XIAOTIME, 21 February 2013: HIMAGSIKAN SA EDSA, BAKIT NGA BA ISANG MALAKING JIGSAW PUZZLE?
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 21 February 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
21 February 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=0sGAZaUrefE
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 27 years ago bukas, February 22, 1986, nagsimula ang Himagsikang People Power sa EDSA na nagpatalsik sa diktadura ni Pangulong Ferdinand E. Marcos at muling nagpanumbalik ng ating mga demokratikong institusyon. Marami ang nagsasabi na sila ang dahilan kung bakit nagtagumpay ang EDSA. Sabi ng mga militar, kung hindi dahil sa kanila, hindi mangyayari ang EDSA. Sabi ng simbahan, himala ito ng Diyos. Sabi ng iba, pakana lahat ito ng CIA at ng mga Amerikano. Sabi ng Unang Ginang Imelda Marcos, si Pangulong Marcos mismo ang bayani dahil sa kabila ng lahat, pinili niyang hindi patayin ang mga tao. Sino nga ba talaga ang tunay na bayani???
Oo nga’t ang naging mitsa ng Himagsikang EDSA ay ang pagtiwalag nina Defense Minister Juan Ponce Enrile at Heneral Fidel Ramos noong February 22, 1986. Ngunit, panahon pa lamang ng Batas Militar, marami nang nagbuwis ng buhay at nakibaka upang mapatag ang landas ng EDSA. Isang linggo na ring pinangungunahan ni Cory Aquino ang isang civil disobedience campaign ng pagboykot ng mga kumpanyang sumusuporta kay Pangulong Marcos upang iprotesta ang diumano ay pandaraya sa snap elections. Hindi nga agad naniwala ang mga tao na ang dalawang pinuno na ito na 14 na taong tinulungan ang pangulo sa pagpapatupad ng kanyang diktadura ay tumiwalag na, akala nila isa itong moro-moro o zarzuela.
Ngunit nang itaya ni Jaime Cardinal Sin ang kanyang kredibilidad at nagpatawag ng suporta para sa dalawa, doon lamang dumating ang mga taong hinanda na ng mga martir ng Batas Militar, isinisigaw ang pangalan ni “Cory” bilang pangulo at ang alaala ni Ninoy bilang simbolo.

Cool: Si Cory Aquino sa isang Press Conference. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.
Bagama’t maraming Amerikano ang naging kaibigan ng demokrasya at tinulungan tayo sa Kongreso nila tulad nina Sen. Richard Lugar sa kabila ng pagiging close friends nina Marcos at Pangulong Ronald Reagan, tila nagmasid lamang ang sa mga nangyayari ang State Department at ang tangi nilang ginawa ay mabigyan ng ligtas na pag-alis ang mga Marcos sa Pilipinas na kung hindi nila ginawa ay maaaring naging madugo ang katapusan ng EDSA.
In fairness, may punto rin ang dating unang ginang sa pagsasabi na hindi nais patayin ni Pangulong Marcos ang mga sibilyan. Ayon kay Randy David, alam ni Pangulong Marcos na huhusgahan siya ng kasaysayan at nais niyang mag-iwan pa rin ng mas magandang pangalan kaya hindi niya ninais patayin ang mga tao. Ngunit totoo ring may ilang taong inutusan na pulbusin ang ilang daang rebelde na nasa mga kampo militar sa EDSA sa lupa man o sa era. Yun nga lang, pumagitna ang mamamayan at nakaligtas sina Enrile at Ramos. At may mga pinunong militar rin tulad nina Artemio Tadiar, Antonio Sotelo, Braulio Balbas na gumawa ng paraan upang hindi sumunod sa mga utos na ito.

Ang mga kanyong handa nang paputukan mula sa Camp Crame sa ilalim ni Baulio Balbas. Mula sa Breakaway.
Ang madalas nating kalimutan, ang totoong mga bayani—ang dahilan kung bakit napilitan ang America na kagyat na paalisin ang Pangulong Marcos, ang dahilan kung bakit naligtas ang mga rebeldeng sundalo sa kampo, ang dahilan kung bakit si Cory Aquino ang naupo bilang pangulo—ang dalawang milyong Pilipino na nakibaka sa EDSA.

Ang taumbayan sa Ortigas, malapit sa Philippine Overseas Employment Administration, kung nasaan ngayon ang Robinson’s Galleria. Mula sa James Reuter Foundation.
Sabihin na lamang natin, na ang EDSA ay isang jigsaw puzzle. Kung wala o hindi nangyari ang isa man sa nabanggit, babagsak ang puzzle. Ngunit, walang himala! Walang aparisyon ng mahal na birhen! Kung naghimala man ang Diyos sa EDSA, ito ay ang himala na nangyari sa puso ng bawat Pilipino noong apat na araw na iyon!
Alam nating ang taumbayan ang bayani sa EDSA, ngunit hindi pa ata siya lubos na nananalo at nakikinabang dito. Nariyan na ang kalayaan, ang tanging dapat gawin ay tuloy-tuloy natin itong gamitin upang bigyan ng ginhawa ang lahat. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(McDonald’s Visayas Ave., 15 February 2013)