XIAOTIME, 19 November 2012: Istorya sa Likod ng MANILA FILM CENTER
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 19 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
19 November 2012, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=JkITPw4SYxw&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 31 years ago noong Sabado, November 17, 1981, bandang alas tres ng madaling araw, nang gumuho ang ginagawang Manila Film Center na proyekto ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos. Sinasabing hanggang ngayon marami pa rin daw na katawan na nakalibing doon at nagmumulto sila? Huh?

Sino kaya ang nagsulat ng mga nakasulat sa pader ng hindi napupuntahang bahagi ng Manila Film Center, at kaninong anino ito? Kay Howie Severino, sa kanyang dokumentaryong “Multo ng Nakaraan.”
Liwanagin natin. Noong 1981, hiniraya ni Gng Marcos na magkaroon ng isang sinupan na mag-iingat ng mga pelikula sa Pilipinas at magtataguyod din ng masining na paggawa nito. Si Arkitekto Froilan Hong ang nagdisenyo nito na inspired ng Parthenon sa Athens, Greece at nagkakahalaga ng tinatayang Php 200 Milyon.
Sinasabing nais ni Gng. Marcos na maging “Cannes of Asia” ang Maynila at ninais raw niya na maglagay ng white sand sa bahagi ng CCP Complex upang makumpleto ang ilusyon. Araw-gabi na trabaho upang madaliin ang gusali para umabot sa pagbubukas ng Manila International Film Festival o MIFF noong January 18, 1982. Hindi pa gaanong natutuyo ang semento, naglalagay muli ng bagong palapag ang mga trabahador.
Noong madaling araw ng November 17 1981, gumuho ang bandang bubungan ng tinatayong gusali, natabunan ng sementong madaling matuyo maging ang ilang mga bata dahil may mga pamilya pala na nakatira doon. Kinordunan ang eksena at maging ang mga ambulansya at nakapasok lamang matapos ang siyam na oras.
Sinasabing ang supervisor ng proyekto ay nag-utos “pour the cement” sa bangkay ng mga biktima at kahit ang mga hindi mabunot ay lagariin na lamang dahil ayaw maantala ng Unang Ginang ang pagpapatayo ng gusali. Ayon sa opisyal na tala na lumabas sa mga dyaryong kontrolado ng rehimen, 25 lang ang namatay kabilang ang isang inhinyero, na si Benigno G. Aquino. Hanep ang nilabas pang pangalan kapangalan pa ng kalaban ni Pangulong Marcos! Ayon kay Gng. Marcos mismo, “…may nabaon na ilang taon doon, pero hindi totoo na meron kaming iniwan na patay d’yan. Yan naman Diyos ang may alam. Maski natin hukayin piece by piece, stone by stone d’yan, ni isang buto ng tao wala d’yan naiwan. Totoo ‘yan. I will never do that.” Ang tunay na taya ay 168 ang nasawi, ang mga katawan ng marami sa mga ito ay sinunog sa tabing-dagat. Matapos ang trahedya, hinarang ni Prime Minister Cesar Virata ang pagpapalabas ng karagdagang $ 5 Milyong pondo para sa MIFF. Trenta minutos bago ang inaugural program naglalagay pa rin ng mga silya. Ang mga damo ay kinulayan ng berde na dumikit naman sa gowns ng mga bisita. Sa sumunod na taon 1983, flopchina na ang MIFF kaya pinayagan na rin ang mga experimental films o mga pelikulang hubaran. Nakilala ang MIFF bilang Manila International Fighting Fish, Fighting Fish ay kolokyal na ekspresyon para sa torohan noon. Pero in fairness maaari ngang totoo ang sinasabing wala ngang naiwan na patay doon. Nang ilabas ni Howie Severino ang dokumentaryo niya ukol sa trahedya, “Multo ng Nakaraan” noong 2005, nanawagan siya para sa mga taong may kamag-anak pa na nabaon sa Film Center, walang tumugon. Wala rin naming nagtitirik ng bulaklak doon tuwing Todos Los Santos. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)