IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: sakay

IKA-150 TAONG KAARAWAN NI GAT ANDRES BONIFACIO, GUGUNITAIN BUKAS: SPECIAL REPORT

Text of the broadcast of Xiao Chua’s special report for News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan.  Mula kay Jim Richardson.

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan. Mula kay Jim Richardson.

29 November 2013, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=NIgF4twsSXM

Gat Andres Bonifacio, isang pangalan na nagpapagunita sa atin ng isang a-tapang a-tao, ngunit madalas, ng isang matayog na rebulto o matigas na mukha sa barya.  Ngunit, kilala ba natin talaga siya?  Madalas na ipakilala bilang Ama ng Katipunan, Unang Naggalaw ng Paghihimagsik, ngunit nakilala din bilang bobong bodegero na walang pinanalong laban dahil walang pinag-aralan at walang kakayahang militar.

Ang orihinal na Bantayog sa Balintawak, "Sa alaala ng mga Bayani ng 1896."  Hindi po ito si Bonifacio.  Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Ang orihinal na Bantayog sa Balintawak, “Sa alaala ng mga Bayani ng 1896.” Hindi po ito si Bonifacio. Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Sino nga ba ang tunay na Andres Bonifacio.  Isinilang siya noong November 30, 1863 sa Tondo, Maynila sa isang bangkero, sastre at naging teniente mayor na si Santiago Bonifacio, at isang mestisang Espanyola na puno ng isang sangay ng pagawaan ng sigarilyo na si Catalina de Castro.  Isinilang na middle class si Andres at nakapag-aral kay Guillermo Osmeña at nakaabot hanggang sa mataas na paaralan hanggang sa siya ay matigil dahil sa pagkamatay ng kanyang mga magulang noong siya ay 14.  Bilang panganay sa anim na magkakapatid, tumayo siyang kapwa ama at ina nila, gumagawa at nagbebenta ng mga baston at pamaypay sa mga maykaya sa labas ng simbahan.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan.  Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Naging empleyado ng dalawang international company sa Maynila.  Ito ang dahilan bakit sa kanyang tanging larawan, siya ay naka-amerikana at postura.  Sa pagitan ng pagtatrabaho at paggawa ng mga baston, binuklat niya ang mga aklat at nagbasa ukol sa batas, medisina, mga nobela ni Jose Rizal, Kasaysayan ng Amerika at Rebolusyong Pranses, kasama na ang Les Miserables.

Nagsikap si Bonifacio na matuto sa sarili at naging palabasa.  Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Nagsikap si Bonifacio na matuto sa sarili at naging palabasa. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Dahil dito lumawak ang kanyang pag-iisip at nangarap, nagkaroon siya ng ideya na kung dati rati kapag isinilang ang indio, mamamatay pa rin siyang alipin, sa kanyang pinangarap na bansa, ang bayan, tayo, hari, ang makapangyarihan.  Sumapi siya sa Masoneriya, at sa La Liga Filipina ni Rizal noong itatag ito noong July 3, 1892 upang magtulungan ang mga kababayan.

Pagtatatag ng La Liga Filipina.  Mula sa Koleksyon ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Dambanang Rizal sa Fort Bonifacio.

Pagtatatag ng La Liga Filipina. Mula sa Koleksyon ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Dambanang Rizal sa Fort Bonifacio.

Ngunit matapos lamang ang tatlong araw, inaresto si Rizal kaya kinabukasan, July 7, 1892, isinakatupran nila ang matagal na nilang binabalak ayon sa mga dokumentong nanggaling sa Archivo Militar ng Madrid, ang pormal na pagtatag ng Kataastaasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan na sa loob ng apat na taon ay lumaganap at nagkaroon ng kasapian sa Luzon, Visayas ay Mindanao.  Hindi lamang simpleng samahang mapanghimagsik ang Katipunan, sa tulong ng kanyang mga kapanalig tulad nina Emilio Jacinto, Pio Valenzuela, Aurelio Tolentino at iba pa, naging proyekto ito ng pagbubuo ng isang bansang tunay na malaya, may kaginhawaan, mabuting kalooban at kapatiran.

Isang paglalarawan kay Emilio Jacinto.  Mula sa isang malaganap na postcard.

Isang paglalarawan kay Emilio Jacinto. Mula sa isang malaganap na postcard.

