IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: kudeta

PARA SA FLAG DAY: WATAWAT NI TRILLANES NAKAHANAY NA SA MGA BANDILA NG HIMAGSIKANG PILIPINO!!!

Halaw sa papel na Isang Himig, Isang Bandila ni Michael Charleston B. Chua.  I-download ang papel:  Chua – Isang Himig, Isang Bandila

Ang Mga Watawat ng Himagsikang Pilipino at "ang odd man out."

SPOT THE NOT:  Ang Mga Watawat ng Himagsikang Pilipino at ang “odd man out.”

Sa mga pambansang dambana, mga monumento, at maraming lugar sa Pilipinas, mayroong mga katuwang ang pambansang watawat ng Pilipinas na iba pang mga bandila na popular na tinatawag na “Evolution of the Philippine Flag.”  Subalit tila ito ay may kamalian.  Ang sampung bandila na pinagsama-sama at inilabas bilang isang serye ng commemorative postage stamp sa nasabing pangalan noong 12 Hunyo 1972 ay sa katunayan, hindi nagpapakita nang pag-inog ng bandila sa kasalukuyang hitsura.

Mga selyong "Evolution of the Philippine Flag," 1972

Mga selyong “Evolution of the Philippine Flag,” 1972

Ayon sa isang panayam sa Magandang Gabi Bayan sa panahon ng Sentenaryo noong 1998, binanggit ni Ambeth Ocampo na ang mga ito ay “hindi bandera ng isang bansa,” kundi “mga bandera ng Rebolusyong Pilipino.”  Sa nasabing programa sinabi rin ni Dr. Augusto de Viana na noon ay nasa Pambansang Suriang Pangkasaysayan (ngayo’y National Historical Commission of the Philippines), ang mga bandilang ito “represent the Katipunan” (Valentin 1998).  Ang mga bandila ay nagpapakita ng iba’t ibang watawat ng mga balanghay ng Katipunan at sa katunayan, marami pa ang hindi naisama. 

Marami sa mga bandilang ito na lumaganap noong Himagsikang 1896-1898 ay may tatlong letrang “K” para sa pangalan nang samahang mapanghimagsik, “Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan” na nasa telang pula.  Isa na rito ang KKK na nakaayos bilang tatsulok, isang simbolo ng Katipunan.  Nariyan din ang personal na bandila ni Andres Bonifacio, ang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, na may araw na walang partikular na bilang ng sinag na may KKK sa ibaba nito na kanyang ginamit sa mga unang sigaw ng himagsikan sa Balintawak at Pinaglabanan noong Agosto 1898.  Nariyan din ang itim na bandilang ginamit ni Hen. Mariano Llanera sa Labanan sa San Isidro, Nueva Ecija na letrang K na may bungo, kaya nakilala sa tawag na “Bungo ni Llanera.”  Ang pulang bandila ni Hen. Pio del Pilar, na kilala bilang isa sa mga nanguna sa pagpatay sa magkapatid na Bonifacio noong 10 Mayo 1897, na may puting tatsulok na nakaayos tulad ng kasalukuyang bandila, kung saan nakapaloob ang bukang liwayway ng araw na may walong sinag sa isang bundok at napapalibutan ng tatlong letrang K na tinawag na “Bandila ng Matagumpay,” at ginamit noong 11 Hulyo 1895.  At ang pula, asul at itim na bandila ni Hen. Gregorio del Pilar na ibinatay niya sa bandila ng mga mapaghimagsik na Cubano na kaagapay nila sa paglaban sa kolonyalismo.

