IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: pasay

XIAOTIME 23 November 2012: #SaveMalibayPlaza

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 23 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Nang simulang gibain ang Malibay Plaza, 2012. Kuha ni Fed Dimal.

23 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=if8Nz8yme-4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa mga taga Malibay, ang kaibigan at iskulmeyt ko na si April Jane Sarmiento, at si Edgar Granada na pinuno naman ng #SaveMalibayPlaza Movement.  Naku, ano po ba ito???  Wala na po bang magawa ang ilan sa ating mga pinuno at kailangang pati mga plaza ay nais patayuan ng kung anu-anong mga edipisyo at gusali.

Senakulo ng Malibay. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Ang plasa ay sentro ng ugnayan ng mga tao.  Dito sama-samang nagtatakbuhan ang mga tsikiting, naglalaro ng basketball ang ilang henerasyon ng mga kabataan, ginaganap ang mga graduation, sayawan, ang pakikipagtalastasan ng mga pinuno sa kanyang bayan.

Basketbolan sa Plaza ng Malibay noong panahong sinaunan. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Matapos ang laban sa Krus na Ligas, ang mga orihinal na residente ng Malibay, Pasay naman ang humihingi sa atin ng saklolo upang iligtas ang Malibay Plaza.  Ang Malibay ay dating bayan na naging bahagi nang Lungsod ng Pasay.

Watawat ng Balanghay ng Malibay ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Naging bahagi ang Malibay ng Katipunan at ang balanghay nito ay nagkaroon pa ng sariling watawat, ay nagluwal sa bayaning babae ng himagsikan, si Marcela Marcelo, isang ina na namatay na nakikipaglaban sa murang edad na 24.

Ang senakulo ng Malibay na nagsimula noong 1902. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

110 years ago, 1902, nang simulan nila ang kanilang katangi-tangi senakulo na dinadayo ng maraming henerasyon taon-taon sa bawat mahal na araw.  Sabi ng mga lolo at lola nilang senakulista, “Huwag pababayaan ang senakulo, ituloy kahit walang-wala.”  Naging panata na nila ito.  100 years na ang nakalilipas, 1912, nang ang pinunong bayan nila na si Don Miguel Cornejo at isang Servando Culler ay sinasabing nagbahagi ng kanilang lupa upang maging plasa upang pagdausan ng kanilang mga aktibidad na pangkultura.  Kumbaga, pamana ito ng kanilang mga ninuno.  Ang plasa ang naging sayt ng taunang senakulo.  Noong sentenaryo ng Senakulo, 2002, ipinatayo ang “Malibay Center for Culture and the Arts” sa plasa sa hiling na rin ng mga residente na mapanbubungan ang kanilang plaza.  Nagtangka ang gusali na maging neo-classical upang salaminin ang senakulo at sa taas nito nakaukit ang mga representasyon ng mga sining ng senakulo, musiko at [sunduan].

Ang representasyon ng mga tradisyon ng Malibay: Musiko, Senakulo at Sunduan.

Sunduan tuwing huling linggo ng Mayo, Dekada 1940. Sa kagandahang loob ni Edgar Granada.

Matapos ang sampung taon, ngayong 2012, ginigiba na ang plaza upang patayuan ng isang multi-purpose building na magbibigay nga ng pangunahiong serbisyo ng kalusugan at iba pa sa Malibay subalit magbubura naman sa pinagdadausan ng kanilang kultura.

Si Xiao Chua habang nagsasalita sa ika-100 taong pagdiriwang ng Plaza ng Malibay, sa ilalim ng bandila ng Balanghay ng Malibay, November 10, 2012. Kuha ni Edgar Granada.

Noong November 10, 2012, inanyayahan ako sa selebrasyon ng ika-isandaang taon ng plaza ng Malibay upang magsalita sa mga nakikiusap na taga Malibay ukol sa halaga ng plaza.  Oo nga’t hindi nakakain ang plaza ngunit ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa dangal na mayroon ito.  Ang dangal ng Malibay ay ang kanyang kultura sa plaza, at maaari rin nilang mapakinabangan ito sa pamamagitan ng turismo!  Nakikiusap sila na tingnan ng National Historical Commission of the Philippines ang kasong ito, tulad ng aksyon na ginawa nila para sa plaza ng Krus na Ligas.  Wala raw po silang binabatikos dito, isa po itong pakiusap ng mga mismong tao na gawan ng paraan na mapanatili ang plasa upang patuloy na magamit ng mga susunod na henerasyon ng mga taga-Malibay.

