BAKIT PARANG AYAW KONG PANIWALAAN SI LAZARO MAKAPAGAL KAHIT SIYA ANG NANGUNA SA PAGPATAY KAY ANDRES BONIFACIO?
by xiaochua
Michael Charleston “Xiao” Chua
Historical Consultant, Katipunan (GMA Network)
Lumilitaw na may ilang bersyon ang pagpatay kay Gat Andres Bonifacio. Nangyari ito dahil hindi naging transparent ang mga kinauukulan sa nangyari at maaari pang may pagnanais na ikubli ito.

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan. Mula kay Jim Richardson.
Ayon sa mga ilang mga historyador, na may punto rin naman: isa lang ang taong dapat paniwalaan pagdating sa pagkamatay ni Andres Bonifacio, dahil eyewitness siya. Ang pinuno mismo ng pagpatay kay Andres Bonifacio na si Lazaro Makapagal. Ito ang nanaig sa historiyograpiya. Dinala niya sa bundok ang magkapatid na Andres at Procopio dala ang isang selyadong sulat mula sa Conseho de Guerra ng pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo, na nagtataglay pala ng hatol na barilin ang patayin ang magkapatid.
Pero ang eyewitness na ito. Dalawa ang ibinigay na version ng pagpatay: Una, sa isang testimonya na ibinigay niya kay Santiago Alvarez para sa isang dyaryo, mga tatlong dekada matapos ang pangyayari, nang malaman ang hatol, nanangis na yumakap raw ang Procopio at sinabing “Kuya, paano tayo?” Di raw nakakibo ang Andres at “umaagos ang mapapait na luha sa dalawang mata.” Tumalikod raw si Makapagal sa habag sa magkapatid at hindi tingnan ang pagbaril sa Supremo.

“The Verdict,” obra ni Rody Herrera. Ayon sa testimonya ni Lazaro Makapagal. Makikita sa aklat na Fine Artists of the Philippines 1999 ni Marlene Aguilar at Larry Bortles.
Nag-iba ng testimonya ang lolo mo nang sumulat siya kay Jose P. Santos. Nang basahin raw niya ang hatol sa magkapatid, napatalon daw at nagsabi si Procopio ng “Naku Kuyang!” Napaluhod raw si Bonifacio at akmang yayakapin siya at umiiyak na nagsabing, “Kapatid, patawarin mo ako.” Unang binaril si Procopio. Muli raw nagmakaawa nang nakaluhod si Bonifacio at sinabing “Kapatid, patawarin mo ako!” Sagot ni Makapagal, “Wala akong magagawa!” Noo’y tumakbo ang Supremo at tinugis nila sa kakahuyan at malapit sa ilog ay binaril nila hanggang mamatay.
Ok, dalawa ang version niya. Sorry naman, tao lang siya. Sa pangalawa hindi na siya tumalikod, hinabol nila ang tumakbong Supremo. Sabi ng historiyograpiya, malaki ang timbang para sa testimonya ng eyewitness. Primary source kasi siya. Tapos ang kwento. Pero ang natutunan ko rin sa historiyograpiya sa UP ang nagsasabi sa akin na huwag akong maniwala sa lahat ng nababasa ko, maging kritikal ako, at gamitin ang pagsusuri ng mga batis. Internal o external criticism.
Pero bakit gusto kong pagdudahan ang testimonya niya:
Una: Sa testimonya ni Makapagal, naglalakad ag Supremo patungo sa bundok. Pinalilitaw niya na mababa at iisa ang sugat ni Andres Bonifacio. Sa gunita ni Emilio Aguinaldo na isinulat niya noong matanda na siya, nagdadrama ang Andres at nagpabuhat sa duyan kahit na ang sugat niya ay isang sentimetro lamang ang lalim. Ok. Pero sa eyewitness accounts mula sa paglilitis at sa nakolekta ni Santiago Alvarez, nang mabaril sa balikat ang Supremo at sinaksak ni Intsik Paua sa leeg, sumulimpat ang dugo at malubha ito. Dinala siya sa duyan mula sa pagkakahuli sa Limbon ng 28 Abril, 1897. Hindi ginamot ang mga sugat nila. Pero hindi makikita ang epekto ng gangrene na ito sa testimonya ni Makapagal. Ayon kay Artemio Ricarte, bagama’t hindi si Makapagal ang pinangalanan niya na pumatay kay Bonifacio kundi si Agapito Bonzon at Paua na mga humuli kay Bonifacio sa Limbon, may kwento siya na DALA-DALA SA DUYAN si Andres Bonifacio.
