XIAOTIME, 6 February 2013: ANG MAKASAYSAYANG BAHAY NI HENERAL EMILIO AGUINALDO
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment last Wednesday, 6 February 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Dambanang Pangkasaysayang Emilio Aguinaldo sa gabi. Kuha ni G. Angelo Aguinaldo, apo sa tuhod ng heneral.
6 February 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=UMbuwdHhaIk
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Pagbati kina Ate Gina, Kuya Vener at kay Sir Angelo Aguyinaldo, mga tagapag-alaga ng Dambanang Pangkasaysayang Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite.

Si Xiao Chua habang ipinapasa ang Watawat ng Pilipinas kay Sir Angelo Aguinaldo sa mismong balkonahe ng bintana kung saan ipinroklama ng lolo niya sa tuhod ang independensya.
49 years ago ngayong araw, February 6, 1964. Namatay si Heneral Emilio Aguinaldo, el presidente dela Republica Filipina sa edad na 95 years old! Namatay siya tatlong araw bago magtanghal ang Beatles sa unang pagkakataon sa Ed Sullivan Show sa New York. Biruin niyo inabot pa niya ang Beatles! Si Heneral Aguinaldo ay namatay sa Veterans Memorial Hospital sa Lungsod Quezon, sa piling ng iba pang maysakit na mga beterano, ang kapakanan nila ay kanyang itinaguyod sa kanyang buong buhay.
Isang taon bago mamatay ang heneral, noong 1963, ibinigay niya sa pamahalaan bilang donasyon ang kanyang mansyon sa Kawit, Cavite, kung saan sa gitnang bintana nito ipinroklama ang independencia sa pagwawagi ng mga Pilipino laban sa mga Espanyol noong June 12, 1898.
Ang bahay na ito ay naitayo na noong 1849 pa lamang at nagpapakita na maykaya ang kanyang mga magulang, mga principalia na namumuno ng bayan. Liban pa dito, nasa malapit sa simbahan ang kanyang bahay at nasa mismong camino real o main road patungong Maynila. Sa mga larawan noong 1898, makikita nang naipatayo na noon ang ekstensyon ng bahay na tinatawag na family wing, pawid pa lamang ang bubungan.
Ngunit wala pa ang pamosong balkonahe at tore na pitong palapag ang taas, imagine! Maidadagdag ito noong maagang 1920s.

Ang disenyong kabibe na nagbubukas upang maging hawakan ng paso o baso. Mula sa Tahanan ng Kasarinlan.

Si Xiao Chua habang minomonstra ang pagbubukas ng kabibe. Nakuha niya kay Kuya Vener ang teknik na ito.
Dahil walang nais na sayanging espasyo ang heneral, naglagay siya ng mga taguan ng mga dokumento o sandata sa mga upuan, mga disenyong kabibe na nagbubukas bilang flower holder, mga sikretong pintuan na nagbubukas tungo sa ibang mga kwarto, mga kisame na maaaring pagtakasan, at bilang paghahanda sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naglagay siya ng lagusan patungo sa air raid shelter na lulusot patungong simbahan mula sa bumubukas na mesang ito. Cool!

Si Xiao habang ipinapakita ang pagbubukas ng mesa at ng butas na lagusan patungo sa air raid shelter.
Dahil si Heneral Aguinaldo ay alam din ang kanyang mahalagang papel sa kasaysayan, nag-iwan ng ilang disenyo ang heneral sa bahay na nagpapakita ng kanyang buhay at ng ating kasaysayan—ang mga bintanang nagpapakita ng mga karanasan niya at ng kanyang pamilya at dalawang naging asawa, ang representasyon ng Inang Bayan at ng walong sinag ng araw sa kisame na kumakatawan sa walong unang lalawigan na lumaban sa mga Espanyol noong Himagsikan, at isang relief map ng Pilipinas sa may hapag kainan! Far out!

Ang disenyong araw na may walong sinag na nagpapakita ng mga pangalan ng walong lalawigan na pinatawan ng Batas Militar noong Himagsikang 1896.
May ilang mahalagang artifak na naiwan sa bahay: Ang mga bandila na nagpapakita ng orihinal na araw na may mukha na kanyang dinisenyo, ang espada ni Heneral Aguirre na kanyang nakuha at nang kanyang makita ay kaedad niya at ginawa sa Toledo noong 1869! At isang bato na mahilig niyang pahinghan sa Palanan, Isabela kung saan siya nahuli noong 1901.

Ang awakan ng espada ni Heneral Aguirre na nakuha ni Aguinaldo, nilinang noong 1869 sa Toledo, sa taon na isinilang ang heneral.

Ang matandang Don Emilio hawak ang kanyang paboritong trophy–ang espada ni Heneral Aguirre. Sa kanyang tagumpay sa labang iyon siya napatanyag. Mula sa Philippines Free Press.
Kapansin-pansin din na paborito niya ang disenyo ng kalabaw, paborito niyang hayup. Sumakay kasi siya minsan sa kalabaw at pinagkamalang magsasaka lamang noong rebolusyon kaya siya naligtas sa pagkahuli at may mga alamat na nakita raw siya sa isang laban nakasakay sa isang puting kalabaw.
Inilibing si Heneral Aguinaldo sa likuran ng kanyang bahay na kanyang ipinamana para sa kasaysayan. Kontrobersyal man siyang pigura sa maraming tao, nararapat lamang siyang kilalanin na isa sa lumaban sa mga dayuhan sa revolucion, ang Ama ng ating Pambansang Watawat at Pambansang Awit, at tinanggap ang hamon na pamunuan ang gobierno sa murang edad na 28. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(McDonald’s Philcoa, 29 January 2013)

Si Heneral Aguinaldo sa harap ng pinaniniwalaang unang watawat ng Pilipinas. Mula sa Tahanan ng Kasarinlan.