PANATA NG MANGGAGAWA (Batay sa mga salita nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Julio Nakpil)

by xiaochua

Ang close-up ng ulo ni Bonifacio sa kanyang monumento sa Caloocan.  Nililok ni Guillermo Tolentino.  Mula kay Isagani Medina.

Ang close-up ng ulo ni Bonifacio sa kanyang monumento sa Caloocan. Nililok ni Guillermo Tolentino. Mula kay Isagani Medina.

Ako ay manggagawang Pilipino

Mahigpit akong nanunumpa na maging masipag sa pag hahanap-buhay

Sapagkat ito ang siyang tunay na pag ibig at pag mamahal sa sarili sa asawa, anak at kapatid o kababayan

Ngunit hindi ako papaapi at hindi ako makikiapi

Ipagtatanggol ko ang inaapi at kakabakahin ang umaapi sa kapwa manggagawa

Gagawin ko ito ng malamig ang aking loob, matiyaga, makatuwiran at maypag-asa

Sapagkat dito nagbubuhat ang ikagaganap ng mabuting ninanais.

Magkakawanggawa ako, iibig ako sa kapwa

Isusukat ko ang bawat kilos gawa at pangungusap sa talagang katuwiran

Sapagkat isinusulong ko ang tunay na puri at kabanalan

Ipagwawagi ko ang kahusayan, upang matupad ang layon ng Katipunan

Na itampok at tubusin ang bayan

Hindi ko gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba

Ang hindi ko ibig gawin sa asawa, anak at kapatid ko

Hindi ko sasayangin ang panahon

Sisikapin kong magkaroon ng magandang asal

May isang pangungusap, may dangal at puri

Sapagkat sa kabutihang-loob nagmumula ang tunay na kaginhawaan

Babahaginan ko ng makakaya ang alin mang nagdaralita

Iibigin ko ang kapwa ko bilang aking kapatid

At aampunin ko ang bayan dahil ang nais ko ay lunas

Sapagkat ang kaginhawaan ng bayan ay ang kalayaan ng lahat

Itinataya ko ang aking dangal sa ipagkakaisa ng loob at kaisipan ng mga Anak ng Bayan

Kasihan nawa ako ng Maykapal

Binuo ni Michael Charleston “Xiao” Chua, batay sa mga sinulat nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Julio Nakpil, ngayong 30 Nobyembre 2013, ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, 4:44 AM sa kahilingan ng NAGKAISA! para sa kanilang pagkilos sa araw na ito.