 

May mga bandila rin na napabilang na ayon sa eksperto sa bandila na si Emmanuel Baja ay walang konkretong ebidensyang pangkasaysayan.  Ito ang bandilang may disenyong araw, may walong sinag at may K sa baybaying Tagalog; at ang bandilang may disenyong araw, may walong sinag na may mukha (mythological sun).  Ayon sa historyador mula sa Polytechnic University of the Philippines na si Samuel Fernandez, sa pagsasama ng araw na walong sinag ni Aguinaldo at baybaying K ni Bonifacio, ang mga bandilang ito ay “bogus mestizo flags.”  (Valentin 1998).  Napagkakamalian ang huling nabanggit na disenyo bilang ang bandilang ibinaba matapos ang Kasunduan sa Biak-na-bato na iginuhit ni Hen. Artemio Ricarte (Villanueva, Santiago at Prado 1988, w. ph.), bagama’t ang bandilang nasa dibuho ay iba ang disenyo ng sinag at walang partikular na bilang ito.

Bogus flag:  ang unang pambansang bandila raw.

Bogus flag: ang unang pambansang bandila raw.

Ang selyo ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo.

Ang selyo ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo.

Ang selyo ng pamahalaan ni Andres Bonifacio.

Ang selyo ng pamahalaan ni Andres Bonifacio.

Ang pagbaba ng tunay na disenyo ng bandila ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biak-na-bato sa guhit mismo sa alaala ni Heneral Artemio Ricarte.

Ang pagbaba ng tunay na disenyo ng bandila ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biak-na-bato sa guhit mismo sa alaala ni Heneral Artemio Ricarte.

Ang bandila sa kanan ay mas malapit sa hitsura ng bandilang ibinaba sa Biak-na-bato na iginuhit ni Hen. Ricarte na hindi napabilang sa mga Bandila ng Himagsikang Pilipino.  Ito kaya ang bandilang talagang nais tukuyin ng mga nagdrowing ng araw na may walong sinag o araw ni Bonifacio na may letrang K sa baybayin aka Magdalo flag?  (Sa kagandahang loob ni Dr. Luis Camara Dery, ang painting ni Aguinaldo ay mula sa Armed Forces of the Philippines Museum)

Ang bandila sa kanan ay mas malapit sa hitsura ng bandilang ibinaba sa Biak-na-bato na iginuhit ni Hen. Ricarte na hindi napabilang sa mga Bandila ng Himagsikang Pilipino. Ito kaya ang bandilang talagang nais tukuyin ng mga nagdrowing ng araw na may walong sinag o araw ni Bonifacio na may letrang K sa baybayin aka Magdalo flag? (Sa kagandahang loob ni Dr. Luis Camara Dery, ang painting ni Aguinaldo ay mula sa Armed Forces of the Philippines Museum)

Sa aking obserbasyon, may bagong bogus mestizo flag na dulot din ng kalituhan ukol sa bandilang ibinaba sa Biak-na-bato at ng isang pangyayari sa ating kapanahong kasaysayan.  Sa isang seryosong websayt sa Kasaysayan ng Pilipinas inilabas bilang bandila ng Magdalo sa Cavite ang araw na walang partikular na bilang ng sinag ni Bonifacio na may baybayin na K sa loob nito.  Sa katotohanan, ito ay bandila ng pangkat ng mga sundalo na pinamagatang “Bagong Katipunan” na nag-alsa sa Oakwood noong 2003, na dahil sa kanilang bandila ay tinawag na may kamalian ng media na “Magdalo.”  Ang pagkakamaling ito ay kabilang na ngayon sa mga bakal na representasyon ng mga bandila ng Katipunan sa mga bakod ng monumento sa Balintawak Clover Leaf sa Lungsod Quezon!!!

Ang pangkat na Bagong Katipunan na tinawag ng press na "Magdalo" group dahil sa kanilang bandila.

Ang pangkat na Bagong Katipunan na tinawag ng press na “Magdalo” group dahil sa kanilang bandila.

Kahunghangan na tinawag itong "Magdalo" ng press dahil pinaghalo nito ang araw sa War Standard ni Bonifacio sa baybaying "K" sa bandilang ibinaba sa Biak-na-bato.

Kahunghangan na tinawag itong “Magdalo” ng press dahil pinaghalo nito ang araw sa War Standard ni Bonifacio sa baybaying “K” sa bandilang ibinaba sa Biak-na-bato.

