XIAO TIME, 21 March 2013: ANG MGA PAMANA NI EMILIO AGUINALDO (Aguinaldo ni Aguinaldo)
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Larawan ni Emilio Aguinaldo na nasa opisina ng Dambanang Aguinaldo na may nakasulat na inskripsyon sa kaliwa bandang ilalim nito: “Al señor E. Aguinaldo con sincero aprecio del Autor, Manila 1922.” Kuha ni Xiao Chua.
21 March 2013, Thursday:
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Binabati ko ang aking mahal na ina, si Vilma Briones Chua para sa kanyang kaarawan ngayong araw na ito, March 21. Kasunod ng kaarawan niya ang kaarawan ng kanyang ina, aming Lola Leoning, Briones March 23, na sumakabilang buhay noong March 18, 2011. Maligayang bati sa inyo mga mahal ko! 144 years ago bukas, March 22, 1869, isinilang sa Cavie Viejo, ngayo’y Kawit, si Heneral Emilio Aguinaldo y Famy, Pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas.
Nag-drop-out sa Letran upang tulungan ang mga magulang sa negosyo. Upang hindi maisama sa hukbong Epanyol, nilakad ng kanyang inang sa Trinidad na matalaga siyang Cabeza de Barangay. Stage Mother. Naging kauna-unahang Capitan Municipal ng Kawit sa edad na 24. Sumapi sa masoneriya at sa Katipunan. Malamang sa malamang, matapos ang kanyang initiation, sa pagbukas ng piring ng kanyang mata, ang una pang yumakap sa kanya ay ang Supremo Andres Bonifacio mismo.

Mansyon ng mga Aguinaldo kung saan isinilang si Emilio at kung saan niya ipinroklama ang Independensya ng Pilipinas. Mula sa Home of Independence.

Nakatayo: Baldomero Aguinaldo, si Miguel at ang tatay niyang si Emilio Aguinaldo. Nakaupo: Ina ni Aguinaldo na si Trinidad Famy at kapatid na si Felicidad. Mula sa Great Lives Series.
Sa kanyang mga pananagumpay sa iisang lalawigan, ang Cavite, napatanyag at nahalal na Pangulo sa kontrobersyal na Kombensyon ng Tejeros, March 22, 1897 laban sa Pangulo ng Haring Bayan noon na si Andres Bonifacio. Wala siya sa halalan, 28th birthday niya iyon at nasa labanan. Nakipagkasundo sa mga Espanyol sa Biak-na-bato at binigyan sila ng pera upang manahimik. Ginamit nila ito upang bumili ng armas sa Hongkong at bumalik sa pagtatagumpay ng himagsikan ng mga Anak ng Bayan laban sa mga Espanyol.

Emilio Aguinaldo, Magdalo, mula sa pangalan ng patron ng Kawit (Cavite Viejo), Sta. Magdalena. Mula sa Armed Forces of the Philippines Museum.
Dala-dala niya rin ang watawat ng Pilipinas na may araw na may mukha na kanyang dininsenyo at nagpagawa ng isang martsa na magiging Pambansang Awit natin. Ipinroklama niya ang independencia ng Pilipinas sa gitnang bintana ng kanilang mansyon noong June 12, 1898.

Ang unang pagwawagayway ng Watawat ng Pilipinas matapos ang Labanan sa Alapan, sa Teatro Caviteno. Mula sa City Hall ng Cavite City.

Ang disenyo ng araw na may mukha sa bandila ni Aguinaldo. Kuha ni Xiao Chua mula sa Dambanang Aguinaldo.

Ang sipi ng piyesa ng Marcha Nacional na dati ay Marcha Filipina Magdalo. Kuha ni Xiao Chua mula sa Dambanang Aguinaldo.

Ang proklamasyon ng Kasarinlan ng Pilipinas noong June 12, 1898. Mula sa 100,000 pisong perang papel na inilabas ng Bangko Sentral para sa Sentenaryo ng Kasarinlan noong 1998.
Ninais na magbitiw sa pagkapangulo Kapaskuhan ng 1898 dahil sa korupsyon ng ilan sa kanyang hukbo ngunit napigilan at nagpatuloy na maging Pangulo ng Unang Konstitusyunal na Demokratikong Republika sa Asya, ang Republika ng Malolos sa harap ng bagong banta ng pananakop ng mga Amerikano.
Matapos mahuli isang araw matapos ang kanyang kaarawan noong 1901 sa Palanan, Isabela, nanumpa ng katapatan sa Estados Unidos at naging maykayang magsasaka, at isinulong ang kapakanan ng mga beterano bilang pinuno ng Veteranos dela Revolucion. Madalas magbigay sa mga matatandang beterano mula sa kanyang sariling bulsa.

Ang paghuli kay Aguinaldo sa Palanan, Isabela, March 23, 1901. Mula sa Ayala Museum The Diorama Experience.
Naoperahan para sa kanyang appendicitis noong 1919, patuloy na sumakit ang tiyan at nang muling operahan naiwan pala ang isang gasa na hanggang ngayon ay makikita sa botikin ng kanyang mansyon. Natalo sa halalan para sa Komonwelt kay Pangulong Manuel Quezon noong 1935 at sa kanyang pagiging anti-Amerikano, naniwalang kaibigan ang mga mananakop na mga Hapones.

Larawan ni Heneral Aguinaldo sa banig ng operasyon para sa apendicitis, 1919. Mula sa Dambanang Aguinaldo.

Si Heneral Aguinaldo sa harapan ng mga bote ng kanyang preserved appendix at ng naiwang gasa sa kanyang tiyan. Mula sa Looking Back ni Ambeth R. Ocampo.

Ang mga bote ng gasa at appendix na naroon pa rin sa botikin (maliit na botika) ng Dambanang Aguinaldo.
Namatay siya noong 1964 sa edad na 95. Kontrobersyal na figura sa marami ngunit hindi maikakaila ang kanyang malaking ambag sa kasaysayan ng ating bansa—ang ating pambansang watawat, pambansang awit at ang pamumuno ng himagsikan sa batang edad na 28. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 16 March 2013)

Monumento ni Heneral Aguinaldo na nangangabayo sa Museo Aguinaldo (Suntay branch) sa Lungsod ng Baguio.

Monumento ni Heneral Aguinaldo na nangangabayo sa plaza sa harap ng Dambanang Aguinaldo. Kuha ni Xiao Chua.

Monumento ni Aguinaldo hawak ang nakumpiska niyang espada ni Heneral Aguirre na kanyang ka-edad. Kuha ni Xiao Chua sa Tejeros Convention Center.
- Ang mga bumubuo ng Anakbayan, Inc. kasama ang apo sa tuhod ng Heneral na si Angelo Jarin Aguinaldo, sa opisina ng Dambanang Aguinaldo, 2011.