XIAO TIME, 19 April 2013: LEONA FLORENTINO, ISANG NATATANGING PILIPINA
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Monumento para kay Leona Florentino sa Plaza Leona sa Vigan, Ilocos Sur. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
19 April 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=zaKecbgGIRM
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 164 years ago ngayong araw, April 19, 1849, isinilang si Leona Florentino sa Vigan, Ilocos Sur. Huh??? Who’s the Pokemón??? Kung magmamasid ka sa paglalakad mo sa makasaysayang Calle Crisologo sa Vigan kung saan naroroon ang mga tanyag na lumang bahay na dinadayo ng mga turista, sa dulo nito malapit sa simbahan hindi mo mapapalampas ang isang Plaza na ang pangalan ay Leona, may isang restaurant na ang pangalan ay Café Leona at pinagigitnaan ito ng isang monumento nakaupong babae na nagsusulat.

Ang Linangan Educational Trips habang kumakain sa Plaza Leona. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Monumento para kay Leona Florentino sa Plaza Leona sa Vigan, Ilocos Sur. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Kapag binasa ang marker sa kapihan na kanya palang tinirhan noon, makikita mo na siya pala ang pangunahing babaeng makata sa Ilocos, na nagsulat si Wikang Ilocano at Espanyol, satirist rin siya at nagsusulat ng dula. Ang tawag ng iba sa kanya ay Ina ng “Philippine women’s literature” na tumulay sa tradisyong pasalita sa tradisyon ng pagsusulat o literature. Bago dumating ang mga Espanyol, ang mga babae talaga, ang mga babaylan at binukot, ang tagakwento ng epiko at pasalitang mga tradisyon.
Ngunit sa pagdating ng Espanyol, itinaguyod nila ang patriyarkiya at ang pagbusal sa bibig ng kababaihan. Ang mga babaylan ay tinawag na mga bruha at mangkukulam at sinumang babaeng mangahas na maging mas matalino sa mga lalaki ay ituturing na hindi katanggap-tanggap. Mas maraming kababaihan ang hindi nakapag-aral. Bago isilang si Leona, isinalin na sa Kapampangan noong 1844 ni Doña Luisa Gonzaga de Leon ng Bacolor, Pampanga ang Ejercicio Cotidiano, itinuturing siya na unang babaeng awtor sa Pilipinas. Si Leona ay isinilang sa isang mayamang pamilya sa Vigan, at nagsusulat na siya ng mga tula sa edad na sampung taong gulang. Ang naging unang guro niya ay ang kanyang ina matapos nito naturuan din ng ilang pang mga pribadong tutor at ng isang edukadong paring Ilokano na nagturo sa kanya ng mas malalim na Espanyol at inusig pa siya na pahasain ang kanyang pagtula. Ina siya ng makabayang propagandista, iskolar, pulitiko, religious at labor leader na si Don Isabelo “Belong” de los Reyes at nang makita ko sa marker na isinilang siya noong 1864, nagulat ako! Kaybatang ina ni Leona!
Ikinasal siya sa isang pulitikong si Elias de los Reyes sa edad na labing-apat at nagkaroon ng limang bunga ang kanilang samahan. Nakalulungkot lamang na dahil sa feministang mga pinagsusulat niya, nilayuan siya ng kanyang asawa at mga anak at nanirahang mag-isa. Noong October 4, 1884, patay na siya sa edad na 35.

Puntod ni Leono Florentino at ng asawang si Elias de los Reyes sa Katedral ng Vigan. Mula sa Sinupang Xiao Chua.
Hindi na niya nakita ang pagkilala na ibinigay sa kanya ng daigdig. Isinalin ang mga akda niya sa iba’t ibang wikang dayuhan at naitanghal sa Madrid Exposition ng 1887, sa Paris International Exposition noong 1889 at sa St. Louis International Exposition sa Missouri, Estados Unidos noong 1904. 22 na tula niya ang naisama sa International Encyclopedia of Women’s Works sa Pransya noong 1889.
Si Leona Florentino ang unang Pilipinang babae na kinilala sa pandaigdigang entablado. Kung kinalimutan siya ng kanyang mga kaanak, hindi dapat siya kalimutan ng bansa. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 13 April 2013)
dafaq~