KASAYSAYAN NG PASYON NI FLOR CONTEMPLACION AT NI DELIA MAGA
KASAYSAYAN NG PASION NI FLOR CONTEMPLACION AT NI DELIA MAGA
Sukat ipag-aalab ng Singapore (Pasiong OCW[1])
Aklat na Lunas
Ni Xiao Chua, 11 years old, April 1995
Si Flor ay makikipagsapalaran
Sa ibang bansa o bayan
Para tulungan ang mamamayan
At ang pamilyang umaasa
Sa tulong at mga pera.
Minsan ay magpapadala
Si Flor sa kanyang pamilya
[Dadalhin] niya kay Delia
Na ang apelyido’y Maga
Na kaibigang talaga.
Si Delia ay nakikipag-usap
Kay Flor na kaibigan niya
Nang si Nicholas sumumpong
Sa epilepsing sakit niya
At namatay habang naliligo.
Umalis na si Flor
At dumating na ang amo
Nagalit siya kay Delia
At pinatay na talaga
At walang nakakaalam.

Tulad ng bayani si Ninoy, hindi naig-iisa si Flor. Nakiisa sa kanya ang bayan. Mula sa The Flor Contemplacion Story.
Ang tatay ay nagtungo
Sa bahay ng kapatid niya
At sinabi ang sala niya
At narining ng katulong
Na Pilipinong totoo.

Pagsusunog ng bandila ng Singapore ng ilang mga Pilipino bilang protesta. Pagsasadula mula sa The Flor Contemplacion Story.
Ang katulong na totoo
Ay nakakaintindi ng Malay (?)
At narinig ang usapan
Na[ng] magkapatid na lilo
At nagtapat sa kasalanan.

Ang pagpapahirap ng mga awtoridad ng Singapore kay Flor. Pagsasadula ni Helen Gamboa sa pelikulang “Bagong Bayani.”
Isinumbong ng tatay
Si Flor na walang kinalaman
Nakulong at hinatulan
Ng bitay sa [lubid]
Na sikretong totoo.
Hindi inaksyunan
Ng gobyernong Pilipino
Ang dinaranas ni Flor
Sa Singapore na dayuhan
Nakalimutan din ng tao.
Pumunta ang pamilya
Sa Singapore na dayuhan
Ngunit si Efreng asawa
Ay hindi na sumama pa
Dahil sa sakit ng loob.
Si Ramos na pangulo
Ng Pilipinas na bayan
Ay sumulat ng [liham]
Sa ministro ng Singapore
Ngunit hindi pinagbigyan.
Nang Biyernes na araw
Ika-17 ng Marso
Ala[s]-seis ng umaga
Sa Changi na kulungan
Binitay ang walang sala.
Noong gabi bago
Ang pagbitay na sikreto
Nagdasal ang mga tao
Nagtirik ng kandila
Sa mga bahay-bahay.
Nang alas-nueve na
Sinabi na patay na nga
Si Flor na bayani na
Ng mga OCWs
At nilabas na ang labi.
At inuwi na nang Linggo
Ang labi ni Contemplacion
Sinalubong ng pamilya
At ng Unang Ginang
Ibinigay na ang tulong.
At sinalubong nila
Sa Flor na bangkay na
Masikip na ang daan
Sa dami ng tao
At itinuring bayani.
Matatag na si Efren
Sa pagkamatay ng esposa
Pati na ang mga anak
At kanilang winika
“Inay wala kang kapantay.”
Nang binuksan ni Efren
Ang sobre na inalay
Ni Ramos na president
Walang laman na totoo
Sa 2nd araw ng burol.
At linggo nang it’y ilibing
Sa San Pablo Memorial Park
Binigyan pa ng papuri
Bilang bayani ng bansa
At saka martir pa.
Binuo isang kumisyon
Ang Gancayco Commission
Na mag-iimbestiga
Sa naganap na insidente
Na Maga-Contemplacion.
Isinapelikula
Buhay ni Delia Maga
At ni Flor Contemplacion
Nag-aaway, nagtatalo
Kung sino ang [mas] maganda.
ARAL
Nagising ang gobyerno
Sa nangyari kay Flor
Sa matagal na pagtulog
Sa suliranin ng OCW
Na hindi natutugunan.
Ang pagbubuklod-[buklod]
Ng mga Pilipino
Na nananalangin
Upang huwag na maulit pa
A[ng] naganap at nangyari.
PANALANGIN
O Diyos sa kalangitan
Patnubayan ang kaluluwa
Ni Flor na bayani na
At nawa’y mapunta na
Sa langit na masagana.
Salamat sa makabuluhan
At may aral na pagkamatay
Ni Flor na bayani na
Sana ay mabuhay pa
Ang aral na iniwan niya.
AMEN
xxx
[1] OCW para sa Overseas Contract Workers, na tawag noon sa ngayon ay mga OFW o Overseas Filipino Workers.