XIAO TIME, 28 May 2013: ARAW NG BANDILANG PILIPINO
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang paglalarawan sa City Hall ng Cavite City sa unang pagwawagayway ng bandila sa Teatro Caviteno sa Kawit, Cavite matapos ang tagumpay ng hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Alapan, Imus, Cavite laban sa mga Espanyol, May 28, 1898. Ang petsang ito ang simula ng mga araw ng bandila hanggang sa Araw ng Kasarinlan, June 12, 1898.
28 May 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=hWNbInh6iOc
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 115 years ago, May 28, 1898, matapos magbalik ni Heneral Emilio Aguinaldo mula sa Hongkong upang ituloy ang kanyang laban sa mga Espanyol, nagwagi ang kanyang pwersa sa Labanan sa Alapan, Imus, Cavite. Bilang pagdiriwang sa pagwawaging ito, iwinagayway sa unang pagkakataon sa Teatro Caviteño sa Kawit ang bandila ng Pilipinas na may tatlong kulay, tatlong bituwin at araw.

Ang monumento sa Alapan, Imus para sa Tagumpay na nagdulot ng pagwawagyway ng Bandilang Pilipino sa Unang Pagkakataon.

Ang unang disenyo ng bandila ni Heneral Emilio Aguinaldo ay may araw na may mukha. Mula sa Wikipedia.
Taliwas ito sa nalalaman ng mas marami sa atin na noong June 12, 1898 proklamasyon ng Kasarinlan unang iwinagayway ang bandila. Kaya naman, ang araw na May 28 ang ginawang “National Flag Day.”

Si Xiao Chua nang iproklama ang Independensya sa Kawit, Cavite. Joke??? Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Pero alam niyo ba, bago pa man dumating ang mga Espanyol, mayroon ng mga watawat ang ating mga ninuno. Kahit sa mga drowing ng mga sinauna nating mga warship, ang karakoa, makikita na ito. At may dokumentadong bandila ang Himagsikan ni Diego Silang sa Ilocos noong 1762 at ang Motín de Cavite noong 1872.
Mayroon din tayong maling nosyon dahil sa mga selyo na lumabas noong 1972 na pinamagatang “Evolution of the Philippine Flag” na tila step by step ito na pagbabago ng itsura ng pambansang bandila. Kailangang maintindihan na hindi ito bandila ng bansa kundi mga bandila ng iba’t ibang balanghay ng Katipunan at mga heneral ng himagsikan na sabay-sabay na lumaganap noong Himagsikang 1896.
Mga bandila ng Katipunan na may tatlong K para sa “Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan” na nasa telang pula, ang personal na bandila ni Andres Bonifacio, ang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, ang bungo ni Hen. Mariano Llanera na nagamit niya sa Labanan sa San Isidro, Nueva Ecija, ang pulang bandila ni Heneral Pio del Pilar na tinawag na “Bandila ng Matagumpay,” at ang pula, asul at itim na bandila ni Hen. Gregorio del Pilar na ibinatay niya sa bandila ng mga mapaghimagsik na Cubano na kaagapay nila sa paglaban sa kolonyalismo.

Si Andres Bonifacio sa Labanan sa Pinaglabanan hawak ang kanyang personal na bandilang pandigma. Iginuhit ni Jose Prado para sa Adarna.

Si Mariano Llanera sa Labanan sa San Isidro gamit ang kanyang bandilang bungo. Iginuhit ni Jose Prado para sa Adarna.
Mayroong mga hindi napabilang dito—halimbawa ang bandila ng Katipunan sa Polo na may KKK, korona, araw at mga espada at kris na may bungo, ang bandilang ito na may pugot na ulo ng Espanyol, ang bandila ng Malibai na tila isang tatsulok na anting-anting na may mata, at ang bandila ni Pangulong Macario Sakay.

Ang bandila ng KKK sa Polo na hawak ng mga Amerikanong nagcocosplay bilang mga sundalo noong Philippine-American War. In fairness sa effort. Mula sa http://www.flickr.com/photos/dcnelson0381/5194186568/in/photostream/lightbox/.
Sa mga listahan na ito, mayroon ding mga bogus o pekeng mga bandila halimbawa ang bandilang ito na pinagsama ang walong sinag ng araw ni Aguinaldo at ang baybaying K ni Bonifacio ay malayong-malayo sa tinutukoy na disenyo ng bandila na ibinaba sa Pact of Biak-na-Bato na araw na walang partikular na bilang ng sinag.

Ang pagbaba ng tunay na disenyo ng bandila ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biak-na-bato sa guhit mismo sa alaala ni Heneral Artemio Ricarte.
Gayundin ang inimbentong bandila ng mga nagtangkang mangudeta noong 2003, ang bandila ng tinatawag na “Magdalo” group nina Antonio Trillanes, IV ay isinasama ngayon sa mga teksbuk bilang bandila ng “Magdalo” group nina Aguinaldo. Kaloka.

Kahunghangan na tinawag itong “Magdalo” ng press dahil pinaghalo nito ang araw sa War Standard ni Bonifacio sa baybaying “K” sa bandilang ibinaba sa Biak-na-bato.
Bukas abangan ang tunay na kahulugan ng mga simbolismo sa bandila ayon sa ating mga bayani. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 18 May 2013)
Halaw sa papel na ito. Basahin: Chua – Isang Himig, Isang Bandila