XIAO TIME, 24 April 2013: FERNANDO AMORSOLO, ANG “GRAND OLD MAN OF PHILIPPINE ART”
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
24 April 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=nC9hVHbGCSA Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 41 years ago ngayong araw, April 24, 1972, sumakabilang buhay ang noon ay kinikilalang “Grand Old Man of Philippine Art” na si Fernando Cueto Amorsolo sa sakit sa puso sa edad na 79, dalawang buwan matapos na maratay sa St. Luke’s Hospital.

Ang hindi natapos ni Amorsolo na portrait ng isang hindi kilalang parokyano dahil sa kanyang pagkaratay. Ito ang sinasabing uli niyang obra. Nakalagak ngayon sa Pambansang Museo ng Pilipinas.
Matapos lamang ang apat na araw, iginawad sa kanya ng Pangulong Ferdinand E. Marcos ang pinakaunang Gawad Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Sinasabing tinatayang sampung libo ang mga nagawa niyang paintings at sketches sa buong buhay niya.

Si batang Amorsolo habang nagpipinta ng isng hubad na babae sa kanyang studio. Mula kay Dr. Ambeth Ocampo.

Habang tinatapos ang mga larawan niya ng mga pangulo ng Pilipinas–Roxas, Quezon at Osmena. Mula sa Pambansang Aklatan ng Pilipinas.
Naging apprentice ng dakilang guro ng sining Don Fabian dela Rosa sa edad lamang na trese, nagturo sa UP. Sumikat siya sa kanyang disenyo sa logo ng Ginebra San Miguel, Marca Demonio, at sa kanyang malaganap na nailimbag sa mga brosyur ng Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano, ang “Rice Planting” (1922).
Tinulungan ng mga mayayamang mga Ayala na maglakbay sa Paris, Madrid at New York upang lalong lumawak ang karanasan. Nakilala siya sa kanyang mga obra na nagpapakita ng kabukiran ng Pilipinas at mga tila buhay na mga portraits ng mga tao.
Ang kanyang pinakamalaking kontribusyon sa sining sa Pilipinas ay ang paglalaro ng light and shade o chiaroscuro. Na mas kilala natin ngayon sa tawag na backlighting.

Burning of the Idols, nagpapakita ng pagsunog ng mga ninuno natin sa kanilang mga anito tulad ng ipinag-utos ng mga mananakop na Espanyol. Suwabe sa backlighting.
Kung ngayon, puro papuri ang natatanggap niya mula sa mga eksperto at mamamayan ng Pilipinas, matatandaan na noong kanyang panahon kontrobersyal na pigura siya sa sining. Sinasabing hindi sinasalamin ng kanyang mga painting ang totoong buhay ng mga tao halimbawa sa kanyang mga depiksyon ng bukid. Masyadong idealized. Na parang ang saya-saya ang mga tao, makukulay ang mga suot nila at ubod ng linis.
Oo nga naman, mahirap kaya at mainit ang buhay sa bukid. Marami rin siyang obra na nagpapakita ng kasaysayan ng Pilipinas. Iyon nga lang, may painting siya na pinamagatang “Early Sulu Wedding” ngunit paano magiging kasal ito sa Sulu e ang mga Muslim dapat balot na balot ang mga kababaihan, hubad sa larawan niya! Kaloka.

Confeccion de la Standarte Nacional (Making of the Philippine Flag). Nasa tanggapan ng COB-CEO Vicente R. Ayllón sa ika-30 palapag ng Insular Life Corporate Centre (ILCC) sa Filinvest Corporate City in Alabang.

First Baptism in the Philippines. Proud si Amorsolo sa Research na ginawa niya para sa obrang ito. Nasa Ayala Museum.
Ngunit nang maranasan ang digmaan ayon kay Ambeth Ocampo, makatotohanan ang mga dibuho niya ng paghihirap at pagkawasak ng bayan.

Ilan lamang sa maraming drowing ni Amorsolo noong panahon ng digmaan. Montage kasama ng nasirang Post Office Building mula sa Lopez Museum.
Gayundin, masyado raw komersyal si Amorsolo. Para mabuhay noon, nilalako niya ang mga foto ng kanyang mga painting at papipiliin ka kung ano ang gusto mo ipagawa. Depende sa bayad mo ang pagkapulido ng gawa. Kaya may iba-ibang bersyon ang kanyang mga obra.

Sipi ng ulat ni Nick Joaquin (Quijano de Manila) ukol sa koneksyon ng personalidad na exhuberant ni Amorsolo at ng kanyang mga produksyon.
Naging regular customers niya ang mga Araneta at si Don Jorge Vargas. Maging ang batang reporter noon na si Ninoy Aquino ay nagsakripisyo ng dalawang buwang suweldo para ipapinta lamang ang portrait ng kanyang nililigawan noon na si Maria Corazon Sumulong Cojuangco, Tita Cory. Sweet.
Ok fine, hindi raw makatotohanan ang obra ni Amorsolo, ngunit ang sining naman talaga ay pale imitation lang ng totoong buhay. Ang nais ni Amorsolo ay mag-iwan ng magandang imahe ng ating bayan. Tayo rin naman gusto natin mag-iwan ng magandang imahe ng sarili natin hindi ba? Sa puntong ito, nagtagumpay nga siya. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime. (Pook Amorsolo, UP Diliman, 20 April 2013)