XIAOTIME 23 November 2012: #SaveMalibayPlaza
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 23 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
23 November 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=if8Nz8yme-4&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay ang episode na ito sa mga taga Malibay, ang kaibigan at iskulmeyt ko na si April Jane Sarmiento, at si Edgar Granada na pinuno naman ng #SaveMalibayPlaza Movement. Naku, ano po ba ito??? Wala na po bang magawa ang ilan sa ating mga pinuno at kailangang pati mga plaza ay nais patayuan ng kung anu-anong mga edipisyo at gusali.
Ang plasa ay sentro ng ugnayan ng mga tao. Dito sama-samang nagtatakbuhan ang mga tsikiting, naglalaro ng basketball ang ilang henerasyon ng mga kabataan, ginaganap ang mga graduation, sayawan, ang pakikipagtalastasan ng mga pinuno sa kanyang bayan.
Matapos ang laban sa Krus na Ligas, ang mga orihinal na residente ng Malibay, Pasay naman ang humihingi sa atin ng saklolo upang iligtas ang Malibay Plaza. Ang Malibay ay dating bayan na naging bahagi nang Lungsod ng Pasay.
Naging bahagi ang Malibay ng Katipunan at ang balanghay nito ay nagkaroon pa ng sariling watawat, ay nagluwal sa bayaning babae ng himagsikan, si Marcela Marcelo, isang ina na namatay na nakikipaglaban sa murang edad na 24.
110 years ago, 1902, nang simulan nila ang kanilang katangi-tangi senakulo na dinadayo ng maraming henerasyon taon-taon sa bawat mahal na araw. Sabi ng mga lolo at lola nilang senakulista, “Huwag pababayaan ang senakulo, ituloy kahit walang-wala.” Naging panata na nila ito. 100 years na ang nakalilipas, 1912, nang ang pinunong bayan nila na si Don Miguel Cornejo at isang Servando Culler ay sinasabing nagbahagi ng kanilang lupa upang maging plasa upang pagdausan ng kanilang mga aktibidad na pangkultura. Kumbaga, pamana ito ng kanilang mga ninuno. Ang plasa ang naging sayt ng taunang senakulo. Noong sentenaryo ng Senakulo, 2002, ipinatayo ang “Malibay Center for Culture and the Arts” sa plasa sa hiling na rin ng mga residente na mapanbubungan ang kanilang plaza. Nagtangka ang gusali na maging neo-classical upang salaminin ang senakulo at sa taas nito nakaukit ang mga representasyon ng mga sining ng senakulo, musiko at [sunduan].
Matapos ang sampung taon, ngayong 2012, ginigiba na ang plaza upang patayuan ng isang multi-purpose building na magbibigay nga ng pangunahiong serbisyo ng kalusugan at iba pa sa Malibay subalit magbubura naman sa pinagdadausan ng kanilang kultura.

Si Xiao Chua habang nagsasalita sa ika-100 taong pagdiriwang ng Plaza ng Malibay, sa ilalim ng bandila ng Balanghay ng Malibay, November 10, 2012. Kuha ni Edgar Granada.
Noong November 10, 2012, inanyayahan ako sa selebrasyon ng ika-isandaang taon ng plaza ng Malibay upang magsalita sa mga nakikiusap na taga Malibay ukol sa halaga ng plaza. Oo nga’t hindi nakakain ang plaza ngunit ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa dangal na mayroon ito. Ang dangal ng Malibay ay ang kanyang kultura sa plaza, at maaari rin nilang mapakinabangan ito sa pamamagitan ng turismo! Nakikiusap sila na tingnan ng National Historical Commission of the Philippines ang kasong ito, tulad ng aksyon na ginawa nila para sa plaza ng Krus na Ligas. Wala raw po silang binabatikos dito, isa po itong pakiusap ng mga mismong tao na gawan ng paraan na mapanatili ang plasa upang patuloy na magamit ng mga susunod na henerasyon ng mga taga-Malibay.

Pagdiriwang at Protesta: Sentenaryo ng Malibay Plaza at ang protesta sa napipinto nitong pagkagiba, November 10, 2012. Mga kuha ni Xiao Chua.
Kung sa ibang lugar, hinahayaan ng ibang tao na tuluyang mawala ang bahagi ng kanilang kasaysayan, karanasan at pamana, kapuri-puri ang mga taga-Malibay dahil patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang dangal. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)