PARA SA FLAG DAY: WATAWAT NI TRILLANES NAKAHANAY NA SA MGA BANDILA NG HIMAGSIKANG PILIPINO!!!

by xiaochua

Halaw sa papel na Isang Himig, Isang Bandila ni Michael Charleston B. Chua.  I-download ang papel:  Chua – Isang Himig, Isang Bandila

Ang Mga Watawat ng Himagsikang Pilipino at "ang odd man out."

SPOT THE NOT:  Ang Mga Watawat ng Himagsikang Pilipino at ang “odd man out.”

Sa mga pambansang dambana, mga monumento, at maraming lugar sa Pilipinas, mayroong mga katuwang ang pambansang watawat ng Pilipinas na iba pang mga bandila na popular na tinatawag na “Evolution of the Philippine Flag.”  Subalit tila ito ay may kamalian.  Ang sampung bandila na pinagsama-sama at inilabas bilang isang serye ng commemorative postage stamp sa nasabing pangalan noong 12 Hunyo 1972 ay sa katunayan, hindi nagpapakita nang pag-inog ng bandila sa kasalukuyang hitsura.

Mga selyong "Evolution of the Philippine Flag," 1972

Mga selyong “Evolution of the Philippine Flag,” 1972

Ayon sa isang panayam sa Magandang Gabi Bayan sa panahon ng Sentenaryo noong 1998, binanggit ni Ambeth Ocampo na ang mga ito ay “hindi bandera ng isang bansa,” kundi “mga bandera ng Rebolusyong Pilipino.”  Sa nasabing programa sinabi rin ni Dr. Augusto de Viana na noon ay nasa Pambansang Suriang Pangkasaysayan (ngayo’y National Historical Commission of the Philippines), ang mga bandilang ito “represent the Katipunan” (Valentin 1998).  Ang mga bandila ay nagpapakita ng iba’t ibang watawat ng mga balanghay ng Katipunan at sa katunayan, marami pa ang hindi naisama. 

Marami sa mga bandilang ito na lumaganap noong Himagsikang 1896-1898 ay may tatlong letrang “K” para sa pangalan nang samahang mapanghimagsik, “Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan” na nasa telang pula.  Isa na rito ang KKK na nakaayos bilang tatsulok, isang simbolo ng Katipunan.  Nariyan din ang personal na bandila ni Andres Bonifacio, ang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, na may araw na walang partikular na bilang ng sinag na may KKK sa ibaba nito na kanyang ginamit sa mga unang sigaw ng himagsikan sa Balintawak at Pinaglabanan noong Agosto 1898.  Nariyan din ang itim na bandilang ginamit ni Hen. Mariano Llanera sa Labanan sa San Isidro, Nueva Ecija na letrang K na may bungo, kaya nakilala sa tawag na “Bungo ni Llanera.”  Ang pulang bandila ni Hen. Pio del Pilar, na kilala bilang isa sa mga nanguna sa pagpatay sa magkapatid na Bonifacio noong 10 Mayo 1897, na may puting tatsulok na nakaayos tulad ng kasalukuyang bandila, kung saan nakapaloob ang bukang liwayway ng araw na may walong sinag sa isang bundok at napapalibutan ng tatlong letrang K na tinawag na “Bandila ng Matagumpay,” at ginamit noong 11 Hulyo 1895.  At ang pula, asul at itim na bandila ni Hen. Gregorio del Pilar na ibinatay niya sa bandila ng mga mapaghimagsik na Cubano na kaagapay nila sa paglaban sa kolonyalismo.

 

May mga bandila rin na napabilang na ayon sa eksperto sa bandila na si Emmanuel Baja ay walang konkretong ebidensyang pangkasaysayan.  Ito ang bandilang may disenyong araw, may walong sinag at may K sa baybaying Tagalog; at ang bandilang may disenyong araw, may walong sinag na may mukha (mythological sun).  Ayon sa historyador mula sa Polytechnic University of the Philippines na si Samuel Fernandez, sa pagsasama ng araw na walong sinag ni Aguinaldo at baybaying K ni Bonifacio, ang mga bandilang ito ay “bogus mestizo flags.”  (Valentin 1998).  Napagkakamalian ang huling nabanggit na disenyo bilang ang bandilang ibinaba matapos ang Kasunduan sa Biak-na-bato na iginuhit ni Hen. Artemio Ricarte (Villanueva, Santiago at Prado 1988, w. ph.), bagama’t ang bandilang nasa dibuho ay iba ang disenyo ng sinag at walang partikular na bilang ito.

