XIAO TIME, 25 April 2013: ANG PAG-ARESTO SA SUPREMO ANDRES BONIFACIO
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Pag-aresto sa sugatang si Andres Bonifacio, isinakay daw siya sa duyan. Obra ni Egai Fernandez mula sa Supremo.
25 April 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=gtqtcrkABr8
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Mga huling araw ng Abril 1897, tumungo sa Indang, Cavite ang mga tagasunod ng Supremo Andres Bonifacio upang humingi ng pagkain. Ngunit inudyok ni Severino de las Alas ang bayan na huwag kilalanin sina Bonifacio. Matapos nito, kumalat ang balita na si Bonifacio raw ay upahan daw ng mga prayle sa paggawa ng kaguluhan at nag-utos sa kanyang mga tao na sunugin ang mga bahay, sambahan at kumbento ng Indang. Sa isang pelikula, ipinakita si Bonifacio bilang isang salbaheng tao na nangingikil. Ngunit, sa sulat mismo ni Bonifacio kay Emilio Jacinto kanyang sinabi, “Tungkol sa pag-iipon ng salapi ay naakala kong hindi kailangan ang tayo’y magpalimos kundi ang nararapat ang tayo’y …humingi o sumamsam sa kanino pa mang mayaman.”

Bahagi ng sulat ni Andres Bonifacio kay Emilio Jacinto, Limbon, Cavite, 24 April 1897. Mula sa Studio 5 Designs.
Kailangang maintindihan na iba ang panahon ng himagsikan na tinatawagan ang bayan na magbigay sa mga rebolusyunaryo. Ngunit iba pa rin ang kikil at iba ang hingi. Anuman, nang isumbong ni de las Alas kay Heneral Emilio Aguinaldo ang mga usap-usapan na ito, inutusan niya si Koronel Agapito Bonzon alyas Koronel Yntong na pangunahan ang pag-aresto kay Bonifacio sa Limbon, Indang Cavite, 116 years ago sa Sabado, April 27, 1897.
Ikinubli nina Yntong ang intensyon at nang umabot sa kampo ng Supremo, magiliw silang sinalubong. Pinakain pa at nag-heart to heart talk pa si Bonzon at Bonifacio. Inalok pa si Bonifacio na maaari silang manirahan na magkasama sa Indang na sagana sa bigas. Sabi ni Bonifacio, thank you na lang, at sinabing ano ang gagawin niya doon e hindi siya tinatrato ng mabuti, ayaw na daw niya silang makita. Pabalik na kasi ng Maynila at Morong sina Bonifacio. Bago matulog nagbigay ng mga yosi si Bonifacio sa mga tao ni Bonzon.

Mapa ng pataksil na paglusob ng mga tao ni Koronel Yntong sa kampo ng Supremo matapos silang pakainin at patuluyin sa gabi. Mula kay Isagani Medina.
Kinabukasan, binabaril na ng mga tao ni Bonzon ang mga tauhan ng Supremo, na sumagot din ng putok. Nagulat ang Supremo at lumabas sa kanyang kubo, pumagitna sa nagbabarilan, pinigilan ang kanyang mga tao sa pagpapaputok. Nang may sumigaw, “Humarap ang walang hiyang Supremo na nagtakas ng aming salapi!” Kanyang sinabi, “Mga kapatid ako’y walang ginagawang kawalang-hiyaan. At walang sapaliping itinakas o itatakas man.” Nang barilin ang tao sa kanyang likuran sinabi ni Bonifacio, “Mga kapatid, tingnan ninyo’t atin ding Kapatid sa Inang Bayan ang inyong napatay.” Sugatan sa bala sa kanyang kaliwang balikat, nilusob at tinalunan siya ni Ignacio Paua, ang purong dugong Tsino sa Himagsikan at sinaksak sa lalamunan at leeg, sa bandang kanan. Nahilo at sa salumpit nang sariling dugo. Sasaksakin pa sana niya ang Supremo kung hindi napigilan.

Ignacio Paua, ang tanging purong suging Tsino sa Himagsikang Pilipino. Tapat na tauhan ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo.
Patay sa pagkabaril ang kapatid niyang Ciriaco at ang sugatang si Bonifacio kasama ang isa pang kapatid na si Procopio ay dinakip. Si Gregoria de Jesus, ang 22 taong gulang na maybahay ng Supremo ay ipinanhik sa isang bahay na walang tao ni Yntong at pinagtangkaang gahasain.
Ano ang magiging kapalaran ng Ama ng Himagsikan at sa kanyang pamilya? Siya nag-adhika ng kapatiran ng bayan? Abangan ang susunod na kabanata. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 20 April 2013)