day, I probably saved the life of Pope Paul VI, five to ten minutes after his arrival.”  Paano???  Ayon kay Pangulong Marcos nagbigay siya ng karate chop sa kamay ni Mendoza na naging dahilan para mabitawan niya ang patalim.  Itinulak rin niya ang papa ng makalawang beses at sinalo siya ni Gng. Imelda Marcos.  Nang ilabas ni Marcos ang balita, nagduda ang mga peryodista kaya lumabas minsan ang pangulo na may benda sa kanang kamay at dahil daw sa karate chop ay muling sumakit ang kanyang sprain sa palad.  Walang makasigurado kung ano ang totoo sa bilis ng pangyayari.  Sa totoo lang kahit sa mga bidyo ng pagtatangka hindi maliwanag ang lahat sa dami ng tao.  Iba-iba rin ang sinasabi ng mga peryodiko.  Ayon sa New York Times, ang ibispo ng Malaysia na si Anthony Dennis Galvin na anak ng isang pulis na Irlandes ang nakapigil kay Mendoza.  Sa ebidensyang larawan na ito, ang sekretaryo ng papa na si Monsignor Pasquale Macchi ang makikitang pumagitna sa papa at kay Mendoza at tinulak ang pintor palayo.  Naglabas ng pirmadong affidavit si Mendoza na nagsasabing ang Pangulong Marcos ang pimigil sa kanya.  Ilang taon siyang nakulong sa Bilibid at ibinalik sa Bolivia kung saan hindi na siya matunton.  Si Paul VI ang unang “pilgrim” Pope na naglakbay sa labas ng Italya sa makabagong panahon.  Ngunit, ang paglalakbay sa Asya na ito noong 1970 ang kanyang magiging huli.

Si Paul VI kasama si Macci sa Maynila.

Sa matagal na panahon, siya rin ang unang papa na pinagtangkaan ang buhay.  Noong 1995, pinagtangkaan din ng Al Qaeda si John Paul II nang bumisita ito sa Pilipinas, naagapan lamang ng ating mga awtoridad.   Nang mamatay si Paul VI noong 1978, may natagpuan na dalawang saksak sa kanyang dibdib.  Itinago niya pala ito upang iligtas sa parusang kamatayan ang nagtangka sa kanya.  Anuman ang totoo, ayon sa pangulo, “I feel that I have been an instrument of God in saving the life of the Pope.”  Nadama niyang may dahilan ito, na itinadhana siya ng Panginoon na “iligtas” din ang bansa.  Kaya ipinataw niya ang Batas Militar noong September 21, 1972.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(DLSU Manila Library, 21 November 2012)

XIAOTIME 23 November 2012: #SaveMalibayPlaza

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 23 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Nang simulang gibain ang Malibay Plaza, 2012. Kuha ni Fed Dimal.

23 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=if8Nz8yme-4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa mga taga Malibay, ang kaibigan at iskulmeyt ko na si April Jane Sarmiento, at si Edgar Granada na pinuno naman ng #SaveMalibayPlaza Movement.  Naku, ano po ba ito???  Wala na po bang magawa ang ilan sa ating mga pinuno at kailangang pati mga plaza ay nais patayuan ng kung anu-anong mga edipisyo at gusali.

Senakulo ng Malibay. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Ang plasa ay sentro ng ugnayan ng mga tao.  Dito sama-samang nagtatakbuhan ang mga tsikiting, naglalaro ng basketball ang ilang henerasyon ng mga kabataan, ginaganap ang mga graduation, sayawan, ang pakikipagtalastasan ng mga pinuno sa kanyang bayan.

Basketbolan sa Plaza ng Malibay noong panahong sinaunan. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Matapos ang laban sa Krus na Ligas, ang mga orihinal na residente ng Malibay, Pasay naman ang humihingi sa atin ng saklolo upang iligtas ang Malibay Plaza.  Ang Malibay ay dating bayan na naging bahagi nang Lungsod ng Pasay.

