IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Month: November, 2013

PANATA NG MANGGAGAWA (Batay sa mga salita nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Julio Nakpil)

Ang close-up ng ulo ni Bonifacio sa kanyang monumento sa Caloocan.  Nililok ni Guillermo Tolentino.  Mula kay Isagani Medina.

Ang close-up ng ulo ni Bonifacio sa kanyang monumento sa Caloocan. Nililok ni Guillermo Tolentino. Mula kay Isagani Medina.

Ako ay manggagawang Pilipino

Mahigpit akong nanunumpa na maging masipag sa pag hahanap-buhay

Sapagkat ito ang siyang tunay na pag ibig at pag mamahal sa sarili sa asawa, anak at kapatid o kababayan

Ngunit hindi ako papaapi at hindi ako makikiapi

Ipagtatanggol ko ang inaapi at kakabakahin ang umaapi sa kapwa manggagawa

Gagawin ko ito ng malamig ang aking loob, matiyaga, makatuwiran at maypag-asa

Sapagkat dito nagbubuhat ang ikagaganap ng mabuting ninanais.

Magkakawanggawa ako, iibig ako sa kapwa

Isusukat ko ang bawat kilos gawa at pangungusap sa talagang katuwiran

Sapagkat isinusulong ko ang tunay na puri at kabanalan

Ipagwawagi ko ang kahusayan, upang matupad ang layon ng Katipunan

Na itampok at tubusin ang bayan

Hindi ko gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba

Ang hindi ko ibig gawin sa asawa, anak at kapatid ko

Hindi ko sasayangin ang panahon

Sisikapin kong magkaroon ng magandang asal

May isang pangungusap, may dangal at puri

Sapagkat sa kabutihang-loob nagmumula ang tunay na kaginhawaan

Babahaginan ko ng makakaya ang alin mang nagdaralita

Iibigin ko ang kapwa ko bilang aking kapatid

At aampunin ko ang bayan dahil ang nais ko ay lunas

Sapagkat ang kaginhawaan ng bayan ay ang kalayaan ng lahat

Itinataya ko ang aking dangal sa ipagkakaisa ng loob at kaisipan ng mga Anak ng Bayan

Kasihan nawa ako ng Maykapal

Binuo ni Michael Charleston “Xiao” Chua, batay sa mga sinulat nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Julio Nakpil, ngayong 30 Nobyembre 2013, ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, 4:44 AM sa kahilingan ng NAGKAISA! para sa kanilang pagkilos sa araw na ito.

IKA-150 TAONG KAARAWAN NI GAT ANDRES BONIFACIO, GUGUNITAIN BUKAS: SPECIAL REPORT

Text of the broadcast of Xiao Chua’s special report for News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan.  Mula kay Jim Richardson.

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan. Mula kay Jim Richardson.

29 November 2013, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=NIgF4twsSXM

Gat Andres Bonifacio, isang pangalan na nagpapagunita sa atin ng isang a-tapang a-tao, ngunit madalas, ng isang matayog na rebulto o matigas na mukha sa barya.  Ngunit, kilala ba natin talaga siya?  Madalas na ipakilala bilang Ama ng Katipunan, Unang Naggalaw ng Paghihimagsik, ngunit nakilala din bilang bobong bodegero na walang pinanalong laban dahil walang pinag-aralan at walang kakayahang militar.

