XIAO TIME, 18 April 2013: MGA IMPORMASYONG NAKAPALOOB SA KOGA PAPERS NA NAKUHA SA CEBU NOONG WORLD WAR II
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
18 April 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=vJFN5AXPkvk
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Noong isang linggo ginunita natin ang Araw ng Kagitingan. Dahil Fall of Bataan ang basis nito, tila na-highlight ang pagkatalo ng mga Pilipino at ang tanging nagligtas sa mga Pilipino ay ang pagbabalik ni MacArthur at ang mga Amerikano noong October 1944.
Ngunit ang hindi masyadong nababanggit, ang papel ng mga gerilyang Pilipino sa pangkalahatang pagwawagi laban sa mga Hapones noong digmaang Pasipiko. 69 years ago ngayong buwan, April 1, 1944, madaling araw, nang isang eroplano ang bumagsak sa dagat malapit sa baybayin ng San Fernando at Carcar sa Timog Cebu.
Ang sakay ng eroplano: Ilang susing opisyal ng hukbong pandagat ng imperyong Hapones na nasa isang inspection mission. Nahuli ng mga Pilipinong gerilya sa Cebu sa pamumuno ng isang Amerikanong si James Cushing sina Vice Admiral Shigeru Fukudome, Chief of Staff ng Japanese Imperial Combined Fleet, at siyam pang opisyal at mga tauhan ng Imperial Japanese Navy. Nasawi sa crash si Admiral Mineichi Koga, ang commander ng combined fleet.
Mula sa wreckage ng eroplano, inanod ang isang maleta na puno ng mga papeles ni Koga. Natagpuan ito ng mga gerilya dito kanilang nakita ang detalyadong mga plano ng mga Hapones na magdulot ng matinding pinsala sa papalapit na mga pwersang pandagat ng mga Amerikano.
Nakadetalye rin dito ang kumpletong pagtataya ng lakas at disposisyon ng mga barkong pandigma ng mga Hapones. Dahil sa high strategic value ng mga papeles, hinanap ng mga Hapones ang mga papeles ni Koga sa mga dalampasigan ng Naga hanggang Carcar. Brutal ang naging pamamaraan nina Koronel Takeshi Watanabe upang maisakatuparan ang kanilang misyon na mahanap ang mga Koga Papers at ang mga bihag na mga Hapones, minaltrato at pinatay ang mga sibilyan at sinunog ang mga bahay at tinugis ang mga gerilya hanggang sa kagubatan ng Cebu. Ngunit hindi isinuko ng mga gerilya ang mga papel. Matatagpuan ang kamangha-manghang kwento sa aklat na The Koga Papers ni Manuel Segura, na isa sa mga gerilya sa Cebu na kalahok sa mga nangyari.

Col. Manuel Segura kasama ang mga fans niya na sina John Ray Ramos at Xiao Chua, tangan ang mga kopya nila ng mga aklat ni Segura ukol sa mga gerilya sa Cebu–“Tabunan” at “The Koga Papers,” Marso 2013, Camp Aguinaldo.
Isinilid ang mga dokumento ito sa isang sisidlan ng bala ng mortar, waterproof, itinawid ng dagat patungo sa Negros Oriental. Mula dito, isinakay sa isang submarino at dinala sa Australia, kay Heneral Douglas MacArthur mismo sa kanyang himpilan sa Southwest Pacific Command.
Mula sa mga Koga Papers, nalaman nilang ang mga Hapones ay naghahanda sa paglalanding ng mga Amerikano mula sa Mindanao, ngunit mahina ang depensa sa bandang Visayas. Plano sanang bumalik ni MacArthur sa Sarangani Bay sa Mindanao noong December 1944. Dahil sa bagong impormasyon, pinaaga ni MacArthur ang nakatakdang pagbabalik tungo sa October 20, 1944, sa Leyte sa Visayas.
Dahil sa Koga Papers na dinala ng mga Pinoy sa mga Amerikano, napadali ang pagwawagi laban sa mga Hapones sa digmaang Pasipiko. Nang bumalik ang mga Amerikano sa Cebu sa Talisay Beach noong March 26, 1945, maliit na lamang na pwersang Hapones ang kanilang kinalaban, sinalubong sila ng mga matagumpay na gerilyerong Cebuano.
Maging sa Visayas napatunayan natin, hindi tayo talunan. WE WON THE WAR. Yan ang katotohanan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(St. Joseph Hall, DLSU Manila, 3 April 2013, pasasalamat kay John Ray Ramos sa pagtulong na isulat ang episode na ito.)