Watawat ng Balanghay ng Malibay ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Naging bahagi ang Malibay ng Katipunan at ang balanghay nito ay nagkaroon pa ng sariling watawat, ay nagluwal sa bayaning babae ng himagsikan, si Marcela Marcelo, isang ina na namatay na nakikipaglaban sa murang edad na 24.

Ang senakulo ng Malibay na nagsimula noong 1902. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

110 years ago, 1902, nang simulan nila ang kanilang katangi-tangi senakulo na dinadayo ng maraming henerasyon taon-taon sa bawat mahal na araw.  Sabi ng mga lolo at lola nilang senakulista, “Huwag pababayaan ang senakulo, ituloy kahit walang-wala.”  Naging panata na nila ito.  100 years na ang nakalilipas, 1912, nang ang pinunong bayan nila na si Don Miguel Cornejo at isang Servando Culler ay sinasabing nagbahagi ng kanilang lupa upang maging plasa upang pagdausan ng kanilang mga aktibidad na pangkultura.  Kumbaga, pamana ito ng kanilang mga ninuno.  Ang plasa ang naging sayt ng taunang senakulo.  Noong sentenaryo ng Senakulo, 2002, ipinatayo ang “Malibay Center for Culture and the Arts” sa plasa sa hiling na rin ng mga residente na mapanbubungan ang kanilang plaza.  Nagtangka ang gusali na maging neo-classical upang salaminin ang senakulo at sa taas nito nakaukit ang mga representasyon ng mga sining ng senakulo, musiko at [sunduan].

Ang representasyon ng mga tradisyon ng Malibay: Musiko, Senakulo at Sunduan.

Sunduan tuwing huling linggo ng Mayo, Dekada 1940. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Matapos ang sampung taon, ngayong 2012, ginigiba na ang plaza upang patayuan ng isang multi-purpose building na magbibigay nga ng pangunahiong serbisyo ng kalusugan at iba pa sa Malibay subalit magbubura naman sa pinagdadausan ng kanilang kultura.

Si Xiao Chua habang nagsasalita sa ika-100 taong pagdiriwang ng Plaza ng Malibay, sa ilalim ng bandila ng Balanghay ng Malibay, November 10, 2012. Kuha ni Edgar Granada.

Noong November 10, 2012, inanyayahan ako sa selebrasyon ng ika-isandaang taon ng plaza ng Malibay upang magsalita sa mga nakikiusap na taga Malibay ukol sa halaga ng plaza.  Oo nga’t hindi nakakain ang plaza ngunit ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa dangal na mayroon ito.  Ang dangal ng Malibay ay ang kanyang kultura sa plaza, at maaari rin nilang mapakinabangan ito sa pamamagitan ng turismo!  Nakikiusap sila na tingnan ng National Historical Commission of the Philippines ang kasong ito, tulad ng aksyon na ginawa nila para sa plaza ng Krus na Ligas.  Wala raw po silang binabatikos dito, isa po itong pakiusap ng mga mismong tao na gawan ng paraan na mapanatili ang plasa upang patuloy na magamit ng mga susunod na henerasyon ng mga taga-Malibay.

Pagdiriwang at Protesta: Sentenaryo ng Malibay Plaza at ang protesta sa napipinto nitong pagkagiba, November 10, 2012. Mga kuha ni Xiao Chua.

Kung sa ibang lugar, hinahayaan ng ibang tao na tuluyang mawala ang bahagi ng kanilang kasaysayan, karanasan at pamana, kapuri-puri ang mga taga-Malibay dahil patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang dangal.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)

XIAOTIME 22 November 2012: CAMELOT: JFK, Marcos, Aquino

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 22 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Frame 313 ng rolyo ng film ni Abraham Zapruder na nagpapakita ng eksaktong saglit ng pagkabaril sa ulo ni Pangulong John F. Kennedy, 12:30 pm ng November 22, 1963 sa Dallas, Texas.