Ang orihinal na Bantayog sa Balintawak, "Sa alaala ng mga Bayani ng 1896."  Hindi po ito si Bonifacio.  Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Ang orihinal na Bantayog sa Balintawak, “Sa alaala ng mga Bayani ng 1896.” Hindi po ito si Bonifacio. Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Sino nga ba ang tunay na Andres Bonifacio.  Isinilang siya noong November 30, 1863 sa Tondo, Maynila sa isang bangkero, sastre at naging teniente mayor na si Santiago Bonifacio, at isang mestisang Espanyola na puno ng isang sangay ng pagawaan ng sigarilyo na si Catalina de Castro.  Isinilang na middle class si Andres at nakapag-aral kay Guillermo Osmeña at nakaabot hanggang sa mataas na paaralan hanggang sa siya ay matigil dahil sa pagkamatay ng kanyang mga magulang noong siya ay 14.  Bilang panganay sa anim na magkakapatid, tumayo siyang kapwa ama at ina nila, gumagawa at nagbebenta ng mga baston at pamaypay sa mga maykaya sa labas ng simbahan.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan.  Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Naging empleyado ng dalawang international company sa Maynila.  Ito ang dahilan bakit sa kanyang tanging larawan, siya ay naka-amerikana at postura.  Sa pagitan ng pagtatrabaho at paggawa ng mga baston, binuklat niya ang mga aklat at nagbasa ukol sa batas, medisina, mga nobela ni Jose Rizal, Kasaysayan ng Amerika at Rebolusyong Pranses, kasama na ang Les Miserables.

Nagsikap si Bonifacio na matuto sa sarili at naging palabasa.  Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Nagsikap si Bonifacio na matuto sa sarili at naging palabasa. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Dahil dito lumawak ang kanyang pag-iisip at nangarap, nagkaroon siya ng ideya na kung dati rati kapag isinilang ang indio, mamamatay pa rin siyang alipin, sa kanyang pinangarap na bansa, ang bayan, tayo, hari, ang makapangyarihan.  Sumapi siya sa Masoneriya, at sa La Liga Filipina ni Rizal noong itatag ito noong July 3, 1892 upang magtulungan ang mga kababayan.

Pagtatatag ng La Liga Filipina.  Mula sa Koleksyon ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Dambanang Rizal sa Fort Bonifacio.

Pagtatatag ng La Liga Filipina. Mula sa Koleksyon ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Dambanang Rizal sa Fort Bonifacio.

Ngunit matapos lamang ang tatlong araw, inaresto si Rizal kaya kinabukasan, July 7, 1892, isinakatupran nila ang matagal na nilang binabalak ayon sa mga dokumentong nanggaling sa Archivo Militar ng Madrid, ang pormal na pagtatag ng Kataastaasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan na sa loob ng apat na taon ay lumaganap at nagkaroon ng kasapian sa Luzon, Visayas ay Mindanao.  Hindi lamang simpleng samahang mapanghimagsik ang Katipunan, sa tulong ng kanyang mga kapanalig tulad nina Emilio Jacinto, Pio Valenzuela, Aurelio Tolentino at iba pa, naging proyekto ito ng pagbubuo ng isang bansang tunay na malaya, may kaginhawaan, mabuting kalooban at kapatiran.

Isang paglalarawan kay Emilio Jacinto.  Mula sa isang malaganap na postcard.

Isang paglalarawan kay Emilio Jacinto. Mula sa isang malaganap na postcard.

Dr. Pio Valenzuela

Dr. Pio Valenzuela

Bago ka lumaban sa Espanya, kailangan handa at mabuti muna ang kalooban ng bawat isa.  Naging code name niya ang Maypagasa.  Dumating ang oras, August 1896, nabisto ang Katipunan at isanlibong tao ang nagpunit ng sedula sa Unang Sigaw sa Balintawak, Kalookan.

Unang Bugso ng Himagsikan

Unang Bugso ng Himagsikan

Si Bonifacio ang nagtakda ang istratehiya ng himagsikan.  May mga laban ang Katipunan na nagtagumpay at nabigo subalit hindi nanamlay ang mga Anak ng Bayan.  Sa pagtatangka niyang ayusin ang sigalot sa mga balanghay sa Cavite bilang Pangulo ng Haring Bayan, naipit siya sa pilitika at pinaslang noong May 10, 1897.

Ang pagpatay sa Supremo Bonifacio ang political killing na nagsilang sa pamamayani ng demokrasyang elit sa bansa.  Mula sa Encyclopedia of Philippine Art.

Ang pagpatay sa Supremo Bonifacio ang political killing na nagsilang sa pamamayani ng demokrasyang elit sa bansa. Mula sa Encyclopedia of Philippine Art.

