XIAO TIME, 24 May 2013: ANG MAKASAYSAYANG MAG-AMANG SINA JULIO AT JUAN NAKPIL
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
24 May 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=J6U2fdaIjCc
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 146 years ago, May 22, 1867, isinilang si Julio Nakpil, isa sa 12 anak mula sa isang mayamang pamilya sa Quiapo Maynila. Huh??? Who’s that Pokemón??? Siya po ay isang matalik na kaibigan ni Andres Bonifacio, ang aktor at Supremo ng Katipunan. Pinatigil siya sa pag-aaral kaya natuto sa kanyang sarili na magpiyano at nakilala sa kanyang mahusay na pagtugtog ng mga tiklado at sa kanyang sariling mga komposisyon.
Kaya habang kumander ng mga hukbong mapanghimagsik sa Hilagang Pilipinas sa panahon ng Himagsikan, niregaluhan niya si Bonifacio noong kanyang kaarawan Nobyembre 1896 sa Balara ng isang awit na siya sanang magiging pambansang awit ng Pilipinas kung nagtagumpay si Bonifacio na magpatuloy bilang pangulo ng Pilipinas. Isang martsa na pinamagatang “Marangal na Dalit ng Katagalugan”: “Mabuhay, mabuhay yaong kalayaan, kalayaan at pasulungin at puri’t kabanalan, ang puri’t kabanalan. Kastila’y maining ng Katagalugan at ngayo’y ipagwagi ang kahusayan.”
Dito nagkaroon tayo ng bintana na makita na ang Katipunan ay hindi lamang samahan ng mga bobong masa na sugod ng sugod at walang ibang alam gawin kundi maging bayolente. Dito nakita natin ang Katipunan na nagsusulong ng kagandahang loob—puri at kabanalan at hindi kabobohan kundi kahusayan sa pagtatatag ng isang Inang Bayan tunay na malaya at maginhawa. Kompositor rin ng ilan pang musika tulad ng “Pahimakas” na alay kay José Rizal at ang “Pasig Pantayanin” para sa mga hukbong mapanghimagsik.
Nang patayin ang Supremo Andres Bonifacio noong 1897, siya ang nag-aruga sa kanyang balo na si Aling Oriang—Gregoria de Jesus at nakasal sila noong 1898. Ayon sa kanya nagkaroon ng mga banta sa kanyang buhay dahil sa kanyang katapatan sa Supremo. Kinalaunan, pinatuloy ng kanyang bayaw na si Ariston Bautista Lin sa kanilang tahanan at doon nga sila tumira sa Bahay Nakpil-Bautista sa Quiapo na ngayon ay maaaring mabisita bilang Museo ng Katipunan.

Ang paglalarawan ng kasal nina Julio at Oriang sa Simbahang Katoliko noong 1898. Mula sa Bahay Nakpil-Bautista.

Mula sa bahaynakpil.org: Family Portrait ca. 1900 – L to R: Daughter Julia, only son Juan, and Gregoria de Jesus holding her infant daughter Francisca on her lap. Photo courtesy of Roberto Tañada

Walo talaga ang anak nina Julio at Oriang, Sina Juana at Lucia ay namatay sa pagkabata. Nasa larawan sina Juan, Julia, Francisca, Josephina, Mercedes at Caridad. Mula sa julionakpil.blogspot.com.
Ang mag-irog na si Julio at Oriang ay nagkaroon ng anim na anak, isa na rito si Juan Nakpil na isinilang 114 years ago, May 26, 1899. Si Juan ay nakilala sa kanyang rekonstruksyon ng Simbahan ng Quiapo matapos masunog noong 1929, at ang rekonstruksyon ng matagal nang nagibang bahay ng mga Rizal na naipatayo sa barya-baryang ambagan ng mga estudyanteng Pilipino noong 1950.

Ang muling itinayong bahay ni Rizal sa Calamba, Laguna. Mula sa Lolo Jose ni Asuncion Lopez-Bantug, inilathala ng Intramuros Administration.
Siya rin ang nagdisenyo ng Gusaling Administratibo at ang Gusaling Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ang Quezon Institute, ang dating Rizal Theater sa Makati, ang SSS Building, ang Rufino Building at ang Philippine Village Hotel.

Ang Adminsitration Building ng Unibersidad ng Pilipinas–Quezon Hall. Mula kay urbandub.wordpress.com.

Orihinal na disenyo ng Gusaling Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas–Gonzales Hall. Hindi naisakatuparan ang planong mataas na tore sa itaas nito. Mula sa arkitektura.ph.

Ang Gusaling Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas–Gonzales Hall. Hindi naisakatuparan ang planong mataas na tore sa itaas nito. Mula sa arkitektura.ph.

Ang dating Rizal Theater sa Makati. Nasa sayt ng ngayon ay Shang-ri La Makati malapit sa Glorietta. Mula sa arkitektura.ph

Ang dating Rizal Theater sa Makati. Nasa sayt ng ngayon ay Shang-ri La Makati malapit sa Glorietta. Mula sa dmcinet.com.

Si Juan Nakpil at ang kanyang mga arkitekto sa harap ng scale model ng disenyo niya para sa pambansang punong himpilan ng Social Security System sa Lungsod Quezon. Mula sa arkitektura.ph

Ang pambansang punong himpilan ng Social Security System sa Lungsod Quezon noon at ngayon. Mula sa philstar.com.

Ang pambansang punong himpilan ng Social Security System sa Lungsod Quezon sa gabi. Mula sa philstar.com.

Ang mas matandang Rufino Building sa ilalim ng naging isa sa pinakamataas na gusali sa buong Pilipinas, ang Rufino Tower na idinagdag na lamang.
Bilang isang arkitekto, guro at aktibista, hinikayat niya ang pamahalaan na kumuha ng mga Pilipinong arkitekto sa pagtatayo ng mga gusaling pampamahalaan. Sa kanyang paniniwalang mayroon ngang tinatawag na Philippine Architecture, tinaguriang Dean of Filipino Architects at noong 1973, nagtamo ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura.

Merced Edith Nakpil Rabat bilang Ms Philippines 1955 kasama ng kanyang Manila Carnival Queen na inang si Anita Noble-Nakpil at kanyang amang si Arkitekto Juan Nakpil. Mula sa manilacarnivals.blogspot.com at Miss Joyce Burton Titular.
Ang matandang Julio ay namatay sa edad na 93 noong 1960 at si Juan naman noong 1986. Kamangha-mangha, isang pamilyang naging tanyag at naging successful sa pag-aalay ng kanilang talento para sa bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 17 May 2013)