XIAOTIME, 7 February 2013: MGA NAGANAP NOONG 1986 SNAP ELECTIONS
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment last Thursday, 7 February 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang medieval morality play ng masama at mabuti sa snap elections ng 1986: Marcos-Tolentino, Cory-Doy. Mula sa Bayan Ko!
7 February 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=25knyX0JjRQ
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 27 years ago ngayong araw, February 7, 1986, ginanap ang snap presidential elections sa pagitan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos at ang balong si Gng. Corazon Aquino.

Si Pangulong Marcos at ang kanyang mga anak habang bumoboto sa Ilocos Norte noong snap presidential elections ng 1986. Mula sa Bayan Ko!

Si Cory Aquino habang bumoboto sa Tarlac noong snap presidential elections ng 1986. Mula sa Nine Letters.
Kung tutuusin, kahit sabihin pang diktador ang Pangulong Marcos, ilang eleksyon din ang naganap sa ilalim niya. Ngunit ayon sa mga kritiko, walang paraan ang oposisyon na manalo sa mga halalan na ito. Tawag nila dito ay “Lutong Macoy.” Noong 1985, malakas pa rin si Marcos, dalawang taon matapos na magalit ang bayan sa pagkamatay ni Ninoy Aquino, nakaupo pa rin siya sa puwesto. Subalit, dahil pinagdududahan na ng Estados Unidos kung may mandato pa siya sa bayan, nais niyang ipakita sa mga Amerikano na may gahum pa siya, na malakas pa siya. Matagal nang handa si Salvador Laurel at ang makinarya niya noon na tumakbo sa ilalim ng partidong UNIDO, ngunit may ilan sa oposisyon na naniniwalang si Cory Aquino lamang, at ang alaala ng namartir niyang asawa, ang maaaring tumalo kay Pangulong Marcos. Ngunit sabi ni Cory, tatakbo lamang siya kung makakakolekta ng isang milyong lagda, at kung magpapatawag ng snap elections ang pangulo. Alam niyang hindi mangyayari ang kanyang mga kondisyon. Nagsimulang mangolekta si Don Chino Roces ng Manila Times ng mahigit isang milyong lagda.

Ilan lamang sa mahigit isang milyong lagda na kinolekta ni Don Chono Roces. Makikita sa Aquino Center, Tarlac City.
At nangyari ang hindi inaasahan. Noong November 3, 1985, habang natutulog ang bansa, sa isang Amerikanong palabas, the David Brinkley show, kanyang ipinahayag na handa siyang magpatawag ng snap elections sa mga susunod na buwan.
Ayon sa mga historyador, ang halalan na ito ay hindi para sa mga Pilipino kundi isang palabas para sa mga Amerikano. Kaya naman ang mga makakaliwang radikal, nagpatawag ng boykot. Magiging Lutong Macoy lamang daw ang lahat.
Ngunit, tinupad ni Cory ang pangako, tatakbo siya sa pagkapangulo. Ngunit ayaw magback-out ni Doy Laurel. Doon kinausap ni Jaime Cardinal Sin si Doy at sinabing kung magsasama sila ni Cory sa isang ticket, mas mananalo ang bayan.
Kaya ang nagkakaisang oposisyon sa tiket na Cory-Doy ay lumaban sa tiket ni Marcos at Arturo Tolentino bilang kandidato sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo.
Ang galing palang mangampanya ng pribadong balo, naging simbolo ng kung ano ang hindi ang Pangulong Marcos sa marami. Si Pangulong Marcos naman, kahit sinasabing mahina na sa sakit, nang makita ko ang ilang talumpati niya sa video, ay hindi pa rin kumukupas ang pagsasalita ang retorika. Nagmukhang medieval morality play ang lahat—laban ng masama at mabuti.
At sa araw ng halalan, February 7, marami ang hindi nakaboto, nawala ang mga pangalan nila sa listahan. May mga kaso ng pagbili ng boto sa halagang 50 pesos at tangkang pang-aagaw ng mga balota, nakuha pa ang ilan sa mga ito ng media sa dyaryo at telebisyon.
Namatay ang magsasakang NAMFREL volunteer na si Rodrigo Ponce ng Capiz, kabilang siya sa 15 NAMFREL volunteer na nagbuwis ng buhay sa halalan na ito. Brutal din na tinugis at pinatay ang dating gobernador ng Antique na si Evelio Javier, na nagbabantay ng pagbilang ng boto para kay Cory ilang araw ang nakalipas.
Bagama’t noong una naniniwala ang Pangulong Reagan na nagkaroon ng dayaan sa dalawang panig, isang komento na ikinagalit ng marami, sa huli nagpahayag din sila ng pagkilala sa panalo ni Cory. Kung tutuusin, hindi na natin malalamang ang katotohanan kung sino ba ang totoong nanalo.

Si Reagan habang sinasabi na may posibilidad na nandadaya ang dalawang panig “both sides” noong halalang 1986. Ngunit ito ay tinutulan naman ng mga US observers tulad nina Richard Lugar at John Kerry na sumama. Mula sa A Dangerous Life.
Ang NAMFREL count kung saan nanalo si Cory ay hindi naman kumpleto. Ang COMELEC at Batasan count kung saan nanalo naman si Pangulong Marcos ay lubos na pinagdududahan.

Ang NAMFREL quick cound blackboard ay naroroon pa rin sa St. Benilde Gym sa La Salle Greenhills. Kinunan ang larawan noong burol ni Tita Cory, August 2009.
Tatapusin ang lahat ng debate ng isang himagsikan sa apat na araw na iyon ng Pebrero. Ang pagpapatawag ng snap election ang isa sa pinakamalaking pagkakamali ni Apo Marcos. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Razon’s, UP-Ayala Technohub, 5 February 2013)