XIAOTIME, 22 February 2013: ELEMENTO NG ATING KULTURA AT ANG EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 22 February 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang EDSA ay larawan ng magandang katauhan natin bilang mga Pilipino–damayan, malasakit, mapagmahal sa kapayapaan. Mula sa Bayan Ko!
22 February 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=kxg2dRl5z-I
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Maligayang kaarawan sa aking mga pinsan na sina Raschel “Bong” Briones-Almujere ngayong araw, February 22, at sa kapatid niyang si Reynold “Choy” Briones tuwing February 29! 27 years ago ngayong araw, February 22, 1986, nagsimula ang Himagsikang People Power sa EDSA. Ilang taon na ang nakalilipas, may isang dokumentaryo na nilikha si Maria Montelibano at ang yumaong Teddy Benigno para sa anibersaryo ng EDSA noong taong 2000. Kinapanayam nila para sa palabas na iyon ang antropolohista na si Felipe Landa Jocano, at ang iskolar ng sining Pilipino Felipe de Leon, Jr.
Ayon sa mga ekspertong ito, bagama’t sa unang tingin, pulitikal na pangyayari ang EDSA, mas mauunawaan ito sa lente ng ating sariling kultura. Halimbawa, naka-identify ang marami sa trahedya at sakripisyo ni Ninoy Aquino, kaya sa kanilang pakiramdam, tila may kapamilya silang nasaktan.

Isang babaeng tumatangis nang unang buksan ang kabaong at tumambad sa kanila ang sugatang katawan ni Ninoy. Mula sa EDSA 25.
At ang pasensyosong mga Pilipino, 14 na taong nagtimpi, ay biglang nagalit. Ayaw din daw ng Pinoy na may taong ang tingin sa kanyang sarili ay siya lamang ang magaling at puwedeng maging lider. Sa Pilipino raw, hindi ka puwedeng magyabang, oras na magyabang ka, ibabagsak ka ng Pilipino.
Makikita din na lumabas ang pinakamagagandang katangian natin sa krisis ng apat na araw noong Pebrero 1986. Nang pumasok si Jaime Cardinal Sin sa eksena, kumatawan siya sa esprituwalidad ng Pinoy. Naaantig tayo sa bagay na may kinalaman sa Diyos. Lagi tayo ay laging nakikinig sa mga alagad ng Diyos at mga pinuno panrelihiyon, tulad ng pakikinig natin sa mga babaylan.
Tila ang debosyon natin sa Mahal na Panginoong Hesus na makikita tuwing prusisyon sa Pista ng Nazareno, sa ating pagpapanata, pagbasa ng pasyon at pagpepenitensya ay nakita din natin sa EDSA. Nakita natin sa EDSA na ang pinakamataas na value para sa atin ay ang pakikipagkapwa. Tuwing may okasyon sa barangay dapat naroroon ka, the presence is enough. Kaya pati usisero may ambag din sa himagsikan, walang hindi kasali. Nakita natin sa EDSA ang pakikiramay ng Pinoy, parang sa mga lamay na tila may malungkot at may binabantayan. Pero hindi nawawala ang kainan at tawanan, na hindi ka humihiwalay.
Nakita natin sa EDSA ang pagiging masiyahin ng Pinoy. Kapag nagkikita sa iisang layunin ang Pinoy, masayang-masaya tayo. Nagdalahanan ng pagkain ala pot luck at nagbigayan ng bulaklak. Kaya kahit delikado ang himagsikan, nawala ang kaba dahil festive ang mood.
Saan ka nakakita ng himagsikan na papakitaan mo ng krus ang mga tangke na parang multo?

Babaeng nagpapakita krus sa kanyang kamay. Video grab mula sa People Power: The Philippine Experience.
Nakita natin sa EDSA na mapagmahal tayo sa kapayapaan at hindi confrontational people. Hindi tayo nadadaan sa sigaw, sa galit at pagsermon. Pinakamabisa sa Pinoy ang pakiusap, nanggagaling sa kalooban ang pakiusap. Kaya hindi bumaril ang militar kasi ang mga tao ay nakaluhod, nakikiusap.
Sa EDSA nakita natin ang pagiging malikhain ng Pinoy, na sa krisis lumalabas ang galing natin. Ang mga rebolusyon sa ating bayan, kahit seryoso, ay laging parang piyesta. Makulay, may mga palamuti, iba’t ibang aktibidad, at kung ano-anong ibinarikada sa mga tangke.

Ang direktor na si Lino Brocka habang suot ang kanyang fashion statement. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.
Sa lahat ng ito nakita natin ang bayanihan. Na nang sabihin nating “Bahala na!” Lusong na iyon. Kaya kung tutuusin, ang tunay na diwa ng EDSA ay ito ay isang larawan at kwento ng ating pagka-Pilipino, na ayon nga kay F. Landa Jocano, “very HUMBLE, very SUPPORTIVE, may PAGKABAHALA, may PANANAGUTAN, may PAGKALINGA at may PAKIKIBAKA. At ang HIGHEST FORM at ng isang BAYANI is may PAGMAMALASAKIT.”
Ang kasaysayan ay hindi lamang balon ng mga salaysay ng nakaraan, may mapupulot din tayong mga mabuting ugali natin na ginaya ng iba pang People Power sa buong mundo. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(McDonald’s Visayas Ave., 15 February 2013)