Pangalawa: Oo, primaryang batis nga si Lazaro, pero HINDI LAHAT NG PRIMARYANG BATIS AY MAGSASABI NG TOTOO. May motibo ba na magsinungaling si Lazaro? Sa aking palagay oo. Kung ako si Lazaro, gugustuhin kong palitawin na kahit papaano, hindi ako super engot o mali sa ginawa ko. Or in short, na tama ang ginawa ko. Kung gayon, palilitawin kong DUWAG SI ANDRES BONIFACIO, nagluluhod. Kahit na sa aksyon ni Bonifacio ayon sa ibang nakakita, atapang-a-tao siya. Bakit siya hihingi ng tawad kung sa buong pagtigil niya sa Cavite, iginiit niya na siya ang tunay na pinuno ng himagsikan? Tumakbo pa? E hindi ba atapang-a-tao nga. Pangatlo: Ang tagal ng paglipas ng panahon ng pagkakuwento.
PERO WALA TAYONG MAGAGAWA SIYA ANG PRIMARYANG BATIS. May mga sekundaryang batis na pwedeng makita. Isinulat mismo ni Emilio Aguinaldo sa kanyang talambuhay ni Andres Bonifacio na ipinasok niya sa contest bilang si “Dalomag,” mayroon daw kwento si Paciano Rizal na ayaw na barilin ng Katipunero ang Supremo, kaya kinuha ni Jose Clemente Zulueta ang baril at ipinutok ito sa Supremo. Kung isinulat ito ni Aguinaldo, na malamang sa malamang pinag-ulatan ng pagpatay kay Supremo ni Makapagal, dapat itong paniwalaan. Pero sabi ni Aguinaldo, hindi na niya alam ang nangyari dahil sa araw ng pagpatay, lumusob ang mga Espanyol sa Maragodon, ang bayan kung saan din nilitis at pinatay ang Supremo. Pero bakit hindi tumutugma ang kwento nilang mag-amo? Tapos, sa kanyang mga gunita, sasang-ayon din siya na si Lazaro Makapagal nga ang nanguna sa pagpatay sa Supremo. Mayroon bang bersyon na tinatawag kong “Luis Dery” hypothesis. Ipinangalan sa tagapanguna nito na si Dr. Luis Camara Dery na naniniwala na dahil sa mas maagang date nang paggunita noon sa pagkamatay ng Supremo, 23 Abril 1897 (at ang nakalagay sa matandang marker sa Maragondon kung saan nakalagay na inilibing ang mga labi doon ng 26 Abril), ay sa pag-aresto sa Limbon kung saan tinamaan raw ang carotid vein sa leeg ng Supremo, Limbon palang patay na! Para sa akin, kailangan pa ng karagdagang pag-aaral dito dahil sa mismong sulat ni Gregoria de Jesus, asawa ni Bonifacio, kay Emilio Jacinto, na dinala ang Supremo “kinbukasan ng tanghali nila inalis ang dalawang magkapatid, at bandang hapon na ay nagkaroon ng laban sa mabas ng bayanna di malayo sa aking kinalalagyan. Saka lamang ako pinakawalan.” Ibig sabihin tumutugma ito sa testimonya ni Aguinaldo at Makapagal: 10 Mayo, ang araw ng paglusob ng mga Espanyol sa Maragondon, niyare ang magkapatid na Bonifacio.
Ngunit bakit ba lumitaw ang tula na “Andres Bonifacio, atapang-a-tao, a-putol-a-kamay, hindi atakbo. A-putol-a-paa, hindi atakbo.” Alam naman natin na si Andres Bonifacio ayon kay Makapagal ay binaril. Ngunit bakit meron nitong tula?
Ito ang alternatibong bersyon ng pagpatay sa Supremo. Ayon sa kaibigan ng Supremo na si Heneral Guillermo Masangkay, kinausap siya ng dalawa sa apat na Katipon na kasama ni Makapagal sa pagpatay sa Supremo. At ayon sa kanila, inuna raw nilang patayin si Procopio sa pamamagitan ng pagbaril, ngunit, si Andres Bonifacio, ay nakatungo sa kakahuyan, at nakitang nagkukubli sa pagitan ng dalawang bato. At dahil sa ayaw nilang masayang ang bala, dito na nila inundayan ng mga panaksak si Bonifacio.
Nang mag-field work naman ang namayapang Prop. Danilo “Piwi” Aragon sa Maragondon, kinapanayam niya ang ilang matatanda na nagsasabi sa kanilang ang kwento sa kanila ng kanilang ninuno ay may isang nakakita sa pagpatay sa Supremo, na tinataga ng limang tao.