22 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=70vxV9q88IA&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa ating mga kaibigan sa Aquino Center na sina Maris Corpuz, Lina Bernardino, Rodel Tubangi at ang curator nilang si Karen Lacsamana-Carrera.  Where were you when Kennedy was shot?  Ito ang laging tinatanong ng mga Amerikano sa kanilang sarili upang alalahanin ang mga nangyari 49 years ago, ngayong araw, November 22, 1963 sa oras na 12:30 pm sa Dallas, Texas, Estados Unidos.  Nasa motorcade noon si President John F. Kennedy o JFK kasama ang kanyang maybahay na si Jackie nang dalawang bala kumitil sa buhay ng pangulo, ang isa sa bandang likuran at ang huli naman ay sa ulo.

JFK: Busy in bed, but also in Berlin.

Si JFK ang pinakabatang nahalal na pangulo at dating war hero kaya sinalamin niya ang dinamismo ng kanyang panahon at ang magagawa ng bagong henerasyon ng mga Amerikano.  Well lumabas na ngayon na isa siyang babaero, ngunit ika nga, he was busy in bed, but also in Berlin.  Ang Berlin Wall ang sumalamin sa pagkakaalipin ng isang bahagi ng Europa mula sa mga diktadurang komunista.  Mahinahon niyang napigil ang maaaring naging katapusan ng mundo sa loob ng 13 days sa kanyang pakikipagnegosasyon sa mga Komunistang Sobyet noong Cuban Missile Crisis ng 1962.  Gayundin, maaga pa lamang itinaguyod na niya ang civil rights ng mga Aprikanong-Amerikano at inudyok ang pamahalaan niya na sa katapusan ng Dekada 1960 ay makapagpadala ng tao sa buwan.  Nang mamatay si JFK, kinapanayam ang glamorosang si Jackie Kennedy ni Theodore White at kanyang binanggit ang kanta mula sa isang Broadway musical, ang “Camelot,” upang ipaalala ang administrasyon ng kanyang asawa “Don’t let it be forgot, that once there was a spot, for one brief shining moment that was Camelot.”  Maging sa Pilipinas umalingawngaw ang “Camelot,” sa salaming cabinet ng lola ko, lumaki akong nakikita ang larawan ng pamilya Kennedy.

Philippine Camelot: Ang pamilya Marcos noong unang pagpapasinaya, December 30, 1965.

Tatlong taon matapos ang kamatayan ni JFK, tila nagkaroon din tayo ng Philippine Camelot, nang ang Pangulong Marcos ay mahalal kasama ng kanyang glamorosang asawa at mga batang anak, war hero pa!  Ngunit ang mga Aquino rin ay maituturing na dinastiyang minahal ng tao tulad ng mga Kennedy.  Ang trahedya ni JFK ay nangyari din sa kabayanihan at unsolved murder ni Ninoy Aquino noong 1983.  Sa Tuesday, November 27, ipagdiriwang ang 80th birthday ni Ninoy, NINOY@80!

Kennedy Presidential Library and Museum

The Aquino Center sa San Miguel, Tarlac City. Kung dadaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), lumabas sa Hacienda Luisita Exit.

Ang Kennedy Presidential Library and Museum ang isa sa naging inspirasyon ng Aquino Center, isang modernong museo sa San Miguel, Tarlac City na nagkukuwento ng naging karanasan ng mag-asawang Ninoy at Cory Aquino bilang mga pinuno ng bayan.  Dito makikita ang pader ng kulungan ni Ninoy kung saan tinaras niya ang mga araw ng kanyang pagkapiit, ang mga gamit ni Ninoy nang mabaril at ang mga duguang damit niya na patuloy na ipinasuot ng kanyang inang si Doña Aurora noong burol, “Let them see what they did to my son.

