XIAOTIME, 30 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Unang Pangulo ng Pambansang Pamahalaan

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment today, 30 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanging larawan ng Supremo Andres Bonifacio na nagpapatunay na 1) Hindi niya kamukha si Gardo Versoza 2) Nag-amerikana siya at hindi lang kamisa chino (empleyado kasi siya sa internasyunal na mga kumpanya sa Maynila noon). Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo at PDI.

30 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=RHmS4O2uFbE

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  149 years ago ngayong araw, November 30, 1863, isinilang si Andres Bonifacio, batang Tondo, Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at pambansang bayani.  Sa susunod na taon, 2013, ipagdiriwang na natin ang Boni@150.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Sabi nila, si Bonifacio raw ay walang pinag-aralan, mapusok at isang bobong bodegero.  Liwanagin natin.  Hindi totoong ipinanganak na super hirap si Andy, may tutor nga raw siya noong bata pa siya.  Ang ina niya ay isang mestisang Espanyol.  Ngunit nang mamatay ang kanyang mga magulang noong kanyang kabataan, bilang panganay kailangan niyang buhayin ang kanyang limang kapatid.  Doon siya nagsikap.  Nagbenta ng mga baston at pamaypay na abaniko at naging raket niya ito hanggang 1896!!!

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Natuto sa sariling sikap na magbasa sa Espanyol at naging bihasa sa Wikang Tagalog, nagbasa ng ukol sa Rebolusyong Pranses, mga pangulo ng America, Les Miserables ni Victor Hugo at ang mga nobela ni Rizal.  Nakumpiska ang mga aklat sa kanyang opisina noong rebolusyon.

Nagsikap na matuto sa sarili at naging palabasa. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Naging empleyado ng dalawang international companies sa Maynila, ang Fleming and Co. at ang Fressel and Co. bilang bodegero o clerk, hindi po kargador, na messenger rin, na marahil naging dahilan na madali niyang naipalaganap ang Katipunan.  Hindi alam ng marami na isa siyang aktor sa teatro na may sariling theatre company, ang Teatro Porvenir.  Ang paborito niyang karakter ay si Bernardo Carpio, ang mitikal na Haring Tagalog na nakagapos sa pagitan ng dalawang bundok na kapag lumaya ay iligtas ang mga Tagalog mula sa mga Espanyol.

Popular na representasyon kay Bernardo Carpio, pinipigil magsalpukan ang dalawang bundok. Guhit ni Ricky Serrano Mula sa Merrian Webster & Bookstore.

Noong July 3, 1892, sumali sa La Liga Filipina ni Rizal na nag-aadhika ng pagkakaisa ng mga Pilipino bilang isang katawan.  Pero after three days inaresto si Rizal at itinapon sa Dapitan.  Kinabukasan, itinatag ni Bonifacio ang Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK.  Ngunit hindi siya agad naging Supremo.  Siya lamang ang ikatlo sa mga umupo sa pwestong ito.  Biyernes Santo ng 1895, pinangunahan niya ang mga Katipunero sa pagtungo sa mga kweba ng Bundok Tapusi sa Montalban.

Bundok Tapusi, Montalban. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Sinulat nila sa mga pader, “Naparito ang mga Anak ng Bayan, Hinahanap ang Kalayaan.  Mabuhay ang Kalayaan!” na tila idinedeklara na ang ating kalayaan.  Ang tila kambal na bundok sa Montalban ang mitikal na lugar ng pinaggapusan kay Bernardo Carpio na tila sinasabi, kami si Bernardo Carpio, ang mga anak ng bayan ang magliligtas sa bayan, handa kaming magsakripisyo ng buhay tulad kay Kristo. Kung mapusok siya, paano niyang napanatiling lihim ang kanyang samahan ng matagal?  Kung hindi siya magaling paano kumulat bilang pambansang samahan ang Katipunan?  Ibinalik niya ang mga elemento ng sinaunang bayan tulad ng sandugo sa ritwal ng Katipunan, magkakapatid tayo sa iisang Inang Bayan, anak tayo ng bayan.  Na walang tunay na kalayaan kung walang ginhawa na natatamo lamang kung malinis ang kaooban, makatwiran, may dangal at puri.

Sanduguan sa Katipunan,. Detalye ng mural na “History of Manila” ni Carlos V. Francisco.  Nakalagak sa City Hall ng Maynila.

Nang pumutok ang himagsikan, nahalal siya ng Kataas-taasang Sanggunian ng KKK na unang pangulo ng unang pambansang revolutionary government, mas nauna pa doon sa kay Hen. Emilio Aguinaldo.  Bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, ang Tagalog ay lahat ng nangagkakaisang Anak ng Bayan na pawang mga taga-ilog, ang hari ay hindi mga pinuno, kundi ang bayan.

Sa wanted poster sa isang Kastilang pahayagan noong Pebrero 1897, kinilala mismo ng mga kalaban ang unang panguluhan ni Andres Bonifacio sa Pamahalaang Rebolusyunaryo. Mula sa Studio 5 Publishing, Inc.

Sa kanyang pagkamatay noong 1897, naudlot ang konsepto niyang ito.  Hindi pa tapos ang laban, kailangan natin itong ipagpatuloy!  Sa pagkakaroon ng malinaw na konsepto ng bansa na nag-uugat sa mga konsepto at kalooban ng bayan, si Bonifacio ay dapat kilalanin bilang Ama ng Sambayanang Pilipino.  Mabuhay ang Supremo!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(On the taxi and at PTV, 22 November 2012)