XIAOTIME, 13 September 2012: SAKAY, BAYANI O BANDIDO?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 13 September 2012, at 2:15 pm at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Image

13 September 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=BcU1vw5oi7g

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  105 taon na ang nakalilipas, binitay ng mga Amerikano sa lumang Bilibid sa Maynila si Macario de Leon Sakay.  Sa maraming teksbuk ng ating kolonyal na edukasyon, nakasulat na siya ay isang bandido at tulisan.  At dahil sa haba ng buhok niya, ang tingin sa kanya ng iba ay mukhang adik.  Ngunit kung babalikan ang kasaysayan sa Pilipinong pananaw, si Sakay ay hindi isang bandido kundi isang tunay na bayani ng bayan.  Laking Tondo, nagtrabaho siya bilang panday, sastre, barbero.  Isa rin siyang aktor sa teatro at kabigang matalik ni Andres Bonifacio.  Bilang isa sa unang kasapi ng Katipunan, pinangunahan niya ang mga tagumpay ng himagsikan sa San Mateo at nagkuta sa Marikina at Montalban.  Sa kabila ng pagpaslang sa kanyang kaibigang si Bonifacio ng mga bagong pinuno ng Himagsikan, ipinagpatuloy niya ang laban sa mga Espanyol at sa mga Amerikano.  Hindi raw siya magpapagupit ng buhok hangga’t hindi lumalaya ang bayan.  Noong 1902, ipinroklama niya ang Republika ng Katagalugan at siya ang naging pangulo nito.  Dumami ang kanyang tagasunod.  Ngunit nilinlang siya ng mga Amerikano sa pamamagitan ng isang ilustrado upang bumaba dahil bibigyan daw sila ng amnestiya at ang kahilingan nilang kapulungan ng mga Pilipino ay itatatag na.  Pataksil na inaresto at sa kabila ng demonstrasyon ng napakaraming tao ng pagmamahal sa kanya sa harapan mismo ng Malakanyang, hinatulan si Sakay at mga kasama ng kamatayan sa salang bandolerismo, pagpatay, panggagahasa, at pandurukot.  Sa harap ng kamatayan, nag-iwan siya sa atin ng ilang huling salita:  “Sa malao’t madali, ang lahat ng tao ay mamamatay subalit haharap ako ng mahinahon sa Panginoon.  Ngunit gusto kong sabihin sa inyong lahat hindi kami mga magnanakaw.  Hindi kami mga tulisan na tulad ng ipinaparatang ng mga Amerikano.  Kami ay tunay na katipunan na nagtatanggol sa ating Inang Bayan.  Paalam at nawa’y muling isilang sa ating hinaharap ang Kalayaan.”  Pangulong Macario Sakay, isa kang bayani!  Ako po si Xiao Chua, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 10 September 2012)

Ang grupong Bandoleros ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman na binuo para sa Sentenaryo ng Kabayanihan ni Macario Sakay noong 2007 ay patuloy na isinasabuhay ang kwento ng dakilang bayani (Sa kagandahang loob ni Rex Flores)