XIAOTIME, 16 November 2012: MALACAÑAN, Mansyon sa Tabi ng Ilog Pasig
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 16 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Sino ba ang mag-aakala na ang lumang mansyon na ito ang magiging sentro ng kapangyarihan sa Pilipinas? Ito ang pinakalumang larawan ng Malacañan. Mula sa Malacañan Palace: The Official Illustrated History
16 November 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=6CrXBajzxw0&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 210 years ago ngayong araw, November 16, 1802, nang ipagbili ng mayamang si Don Luis Rocha sa halagang Php 1,100.00 lamang ang kanyang mansyon sa tabi ng ilog Pasig kay Col. Don José Miguel Formento. Ang mansyon na ito ay ipagbibili naman ni Formento sa Pamahalaang Espanyol matapos ang ilang taon, 1825, sa halagang Php 5,000.00 na! Ang mansyon ay tinawag na Malacañan! Malacañan??? What’s that Pokemón??? Ang salitang Malacañan ayon sa sabi-sabi ay nagmula sa “ma lakan iyan” o “maraming malalaking nilalang diyan” o “mala caña” o masamang kawayan. Noong kasi maraming kawayan din na sinasabing pinamumugaran ng mga maligno. Hanggang ngayon sa puno ng balete doon may isang multong tinatawag na “Mr Brown.” Pero sa pananaliksik nina Manolo Quezon, Jeremy Barns at Paolo Alcazaren sa kanilang komprehensibong kasaysayan ng palasyo, may binaggit silang Spanish historian na nagsabi noong 1877 na ang Malacañan sa wikang Espanyol ay lugar ng mga mangingisda.
Maaaring tinutukoy ito na “mamamalakaya-han.” Noong 1847, ang posesion na ito ng pamahalaan ay naging opisyal na summer residence ng gobernador heneral ng Pilipinas simula kay Gobernador Heneral Narciso Claveria na kilala bilang nagpalit ng mga apelyido natin. Pansinin na panahon pa lamang ng mga Espanyol, sa mga plano ng palasyo na ginawa ni Arkitekto Luciano Oliver, wala nang “g” ang Malacañan kaya mali ang kwento na nabulol ang mga Amerikano kaya tinanggal ang “g” sa opisyal na pangalan ng Palasyo ngayon. Nang mawasak ang Palacio del Gobernador sa Intramuros noong lindol ng 1863, tuluyan nang naging seat of power ang Palasyo ng Malacañan mula sa mga gobernador heneral na Espanyol hanggang sa panahon ng mga Amerikano. Bahain ito, well hanggang ngayon. Noong panahon ni Gob. Hen. Francis Burton Harrison hanggang sa panahon ni Pang. Ferdinand E. Marcos, ang opisina ng pinuno ng Pilipinas ay hindi sa loob ng palasyo kundi sa tinawag na Old Executive Building na naging Kalayaan Hall kung saan naroon ngayon ang museo ng palasyo. Noong panahon ng Hapones ayaw ni José P. Laurel na naroon sa loob ang mga gwardiyang Hapones at nakikipagkita pa siya doon sa mga gerilya. Sa panahon ni Ramon Magsaysay, binuksan niya ang mismong palasyo sa mga tao upang siya mismo ang makinig sa kanilang mga hinain. Medyo naapektuhan ang ilan sa mga “rug” at kasangkapan sa palasyo. Kung akala niyo ito ang larawan ng palasyo ngayon, nagkakamali kayo.

Malacañan bago ang renobasyon ng Pangulong Marcos. Mula sa Malacañan Palace: The Official Illustrated History
Panahon ito nina Magsaysay kung kailan nakakapag-relax pa kasama ng bisita sa veranda. Dahil sa bumabahong ilog at dahil sa mga banta sa kanyang seguridad, sa panahon ni Ferdinand Marcos lubos na nabago ang palasyo ng sumailalim ito sa isang massive renovation. Ito na ang hitsura nito ngayon sa harapan ng ilog na hindi gaanong nalilitratuhan dahil bawal itong kuhanan ng litrato.
Noong People Power noong 1986, pinasok ito ng mga tao na tila binabawi ito para sa kanila. Mula EDSA maraming pangulo ang piniling tumira sa labas nito, na tila nagsasabi na ang Malakanyang ay tanggapan lamang ng panguluhan. Ang talagang may-ari niyo ay ang bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 November 2012)