“I want them to see what they did to my son…” (Orihinal na poster mula sa Sinupang Xiao Chua, sa kagandahang loob ni G. Linggoy Alcuaz)

Ang mga state gifts ng mga world leaders kay Pangulong Cory na nagpapakita ng pagpapahalaga sa kanya ng daidig at ang iconic niyang simpleng damit nang manumpa na pangulo.

Simpleng dilaw na damit ni Tita Cory pero maganda ang burda hahaha. Ginamit niya ito noong kanyang pagpapasinaya bilang pangulo ng Pilipinas, 25 Pebrero 1986 sa Club Filipino. Makikita ang damit ngayon sa Aquino Center sa Tarlac.

Halina’t bisitahin ang Aquino Center at nang makilala ang dalawang icon na tulad ni JFK ay nag-ambag ng pagsulong ng demokrasyang pandaigdig.  Ang People Power natin ay naging inspirasyon ng pagkalaya mula sa komunismo ng Europa at ng pagbagsak ng Berlin Wall.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)

XIAOTIME 21 November 2012: TARLAC, KABISERA NG UNANG REPUBLIKA

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 21 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Altar-Mayor ng Katedral ng Tarlac na may estatwa ni Apung Basti (San Sebastian),1930s. Ito ang sayt ng pagpapatuloy ng Kongreso ng Unang Republika ng Pilipinas, 1899.

21 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=wK9lWmQHAys&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Pinababatid ng Pamahalaang Panlungsod ng Tarlac at nina Cloydy Manlutac at Dong Bautista:  Magsaya, kumita at bumili para sa tuloy-tuloy na sigla!  May tiangge sa plazuela ng Tarlac City hanggang December 8!  Lingid sa kaalaman ng marami, ang aking bayang sinilangan, ang Tarlac, Tarlac ay hindi lamang bahagi ng walong sinag ng araw sa ating bandila ng mga unang umaban sa mga Espanyol, naging kabisera din ito ng Republika ng Pilipinas mula June 21, 1899.  113 years ago noong isang linggo, November 12, 1899, bumagsak ang kabiserang ito nang sakupin ng mga Amerikano ang bayan.  Bagama’t hindi gaanong nababanggit, ang pananatili ng Unang Konstitusyunal na Republika sa Asya sa Tarlac ay hindi lamang dapat maging isang “footnote” sa ating kasaysayan, sapagkat dito, maraming nangyaring mahalaga.  Matapos masakop ng mga Amerikano ang kabisera ng Republika sa Malolos, muling nagpulong ang Kongreso sa Katedral ng San Sebastian sa Tarlac noong July 14, 1899.

Katedral ng San Sebastian sa Tarlac, Tarlac (ngayo’y lungsod) sa panahon ng Unang Republika, 1899.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na pakikipagbakbakan ng sa mga Amerikano, patuloy na gumawa ng batas ang Kongreso na ayon sa constitutional historian na si Sulpicio Guevarra, “[they] marvelously succeeded in producing order out of chaos.”  Ilan sa isinabatas nila ang mga butaw para sa pagkakasal, ang pagbabawal sa mga barkong nagpapalipad ng bandilang Amerikano, ang pagpapatala ng mga dayuhan, ang pagtatatag ng Korte Suprema at mga hukuman, ang promulgasyon ng General Orders ng Hukbong Katihan o Army.  Sa Tarlac rin itinatag ang Bureau of Paper Money kung saan sa palimbagan ni Zacarias Fajardo inilimbag ang mga mamiso, dos, cinco at beinte pesos.  Sa Gerona, Tarlac naman ginawa ang mga barya sa  Smith, Bell, & Co.

Ang mga perang papel at barya na inilibas ng Unang republika sa Tarlac.

Noong June 30, 1899 binigyan ng amnestiya ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora at tinawag na mga “amigos” na nagpapatunay hindi lamang ng tapang ng mga Espanyol kundi ng kabutihan ng mga Pilipino.  Nagpapatunay din ito na ang tunay na nagtagumpay sa himagsikan laban sa mga Espanyol ay tayong mga Pilipino.  Ang araw na ito ay ipinagdiriwang ngayon bilang Philippine-Spanish Friendship Day.