“Ang Wakas ni Andres Bonifacio” ni Carlos Valino Jr.
Kaya ang pinili ng mga producers ng Katipunan ay ang bersyon ng nagsumbong kay Masangkay. Sa unang bersyon ng script pinag-usapan ang dalawang bersyon kaya nagmukhang akademiko. Sa aking mga lektura, bagama’t may pagkiling ako sa pagtaga, akin nang iniiwan sa mga nakikinig ang mga datos at ang pagdedesisyon. Wala ako doon kaya hindi ko rin masabi with finality. Ngunit ako yun bilang historyador, iniwan ko sa producers ng Katipunan ang pagdedesisyon, bagama’t marami naman akong kilalang mga tunay na historyador, eksperto at mga guro sa kasaysayan na mas pinaniniwalaan ang bersyong ito, kaya hindi lang ako ito. Marami na ring beses na ikinuwento ang bersyon ni Macapagal sa telebisyon at pelikula kaya pagbibigay din ito sa publiko na hindi iisa ang bersyon sa pagpatay sa Supremo. Gayundin, hindi naman masisiyahan ang lahat ng panig at laging magiging kontrobersyal anumang bersyon ang piliin. Anuman, ang ginagawa nila ay hindi diskursong akademiko kudi isang serye sa telebisyon.

Ang pagpaslang kay Procopio at Andres Bonifacio sa serye ng GMA Network na “Katipunan.” Sa kagandahang loob ni Jayson Bernard Santos.
Masaya ako na pinili kong ituloy ang pagiging consultant ng Katipunan kasama si Dr. Lars Raymund Ubaldo. May mga kakulangan man dahil sa kawalan ng sapat na pondo at oras, sinikap ng Katipunan na ibatay sa batis ang mga historikal na eksena hanggang sa maraming maliliit na detalye, na itinatawag pa sa amin sa telepono kahit wala kami sa shoot. Ngunit mas importante, naipalaganap nito ang diwa ni Andres Bonifacio, ang Ama ng Sambayanang Pilipino, na unang naghiraya ng isang bansang may kapatiran, kabutihang-loob, kaginhawaan at kalayaan.
14 Disyembre 2013, 10:38 PM, Pook Amorsolo, UP Campus, Diliman, Lungsod Quezon Habang nanonood ng huling episode ng Katipunan
Wala sa karakter ng supremo ang magmamaka-awa sa kanila. Maaring nag tangka nga siyang tumakas pero may palagay ako na hindi magmamaka-awa si Gat Andres.
Nang magbigay ng pahayag si Makapagal nuong dekada 30 ay kontrobersyal na ang pagpapapatay ni aguinaldo sa Supremo at kapatid nito. Siyempre ayaw mapasama ni Makapagal sa publiko kaya itinago niya ang kanyang kawalanghiyaan sa kanyang pahayag.
Sa pagkakataong ito mas panghahawakan ko yung sumbong kay Hen. Masangkay at sa mga sinabi ng kamag-anak ng mga nakasaksi sa kawalanghiyang nangyari.
1. Very weak – Di na makakatakbo si Bonifacio dahil sa dami ng naubos na dugo mula sa saksak ni Hen. Paua, kaya mas maganda rin kung ipakita na dala sya ng hammock papuntang bundok dahil hinang-hina na sya maglakad.
2. Pride – Ang magmakaawa ay hindi nya gagawin dahil sa pride nya. Kung ikaw ba ang Supremo? Pinakamataas na pinuno ng kilusan, magmamakaawa ka ba sa kawal o mas mababang ranggo?
3. Massacred – “Aputol a-paa, a-kamay hindi atakbo”, initak at kinatay talaga Supremo at pinaghiwahiwalay ang parte ng katawan para di ma trace. Kaya nga there are doubts of the Bonifacio’s bones per Prof. Ambeth Ocampo. There are also urban legends that parts of Bonifacio’s bodies were distributed in some officials’ para matakot sila.
Therefore: Cheers, thanks Prof Xiao, that you have chosen Masangkay’s account that telling more or less the truth, logically.
What do you think of the depiction of the Bonifacio brothers’ execution in “El Presidente”?
Let’s not talk about that. I might get berserk.
Sir xiao kaninong bersyon po ang ginamit sa bonifacio ang unang pangulo
Kapareho nang sa Katipunan, dalawang Katipon na nagsabi kay Heneral Masangkay.
Totoo po ba na nirape si Oryang sa harap ni Andres?
Walang direktang salaysay