Bogus flag:  ang unang pambansang bandila raw.

Bogus flag: ang unang pambansang bandila raw.

Ang selyo ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo.

Ang selyo ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo.

Ang selyo ng pamahalaan ni Andres Bonifacio.

Ang selyo ng pamahalaan ni Andres Bonifacio.

Ang pagbaba ng tunay na disenyo ng bandila ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biak-na-bato sa guhit mismo sa alaala ni Heneral Artemio Ricarte.

Ang pagbaba ng tunay na disenyo ng bandila ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biak-na-bato sa guhit mismo sa alaala ni Heneral Artemio Ricarte.

Ang bandila sa kanan ay mas malapit sa hitsura ng bandilang ibinaba sa Biak-na-bato na iginuhit ni Hen. Ricarte na hindi napabilang sa mga Bandila ng Himagsikang Pilipino.  Ito kaya ang bandilang talagang nais tukuyin ng mga nagdrowing ng araw na may walong sinag o araw ni Bonifacio na may letrang K sa baybayin aka Magdalo flag?  (Sa kagandahang loob ni Dr. Luis Camara Dery, ang painting ni Aguinaldo ay mula sa Armed Forces of the Philippines Museum)

Ang bandila sa kanan ay mas malapit sa hitsura ng bandilang ibinaba sa Biak-na-bato na iginuhit ni Hen. Ricarte na hindi napabilang sa mga Bandila ng Himagsikang Pilipino. Ito kaya ang bandilang talagang nais tukuyin ng mga nagdrowing ng araw na may walong sinag o araw ni Bonifacio na may letrang K sa baybayin aka Magdalo flag? (Sa kagandahang loob ni Dr. Luis Camara Dery, ang painting ni Aguinaldo ay mula sa Armed Forces of the Philippines Museum)

Sa aking obserbasyon, may bagong bogus mestizo flag na dulot din ng kalituhan ukol sa bandilang ibinaba sa Biak-na-bato at ng isang pangyayari sa ating kapanahong kasaysayan.  Sa isang seryosong websayt sa Kasaysayan ng Pilipinas inilabas bilang bandila ng Magdalo sa Cavite ang araw na walang partikular na bilang ng sinag ni Bonifacio na may baybayin na K sa loob nito.  Sa katotohanan, ito ay bandila ng pangkat ng mga sundalo na pinamagatang “Bagong Katipunan” na nag-alsa sa Oakwood noong 2003, na dahil sa kanilang bandila ay tinawag na may kamalian ng media na “Magdalo.”  Ang pagkakamaling ito ay kabilang na ngayon sa mga bakal na representasyon ng mga bandila ng Katipunan sa mga bakod ng monumento sa Balintawak Clover Leaf sa Lungsod Quezon!!!

Ang pangkat na Bagong Katipunan na tinawag ng press na "Magdalo" group dahil sa kanilang bandila.

Ang pangkat na Bagong Katipunan na tinawag ng press na “Magdalo” group dahil sa kanilang bandila.

Kahunghangan na tinawag itong "Magdalo" ng press dahil pinaghalo nito ang araw sa War Standard ni Bonifacio sa baybaying "K" sa bandilang ibinaba sa Biak-na-bato.

Kahunghangan na tinawag itong “Magdalo” ng press dahil pinaghalo nito ang araw sa War Standard ni Bonifacio sa baybaying “K” sa bandilang ibinaba sa Biak-na-bato.

Sen. Sonny Trillanes at ang kanyang bandila.

Sen. Sonny Trillanes at ang kanyang bandila.

Kuha ni Michael Charleston Chua sa bakod ng Monumento sa Balintawak Clover Leaf.

Kuha ni Michael Charleston Chua sa bakod ng Monumento sa Balintawak Clover Leaf.

Ayon kay Prop. Ian Christopher Alfonso ng Center for Bulacan Studies at Holy Angel University, nailathala na rin daw ito sa isang teksbuk sa kasaysayan.  Nawa po ay maiwasto ang kamaliang ito.

SANGGUNIAN:

Valentin, Myra, manunulat.  1998, Hunyo 6.  “Watawat ng Bayan,” Magandang Gabi Bayan.  Lungsod Quezon:  ABS-CBN News and Current Affairs.

 Villanueva, Rene, Damian Santiago at José Prado.  1988.  Bandilang Pilipino:  Sagisag ng Kalayaan.  Lungsod ng Quezon:  Adarna Book Services, Inc.