Lagi nating naaalala si Gat Andres bilang a-tapang a-tao. Nakaligtaan natin na tinuruan din niya tayong umibig.  Maligayang ika-150 kaarawan, Supremo.  Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 24 November 2013)

ANG DIWA NG KATIPUNAN: “Kapatiran, Kabutihang-Loob, Kaginhawaan, Kalayaan!” (Para sa Bonifacio@150)

Andres Bonifacio.  Mula sa La Ilustracion Espanola y Americana.

Andres Bonifacio. Mula sa La Ilustracion Espanola y Americana.

Ang papel na ito ang aking abang ambag sa pagdiriwang ng ika-150 taong kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, Unang Pangulo ng Pilipinas at Ama ng Sambayanang Pilipino.

Download full paper here:  http://www.bagongkasaysayan.org/saliksik/wp-content/uploads/2014/11/06-Artikulo-Chua.pdf

Abstract:

ANG KAUGNAYAN NG MABUTING KALOOBAN SA DALUMAT NG KALAYAAN AT PAGKABANSA NG KATIPUNAN

Marami ang nag-stereotype sa Katipunan bilang samahan ng mga bobong masa na sugod ng sugod at walang ibang alam na gawin kung hindi maging bayolente.  Ngunit sa mga pananaliksik ng mga historyador at iba pa sa Agham Panlipunan sa mga nakaraang tatlong dekada, makikita na lumilitaw na ang tunay na mukha ng Katipunan hindi lamang bilang isang samahang mapanghimagsik kundi isang proyekto sa pagbubuo ng bansa.  Sa pananaliksik ni Teresita Maceda, kanyang kinonekta, batay sa mga batis ng Katipunan mismo, na ang tunay na kalayaan ng bayan ay maiuugat sa kaginhawaan.  Sa pagbanggit naman sa mga pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino tulad nang kay Zeus A. Salazar, makikita na ang batis ng ginhawa ay ang mabuting kalooban.  Kung pag-uugnayin ang mga ito, makikita ang kumpletong larawan ng konsepto ng Katipunan ng Kalayaan:  Walang tunay na kalayaan kung walang kaginhawaan, at wala namang kaginhawaan kung walang mabuting kalooban.  At dito makikita kung bakit mahalaga ang Kartilya ng Katipunan sa pagpapanatili ng asal ng tao, ang mga anting-anting bilang proteksyon ng kalooban, at ang sanduguan bilang sagisag ng kapatiran at pagiging magka-loob.  Na hindi sapat na humawak lamang ng sandata ang mga Katipunero kundi kailangan na mayroon din silang banal, kapuri-puri at marangal na mga hangarin para sa bayan.  Na ang pagkabansa ay nagsisimula sa kapasyahan ng kalooban na palayain ang sarili at umibig sa Maykapal at sa kapwa.  Lagi nating naaalala ang Supremo Bonifacio bilang a-tapang a-tao. Nakaligtaan natin na tinuruan din niya tayong umibig.

Binasa sa pambansang kumperensya-pagtatanghal ng Unibersidad ng Pilipinas, BONIFACIO 150: ALAY SA BAYAN Nobyembre 22, 2013 sa GT-Toyota Asian Cultural Center, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Binasa sa pambansang kumperensya-pagtatanghal ng Unibersidad ng Pilipinas, BONIFACIO 150: ALAY SA BAYAN Nobyembre 22, 2013 sa GT-Toyota Asian Cultural Center, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

XIAO TIME, 6 November 2013: JOSE PALMA, BAYANING SINGER

Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Jose Palma.  Mula fcebook page ni Dr. Jose Victor Torres.

Jose Palma. Mula fcebook page ni Dr. Jose Victor Torres.

6 November 2013, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=cP-yT6O8orI

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Ngayong buwan ng Bonifacio @ 150, ginuguita rin natin ang mga bayani ng himagsikang kanyang sinimulan.  Well, 150 years ago sa taon ding ito, June 3, 1863, isinilang si José Velásquez Palma, nakababatang kapatid ng naging Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, Rafael Palma.  Habang siya ay isinisilang, naganap ang isa sa pinakamalakas na lindol na yumanig sa Maynila.

