XIAO TIME, 17 May 2013: ARISTON BAUTISTA @ 150
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Jose Rizal, Juan Luna at Ariston Bautista-Lin, detalye ng “Parisian Life” ni Juan Luna. Nasa Koleksyong GSIS sa Pambansang Tipunan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Kuha ni Xiao Chua.
17 May 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=CeblM8hsAMg
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! May isang kontrobersyal na painting na nabili ng pamahalaang Pilipino noong 2002 sa pamamagitan ng GSIS na ipininta ng bayaning si Juan Luna noong 1892. Nabili natin ang obra maestrang “Parisian Life” sa halagang 46 Million Pesos!

Ang “Parisian Life” ni Juan Luna. Nasa Koleksyong GSIS sa Pambansang Tipunan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas. Kuha ni John Ray Ramos.
Nagpapakita ito ng isang babaeng nakaupo sa isang Parisian Café na pinagmamasdan ng tatlong lalake. Ang mga lalaki pala na ito ay sina Jose Rizal, si Juan Luna ang pintor, at ang may-ari ng painting na si Ariston Bautista y Limpingco. Huh??? Who’s that Pokemón???

Tingnan ang larawan na ito ni Ariston Bautista, lagyan mo lang ng sombrero, pati pose ay katulad ng hitsura ng ikatlong lalaki sa “Parisian Life.” Kuha ni Xiao Chua mula sa GSIS Museo ng Sining.
Isa siya sa mga hindi kilalang bayani ng ating bayan. Ngayong taon, ipinagdiwang natin ang 150th anniversary ng kanyang kapanganakan sa Sta Cruz, Maynila, February 25, 1863. Bilang bahagi ng pagdiriwang, inanyayahan ako at ang isang bagong gradweyt ng BA History na ginawang tesis si Ariston Bautista na si Patricza Torio ng GSIS Museo ng Sining na magsalita ukol sa bayaning Tsinoy sa kanyang mismong bahay na ipinatayo, Ang Bahay Nakpil-Bautista Museum noong May 4.

Si Prop. Bobbie Santos-Viola, kaanak ni Julio Nakpil, Ariston Bautista (standee), Xiao Chua at Joshua Duldulao. May dalawang eksibit ngayong taon ukol sa buhay ni Ariston Bautista-Lin, sa GSIS Museo ng Sining at sa mas maliit na replica nito sa Bahay Nakpil-Bautista. Kuha ni John Ray Ramos.
Isang mayamang estudyante ng medisina, nang magkaroon ng epidemya ng kolera noong 1880s, ibinigay niya ang kanyang serbisyo sa paggamot sa mga may karamdaman ng libre. Nagtungo siya sa Europa at naging bahagi ng Kilusang Propaganda at ng La Solidaridad.

Ang mga anak ni Manuel Lin Bautista kasama ang kanilang tiyo na si Ariston Bautista. Clockwise mula sa pinaka-kanan: Dr. Ariston, Petra Bautista, Mariano Bautista, Enrique Bautista, Ariston Bautista, at Marina Bautista. Mula sa Bahay Nakpil-Bautista.

Grupo ng mga propagandista sa Espanya, hanapin niyo nga si Rizal, Marcelo del Pilar at Ariston Bautista?
Pinondohan ang ating pamahalaan sa kanilang paglaban sa mga Amerikano at nang matapos ang digmaan, ginamit ang kanyang pera upang magpadala ng mga Pilipinong iskolar patungo sa Estados Unidos, ang mga pensionados. Mahilig siya sa kagandahan, mga kababaihan, sining at musika at sinuportahan ang mga alagad ng sining na Pinoy tulad ni Fabian dela Rosa.
Pangulo siya ng isang factory ng sigarilyo, ang “Germinal” at bahagi ng lupon ng Agricultural Bank, pinayo niya sa pamahalaan na magbigay ng pautang sa mga nagtatanim ng asukal at naging instrumental sa pagtatag ng isang National Bank of the Philippines. Ngunit lagi siyang tumutulong at nasa panig ng mga malilit, naging kilalang pilantropo.

Katibayan mula sa Germinal, firmado ni Ariston Bautista-Lin. Koleksyon Patricza Torio, kuha ni Xiao Chua.
Naging pinuno din siya ng Clinical Department ng Kolehiyo ng Medisina ng UP at sa tuwing tatambay sa mga mahihirap na maysakit ng Philippine General Hospital, pinapasaya niya sa kanyang pagpapatawa ang mga pasyente. May gamot pa siya na nagawa para sa kolera at tuberculosis ngunit hindi niya ito pinagkakitaan, ibinigay niya sa pamahalaan ng libre.
Napangasawa niya si Petrona Nakpil, at sa kanyang malaking bahay na ipinatayo sa tabi ng Estero de Quiapo noong 1913-1914, pinatuloy niya ang mga kapatid ni Petrona kabilang na ang Katipunerong si Julio Nakpil at ang kanyang asawa na balo ni Bonifacio na si Gregoria de Jesus.

Ang likuran ng Bahay-Nakpil, may dalawang naliligo sa Estero de Quiapo sa larawan. Ngayon, gudlak! Mula sa Bahay Nakpil-Bautista.

Si Petrona Nakpil, kasama ang ilang bisita ng Bahay Nakpil, nasilip kung saan ang kanyang kapatid na si Julio Nakpil. Makikita sa background ang orihinal na “Parisian Life.” Mula kay Prop. Bobbie Santos-Viola.
Hindi niya ipinagyabang ang kanyang mga mabuting gawa, naging inspirasyon siya sa marami. Nang mamatay siya noong March 3, 1928, kahit walang pasabi, parang magic na sumulpot ang daang-daang tao upang nakiramay, naglakad pa ang mambabatas na si Sergio Osmeña noong kanyang libing sa Cementerio del Norte.
Paalala si Ariston Bautista-Lin sa atin na ang mga maykaya sa atin ay hindi kailangan maging sakim, maaaring magkaroon ng puso para sa bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 11 May 2013)