IKA-150 TAONG KAARAWAN NI GAT ANDRES BONIFACIO, GUGUNITAIN BUKAS: SPECIAL REPORT
by xiaochua
Text of the broadcast of Xiao Chua’s special report for News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan. Mula kay Jim Richardson.
29 November 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=NIgF4twsSXM
Gat Andres Bonifacio, isang pangalan na nagpapagunita sa atin ng isang a-tapang a-tao, ngunit madalas, ng isang matayog na rebulto o matigas na mukha sa barya. Ngunit, kilala ba natin talaga siya? Madalas na ipakilala bilang Ama ng Katipunan, Unang Naggalaw ng Paghihimagsik, ngunit nakilala din bilang bobong bodegero na walang pinanalong laban dahil walang pinag-aralan at walang kakayahang militar.

Ang orihinal na Bantayog sa Balintawak, “Sa alaala ng mga Bayani ng 1896.” Hindi po ito si Bonifacio. Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.
Sino nga ba ang tunay na Andres Bonifacio. Isinilang siya noong November 30, 1863 sa Tondo, Maynila sa isang bangkero, sastre at naging teniente mayor na si Santiago Bonifacio, at isang mestisang Espanyola na puno ng isang sangay ng pagawaan ng sigarilyo na si Catalina de Castro. Isinilang na middle class si Andres at nakapag-aral kay Guillermo Osmeña at nakaabot hanggang sa mataas na paaralan hanggang sa siya ay matigil dahil sa pagkamatay ng kanyang mga magulang noong siya ay 14. Bilang panganay sa anim na magkakapatid, tumayo siyang kapwa ama at ina nila, gumagawa at nagbebenta ng mga baston at pamaypay sa mga maykaya sa labas ng simbahan.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.
Naging empleyado ng dalawang international company sa Maynila. Ito ang dahilan bakit sa kanyang tanging larawan, siya ay naka-amerikana at postura. Sa pagitan ng pagtatrabaho at paggawa ng mga baston, binuklat niya ang mga aklat at nagbasa ukol sa batas, medisina, mga nobela ni Jose Rizal, Kasaysayan ng Amerika at Rebolusyong Pranses, kasama na ang Les Miserables.
Dahil dito lumawak ang kanyang pag-iisip at nangarap, nagkaroon siya ng ideya na kung dati rati kapag isinilang ang indio, mamamatay pa rin siyang alipin, sa kanyang pinangarap na bansa, ang bayan, tayo, hari, ang makapangyarihan. Sumapi siya sa Masoneriya, at sa La Liga Filipina ni Rizal noong itatag ito noong July 3, 1892 upang magtulungan ang mga kababayan.

Pagtatatag ng La Liga Filipina. Mula sa Koleksyon ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Dambanang Rizal sa Fort Bonifacio.
Ngunit matapos lamang ang tatlong araw, inaresto si Rizal kaya kinabukasan, July 7, 1892, isinakatupran nila ang matagal na nilang binabalak ayon sa mga dokumentong nanggaling sa Archivo Militar ng Madrid, ang pormal na pagtatag ng Kataastaasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan na sa loob ng apat na taon ay lumaganap at nagkaroon ng kasapian sa Luzon, Visayas ay Mindanao. Hindi lamang simpleng samahang mapanghimagsik ang Katipunan, sa tulong ng kanyang mga kapanalig tulad nina Emilio Jacinto, Pio Valenzuela, Aurelio Tolentino at iba pa, naging proyekto ito ng pagbubuo ng isang bansang tunay na malaya, may kaginhawaan, mabuting kalooban at kapatiran.
Bago ka lumaban sa Espanya, kailangan handa at mabuti muna ang kalooban ng bawat isa. Naging code name niya ang Maypagasa. Dumating ang oras, August 1896, nabisto ang Katipunan at isanlibong tao ang nagpunit ng sedula sa Unang Sigaw sa Balintawak, Kalookan.
Si Bonifacio ang nagtakda ang istratehiya ng himagsikan. May mga laban ang Katipunan na nagtagumpay at nabigo subalit hindi nanamlay ang mga Anak ng Bayan. Sa pagtatangka niyang ayusin ang sigalot sa mga balanghay sa Cavite bilang Pangulo ng Haring Bayan, naipit siya sa pilitika at pinaslang noong May 10, 1897.

Ang pagpatay sa Supremo Bonifacio ang political killing na nagsilang sa pamamayani ng demokrasyang elit sa bansa. Mula sa Encyclopedia of Philippine Art.
Lagi nating naaalala si Gat Andres bilang a-tapang a-tao. Nakaligtaan natin na tinuruan din niya tayong umibig. Maligayang ika-150 kaarawan, Supremo. Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 24 November 2013)
Sir, bakit birthday ni Bonifacio ang ipinagdiriwang natin? Why not ang date ng death niya tulad ng sa ibang mga bayani (ie. Death of Rizal)?
Kasi pangit pagkamatay ni Bonifacio, Pilipino pinatay ng kapwa Pilipino!
uhm, sir, in general, bakit din po yung mga deaths ang ating kadalasang ipinagdiriwang? I mean, bakit po yung araw ng pagkamatay ng mga bayani? tapos yung fall of bataan?
Baka kasi mas dramatic at mas connected sa heroism ang death. Yung defeat kasi in Bataan being one of the last in the World sa mga allied powers nagkaroon ng World Significance pero sana ipagdiwang namna pagsuko ni Yamashita sa Kiangan.
[…] Via xiaochua.net […]
sir sino po ang mabuti si Andres Bonifacio na Ginamit ang lakas at talino upang makipalaban para sa kalayaan o si rizal ba na ginamit ang pagsulat upang manuligsa? thank you po … xiexie
Pareho.