Saan nagmula ang salitang Undas?

by xiaochua

By XIAO CHUA

First published by GMA News, November 1, 2015 10:20am

Dahil panahon na naman ng Todos Los Santos at pupunta na naman tayo sa sementeryo upang alalahanin ang ating mga mahal sa buhay, balikan natin ang mga tradisyon ng ating mga ninuno na may kinalaman sa mga yumao. 

Dahil sa impluwensyang Katoliko ng mga Espanyol, naitali sa Todos Los Santos o All Saints’ Day ang paggalang natin sa mahal nating mga kaanak na yumao at tila ang ating mga namatay na ninuno ay itinuturing na rin natin na mga santo na nasa langit kasama ng Panginoon.  

Ang doktrina ng Santa Iglesia Catolica Romana ay nagsasabi na ang namatay na mahal sa buhay ay ipinapanalangin upang mahango sa purgatoryo, mapunta sa langit o magabayan ang kanilang mga kaluluwa sa kabilang buhay.  

Panahon ng Sinaunang Bayan

Ngunit hindi ba kayo nagtataka, kapag undas ay hindi lamang natin ipinapanalangin ang mga patay, nagdadasal tayo mismo sa kamag-anak natin at kinakausap natin sila?  Ito ay pagpapatuloy ng sinaunang kulturang Pilipino na mas matanda pa sa Katolisismo sa Pilipinas.  

Pagdating ng panahon, kapag tayong lahat ay wala na dito sa mundong ibabaw, libu-libong taon ang lilipas, ang mga tao sa hinaharap ay mahuhukay ang ating mga libingan.  At sa mga libingan na ito makikita nila kung paano tayo mamuhay.  Tulad ng ginagawa ng ating mga arkeyologo ngayon, hinuhukay nila ang mga libingan ng ating mga ninuno at nagkakaroon sila ng ideya sa kung ano ba ang pamumuhay ng mga tao noon batay sa anyo ng paglilibing at sa mga gamit na isinasama sa mga bangkay.  

Noong unang panahon ng mga ninuno nating Austronesians, naglilibing ang mga Pilipino sa mga banga.  Iba-iba ang klase nito.  May isang natagpuan na hugis itlog na banga na inilibing sa lupa.  Makikita na sa bangang ito, buong tao ang inililibing.  Ang tawag dito ay Primary Burial Jar.  Sa ibabaw ng libingan ay may mga bato na ihinugis sa bangka.  Salamin ito ng halaga sa ating mga ninuno mula Luzon hanggang Mindanao ng kultura sa paglalayag o Maritime Culture ng mga Pilipino, at naniniwala silang sa pamamagitan ng katubigan at bangka dinadala ang mga kaluluwa sa kabilang buhay.  

Sa mga kapatid nating Badjao sa Sulu, ang kanilang mga pananda sa mga libingan na tinatawag na sunduk ay disenyo ng bangka na may nakatayong tao.  

Tila kahalintulad din ito ng pinakamahalagang libingang banga sa Pilipinas na natagpuan sa Kuweba ng Manunggul sa Palawan, ang Manunggul Jar na ang edad ay tinataya nilikha noong 710 B.C.  Ang disenyo ng takip ay tila mga alon sa dagat at sa ibabaw nito, dalawang kaluluwa na nakasakay sa isang Bangka-kaluluwa na may mukha.  Mga buto na lamang ang inilalagay dito kaya maituturing ito na Secondary Burial Jar.  Noong 1991, daang-daang secondary burial jars ang natagpuan sa Ayub Cave sa Maitum, Saranggani.  Ang mga takip ay pinaniniwalaang representasyon ng nakalibing, disenyo ng iba’t ibang mukha.  

Tulad nang makikita sa bangang panlibing na Manunggul, naniwala ang mga ninuno natin na ang ating mga kaluluwa kapag tayo ay namatay ay naglalakbay at dumadaan sa mga ilog at dagat patungo sa kabilang buhay bilang salamin ng ating maritime culture.  Sa Batanes, may mga natagpuang mga libingan sa lupa ngunit ang kanilang mga pananda ay mga batong hugis Bangka, at sa Cordillera na kahit bulubundukin, ang mga kabaong kung saan sila naglilibing sa mga kweba ay hugis bangka rin!  