Los Ultimos Filipinos, ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora na nabigyan ng amnestiya mula sa Unang republika sa Tarlac.

Ang Simbahan ng Baler kung saan nagkuta ang Los Ultimos Filipinos, 1899. Sa mga Espanyol, liban sa Maynila, ang Baler ang naaalala nilang lugar kapag naritinig ang pangalang Pilipinas.

Gayundin, ang unang unibersidad na Pilipino, ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas at ang hayskul na Instituto Burgos mula sa Malolos ayt nagpatuloy sa Kumbento ng Tarlac.  Sa tanging graduation nito noong September 29, 1899, pinirmahan mismo ni Pangulong Aguinaldo ang mga diploma.

Casa Real ng Tarlac, opisina ng panguluhan ni Emilio Aguinaldo, nasa sayt ngayon ng Tarlac State University.

Sa Casa Real ng Tarlac na ngayon ay sayt ng Tarlac State University, nag-opisina si Aguinaldo habang sinusulat ang pinakaunang limbag na tala ukol sa Himagsikan, the True Version of the Philippine Revolution kung saan niya tinuligsa ang mga atrocities o brutalidad ng mga Amerikano sa mga Pilipino.

Ang unang limbag na kwento ng Himagsikan sa perspektibang Pilipino ay isinulat ni Emilio Aguinaldo at isinulat sa Ingles at Espanyol. Maraming mga historyador ang naghinuha na ghost written lamang ito hanggang mahanap ang orihinal sa Tagalog sa sulat kamay ni Aguinaldo.

Ngunit noong November 12, 1899, sa kabila ng pagtatanggol ni Heneral Francisco Makabulos at Heneral Servillano Aquino at ng 400 nilang tauhan, nakuha ni Hen. Arthur MacArthur at ng 3,000 niyang tao ang Tarlac, nagmartsa silang papasok sa bayan, basang-basa sa ulan.

Heneral Francisco Makabulos y Soliman

Heneral Servillano Aquino

Ayon kay Nick Joaquin, sa pagsakop sa Tarlac, “The Republic Had Fallen.”  Tuluyang nahuli si Aguinaldo sa Palanan noong 1901.  Sa pamamagitan ng mga kasaysayang lokal tulad ng mababasa sa bagong aklat na

Kasaysayang Pampook:  Pananaw, Pananaliksik, Pagtuturo ng UP Lipunang Pangkasaysayan, mapapagtanto natin na bawat kwento ng bayan ay mahalaga sa pagbubuo ng isang mas matibay at mapagkaisang pambansang kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 14 November 2012)

XIAOTIME, 20 November 2012: KOLEKSYONG LOPEZ-RIZAL SA DLSU MANILA LIBRARY

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 20 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isa si Rizal sa mga nagsasayang magkakaibigan dito. Nasaan siya at ano ang kanyang tinutugtog? Basahin sa ibaba?

20 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=DRPtFbGUBbU&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang mga pinsan kong sina Carlo at Camille Briones Manlutac na nagdiwang ng kanilang mga kaarawan noong isang linggo.  Sabi nila, marami raw talento ang ating National Hero na si José Rizal, liban sa pag-awit, ngunit may ebidensya bang nagsasabi na mahilig siya sa musika?

Isang silid sa lumang DLSU Manila Library. Kuha ni Xiao Chua.

Ang Aklatan ng Pamantasang De La Salle Maynila ay naglalaman ng 373,081 na mga aklat, maging ang mahahalagang dokumento ng ilang prominenteng mga tao tulad nina Bro. Andrew Gonzales, mga senador Lorenzo Tañada at José Diokno, Peque Gallaga, José Javier Reyes, Doreen Fernandez, historyador na si Zeus A. Salazar at marami pang iba.

