XIAOTIME, 19 March 2013: KORONASYON NG MGA SANTO PAPA NOONG UNANG PANAHON
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 19 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang bagong Santo Papa Francisco sa kanyang pagpapasinaya, March 19, 2013 sa Piazza San Pietro sa Lungsod ng Vaticano.
19 March 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=-4vCepmqFFE
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Makasaysayan nga ang araw na ito, ngayong kapistahan ni San José ang ama-amahan ng ating Panginoong Hesukristo nakatakdang pasinayaan sa isang misa ang papasiya ng ating bagong Santo Papa, Jorge Mario Bergoglio—Pope Francis o Papa Francisco sa Piazza San Pietro sa Lungsod ng Vaticano. Sa solemn inauguration na ito, isusuot sa bagong santo papa ang isang pallium—simbolo ng kanyang pagiging Obispo ng Roma, na may limang krus na sumisimbolo sa sinasabing limang pangunahing sugat ni Kristo, tatlo sa mga ito ay mayroong pins na kumakatawan sa mga pakong bumaon sa Panginoon. Isusuot din sa kanya ang bagong-bago niyang “fisherman’s ring.”

Pallium na may disenyo ng limang krus at tatlong pins. Sinusuot ng mga arsobispo, mga kardinal at santo papa.

Isinuot kay Papa Francisco ang pallium, gawa sa balat ng tupa, simbolo ito na dala-dala niya sa balikat ang lahat ng kanyang mga tupang Katoliko bilang universal pastor ng mga ito.
Noong unang panahon, may isa pang bahagi ng papal regalia ang isinusuot sa kanya. Ito ang triregnum. Triregnum? Huh??? What’s that Pokemón??? Ito ang tatlong koronang suot ng mga papa noong unang panahon na tadtad ng hiyas. Nasa tuktok nito ang orb ng mga hari at isang krus.

Ang tiara na isinusuot sa ulo ng poon ni San Pedro sa Vaticano. Mula sa Bible Light homepage ni Michael Scheifler.

Triregnum ni Papa Pio IX, 1877 (Pio Nono, sa kanya pinangalan ang tinapay). Mula sa Bible Light homepage ni Michael Scheifler.
Kaya ito tatlo dahil kumakatawan daw ito sa tatlong awtoridad ng papa bilang pinuno ng Church militant sa lupa, ng Church penitent sa mga kaluluwa sa purgatoryo, at ang Church triumphant sa langit. Kumakatawan din daw ito sa tatlong opisina ng Santo Papa bilang pari, propeta at pinuno. Pinuno? Yep. Noong unang panahon, hindi lamang ang Lungsod ng Vaticano ang pinamumunuan ng Santo Papa, hari siya ng ilang mga estadong papal sa peninsula ng Italya. Donasyon ang mga ito ni Pepin, ang hari ng mga Pranses at tatay ni Carlomagno, noong 754 at 756 matapos matalagang hari ng Santo Papa at masulatan diumano siya ng Apostol San Pedro mismo na ipagtanggol ang Roma.
Ibig sabihin, hindi lang spiritual leaders ang mga papa, as in hari talaga sila na may temporal power. May tinawag pang warrior pope, si Julius II na siya mismong nanguna sa laban upang ipagtanggol ang kanyang mga kaharian.

Papa Inocente III (1198–1216) nakasuot ng isang maagang tiarang papal, sa isang fresco sa cloister ng Sacro Speco, mga 1219. Mula sa Wikipedia
Isinusuot ang triregnum sa mga papa sa kanilang koronasyon habang binabasa sa kanila sa wikang Latin, “Tanggapin mo ang tiara na ito na may tatlong korona upang malaman mong ikaw ang ama ng mga prinsipe at mga hari, pinuno ng mundo sa daigdig, at kahalili ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo…”

Si Papa Juan XXIII habang kumakaway sa mga tao matapos ang kanyang koronasyon. Mula sa Bible Light homepage ni Michael Scheifler.
Ang huling kinoronahan ng ganito ay si Pope Paul VI noong 1963, matapos nito, kanyang ninais na ibenta na lamang ang korona niya upang tumulong sa mga mahihirap. Ang mga sumunod na papa ay hindi na nagpakorona bagama’t bahagi pa rin ito ng sagisag at bandila ng Papasiya kasama ng mga susi.

Si Papa Juan Pablo II sa kanyang inagurasyon, hindi na nagpakorona tulad ng naunang sa kanyang si John Paul I.
May mga nagsasabi na sa triregnum nakasulat daw ang titulo ng Santo Papa, VICARIVS FILII DEI o kahalili ng anak ng Diyos na kung bilangin ang mga letra sa Roman numeral ay 666 o marka ng Antikristo ayon sa aklat ng Apocalipsis ang lalabas. Walang ebidensya ng ganitong tiara.

Ang titulo raw ng papa na VICARIVS FILII DEI ay nakasulat sa isang triregnum. Ito raw ang numero ng antikristo. Walang ganitong tiara.
Anuman, ang simpleng inagurasyon na gagawin ngayong araw ay katibayan ng nagbabagong mukha ng lumalaki pa rin na Iglesia Catolica Apostolica Romana. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 16 March 2013)