XIAO TIME, 6 August 2013: NANG ILIBING SI TITA CORY
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Xiao Chua at Gobernador Ed Panlilio sa Luneta noong funeral march para kay Cory Aquino, 5 Agosto 2009.
6 August 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=J-UIC6jUl8k
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Apat na taon na ang nakalilipas, August 5, 2009, humimlay sa pagmamahal ng kanyang pamilya at mga kababayan ang unang inang pangulo ng Pilipinas, si Corazon Sumulong Cojuangco Aquino sa kanyang huling hantungan, 8:35 ng gabi, sa Manila Memorial Park. Muling nakatabi ang kaisa-isang lalaking kanyang minahal, si Ninoy.

Hindi nagpapigil ang mga tao sa barikada sa Manila Memorial Park sa Sucat, gusto nila ihatid si Tita Cory hanggang sa huling sandali. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.

Sina Viel, Kris, Pinky at Ballsy, mga anak na babae ni Tita Cory, habang namamaalam sa kanya. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.

Si Noynoy habang humahalik sa kabaong ng kanyang ina sa huling pagkakataon. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.
Noong umagang iyon, sa labas ng Katedral ng Maynila kung saan nagaganap ang huling misa para sa kanya, sa kabila ng ulan at kaunting baha, naroon ang bayan, ang mga usisero na gusto makakita ng artista tulad ni Piolo, ang mga nabigyan ng trabaho sa pagkamatay ng “Ina ng Bayan,” nagbebenta ng samu’t saring mga pins at t-shirt, ngunit mas marami ang naroon upang ipakita, hindi artista ang kanilang ipinunta doon kundi ang Tita Cory. Alam ng bayan kung bakit sila nandoon.

Ang mga nabigyan ni Tita Cory ng hanapbuhay noong araw na iyon. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.
Sa wakas, narinig ng mga nasa labas ang pasasalamat ng anak niyang si Kris sa madla, hiniram pa ang mga kataga ng kanyang ama, “The Filipinos are worth it…. Paano po ba kami makakapagpasalamat sa inyong lahat sa effort ninyong pumila sa gitna ng matinding init at malakas na pagbuhos ng ulan para po masulyapan ang mommy namin, magbigay respeto at maipagdasal siya sa huling pagkakataon?” Idinagdag pa niya na “Noy, ikaw at ako ang nasa posisyon para ipagpatuloy ang lahat ng kanilang nasimulan.” Nagpalakpakan ang mga tao. Sino ba ang mag-aakala na walang isang taon ang lilipas, si Noy, si Benigno Simeon Aquino, III, ay pangulo na ng bansang Pilipinas.

SI Kris Aquino habang ibinibigay ang kanyang eulogy para sa ina. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.

Si Noynoy sa gitna ng pagmamahal at simpatiya ng kanyang bayan. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.
Sinabayan ng bayan sa labas ng katedral si Lea Salonga sa pag-awit ng “Bayan Ko,” bumuhos ang mga luha. Dumating ang mga pulis at kinordonan ang kalsada. Motorcade ang binalak ng pamilya, at sa loob ng sementeryo mas pribado ang paglilibing. Ngunit hindi inasahan ang mga pangyayari, hindi inalintana ng mga tao ang mga pulis, binaklas ng bayan ang mga harang sa plaza, gustong ihatid ng libo-libong tao ang dating pangulo. Ang itinakdang dalawang oras lamang na biyahe ay naging siyam na oras.

Ang karo ni Tita Cory habang inilalagay sa trak na magdadala nito sa kanyang huling hantungan. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.

Ang simula ng kalbaryo at kagitingan ng apat na honor guard na nagbantay sa kabaong ng walang galawan. Sa kanilang pagtayo, binigyan nila ng malaking karangalan, hindi lamang ang kanilang dating commander-in-chief, kundi ang kanila ring mga uniporme. Mula sa pinoyweekly.org.

Si Xiao Chua kasama ang mga honor guard mula sa iba’t ibang mga sangay ng Sandatahang Lakas at ng pulisya na nagbigay parangal sa Pangulong Cory, kabilang na sina Navy Petty Officer 2 Edgardo Rodriguez, Army Pfc. Antonio Cadiente, Airman 2nd Class Gener Laguindan, at Police Officer 1 Danilo Malab, Jr. Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Naroon ako at nasaksihan ko sa mga mata ko at naramdaman ng puso ko ang dati ay nababasa ko lang sa mga libro, ang dalawang milyong magkakapatid na naghatid kay Ninoy sa kanyang huling hantungan noong 1983, ang dalawang milyon sa EDSA noong 1986, ang hindi magkakakilala ay nagbabatian ng Laban sign at nangngingitian.

Xiao Chua at Gobernador Ed Panlilio sa Luneta noong funeral march para kay Cory Aquino, 5 Agosto 2009.

Si Xiao Chua habang kinakapanayam ng RPN-9 sa Luneta noong libing ni Tita Cory, sinasabi niya 1983 ULIT! Mula sa RPN-9.

Sina Xiao Chua (may hawak na dyaryo sa may kaliwa) kasama si Kerby Alvarez ng UP Lipunang Pangkasaysayan noong libing ni Pangulong Cory Aquino, 5 Agosto 2009 (Sa kagandahang loob ng Studio 23)
Ang kokyot ng mga bata na ni hindi pa ipinapanganak noong presidente pa si Cory, na sumisigaw ng “Coree! Coree!” Nakararanas sila noon ng isang kakaibang leksyon sa kasaysayan. Kung hindi minamahal ng bayan si Cory, hindi sila lalakad ng mahaba, magpapaulan, magluluksa ngunit nagpipiyesta rin ng sama-sama. Ito pala yung pakiramdam na naramdaman ni Jim Paredes nang isatitik niya sa awitin, “Kay sarap palang maging Pilipino!”

Mga magulang nagbibigay ng isang history lesson sa kanilang mga anak. Mula sa Cory Magic: Her People’s Stories.
Naluha ako. Lagi kong iniisip na ang Pilipino ay walang pakialam sa bansa. Ngunit mali ako. At tama pala si Ninoy at Cory sa kanilang pagtitiwala sa bayan. Sa araw na iyon, inilabas muli ni Tita Cory ang pinamahusay sa mga Pilipino—kapatiran, kabutihang loob at pagmamahal sa bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 27 July 2013)