Ang mga kaluluwa ng mga namatay ay itinuturing na anito na nagbabalik sa kalikasan, sa mga ilog, sa mga bundok, sa mga bato at sa mga punongkahoy.  Sila ay kinakatawan ng mga estatuwa at inaalayan at dinadasalan natin ang mga ninuno natin na ito.  At pinaniniwalaan na nakikipag-usap pa ang mga anito sa atin noon sa pamamagitan ng mga babaylan at catalonan.  

Kaya hanggang sa ngayon ipinagpapatuloy natin ang pakikipag-usap sa mga namayapa.

Pinag-aralan naman ni Dr. Grace Barretto-Tesoro sa kanyang disertasyon sa Cambridge ang mga libingan ng mga ninuno natin sa Calatagan, Batangas kung saan natagpuan ang mga ninuno natin na nakalibing kasama ang mga shells na Tridacna gigas, ang iba ay may mga ginto at alahas, at ang iba may mga ibang bungo na nakalibing.  Ang bangkay na ito ay pinaniniwalaan na sa isang Catalonan, ang babaylan o espituwal na pinuno sa Luzon.  

Bayan sa Panahon ng Kolonyalismo

Ang pista ng patay sa Pilipinas ay tinatawag nating “Undas.”  Nang tanungin ko si Dr. Lars Raymund Ubaldo, ang salitang “Undas” ay nagmula sa Espanyol na “honras funebres” o funeral honors na sa ibang lalawigang Tagalog ay naging “honras” at “undras,” at sa Ilocos ay “atang” na tinatawag ding “umras.”

Pinag-aralan ni Dr. Ubaldo ang kaugalian sa Ilocos ng pagtagis sa burol na ang inaawit ay ang buhay ng namatay.  Tawag dito sa tagulaylay na ito ay dung-aw.  Tila pagpapatuloy ito ng sinaunang pag-awit ng epiko ng mga ninuno natin.

Noong unang mga taon ng ika-20 siglo, ayon sa Kapampangang si Alex R. Castro, ang pagpapalibing ay P 30.00 na samantalang ang mananahi ay sumasahod ng P5.00 lamang kada buwan.  

Kung ikaw ay Katoliko, nararapat ka lamang ilibing sa Sementeryong Katoliko.  Ang mga ito ay itinuturing din na banal na lugar kaya tinawag itong Campo Santo—banal ang mga inililibing dito.  Kadalasan sa mga sementeryo na ito ay mayroon isang ermita, o isang maliit na simbahan tulad ng nabisita ko sa Paniqui, Tarlac; Vigan, Ilocos Sur; at sa San Joaquin, Iloilo.  Isa sa pinakasikat na Sementeryong Katoliko sa bansa ay ang Sementeryo ng Nagcarlan. Dahil ito ay nasa mataas na lugar, tila mayroon itong basement kaya tinawag itong Underground Cemetery.  Sa mga tagong lugar na ito lihim na nagpulong ang Katipunan sa Laguna noong Himagsikang 1896.  Ang mga hindi Katoliko ay inililibing sa Sementeryo halimbawa ng mga Tsino.  

Ang mga tao rin noon ay kumukuha ng Recuerdos de Patay o “Souvenirs of the Dead,” tulad ng obra na ito ni Simon Flores ng isang patay na bata na ipinagpatuloy naman sa pagpapalitrato kasama ang patay.  Kung minsan itinatayo pa ang kabaong para makita ang patay sa loob.  

Ayon kay Ambeth R. Ocampo, ang peryodikong Renacimineto Filipino ay napakahilig na ilabas ang litrato ng kamatayan ng mga bayani.  Ito si Miguel Malvar matapos malagutan ng hininga noong 1911, full coverage ang kanyang libing.  Nilathala din ang larawan ng ina ni Rizal “en enfermedad” o sa kanyang pagkaksakit, at “el cadaver” bilang isang bangkay!  

Ang Kahulugan ng D.O.M. sa mga Puntod

Sa mga semeteryo, makikita rin sa disenyo ng mga puntod ang kalagayan ng tao.  Isang obra ni Guillermo Tolentino ay nakalagay dati sa isang puntod ng isang mayaman sa Bulacan na ngayon ay nasa Pambansang Tipunan ng Sining sa Pambansang Museo ay isang malaking rebulto ng anghel na katulad ng anghel sa taas ng Monumento ni Bonifacio sa Caloocan, ngunit ito ay tila nakabuka ang palad na nagsusumamo sa Diyos na tanggapin ang kaluluwa ng yumao.  

