XIAO TIME, 31 May 2013: ANG KWENTO NG “SANTACRUZAN”
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Edna Briones de Guzman, ang ate ng aking ina, noong siya ay maging Reyna Elena sa Luisita, San Miguel, Tarlac, Tarlac, kasama ang isang batang Konstantino. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
31 May 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=L-Dyunpb_2o
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Ang Mayo ay buwan ng mga piyesta! Bagama’t Katolikong tradisyon ang ating mga piyesta, nag-uugat ito sa pagsasagawa ng selebrasyon ng ating mga sinaunang ninuno bilang pasasalamat sa Bathala at mga anito sa magandang ani.
Upang matanggap ng bayan ang bagong pananampalataya, nilapat ang mga kapistahang Katoliko sa sayaw ng mga sinaunang Pilipino hanggang ang “hala bira, pwera pasma!” ay maging “Viva Señor!”

Pagsasayaw na tila sayaw ng mga sinaunang Cebuano para sa Katolikong imahe. Sinkretismo o paghahalo ito ng anitoismo at Katolisismo. Folk Catholicism ang labas.
Ang prusisyon tuwing Mayo 12 sa Pakil, Laguna ay hinaluan ng sinaunang sayaw ng mga katutubo, niyuyugyog ng todo ang mahal na birhen ng Turumba.

Si Xiao Chua sa harapan ng orihinal na larawan ng Mahal na Birhen ng Turumba na sinasabing natagpuan sa lawa at nang iahon hindi mabuhat, ngunit nabuhat na lamang patungo sa simbahan nang ito ay sayawan ng mga tao. September 2, 2007. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Dahil marami sa ating mga Pilipino ang magsasaka, mahilig nating ipagdiwang ang pista ni San Isidro Labrador tuwing Mayo 15, pinakasikat na marahil sa Lukban, Quezon kung saan noong unang panahon, dinadala sa simbahan ang mga ani para mabendisyunan ng pari, ngunit noong May 1963, nakaisip ng gimik ang Tagapagtatag at Pangulo ng Arts Club ng Lukban na si Fernando Cadeliña Nañawa at sinimulan ang Lucban Arts for Commerce and Industry Festival na noong Dekada Sitenta ay naging Pahiyas.

Mga kasapi ng Arts Club of Lucban sa pamumuno ni Fernando Cadeliña Nañawa noong 1963. Mula sa pahiyasfestival.wordpress.com.
Mula sa salitang “payas”—to decorate. Nagpapatalbugan ang mga bahay sa paglalagay ng mga disenyong kiping, isang kinakain na dekorasyon na gawa sa kanin. Astig!

Si Xiao nagtatangkang kumain ng pamaypay na may disenyong kipping, August 19, 2005 sa Tayabas, Quezon. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Ang Flores de Mayo naman ay isang buwang pagbibigay-pugay sa Ina ni Hesukristo na si Maria, na sinimulan diumano noong 1854 nang iproklama ang dogma ng Santo Papa na si Maria ay ipinaglihi nang walang kasalanang mana ni Santa Ana—ang Inmaculada Concepcion. Noong 1867, isinalin ni Padre Mariano Sevilla ang debosyunal na “Flores de María” o ang “Mariquit na Bulaklak na sa Pagni-nilay-nilay sa Buong Buwan nang Mayo ay Inihahandog nang mga Deboto kay María Santísima.”

Michelle Charlene B. Chua bilang “Queen of Hearts” sa isang Santacruzan sa Plaza Luisita Mall, San Miguel, Tarlac City noong May 29, 2004. Ngayon ang nawala na ang mga re-enactment, mga karakter at ang aral ng Santa Cruzan, naging fashion show na lamang. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Pio IX, siya ang nagdeklara ng dogma ng Inmaculada Concepcion at siyang pinagmulan ng pangalan ng tinapay na Pio Nono. Mula sa catholic.com.

La Inmaculada concepción de los Venerables o de Soult. Obra maestra ni Murillo, nasa Museo del Prado.

Ang libingan ni Padre Mariano Sevilla sa Bulakan, Bulacan. Mula sa Laki sa Bulakan Bulacan facebook page http://www.facebook.com/photo.php?fbid=668490649834904&set=a.134927979857843.26440.114315955252379&type=1&relevant_count=1.
Ang huling bahagi ng pagpupugay na ito ng mga bulaklak para kay Maria ay isang prusisyon na tinatawag na Santacruzan na gumugunita sa mga titulo ni Maria at kay Emperatriz Elena.

Divina Pastora. Mula sa Filway’s Philippine Almanac (1995). Mayroon ding Reina Mora bilang kinatawan ng mga kapatid nating Muslim na may espesyal na pagkilala rin sa ina ni Propeta Isa (Hesus) na si Mariam.
Nang ang kanyang paganong anak na si Emperador Konstantino ay minsang makikipaglaban, nakita raw niya ang tanda ng Santa Cruz na kinamatayan ni Kristo sa kalangitan sabay ng biling “In Hoc Signo Vinces”—Sa sagisag na ito, manakop! Ipinalagay ni Konstantino sa mga kalasag ng kanyang hukbo ang krus at napagwagian ang digmaan.
Ginawa niyang simbolo ng pagkakaisa ng Imperyo Romano ang krus at ang iisang Diyos ng mga Kristiyano. Ang lola mo namang emperatriz ay nagpatayo ng mga simbahan sa Roma, Konstantinopla, at Palestina. Noong 326 AD, 75 years old na ang lola nang mag perigrinasyon sa Herusalem, at doon pinahukay niya ang Golgotha o Kalbaryo upang patayuan ng Simbahan. Ayon sa kwento, tatlong krus ang kanilang nakita. Upang malaman kung saang krus namatay si Kristo, pinahiga niya ang isang maysakit na alalay at ang krus kung saan siya gumaling ang ipinalagay na kay Kristo.

Ang pagkatuklas ng tunay na krus nang higaan ito ng maysakit. Tres riches heures do Duc de Berry. Mula sa traditioninaction.org
Hinati-hati ang mga krus na ito at noong 2005 ang isang pinaniniwalaang bahagi ay napadpad sa Bundok ng San Jose sa Monasterio de Tarlac.

Larawan ng lalagyan ng bahagi ng sinasabing orihinal na krus ni Kristo na nasa loob ng arqueta. Mula kay Virgilio “Ver” Buan.

Ang arqueta na nagtataglay ng sinasabing isang piraso ng kahoy na nagmula sa mismong krus na pinagkamatayan ng ating Mahal na Panginoong Hesukristo na nakalagak ngayon sa Monasterio de Tarlac.
Kaya naman, mali ang nakikita natin na mga magaganda at batang Reyna Elena na mga kaedad nila ang konsorte, dapat batang maliit ito dahil mag-ina at hindi mag-asawa si Elena at Konstantino. K?

Ang crush kong si Francine Prieto bilang Reyna Elena at si Cholo Baretto bilang Konstantino sa isang Santacruzan sa Plaza Luisita Mall, San Miguel, Tarlac City noong May 29, 2004. Magkaedad? Hindi pwedeng mag-ina.

Yung crush ko noon na si Jennifer Mendoza bilang Reyna Elena at si Papa Patrick Guzman bilang Konstantino sa isang Santacruzan sa Luneta sa ilalim ni Alkalde Alfredo S. Lim, May 5 1996. Magkaedad? Hindi pwedeng mag-ina. Kuha ni Xiao Chua.
Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 25 May 2013)