XIAO TIME, 29 April 2013: ANG PAMANA NI SENADOR GERRY ROXAS
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Senador Gerardo “Gerry” Roxas. Obra Maestra ni Vicente Manansala. Mula sa opisyal na bahay-dagitab ng Gerry Roxas Foundation.
29 April 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=9NuOApaibnY
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 31 years ago, April 19, 1982, sumakabilang-buhay si Gerardo Manuel Roxas de Leon. Huh??? Who’s that Pokemón??? Siya po ay walang iba kundi ang dating senador Gerry Roxas. Ikinalungkot ng bayan ang kanyang pagkawala. Ama niya ang Pangulong Manuel Roxas ng Capiz at lolo niya sa ina ay isang ring dating Senador rin na si Ceferino de Leon ng Bulacan na miyembro ng Kongreso ng Malolos noong 1898. Kumbaga, nasa lahi niya ang pagiging pulitiko.
Aba! Si Gerry ay nag-aral kapwa sa De La Salle College noong elementarya at sa Ateneo de Manila noong hayskul. Ngunit, sa UP siya nag-abogasya at nakapasa sa bar noong 1949. Noong 1955, nagpakasal sa isang babaeng nagmula sa isang prominenteng pamilyang Bisaya, si Judy Araneta at nagkaroon ng tatlong supling.
Noong 1957, naging congressman ng Capiz at noong 1963, nagtamo ng pinakamaraming boto sa mga senador na nahalal sa halalang iyon. Naging pangulo ng Partido Liberal at Minority Floor Leader at itinatanghal ng ilang beses sa Philippines Free Press bilang isa sa mga outstanding lawmakers.

Si Gerrry Roxas (nasa gitna) nang mahalal na Pangulo ng Partido Liberal kasama si Pangulong DIosdado Macapagal (kaliwa). Mula kay Senador Jovito Salonga.

Si Gerry pinaliligiran ng mga kapwa senador Jovito Salonga, Serging Osmena, Ninoy Aquino, at iba pa. Mula kay Senador Jovito Salonga.
Ngunit hindi siya naaalala ng maraming tao dahil sa kanyang katayuan sa buhay o sa posisyong tinanganan sa pamahalaan. Naaalala natin ang isang senador na sugatang binubuhat mula sa pagbomba sa Plaza Miranda ngunit kahit naka-wheelchair at puro benda ay patuloy na nagtrabaho.

Si Gerry habang tinutulungang maupo sa kanyang wheelchair para mangampanya. Mula kay Senador Jovito Salonga.
Naaalala natin ang isang pulitikong malakas din na kandidato sa pagkapangulo noong halalan noong 1973, ngunit handang magparaya sa mas popular na kapartidong si Ninoy Aquino para sa pagkakaisa ng lapian kung hindi lang naiproklama ang Batas Militar noong 1972. Tila naalala natin siyang muli nang maulit ang kasaysayan at magparaya ang anak niyang si Mar Roxas kay Noynoy Aquino noong halalan ng 2010.
Naaalala natin siya bilang senador na kasama ng iba pa niyang mga kapwa senador ay nagpalitratong hawak ang kandado ng kanilang ipinasarang kongreso, ngunit hindi tumigil sa pagtulong sa pagkontra sa diktadura.

Sina Senador Doy Laurel, Eva Kalaw, Ramon Mitra, Gerry Roxas at Jovito Salonga habang nagpapalitrato sa harapan ng kanilang nakakandadong kongreso. Mula kay Gng. Judy Roxas.
Naaalala natin ang maykayang pulitiko na hindi kinalimutan ang mga mahihirap na kabataan. Noong 1958, kongresista pa lamang noon, sinumulan niya ang isang munting iskolarsyip program para sa mga mahihirap ngunit matatalinong estudyante ng kaniyang distrito. Itinatag niya ang Roxas Educational Advancement Committee.

Si Gerry Roxas sa kanyang aklatan, may pagpapahalaga sa edukasyon ng kabataan. Mula kay Senador Jovito Salonga.
Dahil sa respeto na ibinigay sa kanya ng mga lider-estudyante sa panahon ng ideyalismo sa mga pamantasan, inudyok siya ng College Editors Guild of the Philippines at Secondary Schools Guild na magkaroon ng gawad sa kanyang pangalan na kikilala sa mga estudyanteng may natatanging pamumuno, kahusayan sa pag-aaral at pakikisangkot sa lipunan. Noong 1966, isinilang ang Gerry Roxas Leadership Award na ipinamamahagi sa maraming paaralan sa Pilipinas, at sa sumunod na taon naman, ipinamahagi ang Gerry Roxas Scholarship Grant na magbibigay tulong pinansyal sa mga nararapat bigyan ng pagkakataon makapagkolehiyo sa mga nagtamo ng gawad.
Hanggang ngayon, naaalala natin ang diwa ni Gerry sa daan-daang mga Gerry Roxas awardees na binigyang inspirasyon ng halimbawa at integridad ng isang taga-Capiz na naglingkod sa buong bansa. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 20 April 2013)