Nagsimula tayong maglibing sa mga kabaong na may mga panandang krus o mga lapida noong panahon ng mga Espanyol.  Kung maykaya ka, maaari kang mailibing sa loob ng Simbahan tulad nitong mga pamilyang Roxas, Zobel at Ayala na mayroong sariling kapilya sa Simbahan ng San Agustin sa Intramuros.  

Sa pagtingin sa mga lumang simbahan sa Pilipinas makikita mo ang mga nakasulat sa lapida tulad ng  “Recuerdo de la Familia”—katumbas ngayon ng nakalagay na “Family Remembrance.”  Liban sa R.I.P. (Hindi pa Ingles noon na Rest in Peace kundi Latin na “Requiescat in pace”) at D.E.P. para sa Espanyol na “Descansar en Paz,” mayroon ding D.O.M.  Akala ng iba, Dirty Old Man ito, pero nagmula pa pala ito sa mga paganong Romano na nagsasabi na Deo, Optimo Maximo, “To the Greatest and Best God,” pinauubaya na ang mahal sa buhay sa kandungan ng makapangyarihang Diyos.  Kung mahirap ka sa Katagalugan, hindi Latin o Spanish ang mga letra na nakalagay sa lapida mo kung hindi S.L.N.—hindi yan “Sa Lagnat Namatay” ha kundi “Suma Langit Nawa.”  

Ang mga libingan ay hindi lamang himlayan o lugar na katatakutan, ito ay isang mayaman na batis ng ating kasaysayan.  

Ang Halloween at ang Pagpasok ng Komersyalismo sa Undas 

Tulad ng maraming aspekto ng kultura, ang Undas ay ginawang negosyo sa pagdating ng impluwensyang Amerikano sa Pilipinas sa pagpapakilala nila ng konsepto ng Halloween.

Ipinagdiriwang sa daigdig ang Halloween tuwing October 31.  Ang salitang ito ay nagmula salitang “All Hallow’s Evening,” ang kahulugan ng “hallow” ay saint dahil gabing bisperas nga ito ng All Saints’ Day.  

Kasabay nito ang bisperas ng pista ng mga patay na ipinagdiriwang pa ng mga sinaunang Celtic bilang “Samhain” kung kalian pinaniniwalaan nilang bumabalik sa mga tahanan nila ang kaluluwa ng mga ninuno nila.  Ginugunita nila ito sa pamamagitan ng “trick or treat,” kumbaga, kung may kakatok sa iyo at hindi mo bigyan ng kahit ano ay maaari ka nilang lokohin ng mga pranks.  Upang kumatawan sa mga kaluluwa na maaari kang saktan o patayin kung maging maramot ka, nagsusuot ng kung anu-nong nakatatakot na costume ang mga bata.  

Gayundin, gumagawa ng mga inukitang kalabasa o pumpkin ang mga Kanluranin upang pantaboy sa mga masasamang demonyo na naglipana sa tuwing Holloween.  1866 unang nabanggit ang koneksyon ng Holloween at pumpkin sa Amerika.  Mapapansin din na sa kwentong bayan sa Kanluran, ang mga mangkukulam ay may nakaugalian na gawing mga pumpkin ang mga tao.  Dahil sa komersyalisasyon at globalisasyon, umabot ang mga Kanluraning praktis na ito sa Pilipinas.  Kung anu-anong kasuotan at mga dekorasyon ang nabibili ukol dito at kung anu-anong party at reunion ang nagaganap sa panahong ito.  Ang dung-aw ay napalitaan na ng videoke.  Tila nagsanib ang komeryalismo ng kanluran at ang pagiging masaya at pagbubuklod ng mga Pilipino na makikita kahit sa mga lamay.

Ngunit sa kabila nito, sana hindi natin malimutan ang dahilan ng undas, ang pag-alala sa ating mahal sa buhay, na panatilihin sila sa ating puso kahit sila ay wala na.  

Mabalik tayo sa undas.  Ang lumang terminong Kapampangan sa pag-aalay ng mga bulaklak sa mga patay ay “Daun.”  Parang binaligtad lang na Unda.  

Muli, ngayon alam niyo na ang UNDAS ay nagmula sa Honras Funebres, hindi sa binaligtad na “SADNU?”  Dahil hindi naman sad ang pista ng patay sa Pilipinas, hindi ba HAPPYNU ito?  

Happy Undas!  

_______________________________________________________________________________

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.    Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.    Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:    Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.