Si Zeus Salazar nang idoneyt niya ang kanyang mga papeles sa DLSU Manila Library, kasama sina Ana Maria B. Fresnido at Willian S.A. Frias, ang Library Director at Assistant Director for External Operations kapwa, 30 Agosto 2007.

Gayundin ang mga palayok na ginawa pa ng ating mga ninuno bago dumating ang mga Espanyol.  Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, bahagi ng mga koleksyon nito ang aklatan ni Asuncion Lopez-Bantug.  Huh??? Who’s that Pokemón?

Ang Koleksyong Rizal-Lopez. Kuha ni Xiao Chua

Siya lang naman ang anak ni Dr. Leoncio Lopez-Rizal na pamangkin naman ng ating Pambansang Bayani na si Gat Dr. José Rizal.  Samakatuwid, LOLO talaga niya si Rizal.  Sumali siya sa Commonwealth Biography Contest para kay Rizal at nagwagi pa bilang honorable mention kasama ng tanyag na historyador na si Carlos Quirino.  Sa kakatanong ng mga anak ukol sa kanilang sikat na lolo, inilathala niya sa wakas noon lamang 1982 ang kanyang Lolo José:  An Intimate Portrait of Rizal na hitik sa mga kwento ng pamilya mismo na bumubuhay kay Rizal sa bawat pahina nito.

Asuncion “Siony” Lopez-Bantug

Leoncio Lopez-Rizal

Ang kanyang ama naman na si Dr. Leoncio ay bahagi ng José Rizal National Centennial Commission kaya ang kanyang koleksyon ng mga aklat ukol sa ating mga bayani ay hindi matatawaran lalo na ang isang orihinal na manuskrito ng isang akdang isinali sa patimpalak para sa sentenaryo noong 1961 mula sa isang nagtatago sa pangalang “Aries.”  Ito pala ang “The First Filipino” ng nagwaging awtor at diplomat na si León Ma. Guerrero.

Orihinal na manuskrito ng “The First Filipino” ni Aries

Si “Aries” si Leon Ma. Guerrero

Noong buwan ng 150th birthday ni Rizal itinampok ko sa isang eksibisyon ang mga importanteng aklat ng Lopez-Rizal-Bantug Collection sa DLSU Library na kinabilangan ng isang orihinal na sipi ng ensayklopidyang Historia Universal ni Cesaré Cantu na sinasabing nakuha ng batang si Rizal sa pamamagitan ng panlilinlang sa kanyang ama na kailangan niya ito sa klase.  Marahil ganitong kopya, kung hindi man, ito mismo ang kopyang pagmamay-ari ni Pepe.

“Historia Universal” ni Cesaré Cantu.

Bahagi ng koleksyong Bantu gang ilang alaala mula sa pamilya Rizal lalo na ang isang flute na pagmamay-ari mismo ni Rizal!  Si Rizal ay nagtangkang mag-compose ng ilang awitin tulad ng “Canto del Viajero,” “Canto Patriotico de Maria Clara” at “Himno a Talisay.”  Sa isang larawan makikita si Rizal na tila nagsasaya kasama ng kanyang naka-cosplay na barkada, nakasumbrero ng Romanong sundalo at nagpaplawta.  Ang koleksyon at ang buong aklatan ay ililipat na sa bago nitong lokasyon sa Henry Sy Sr. Hall ng DLSU Manila.  Ebidensya ang plawta sa Koleksyong Lopez-Rizal-Bantug na si Rizal ay hindi lamang isang matigas na mukha sa piso kundi taong-tao na marunong magsaya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(The Library, DLSU Manila, 14 November 2012)

Ang bagong Henry Sy, Sr. Centennial Hall ng DLSU Manila

XIAOTIME, 19 November 2012: Istorya sa Likod ng MANILA FILM CENTER

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 19 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pagguho ng Manila Film Center, 17 November 1981, kuha ng GMA News

19 November 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=JkITPw4SYxw&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  31 years ago noong Sabado, November 17, 1981, bandang alas tres ng madaling araw, nang gumuho ang ginagawang Manila Film Center na proyekto ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.  Sinasabing hanggang ngayon marami pa rin daw na katawan na nakalibing doon at nagmumulto sila?  Huh?

