XIAOTIME 22 November 2012: CAMELOT: JFK, Marcos, Aquino

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 22 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Frame 313 ng rolyo ng film ni Abraham Zapruder na nagpapakita ng eksaktong saglit ng pagkabaril sa ulo ni Pangulong John F. Kennedy, 12:30 pm ng November 22, 1963 sa Dallas, Texas.

22 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=70vxV9q88IA&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa ating mga kaibigan sa Aquino Center na sina Maris Corpuz, Lina Bernardino, Rodel Tubangi at ang curator nilang si Karen Lacsamana-Carrera.  Where were you when Kennedy was shot?  Ito ang laging tinatanong ng mga Amerikano sa kanilang sarili upang alalahanin ang mga nangyari 49 years ago, ngayong araw, November 22, 1963 sa oras na 12:30 pm sa Dallas, Texas, Estados Unidos.  Nasa motorcade noon si President John F. Kennedy o JFK kasama ang kanyang maybahay na si Jackie nang dalawang bala kumitil sa buhay ng pangulo, ang isa sa bandang likuran at ang huli naman ay sa ulo.

JFK: Busy in bed, but also in Berlin.

Si JFK ang pinakabatang nahalal na pangulo at dating war hero kaya sinalamin niya ang dinamismo ng kanyang panahon at ang magagawa ng bagong henerasyon ng mga Amerikano.  Well lumabas na ngayon na isa siyang babaero, ngunit ika nga, he was busy in bed, but also in Berlin.  Ang Berlin Wall ang sumalamin sa pagkakaalipin ng isang bahagi ng Europa mula sa mga diktadurang komunista.  Mahinahon niyang napigil ang maaaring naging katapusan ng mundo sa loob ng 13 days sa kanyang pakikipagnegosasyon sa mga Komunistang Sobyet noong Cuban Missile Crisis ng 1962.  Gayundin, maaga pa lamang itinaguyod na niya ang civil rights ng mga Aprikanong-Amerikano at inudyok ang pamahalaan niya na sa katapusan ng Dekada 1960 ay makapagpadala ng tao sa buwan.  Nang mamatay si JFK, kinapanayam ang glamorosang si Jackie Kennedy ni Theodore White at kanyang binanggit ang kanta mula sa isang Broadway musical, ang “Camelot,” upang ipaalala ang administrasyon ng kanyang asawa “Don’t let it be forgot, that once there was a spot, for one brief shining moment that was Camelot.”  Maging sa Pilipinas umalingawngaw ang “Camelot,” sa salaming cabinet ng lola ko, lumaki akong nakikita ang larawan ng pamilya Kennedy.

Philippine Camelot: Ang pamilya Marcos noong unang pagpapasinaya, December 30, 1965.

Tatlong taon matapos ang kamatayan ni JFK, tila nagkaroon din tayo ng Philippine Camelot, nang ang Pangulong Marcos ay mahalal kasama ng kanyang glamorosang asawa at mga batang anak, war hero pa!  Ngunit ang mga Aquino rin ay maituturing na dinastiyang minahal ng tao tulad ng mga Kennedy.  Ang trahedya ni JFK ay nangyari din sa kabayanihan at unsolved murder ni Ninoy Aquino noong 1983.  Sa Tuesday, November 27, ipagdiriwang ang 80th birthday ni Ninoy, NINOY@80!

Kennedy Presidential Library and Museum

The Aquino Center sa San Miguel, Tarlac City. Kung dadaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), lumabas sa Hacienda Luisita Exit.

Ang Kennedy Presidential Library and Museum ang isa sa naging inspirasyon ng Aquino Center, isang modernong museo sa San Miguel, Tarlac City na nagkukuwento ng naging karanasan ng mag-asawang Ninoy at Cory Aquino bilang mga pinuno ng bayan.  Dito makikita ang pader ng kulungan ni Ninoy kung saan tinaras niya ang mga araw ng kanyang pagkapiit, ang mga gamit ni Ninoy nang mabaril at ang mga duguang damit niya na patuloy na ipinasuot ng kanyang inang si Doña Aurora noong burol, “Let them see what they did to my son.

“I want them to see what they did to my son…” (Orihinal na poster mula sa Sinupang Xiao Chua, sa kagandahang loob ni G. Linggoy Alcuaz)

Ang mga state gifts ng mga world leaders kay Pangulong Cory na nagpapakita ng pagpapahalaga sa kanya ng daidig at ang iconic niyang simpleng damit nang manumpa na pangulo.

Simpleng dilaw na damit ni Tita Cory pero maganda ang burda hahaha. Ginamit niya ito noong kanyang pagpapasinaya bilang pangulo ng Pilipinas, 25 Pebrero 1986 sa Club Filipino. Makikita ang damit ngayon sa Aquino Center sa Tarlac.

Halina’t bisitahin ang Aquino Center at nang makilala ang dalawang icon na tulad ni JFK ay nag-ambag ng pagsulong ng demokrasyang pandaigdig.  Ang People Power natin ay naging inspirasyon ng pagkalaya mula sa komunismo ng Europa at ng pagbagsak ng Berlin Wall.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)