Rafael Palma, kapatid ni Jose, Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.  Painting mula sa Tanggapan ng Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.

Rafael Palma, kapatid ni Jose, Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Painting mula sa Tanggapan ng Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.

Maagang namatay ang kanyang ina kaya naging maramdamin at tahimik, limang taon pa lamang siya noon.  Nag-aral sa Ateneo Municipal ngunit huminto sa pag-aaral, sumapi rin sa Katipunan nang maakit ng kisig sa pakikidigma ni Heneral Gregorio del Pilar.  Isang buwang nawala noong 1897 sa hindi malamang kadahilanan.  Sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, nakipaglaban siya sa Angeles at Bamban sa ilalim ni Heneral Servillano Aquino, ang lolo sa tuhod ng ating mahal na pangulo.

Heneral Gregorio del Pilar

Heneral Gregorio del Pilar

Heneral Servillano Aquino

Heneral Servillano Aquino

Ngunit nakitaan ng kahinaan ng katawan kaya ayun, pinakanta na lamang siya ng mga kundiman upang maaliw ang mga sundalo sa pagitan ng mga labanan.  Mahilig din siya na maglapat ng sarili niyang mga titik sa mga sikat na tugtugin noon.  Sa loob ng isang railway depot sa Bautista, Bayambang, Pangasinan, napagtripan niyang lagyan ng titik ang martsa na sinulat ni Julian Felipe sa Cavite isang taon na ang nakalilipas na naging Marcha Nacional Filipina.

Julian Felipe

Julian Felipe

Ang piyesa para sa Marcha Nacional ni Felipe.  Mula sa Mansyong Aguinaldo.

Ang piyesa para sa Marcha Nacional ni Felipe. Mula sa Mansyong Aguinaldo.

Lumabas ang kanyang tulang pinamagatang “Filipinas” sa unang anibersaryong edisyon ng pahayagang La Independencia noong September 3, 1899.  Nagsimula ang tula sa mga katagang “Tierra adorada, hija del sol de oriente.”  Lumaganap ang mga titik kahit magsara ang diyaryo dulot ng pagtatagumpay ng mga Amerikano.  At dahil ang titik at musika ay naging sagisag ng pakikibaka laban sa mga Amerikano, ano pa kundi bi-nan nga ng kolonyal na pamahalaan ang pagpapatugotog at pag-awit ng Marcha at ang pagpapakita ng pambansang bandila sa pamamagitan ng Act 1696 na inaprubahan ng Philippine Commission bilang ang Flag Law.

La Independencia.  Mula kay Pinoy Kolektor.

La Independencia. Mula kay Pinoy Kolektor.

Mga titik ng Hymno Nacional Filipino.  Mula sa http://filipinoway.blogspot.com/2011/03/hymno-nacional-filipino.html.

Mga titik ng Hymno Nacional Filipino. Mula sa http://filipinoway.blogspot.com/2011/03/hymno-nacional-filipino.html.

Marami ang naaresto dahil sa batas na ito na pinawalang-bisa lamang noong 1917.  Mismong mga Amerikano na rin ang nagpasalin ng tula patungong Ingles noong Dekada 1920 kina Camilo Osias at Mary A. L. Lane na ginawang opisyal ng Kongreso noong 1938, ito yung awit na nagsisimula sa, “Land of the Morning, child of the sun returning.”  Noong 1948, isinalin nina Ildefonso Santos at Julian Cruz Balmaceda bilang “Diwang Pilipino” na pinaglaruan naman ng komite ng mga musikero, manunulat at pangkat tekniko sa direksyon Kagawaran ng Edukasyon na nagsalin ng opisyal na bersyon Pilipino, ang Lupang Hinirang, na sinimulang isalin noong May 26, 1956, naging opisyal na lamang na may kasamang pagwawasto noong December 19, 1963.

Camilo Osias

Camilo Osias

Julian Cruz Balmaceda mula sa poemhunter.com

Julian Cruz Balmaceda mula sa poemhunter.com

Piyesa ng Pambansang Awit ng Pilipinas bilang "Lupang Hinirang."

