XIAOTIME, 14 September 2012: KONGRESO NG MALOLOS
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 14 September 2012, at 2:15 pm at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Larawan ng aktwal na pagbubukas ng Kongreso ng Malolos, 15 Setyembre 1898 sa Simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulacan.
14 September 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=Ve5G2SOdxas
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Bukas, ating gugunitain ang ika-114 na anibersaryo ng pagsisimula ng Kongreso ng Malolos noong 1898. Sa maraming aklat, makikita na bidang-bida ang Amerika dahil sila ang nagpalaya sa Pilipinas mula sa Espanyol, habang sa Amerikano, ang tawag nila sa Digmaang Pilipino-Amerikano ay insureksyon lamang dahil wala pa naman daw tayong estado noon. Liwanagin natin. Noong May 1, 1898, natalo ni anim na barko ni Commodore George Dewey ang 20 barkong Espanyol sa Battle of Manila Bay, ngunit wala siyang ground troops. Ang mga Anak ng Bayan ang muling lumaban at pinalaya ang bawat bayan sa mga Espanyol. NANALO TAYO SA HIMAGSIKAN. Ipinroklama ni Hen. Emilio Aguinaldo ang Independensya sa pag-asang kikilalanin ng mga Amerikano ang kanilang pangakong pangangalagaan ang kalayaang ito. Ngunit, nakipag-usap na pala ang mga Espanyol sa mga Amerikano na magkaroon ng pekeng labanan upang maisuko na nila ang Maynila sa mga Amerikano. Matapos ang pekeng labanan na ito noong August 13, 1898, pumapasok na ang mga pwersang Pilipinas sa Intramuros upang bawiin ang pangako ng Amerika. Sila ay pinigil. Napagtanto ni Hen. Aguinaldo na mukhang nalinlang siya, kaya dali-dali niyang inipon ang kongreso sa Malolos at nabukas nga ito, September 15, 1898 sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Nang matapos ng Kongreso ang Saligang Batas, nagkaroon tayo ng Republica Filipina noong January 23, 1899, ang unang konstitusyunal na demokratikong republika sa Asya. Elitista man na itinuturing ng iba ang Kongreso, hindi maikakaila na dahil sa Kongreso napatunayan natin sa daigdig na mayroon tayong kakayahang magtatag ng isang malayang estado, at kaya nating magpatakbo ng pamahalaang may batasan, may mga kagawaran, may mga paaralan, hukbo at diplomatikong mga misyon, sa kabila ng isang digmaan. Ako po si Xiao Chua, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, 10 September 2012)