XIAOTIME, 25 February 2013: BERTDEY NI GUIDO, Ang Tagumpay ng Himagsikang People Power sa EDSA
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment last Monday, 25 February 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Bertdey ni Guido, isang kwentong pambata na isinulat ni Rene Villanueva at inilathala ng Lampara Books.
25 February 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=OGYoCCmiKis
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 27 years ago ngayong araw, February 25, 1986, nagtagumpay ang Himagsikang People Power sa EDSA. Sa makasaysayang araw na ito, dalawang pangulo ang nanumpa sa katungkulan bilang pangulo noong umagang iyon. Si Cory Aquino sa Club Filipino, at si Ferdinand Marcos sa Palasyo ng Malacañan. Ngunit lingid sa kaalaman maging ng mga taga-suporta ng Pangulo, nagpasya na pala ang mga Marcos na umalis noong madaling araw pa lamang na iyon nang magparamdam ang America na bibitawan na ang suporta nila sa rehimen.

Napangiti si Cory Aquino sa pagtatapos ng kanyang panunumpa sa katapatan niya bilang pangulo sa Club Filipino, February 25, 1986. Kuha ni Kim Komenich

Matapos ang kanyang panumumpa ng katapatan sa panunungkulan, binigkas ni Pangulong Marcos ang kanyang talumpating pampasinaya sa kanilang huling araw sa palasyo, February 25, 1986. Mula sa Breakaway.
Kinagabihan, umalis din ang Pangulong Marcos at ang kanyang mga kabig sa Palasyo at di naglaon, tumungo sa Estados Unidos. Nagtagumpay ang himagsikan ng bayan. Yun lang naman ang hiningi natin, at nakuha naman natin ito. Well, kapag nagkukuwentuhan tayo tungkol sa EDSA, lagi na lamang kwento ng mga pinuno at matatanda ang pinapakinggan natin.
Ngunit, ano kaya ang karanasan ng mga bata sa EDSA. May ginawang children’s book ang yumaong tagapaglikha ng Batibot na si Rene Villanueva na pinamagatang “Bertdey ni Guido.”
Kwento ito ng isang bata na nilista na ang mga nais anyayahan at ang mga nais niyang ipahanda sa kanyang nalalapit na ika-sampung taong kaarawan—“coke, ice cream, hotdog, spaghetti…” Ngunit sa kanyang paggising dalawang araw bago ang kanyang kaarawan, wala ang kanyang mga magulang. Tinanong niya ang kanilang kasambahay kung nasaan ang mga ito at kailangan pang ihanda ang mga imbitasyon. Sabi ng kasambahay, tumungo sa EDSA dahil nagsimula na ang himagsikan. Dahil sa pagod ng kanyang mga magulang pag-uwi ng mga ito mula sa mga exciting na nangyari sa EDSA, hindi na niya nabanggit pa ang party. Nalungkot si Guido.
Nawalan pa ng pasok ng February 24 kaya hindi na niya maiimbita ang kanyang mga kaklase. Nagkaroon ng pag-asa si Guido nang mabalitaan na si Marcos ay umalis na. Makakapagparty na siya bukas. Ngunit mali pala ang balita. Hindi pa uuwi ang nanay at tatay niya. Naging miserable si Guido. Ngunit, kinabukasan, ipinangako ni tatay kay Guido, “bibigyan kita ng pinakamalaking bertdey party sa buong mundo.” Dinala siya ng kanyang mga magulang sa EDSA at namigay siya ng pagkain sa mga tao doon at binili pa siya ng bertdey keyk ng kanyang hinipan sa gitna ng People Power. Aakalaing kathang isip ang kwentong ito ngunit batay pala ito sa totoong kwento ni Guido Santos, ang larawan ng kanyang bertdey party na pinakamalaki sa mundo ay nasama pa sa sikat na aklat na “People Power: The Philippine Revolution of 1986, An Eyewitness History.”

Pamimigay ni Guido ng pagkaian sa EDSA para sa kanyang ika-sampung taong kaarawan. Mula sa People Power: An Eyewitness History.

Pamimigay ni Guido ng pagkaian sa EDSA para sa kanyang ika-sampung taong kaarawan. Mula sa People Power: An Eyewitness History.
Kamakailan lamang, kinapanayam si Guido at ito ang kanyang pagbabalik tanaw sa kanyang kakaibang karanasan at sa mga aral nito, “Bilang bata gusto ko may mga clown, mga balloon, andami kong bisita… [Ang EDSA] naging isang malaking pamilya. Ramdam mo na yung katabi mo, hindi mo kilala pero maakbayan mo. Nararamdaman mong kapatid mo ang kapwa mo Pilipino. Mahirap ang pinagdadaanan ng karamihan sa atin ngayon pero huwag nating patayin ang pag-asa.”

Ang batang nagbibigay ng bulaklak sa sundalo noong Himagsikang EDSA na nailagay sa likuran ng lumang limandaang piso. Mula sa People Power: An Eyewitness History.
Happy birthday Kuya Guido! Happy birthday rin bayan, sa ating lahat. Ang EDSA ay hindi lamang isang katapusan, katapusan ng mahabang pakikibaka sa kadiliman, ang EDSA rin ay isang simula, ang pagsilang ng liwanag at ng pangako na may maidudulot na kaginhawaan ang mga nakamit nating tagumpay sa apat na araw na iyon ng Pebrero.

Isang plakard na namamanatang ipaglalaban ang kalayaan para sa kanyang mga anak. Mula sa People Power: An Eyewitness History.
Isang simulain na hindi pa nagtatapos at dapat pa nating ituloy. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(McDonald’s Visayas Ave., 15 February 2013)
who is the young boy giving flowers to the soldier? I hope he was also properly identified for posterity. If my memory serves me right, he was also featured in one of those documentary shows on EDSA 1
WOW! ang galing naman akala ko ang bertdey ni guido ay hindi totoo ayun pala THATS TRUE pala!!!!!!!!!!!!!!!!!!