Piyesa ng Pambansang Awit ng Pilipinas bilang “Lupang Hinirang.”

Si Palma naman ay patuloy na nagsulat at nagtatag ng mga pahayagan, kasama na ang El Renacimiento kasama ng kanyang kapatid na si Rafael noong 1900.  Ngunit ilang taon lamang ang lilipas, yayao rin sa buhay na ito si Jose Palma noong 1903.

Isang sipi ng El Renacimiento Filipino.

Isang sipi ng El Renacimiento Filipino.

Hindi lamang mga kawal ang may papel sa pakikibaka para sa kalayaan, kundi maging ang mga artista, at  mga singer dahil bagama’t hindi man sila humahawak ng armas, sila ang nagpapadaloy ng diwa at damdamin nating mga Pilipino.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 25 May 2013/ People’s Television Network, 3 November 2013)

XIAO TIME, 1 November 2013: KASAYSAYAN NG KONSEPTO NG ASWANG

Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

 

1 November 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=RWX_oiJmNCM

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong isang linggo ay nagtungo ako sa Roxas City sa Capiz para sa magsalita sa unang Borres Youth Leadership Institute Social Science Camp.  Nang sabihin ko sa isang mahal sa buhay na nagmula ako sa Capiz, tinanong ba naman sa akin, “nakakita ka ba ng aswang?  Maraming aswang sa Capiz.”

Si Xiao Chua habang nagsasalita sa Borres Youth Leadership Institute Social Science Camp sa Capiz National High School sa Lungsod ng Roxas, October 25, 2013.  Dito nag-aral ng hayskul si Pangulong Manuel A. Roxas.  Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Si Xiao Chua habang nagsasalita sa Borres Youth Leadership Institute Social Science Camp sa Capiz National High School sa Lungsod ng Roxas, October 25, 2013. Dito nag-aral ng hayskul si Pangulong Manuel A. Roxas. Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Matandang Capiz.  Mula sa jes9.wordpress.com.

Matandang Capiz. Mula sa jes9.wordpress.com.

Hindi na naalis sa Capisnon ang stigma na sila ay bayan ng mga aswang, therefore, bayan ng mga delikadong tao.  Ano ba ang ugat ng konseptong ng “aswang.”  Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kwentong bayan at tala ng mg Espanyol, ipinakita ni Prop. Randy R. Gigawin sa kanyang papel na “Debunking the Myth of Aswang in Capiz.” Ito ay bilang tugon sa hamon ng pagtuturo ng lokal na kasaysayan ng Capiz sa Araling Panlipunan sa Grade 7 sa ating K+12 kung saan kabilang ang “aswang.”

Si Xiao Chua kasama si Prop. Randy R. Gigawin, October 25, 2013.  Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Si Xiao Chua kasama si Prop. Randy R. Gigawin, October 25, 2013. Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Bago pa man dumating ang mga Espanyol, mayroon nang mga kwentong bayan sa Capiz na binabanggit ang aswang.  Ang isa ay binabanggit na may mga naghari sa isla ng Panay na kahahango pa lamang noon mula sa Dakilang Baha, sina Agurang, ang mabuting kaluluwa nakagagaling, at Asuwang, ang masamang kaluluwa na maaaring makasama o makamatay.  Ang pangalawa naman ay sa “Humadapnon” kung saan na binaggit na isang aswang si Paglambuhan, isang matapang, kagalang-kagalang at batikang mandirigma o hangaway na iniipon ang mga buto ng mga taong natalo niya sa isang mano manong labanan at kinikilalang datu ng lipunan.  Kung titingnan ang aswang ay ikinakabit sa kahit na sinong kinatatakutan o iniiwasan ng bayan.  Sa depinisyon sa mga diskyunaryong isinulat ng mga prayleng Espanyol ang aswang ay “hechicero, brujo, y fantasma” na ang kahulugnan ay “sorcerer,” “witch,” at “ghost.”

Aswang.  Mula kay Carlene  Collis-Smith aka sassyangel.

Aswang. Mula kay Carlene Collis-Smith aka sassyangel.

