XIAO TIME, 20 March 2013: ANG ISTORYA NG BUHAY NI MARIANO PONCE (Ponce@150)
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries, earlier, 20 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Jose Rizal, Marcelo del Pilar at …Sino nga ba yung nakaupo na iyon??? Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.
20 March 2013, Wednesday:
Xiao Chua’s speech at the official national commemoration of the 100th death anniversary of Mariano Ponce in Baliuag, Bulacan, 23 May 2018 documented by Giovanni Labao.
Xiao Time Ponce @150
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! May isang pamosong retrato sa ating kasaysayan na nagpapakita ng ating tatlong heroes sa Espanya noong 1890. Kilala ng halos lahat ng tumitingin si José Rizal dahil sa kanyang unmistakable one-sided emo hair at si Marcelo H. del Pilar dahil sa kanyang mala-Pringles na bigote, pero ang nakaupo—oo siya nga si Mariano Ponce. Pero kilala nga ba talaga natin si Mariano Ponce?
150 years ago sa Biyernes, March 22, 1863, isinilang siya sa Baliuag, Bulacan. Nag-aral sa Letran at UST bago tumulak pa-España noong 1881 upang mag-aral ng medisina at samahan ang Kilusang Propaganda na humihingi ng reporma sa mga mananakop na Espanyol. Patnugot siya ng poetry section ng kilusan, at sa La Solidaridad na kanyang itinatag noong 1889, sumulat sa alyas na Naning, ang kanyang palayaw, Tikbalang, at Kalipulako, ang inaakalang orihinal na pangalan ni Lapu-Lapu.
Matapos maaresto sa Pilipinas ng dalawang araw sa pagsiklab ng himagsikan, tumakas pa-Pransiya at hindi naglaon sa Hongkong upang sumama sa ilang Tsino at Tsinoy na nangampanya para sa Pilipinas sa labas ng bansa, ang Junta Revolucionaria.
Siya ang naghanda ng balangkas para sa pamahalaang rebolusyunaryo sa muling pag-uwi ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Pilipinas, naging isa sa pinakauna nating mga diplomat at pumunta sa Yokohama, Japan upang bumili ng amunisyon para sa rebolusyon ngunit lumubog ang segunda manong barko dahil sa bagyo at hindi nakarating ang mga bala sa Pilipinas. Kung titingnan ang larawang ito na kinunan sa Yokohama, naging magkaibigan pala sila ni Sun Yat Sen, ang Ama ng Modernong Bansang Tsina.
Nakakaloko ang larawan na ito, mapagkakamalan mong si Sun Yat San ang naka-kimono, yun pala, siya ang naka-amerikana habang si Ponce, ang Pilipino, ang naka-kimono. Asteeeg! Pinahiram pa ni Ponce si Sun ng mga baril na nabili nila sa isang Mr. Nakamura. Sabi nga ni Ambeth Ocampo, nakamura nga sila pero niloko naman. Puro mga kalakal na bakal ang nasa shipment. Na-swindle sila.

Ang titulo ng larawan na ito ay “Sun Yat Sen meeting reporter of Look in Japan 1901.” Kung ang tinutukoy ay ang nakaupong lalaki sa gitna, obviously, nasa lugar sila ng mga Pilipinong makabayan, makikita si Ponce na naka-kimono at ang kopya ng La Independencia na nakasabit sa tabi niya. Mula sa Wikipedia.
Matapos maglakbay sa Tsina, Indo-Tsina, Cambodia at Thailand bumalik sa Maynila kasama ng asawang Hapones, at nahalal pang kinatawan ng ikalawang distrito ng Bulacan sa Philippine Assembly.

Si Gobernador Heneral William Cameron Forbes kasama sa kanan si Mariano Ponce, isa sa kanyang mga tagapayo. Mula kay Austin Craig.
Sinulat niya ang kanyang alaala Cartas Sobre la Revolucion. Ang lolo mo rin ang isa sa unang popular historian, kolumnista siya ng mga historikal na pitak sa kanyang Filipino Celebres at Efemerides Filipinas kasama si Jayme C. de Veyra. Sinusundan siya ng mga katulad nina Carmen Guerrero Nakpil, Ambeth Ocampo, at Jaime Veneracion.
Sa kanyang pagtungo sa Hongkong upang bisitahin ang kanyang kaibigang si Sun yat Sen, namatay siyang bigla sa Civil Hospital ng Hongkong noong May 23, 1918 sa edad na 55. Sa iyong kaarawan, patawarin mo kami Mariano Ponce na hindi namin nababanggit lagi ang kontribusyon mo. Nais ka pa naming na lalong makilala. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 16 March 2013)