XIAO TIME, 25 March 2013: SIGAW NG CANDON AT ANG REBOLUSYUNARYONG PAMANA NG ILOCOS
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
25 March 2013, Holy Monday: http://www.youtube.com/watch?v=nPkWjGxCg4w
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Ngayon, ang turismo ng Vigan at ng Ilocandia ay natatali sa mga pamanang kolonyal ng mga Espanyol—mga lumang bahay, mga lumang simbahan, at iba pa. Mungkahi ng historyador na si Jaime Veneracion, maaaring gawing maka-Pilipino ang pananaw ng turismo doon at ipakita ang mga rebolusyunaryong pamana ng mga bayaning Ilokano sa ating bansa. Ilang taon na rin na isinasagawa nila sa Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan na ang Heroes’ Trail sa Tirad Pass, Ilocos Sur kung saan namatay ang batang heneral na Bulakenyo na si Gregorio del Pilar noong 1899.

Ang mga Bandoleros sa pangunguna ni Rex Flores bilang si Macario Sakay kasama si Dr. Nilo S. Ocampo sa Tirad Pass, Ilocos Sur, bilang paggunita sa kabayanihan ni Gregorio del Pilar.
Sa bahay na ito sa Vigan, Ilocos Sur din lumaki si Padre José Burgos na isinilang noong 1837. Ilang lakad lang, sa bahay naman na ngayon ay isa nang restaurant nanirahan ang isang kilalang babaeng makata at nanunulat ng dulang Ilokano noon na si Leona Florentino, ang kanyang mga akda ay naisalin sa iba’t ibang wikang pandaigdig at naitanghal sa Espanya, Paris at St. Louis sa Missouri, gayundin sa Pranses na International Encyclopedia of Women’s Works noong 1889. Sa harap nito, isang monumento at plaza ang inalay sa kanya.
Siya ang ina ng isang makabayang propagandista at iskolar, si Don Isabelo de los Reyes, isa sa tagapagtatag ng Iglesia Filipina Independiente o IFI. Ang unang Obispo Maximo nito na si Don Gregorio Aglipay, ang magkapatid na Juan at Antonio Luna, si Heneral Artemio Ricarte at ang isa sa mga kasama ni Andres Bonifacio nagtatag ng Katipunan, at treasurer ng samahan na si Valentin Diaz ay pawang mga Ilokano. Si Diaz ay isinilang sa plaza na ito malapit sa makasaysayang Paoay Church sa Ilocos Norte noong 1849.

Si Xiao Chua kasama ni Jonathan Balsamo sa harapan ng monumento ni Obispo Aglipay sa Batac, Ilocos Norte.

Ang kabaong ni Obispo Aglipay sa likod ng altar ng Simbahan ng IFI sa Batac, Ilocos Norte. Kuha ni Xiao Chua

Sa sari-sari store na ito sa Plaza ng Paoay ang pook sinilangan ni Valentin Diaz. Mga Kuha ni Xiao Chua.
Isa namang lihim na samahang makabayan, ang Espiritu de Candon, ang itinatag sa isa sa mga bayan sa Ilocos Sur. Noong March 24, 1898, nahulihan sila ng isang kasapi at dahil pinahirapan, nabunyag ang samahan. Kinagabihan sa isang piging, nalaman ito ng isa sa kanyang mga kasama, si Federico Isabelo Abaya. Dali-daling tinawagan ni Kapitan Belong ang kanyang mga kasama, nag-armas, at alas dos ng umaga kinabukasan, 115 years ago ngayong araw, sinalakay nila ang himpilan ng guardia civil ng Candon. Matapos nito ay kinuha nila ang convento at pinugutan ng ulo ang kanilang kura paroko at dalawang bisitang prayle. Itinaas niya ang bandilang pula ng himagsikan sa plaza at ipinroklama ang malayang Republika ng Candon. Ito ang tinawag na Ikkis ti Kandon o Cry of Candon.
Pinalaya din nila ang bayan ng Santiago ngunit ang mga naiwan sa Candon ay nahuli ng mga Espanyol at binitay. Si Isabelo Abaya ay nakatakas at naging kasapi ng Hukbong Rebolusyunaryo sa ilalim ni Koronel Manuel Tinio at sa Philippine-American War ay nakipaglaban kasama ng mga Igorot sa Labanan sa Caloocan laban sa mga bagong mananakop na Amerikano.
Si Abaya ay napatay noong May 3, 1900 at ang kanyang katawan ay binandera sa plaza na ito ng Candon kung saan niya itinaas ang banderang pula ng kalayaan. Ano pa nga ba ang maaasahan sa mga kalahi nina Diego at Gabriela Silang: Kagitingan! Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 22 March 2013)