Aswang.  Kinulayan ng totmoartstudio.

Aswang. Kinulayan ng totmoartstudio.

Aswang.  Mula sa philippinesplus.com.

Aswang. Mula sa philippinesplus.com.

Mula sa mga pagbasang ito, makikita na ang pinapatungkulan ng mga Espanyol na mga aswang ay yung mga babaylan.  Ang mga dating esprituwal na pinuno ng bayan na dahil nais nilang palitan ay siniraan nila upang tawaging “may sa demonyo.”  Malakas kasi ang babaylanismo sa Panay at magtutungo sila at ang kanilang mga tagasunod sa kabundukan upang umiwas sa Katolisismo at kolonyalismo.  Kaya naman ang mga taga-bundok ay tatawaging mga masasamang tao.

Ang Babaylan.  Obra ni R. Aguilar oara sa Museo ng Negros.  agboiblogspot.com.

Ang Babaylan. Obra ni R. Aguilar oara sa Museo ng Negros. agboiblogspot.com.

Ang babaylan na inilarawan dito na lumilipad.

Ang babaylan na inilarawan dito na lumilipad.

Paglalarawan sa babaylan bilang tagapamagitan ng tao sa Maykapal.

Paglalarawan sa babaylan bilang tagapamagitan ng tao sa Maykapal.

Paglalarawan sa tatlong pangunahing papel sa lipunang Pilipino noong sinaunang bayan ayon kay Dr. Zeus A Salazar:  Datu, Babaylan at Panday.

Paglalarawan sa tatlong pangunahing papel sa lipunang Pilipino noong sinaunang bayan ayon kay Dr. Zeus A Salazar: Datu, Babaylan at Panday.

Ang pagdating mga mga prayle at ng Katolisimo sa Pilipinas.

Ang pagdating mga mga prayle at ng Katolisimo sa Pilipinas.

Ang babaylan ang ang prayle na gustog pumalit sa kanya.

Ang babaylan ang ang prayle na gustog pumalit sa kanya.

Kaya gumawa na ng iba’t ibang kwento ang mga prayle na katulad ni Juan de Plasencia na nagsasabing ang mga aswang ay nakikitang lumilipad, pumapatay ng mga tao at kinakain ang kanilang mga laman.  Kay Ortiz, ang aswang ay lumilipad sa bubong ng bahay, nilalabas ang dila na parang sinulid at ipinapasok sa puwitan ng bata upang kainin ang mga lamang-loob nito.

Aswang.  Mula sa villains.wikia.com.

Aswang. Mula sa villains.wikia.com.

Aswang.  Mula sa websayt ng GMA News.com/

Aswang. Mula sa websayt ng GMA News.com.

Binabanggit din ng mga prayle na nagiging aso ito, minsan pusa o ipis upang makalapit sa bata.  Kinakain din daw nila ang mga maysakit at ang mga patay.  Sa huli, ayon kay Alicia Magos, eksperto sa kasaysayan ng Panay, dalawang babaylan sa Panay ang siyang tumutol na sumailalim sa mga Espanyol, sina Conitnit and Cauayuay at dahil sa patuloy na pagpapraktis nila ng katutubong paniniwala, ibinigay sa kanila ng mga Espanyol ang pinakamalaking insulto sa mga Panayanhon, ang katawagang aswang.

Aswang.  Mula kay Alamat ng Lakan.

Aswang. Mula kay Alamat ng Lakan.

Si Xiao Chua at Dr. Alicia Magos, November 28, 2012, Guimaras.  Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Si Xiao Chua at Dr. Alicia Magos, November 28, 2012, Guimaras. Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Si Nanay Lilia Cuntapay ay madala sna gumanap na aswang sa pelikula.  Mula sa Philippine Daily Inquirer/

Si Nanay Lilia Cuntapay ay madala sna gumanap na aswang sa pelikula. Mula sa Philippine Daily Inquirer.

Muli, paninirang puri ng mga Espanyol ang salitang aswang sa mga ninuno nating babaylan.  Hindi sila masasamang tao.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(At the taxi and People’s Television Network, 29 October 2013)