XIAO TIME, 22 May 2013: ANG KAHALAGAHAN NG BAHAY KUBO SA KULTURA NG MUNDO (Part 2)
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

William LeBaron Jenney, ang Ama ng modernong American Skyscraper. Ano ang kinalaman ng Bahay Kubo sa kanya? Basahin sa ibaba.
22 May 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=bsA7wSdWUQw
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Tulad ng nabanggit kahapon, ang Bahay Kubo o Bahay Austronesyano ay simbolo ng galing nating umangkop sa kapaligiran at klima sa ating bansa. Na sa kabila ng tropical na init, magkamit tayo ng ginhawa. Ngunit ano ang nangyari sa Bahay Kubo sa panahong ng Kolonyalismo at pagdating ng impluwensyang banyaga? Akala natin, ang mga bahay na ipinatayo ng mga Espanyol sa Pilipinas ay tinawag na Spanish houses, ngunit sasabihin sa iyo ng Kastila, “Walang ganyan sa Spain…” LOL.

Mga bahay na bato sa Calle Crisologo sa Vigan, tinatawag na “Spanish Houses.” Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Kasi nang dumating ang Espanyol, ang mga bahay na bato na ipinatayo nila ayon kina Prop. Felipe de Leon, Jr. at Dr. Fernando Nakpil Zialcita, ay bahay kubo rin na nagbago, pero naroon pa rin ang diwa na magkaroon ng ginhawa–malalaking bubong, matataas na kisame, malalaking bintana, may silong at mga materyales na galing sa kalikasan sa ikalawang palapag na siyang tinitirhan.

Rekonstruksyon ng bahay na bato ng mga Rizal sa Dapitan. Dinisenyo ni Arkitekto Juan Nakpil, Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura batay sa mga historikal na datos. Mula sa Lolo Jose: An Intimate Portrait of Jose Rizal ni Asuncion Lopez-Bantug.

Tulad sa bahay kubo, matataas ang bubong at kisame, at malalaki ang bintana ng mga kolonyal na bahay upang umangkop na mainit at tropikal na klima. Mula sa Casas Filipinas de Acuzar.

Mga bintanang capiz at iba pang mga materyales na mula sa kalikasan natin ang makikita sa bahay na bato, tulad din sa bahay kubo. At ikalawang palapag lamang ang tinitirhan. Mula sa aenet.org.

Tulad sa bahay kubo ang mga bahay na bato ay may mga silong na hindi tinitirhan. Isang patio ng bahay sa Intramuros, ang lumang Maynila, 1900. Koleksyon Dr. Luis Camara Dery.
Hindi ibig sabihin na kung babalikan ang kulturang Pilipino, magbahay kubo na tayo ulit, kundi nagpapakita na nagbabago ang kultura sa pag-agos ng panahon. Dinamiko. Nasasalamin pa rin ang diwa ng Bahay Austronesyano maging sa mga gusaling Gabaldon, Palma at Melchor Hall ng UP, mga ordinaryong bungalow na nagbibigay ng ginhawa lalo kung may airconditioning, at inspirasyon ni Leandro Locsin ang hugis ng Bahay Kubo sa kanyang disenyo para sa teatro ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

Ang Bulwagang Palma sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman na dinisenyo ni Arkitekto Cesar Concio. Mula sa http://kahayl.tumblr.com/.

Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Obra ni Arkitekto Leandro Locsin. Inspirasyon ang alon ng dating dagat na pinagtayuan ng gusali at ang hugis ng bahay kubo. Mula sa Marcos Presidential Center.
Ngunit kung kamagha-mangha ito, mas kamangha-mangha na may impluwensya sa buong mundo ang ating Bahay Austronesyano. Huh??? Talaga. Nabanggit sa akin ito ng manunulat na si A.Z. Juan Jose Jollico Cuadra na sumakabilang buhay nito lamang April 30, 2013. Ito ang kwento ni William Le Baron Jenney.

Si A. Z. Jollico Cuadra (May 24, 1939-April 30, 2013), “Enfant terrible of Philippine art noong Dekada 1960 at tinaguriang Byron ng Literaturang Pilipino. Mula kay Josephine Manapsal ng Celyo Rizal, Inc.
Isinilang noong 1832 sa Fairhaven, Massachusetts, sa isang amang nagmamay-ari ng isang kumpanya ng mga barko. Siya ay kabilang sa engineering staff ni Heneral Ulysses Grant noong Digmaang Sibil sa Estados Unidos.

Ang nagpapakita ng First Minnesota Regiment noong digmaang sibil sa Estados Unidos. Mula sa nationalguardmil.com.
Noong 1850, tatlong buwan na bumisita sa Pilipinas sakay ng isa sa barko ng kanyang ama, napansin ng arkitekto at inhinyerong si Jenney nang minsang bumagyo na ang istruktura ng mga bahay sa Pilipinas ay napakagaan at napaka-flexible. Sumayaw-sumunod lamang sa lakas ng bagwis ng sigwa. Ayon sa mga tala, ito ang nag-inspire sa kanya na gayahin ang flexibility ng frame ng Bahay Austronesyano. Noong 1879, ipinatayo niya ang unang Leiter Building at noong 1884, ipinatayo niya sa Chicago ang Home Insurance Building, ang unang metal-frame skyscraper sa Estados Unidos.

William LeBaron Jenney, na naging inspirasyon ang Bahay Kubo sa kanyang pinausong disenyo ng gusali. Itinuturing na Ama ng modernong American skyscraper.

Home Insurance Building sa Chicago (1884), unang metal frame skyscraper sa Estados Unidos. Inspirasyon mula sa bahay kubo.
Si Jenney ang tinuturing na Ama ng Modernong American Skyscraper na naging modelo ng mga matatayog na gusali sa daigdig, at noong 1998, nagtamo ng ranggong 89 sa aklat na 1,000 Years, 1,000 People: Ranking the Men and Women Who Shaped the Millennium.

Ang mga skyscraper sa downtown Manhattan. Sino ang mag-aakalang ang mga matatayog na gusaling ito ay may batayang dinisenyo naghango ng inspirasyon mula sa bahay na Pilipino. Mula sa famouswonders.com.

Pasakalye: “Lunch Atop a Skyscraper.” Pinapakita ang mga gusali sa Manhataan, New York at ang pamosong Central Park. Tanyag na larawan.
Hanep pala ang ating bahay kubo, nagpapakita sa atin na tunay na maipagmamalaki ang arkitekturang Pilipino na hindi lamang pala nagbibigay ginhawa sa bayang ito, nagbigay pamana pa at nag-impluwensyahan ng arkitektura ng buong daigdig. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 11 May 2013)