Sino kaya ang nagsulat ng mga nakasulat sa pader ng hindi napupuntahang bahagi ng Manila Film Center, at kaninong anino ito? Kay Howie Severino, sa kanyang dokumentaryong “Multo ng Nakaraan.”

Liwanagin natin.  Noong 1981, hiniraya ni Gng Marcos na magkaroon ng isang sinupan na mag-iingat ng mga pelikula sa Pilipinas at magtataguyod din ng masining na paggawa nito.  Si Arkitekto Froilan Hong ang nagdisenyo nito na inspired ng Parthenon sa Athens, Greece at nagkakahalaga ng tinatayang Php 200 Milyon.

Parthenon sa Atenas, Gresya

Sinasabing nais ni Gng. Marcos na maging “Cannes of Asia” ang Maynila at ninais raw niya na maglagay ng white sand sa bahagi ng CCP Complex upang makumpleto ang ilusyon.  Araw-gabi na trabaho upang madaliin ang gusali para umabot sa pagbubukas ng Manila International Film Festival o MIFF noong January 18, 1982.  Hindi pa gaanong natutuyo ang semento, naglalagay muli ng bagong palapag ang mga trabahador.

Noong madaling araw ng November 17 1981, gumuho ang bandang bubungan ng tinatayong gusali, natabunan ng sementong madaling matuyo maging ang ilang mga bata dahil may mga pamilya pala na nakatira doon.  Kinordunan ang eksena at maging ang mga ambulansya at nakapasok lamang matapos ang siyam na oras.

Sinasabing ang supervisor ng proyekto ay nag-utos “pour the cement” sa bangkay ng mga biktima at kahit ang mga hindi mabunot ay lagariin na lamang dahil ayaw maantala ng Unang Ginang ang pagpapatayo ng gusali.  Ayon sa opisyal na tala na lumabas sa mga dyaryong kontrolado ng rehimen, 25 lang ang namatay kabilang ang isang inhinyero, na si Benigno G. Aquino.  Hanep ang nilabas pang pangalan kapangalan pa ng kalaban ni Pangulong Marcos!  Ayon kay Gng. Marcos mismo, “…may nabaon na ilang taon doon, pero hindi totoo na meron kaming iniwan na patay d’yan.  Yan naman Diyos ang may alam.  Maski natin hukayin piece by piece, stone by stone d’yan, ni isang buto ng tao wala d’yan naiwan.  Totoo ‘yan.  I will never do that.”  Ang tunay na taya ay 168 ang nasawi, ang mga katawan ng marami sa mga ito ay sinunog sa tabing-dagat.  Matapos ang trahedya, hinarang ni Prime Minister Cesar Virata ang pagpapalabas ng karagdagang $ 5 Milyong pondo para sa MIFF.  Trenta minutos bago ang inaugural program naglalagay pa rin ng mga silya.  Ang mga damo ay kinulayan ng berde na dumikit naman sa gowns ng mga bisita.  Sa sumunod na taon 1983, flopchina na ang MIFF kaya pinayagan na rin ang mga experimental films o mga pelikulang hubaran.  Nakilala ang MIFF bilang Manila International Fighting Fish, Fighting Fish ay kolokyal na ekspresyon para sa torohan noon.  Pero in fairness maaari ngang totoo ang sinasabing wala ngang naiwan na patay doon.  Nang ilabas ni Howie Severino ang dokumentaryo niya ukol sa trahedya, “Multo ng Nakaraan” noong 2005, nanawagan siya para sa mga taong may kamag-anak pa na nabaon sa Film Center, walang tumugon.  Wala rin naming nagtitirik ng bulaklak doon tuwing Todos Los Santos.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)