Sen. Sonny Trillanes at ang kanyang bandila.

Sen. Sonny Trillanes at ang kanyang bandila.

Kuha ni Michael Charleston Chua sa bakod ng Monumento sa Balintawak Clover Leaf.

Kuha ni Michael Charleston Chua sa bakod ng Monumento sa Balintawak Clover Leaf.

Ayon kay Prop. Ian Christopher Alfonso ng Center for Bulacan Studies at Holy Angel University, nailathala na rin daw ito sa isang teksbuk sa kasaysayan.  Nawa po ay maiwasto ang kamaliang ito.

SANGGUNIAN:

Valentin, Myra, manunulat.  1998, Hunyo 6.  “Watawat ng Bayan,” Magandang Gabi Bayan.  Lungsod Quezon:  ABS-CBN News and Current Affairs.

 Villanueva, Rene, Damian Santiago at José Prado.  1988.  Bandilang Pilipino:  Sagisag ng Kalayaan.  Lungsod ng Quezon:  Adarna Book Services, Inc.

XIAOTIME, 6 December 2012: MGA KUDETA SA ILALIM NG PANGULONG CORY

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 6 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang madugo at malungkot na eksena sa isang rooftop sa Makati noong kudeta ng Disyembre 1989.  Mula sa aklat ng PCIJ na Kudeta:  A Challenge to Philippine Democracy."

Isang madugo at malungkot na eksena sa isang rooftop sa Makati noong kudeta ng Disyembre 1989. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

6 December 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=k3rJ78s3E14

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  23 years ago today, December 6, 1989, nang ideklara ni Pangulong Cory Aquino ang Proclamation 503 na naglalagay sa buong Pilipinas sa State of National Emergency.

Dating Pangulong Cory Aquino:  "Ang Babaeng Sintibay ng Bakal"

Dating Pangulong Cory Aquino: “Ang Babaeng Sintibay ng Bakal”

Binibigyan siya nito ng mas malawak na kapangyarihan upang pigilan ang ikapitong tangkang kudeta laban sa kanyang pamahalaan ng mga sundalo, na nagsimula noong November 29.

Ang anak ng Pangulo na si Noynoy Aquino habang pinoprotektahan ang kanyang ina noong kudeta ng Disyembre 1989.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Ang anak ng Pangulo na si Noynoy Aquino habang pinoprotektahan ang kanyang ina noong kudeta ng Disyembre 1989. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Sinakop ang sentro ng negosyo sa Makati at ang Mactan Airbase at sinalakay ang siyam na instalasyong militar.  Kinasangkutan ito ng tatlong libong rebelde sa ilalim ng 44 na opisyal, 21 koronel at pitong heneral.  Nagapi ito ng December 9, 1989.  Ito ang pinakamadugong pagtatangka—99 patay, 570 ang sugatan na karamihan ay mga sibilyan!

Pagsuko ng mga rebelde sa Makati matapos ang kudeta ng Disyembre 1989.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Pagsuko ng mga rebelde sa Makati matapos ang kudeta ng Disyembre 1989. Mula sa aklat na “Philippine Almanac.”

Ang kudeta ay nagmula sa Pranses na coup d’état na ang kahulugan ay “strike against the state” o “golde de estado.”  Isa sa mga nakahadlang sa lubos na pag-usad ng pamahalaan at demokrasya matapos ang People Power ay ang mga kudeta na ito na sa akala natin ay pitong pagtatangka lamang.  Ngunit ayon kay Fidel V. Ramos na Kalihim noon ng Tanggulang Pambansa—siyam pala ang mga ito!  Ang una ay ang July 6-7, 1986, 490 sundalo at 15,000 loyalista ang nasangkot sa pagloob sa Manila Hotel upang pabalikin si Pangulong Marcos; Ikalawa naman ang November 23-24, 1986 “God Save the Queen” plot.  Walang dumanak na dugo ngunit muntik nang magkabarilan.  Binalak ni Kalihim Juan Ponce Enrile at ng Reform the Armed Forces Movement o RAM;

Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Si Gringo Honosan at ang Reform the Armed Forces Movement o RAM.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Si Gringo Honasan at ang Reform the Armed Forces Movement o RAM. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Ikatlo ang January 27-28, 1987 na paglusob sa GMA-7, madugo; Ika-apat ang April 18-19, 1987, ang “Black Saturday” incident sa Fort Bonifacio na ikinamatay ng isang sundalo;  Ikalima ay ang June 9-13, 1987 na pagsakop ng mga loyalista ni Marcos sa Manila International Airport, naagapan ang pagdanak ng dugo; Ika-anim ay ang pinakaseryoso sa lahat ng pagtatangka, ang August 28, 1987, kung saan sinalakay ang Camp Aguinaldo, Malacañang, PTV-4 sa Bohol Ave na ngayon ay ABS-CBN, Camelot Hotel, Broadcast City, Villamor Airbase, Camp Olivas, Pampanga, RECOM 7 Headquarters, Cebu at Legaspi City Airport.  Nagbunsod ito sa pagkasunog ng GHQ ng Armed Forces sa Aguinaldo.

Pagkasunog ng General Headquarters ng Camp Aguinaldo, Agosto 1987.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Pagkasunog ng General Headquarters ng Camp Aguinaldo, Agosto 1987. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Sa kudeta na ito na-ambush at nabaril ang anak ng pangulo na si Noynoy Aquino habang ang sundalo naman na nasawi sa Bohol Ave na si Sgt. Eduardo Esguerra ay pinarangalan sa pamamagitan ng pagpapangalan ng kalyeng nabanggit sa kanya.  Matapos ang ika-pitong pagtatangka noong 1989, nagkaroon pa ng madugong pagsakop sa Cagayan ng gobernador nito noong March 4-5, 1990 kung saan isang heneral ang namatay at ang tangkang pagtatag apat na lalawigan ng Federal Republic of Mindanao noong Oktubre 1990.  Noong kudeta ng Agosto 1987, may kolumnistang nagsulat na nagtago ang Pangulong Cory sa ilalim ng kama.  Kahit na alegorikal lamang ito, sineryoso ito ng pangulo, ipinakita na wala siyang pwedeng pagtaguan sa kanyang kama at idinemanda ang kolumnista.

Paano nga naman magtatago?  Mula sa aklat na "In The Name of Democracy and Prayer" ni Cory Aquino

Paano nga naman magtatago? Mula sa aklat na “In The Name of Democracy and Prayer” ni Cory Aquino

Ano na lamang daw ang sasabihin ang AFP sa kanilang commander-in-chief?  Ayon kay PSG Chief Voltz Gazmin, hindi niya nakita si Tita Cory sa ilalim ng kama, kundi nag-aayos ng buhok habang nagkakaputukan sa paligid, kailangan niya raw maging presentable sa media.  Siya ang “pinakapanatag sa lahat.”  Ang pagtatagumpay niya sa siyam na kudetang ito ang nagpapatunay ng mga papuri ni Fidel Ramos sa pangulo, “Ang Babaeng Sintibay ng Bakal.”

Si Cory Aquino at Heneral Fidel V. Ramos.  Mula sa aklat ng PCIJ na "Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy."

Si Cory Aquino at Heneral Fidel V. Ramos. Mula sa aklat ng PCIJ na “Kudeta: A Challenge to Philippine Democracy.”

Nang mamatay si Tita Cory, nagpa-sorry ang ilang sumama sa mga kudeta tulad nina Rex Robles at Ariel Querubin at sinaluduhan ang pangulo.  Ang marahas na himagsikan ay ginagawa lamang kung kinakailangan, kung masama ang namiminuno.  Kung walang mabuting hangarin, tulad ng ipinakita ni Rizal kay Simoun sa El Filibusterismo, hindi magtatagumpay ang himagsikan at makakadagdag lamang sa pagkalugmok ng ating bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Manila Cathedral steps, 25 November 2012)