Pagdiriwang at Protesta: Sentenaryo ng Malibay Plaza at ang protesta sa napipinto nitong pagkagiba, November 10, 2012. Mga kuha ni Xiao Chua.

Kung sa ibang lugar, hinahayaan ng ibang tao na tuluyang mawala ang bahagi ng kanilang kasaysayan, karanasan at pamana, kapuri-puri ang mga taga-Malibay dahil patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang dangal.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)

XIAOTIME, 19 November 2012: Istorya sa Likod ng MANILA FILM CENTER

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 19 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pagguho ng Manila Film Center, 17 November 1981, kuha ng GMA News

19 November 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=JkITPw4SYxw&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  31 years ago noong Sabado, November 17, 1981, bandang alas tres ng madaling araw, nang gumuho ang ginagawang Manila Film Center na proyekto ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.  Sinasabing hanggang ngayon marami pa rin daw na katawan na nakalibing doon at nagmumulto sila?  Huh?

Sino kaya ang nagsulat ng mga nakasulat sa pader ng hindi napupuntahang bahagi ng Manila Film Center, at kaninong anino ito? Kay Howie Severino, sa kanyang dokumentaryong “Multo ng Nakaraan.”

Liwanagin natin.  Noong 1981, hiniraya ni Gng Marcos na magkaroon ng isang sinupan na mag-iingat ng mga pelikula sa Pilipinas at magtataguyod din ng masining na paggawa nito.  Si Arkitekto Froilan Hong ang nagdisenyo nito na inspired ng Parthenon sa Athens, Greece at nagkakahalaga ng tinatayang Php 200 Milyon.

Parthenon sa Atenas, Gresya

Sinasabing nais ni Gng. Marcos na maging “Cannes of Asia” ang Maynila at ninais raw niya na maglagay ng white sand sa bahagi ng CCP Complex upang makumpleto ang ilusyon.  Araw-gabi na trabaho upang madaliin ang gusali para umabot sa pagbubukas ng Manila International Film Festival o MIFF noong January 18, 1982.  Hindi pa gaanong natutuyo ang semento, naglalagay muli ng bagong palapag ang mga trabahador.

Noong madaling araw ng November 17 1981, gumuho ang bandang bubungan ng tinatayong gusali, natabunan ng sementong madaling matuyo maging ang ilang mga bata dahil may mga pamilya pala na nakatira doon.  Kinordunan ang eksena at maging ang mga ambulansya at nakapasok lamang matapos ang siyam na oras.

Sinasabing ang supervisor ng proyekto ay nag-utos “pour the cement” sa bangkay ng mga biktima at kahit ang mga hindi mabunot ay lagariin na lamang dahil ayaw maantala ng Unang Ginang ang pagpapatayo ng gusali.  Ayon sa opisyal na tala na lumabas sa mga dyaryong kontrolado ng rehimen, 25 lang ang namatay kabilang ang isang inhinyero, na si Benigno G. Aquino.  Hanep ang nilabas pang pangalan kapangalan pa ng kalaban ni Pangulong Marcos!  Ayon kay Gng. Marcos mismo, “…may nabaon na ilang taon doon, pero hindi totoo na meron kaming iniwan na patay d’yan.  Yan naman Diyos ang may alam.  Maski natin hukayin piece by piece, stone by stone d’yan, ni isang buto ng tao wala d’yan naiwan.  Totoo ‘yan.  I will never do that.”  Ang tunay na taya ay 168 ang nasawi, ang mga katawan ng marami sa mga ito ay sinunog sa tabing-dagat.  Matapos ang trahedya, hinarang ni Prime Minister Cesar Virata ang pagpapalabas ng karagdagang $ 5 Milyong pondo para sa MIFF.  Trenta minutos bago ang inaugural program naglalagay pa rin ng mga silya.  Ang mga damo ay kinulayan ng berde na dumikit naman sa gowns ng mga bisita.  Sa sumunod na taon 1983, flopchina na ang MIFF kaya pinayagan na rin ang mga experimental films o mga pelikulang hubaran.  Nakilala ang MIFF bilang Manila International Fighting Fish, Fighting Fish ay kolokyal na ekspresyon para sa torohan noon.  Pero in fairness maaari ngang totoo ang sinasabing wala ngang naiwan na patay doon.  Nang ilabas ni Howie Severino ang dokumentaryo niya ukol sa trahedya, “Multo ng Nakaraan” noong 2005, nanawagan siya para sa mga taong may kamag-anak pa na nabaon sa Film Center, walang tumugon.  Wala rin naming nagtitirik ng bulaklak doon tuwing Todos Los Santos.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)