XIAOTIME 21 November 2012: TARLAC, KABISERA NG UNANG REPUBLIKA

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 21 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Altar-Mayor ng Katedral ng Tarlac na may estatwa ni Apung Basti (San Sebastian),1930s. Ito ang sayt ng pagpapatuloy ng Kongreso ng Unang Republika ng Pilipinas, 1899.

21 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=wK9lWmQHAys&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Pinababatid ng Pamahalaang Panlungsod ng Tarlac at nina Cloydy Manlutac at Dong Bautista:  Magsaya, kumita at bumili para sa tuloy-tuloy na sigla!  May tiangge sa plazuela ng Tarlac City hanggang December 8!  Lingid sa kaalaman ng marami, ang aking bayang sinilangan, ang Tarlac, Tarlac ay hindi lamang bahagi ng walong sinag ng araw sa ating bandila ng mga unang umaban sa mga Espanyol, naging kabisera din ito ng Republika ng Pilipinas mula June 21, 1899.  113 years ago noong isang linggo, November 12, 1899, bumagsak ang kabiserang ito nang sakupin ng mga Amerikano ang bayan.  Bagama’t hindi gaanong nababanggit, ang pananatili ng Unang Konstitusyunal na Republika sa Asya sa Tarlac ay hindi lamang dapat maging isang “footnote” sa ating kasaysayan, sapagkat dito, maraming nangyaring mahalaga.  Matapos masakop ng mga Amerikano ang kabisera ng Republika sa Malolos, muling nagpulong ang Kongreso sa Katedral ng San Sebastian sa Tarlac noong July 14, 1899.

Katedral ng San Sebastian sa Tarlac, Tarlac (ngayo’y lungsod) sa panahon ng Unang Republika, 1899.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na pakikipagbakbakan ng sa mga Amerikano, patuloy na gumawa ng batas ang Kongreso na ayon sa constitutional historian na si Sulpicio Guevarra, “[they] marvelously succeeded in producing order out of chaos.”  Ilan sa isinabatas nila ang mga butaw para sa pagkakasal, ang pagbabawal sa mga barkong nagpapalipad ng bandilang Amerikano, ang pagpapatala ng mga dayuhan, ang pagtatatag ng Korte Suprema at mga hukuman, ang promulgasyon ng General Orders ng Hukbong Katihan o Army.  Sa Tarlac rin itinatag ang Bureau of Paper Money kung saan sa palimbagan ni Zacarias Fajardo inilimbag ang mga mamiso, dos, cinco at beinte pesos.  Sa Gerona, Tarlac naman ginawa ang mga barya sa  Smith, Bell, & Co.

Ang mga perang papel at barya na inilibas ng Unang republika sa Tarlac.

Noong June 30, 1899 binigyan ng amnestiya ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora at tinawag na mga “amigos” na nagpapatunay hindi lamang ng tapang ng mga Espanyol kundi ng kabutihan ng mga Pilipino.  Nagpapatunay din ito na ang tunay na nagtagumpay sa himagsikan laban sa mga Espanyol ay tayong mga Pilipino.  Ang araw na ito ay ipinagdiriwang ngayon bilang Philippine-Spanish Friendship Day.

Los Ultimos Filipinos, ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora na nabigyan ng amnestiya mula sa Unang republika sa Tarlac.

Ang Simbahan ng Baler kung saan nagkuta ang Los Ultimos Filipinos, 1899. Sa mga Espanyol, liban sa Maynila, ang Baler ang naaalala nilang lugar kapag naritinig ang pangalang Pilipinas.

Gayundin, ang unang unibersidad na Pilipino, ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas at ang hayskul na Instituto Burgos mula sa Malolos ayt nagpatuloy sa Kumbento ng Tarlac.  Sa tanging graduation nito noong September 29, 1899, pinirmahan mismo ni Pangulong Aguinaldo ang mga diploma.

Casa Real ng Tarlac, opisina ng panguluhan ni Emilio Aguinaldo, nasa sayt ngayon ng Tarlac State University.

Sa Casa Real ng Tarlac na ngayon ay sayt ng Tarlac State University, nag-opisina si Aguinaldo habang sinusulat ang pinakaunang limbag na tala ukol sa Himagsikan, the True Version of the Philippine Revolution kung saan niya tinuligsa ang mga atrocities o brutalidad ng mga Amerikano sa mga Pilipino.

Ang unang limbag na kwento ng Himagsikan sa perspektibang Pilipino ay isinulat ni Emilio Aguinaldo at isinulat sa Ingles at Espanyol. Maraming mga historyador ang naghinuha na ghost written lamang ito hanggang mahanap ang orihinal sa Tagalog sa sulat kamay ni Aguinaldo.

Ngunit noong November 12, 1899, sa kabila ng pagtatanggol ni Heneral Francisco Makabulos at Heneral Servillano Aquino at ng 400 nilang tauhan, nakuha ni Hen. Arthur MacArthur at ng 3,000 niyang tao ang Tarlac, nagmartsa silang papasok sa bayan, basang-basa sa ulan.

Heneral Francisco Makabulos y Soliman

Heneral Servillano Aquino

Ayon kay Nick Joaquin, sa pagsakop sa Tarlac, “The Republic Had Fallen.”  Tuluyang nahuli si Aguinaldo sa Palanan noong 1901.  Sa pamamagitan ng mga kasaysayang lokal tulad ng mababasa sa bagong aklat na

Kasaysayang Pampook:  Pananaw, Pananaliksik, Pagtuturo ng UP Lipunang Pangkasaysayan, mapapagtanto natin na bawat kwento ng bayan ay mahalaga sa pagbubuo ng isang mas matibay at mapagkaisang pambansang kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 14 November 2012)