Dr. Pio Valenzuela

Dr. Pio Valenzuela

Bago ka lumaban sa Espanya, kailangan handa at mabuti muna ang kalooban ng bawat isa.  Naging code name niya ang Maypagasa.  Dumating ang oras, August 1896, nabisto ang Katipunan at isanlibong tao ang nagpunit ng sedula sa Unang Sigaw sa Balintawak, Kalookan.

Unang Bugso ng Himagsikan

Unang Bugso ng Himagsikan

Si Bonifacio ang nagtakda ang istratehiya ng himagsikan.  May mga laban ang Katipunan na nagtagumpay at nabigo subalit hindi nanamlay ang mga Anak ng Bayan.  Sa pagtatangka niyang ayusin ang sigalot sa mga balanghay sa Cavite bilang Pangulo ng Haring Bayan, naipit siya sa pilitika at pinaslang noong May 10, 1897.

Ang pagpatay sa Supremo Bonifacio ang political killing na nagsilang sa pamamayani ng demokrasyang elit sa bansa.  Mula sa Encyclopedia of Philippine Art.

Ang pagpatay sa Supremo Bonifacio ang political killing na nagsilang sa pamamayani ng demokrasyang elit sa bansa. Mula sa Encyclopedia of Philippine Art.

Lagi nating naaalala si Gat Andres bilang a-tapang a-tao. Nakaligtaan natin na tinuruan din niya tayong umibig.  Maligayang ika-150 kaarawan, Supremo.  Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 24 November 2013)

XIAOTIME, 13 September 2012: SAKAY, BAYANI O BANDIDO?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 13 September 2012, at 2:15 pm at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Image

13 September 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=BcU1vw5oi7g

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  105 taon na ang nakalilipas, binitay ng mga Amerikano sa lumang Bilibid sa Maynila si Macario de Leon Sakay.  Sa maraming teksbuk ng ating kolonyal na edukasyon, nakasulat na siya ay isang bandido at tulisan.  At dahil sa haba ng buhok niya, ang tingin sa kanya ng iba ay mukhang adik.  Ngunit kung babalikan ang kasaysayan sa Pilipinong pananaw, si Sakay ay hindi isang bandido kundi isang tunay na bayani ng bayan.  Laking Tondo, nagtrabaho siya bilang panday, sastre, barbero.  Isa rin siyang aktor sa teatro at kabigang matalik ni Andres Bonifacio.  Bilang isa sa unang kasapi ng Katipunan, pinangunahan niya ang mga tagumpay ng himagsikan sa San Mateo at nagkuta sa Marikina at Montalban.  Sa kabila ng pagpaslang sa kanyang kaibigang si Bonifacio ng mga bagong pinuno ng Himagsikan, ipinagpatuloy niya ang laban sa mga Espanyol at sa mga Amerikano.  Hindi raw siya magpapagupit ng buhok hangga’t hindi lumalaya ang bayan.  Noong 1902, ipinroklama niya ang Republika ng Katagalugan at siya ang naging pangulo nito.  Dumami ang kanyang tagasunod.  Ngunit nilinlang siya ng mga Amerikano sa pamamagitan ng isang ilustrado upang bumaba dahil bibigyan daw sila ng amnestiya at ang kahilingan nilang kapulungan ng mga Pilipino ay itatatag na.  Pataksil na inaresto at sa kabila ng demonstrasyon ng napakaraming tao ng pagmamahal sa kanya sa harapan mismo ng Malakanyang, hinatulan si Sakay at mga kasama ng kamatayan sa salang bandolerismo, pagpatay, panggagahasa, at pandurukot.  Sa harap ng kamatayan, nag-iwan siya sa atin ng ilang huling salita:  “Sa malao’t madali, ang lahat ng tao ay mamamatay subalit haharap ako ng mahinahon sa Panginoon.  Ngunit gusto kong sabihin sa inyong lahat hindi kami mga magnanakaw.  Hindi kami mga tulisan na tulad ng ipinaparatang ng mga Amerikano.  Kami ay tunay na katipunan na nagtatanggol sa ating Inang Bayan.  Paalam at nawa’y muling isilang sa ating hinaharap ang Kalayaan.”  Pangulong Macario Sakay, isa kang bayani!  Ako po si Xiao Chua, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 10 September 2012)

Ang grupong Bandoleros ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman na binuo para sa Sentenaryo ng Kabayanihan ni Macario Sakay noong 2007 ay patuloy na isinasabuhay ang kwento ng dakilang bayani (Sa kagandahang loob ni Rex Flores)