XIAOTIME, 29 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Supremo Bilang Pinunong Militar

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 29 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang hinirayang paglalarawan sa Supremo ng Katipunan, Andres Bonifacio bilang Pinunong Militar na binihisan ng rayadillo. Bilang isang aktor sa teatro, kung ang kanyang mga heneral ay may uniporme, ang kanyang bihis ay pihadong mahalaga para sa kanya. Mula sa Tragedy of the Revolution ni Adrian Cristobal at ng Studio 5 Publishing.

29 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=xG63WzrxUrI

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Bukas ang 149th birth anniversary ng Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at ang ating Pambansang Bayani na si Andres Bonifacio.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Ang sabi-sabi si Bonifacio ay bobo at walang istratehiyang militar!  Lahat ng labanan niya ay natalo.  Huh???  Liwanagin natin.  Naging matagumpay ang Cavite sa pagputok ng himagsikan noong 1896 dahil sa mga trintsera na pinlano ni Edilberto Evangelista na nag-aral ng inhinyeriya sa Brussels, Belgium.

Ang inhinyerong nagtapos sa Belgium, Edilberto Evangelista. Larawan mula kay Dr. Isagani Medina.

Ngunit matapos ang ilang buwan, nang bumalik ang mga pwersang Espanyol mula sa digmaan sa Mindanao, dumami na ang mga Espanyol at unti-unti nang bumagsak ang mga bayan sa Cavite.  Ayon kay Zeus Salazar, ang digmaang trintsera na nagmula sa Kanluran ay kabisado ng mga Espanyol, magastos, hindi madaling maiwanan, madaling mapaligiran, at kapaki-pakinabang sa mga Espanyol kapag kanilang nakukuha.

Ang mga trintsera ng Cavite na itinayo ni edilberto Evangelista habang epektibong ginagamit… ng mga Amerikano. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Iba ang istratehiyang ipinatupad ni Bonifacio na sinunod ng maraming heneral sa buong Pilipinas.  Hinugot niya ito sa “Ilihan” ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol, ang pinag-aatrasan ng bayan sa mga burol o kabundukan upang maging ligtas sa sakuna o makibaka sa mga kalaban.  Tinawag niya itong “real” na ang ibig sabihin ay kampo o “komunidad na may tanggulan malapit sa bayan.”

Isa sa mga pinagrealan ni Bonifacio ay ang Bundok Tapusi sa Montalban, Rizal. Kung saan ang maalamat na si Bernardo Carpio ay nakagapos at malapit nang makawala upang palayain ang ating bayan. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Unang naisip ni Bonifacio sa kanyang paglalakbay sa Montalban at natatag sa Balara, Krus na Ligas, Marikina, Makiling, Banahaw, atbp.  Lumaganap din sa mga kabundukan ng Tayabas, Morong, Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija.  Gamit nito ang mga natural na anyo sa kalikasan tulad ng mga kakahuyan, mga bato, mga kweba at mga bundok.  Dahil pakikidigmang mas angkop sa Pilipino:  Hindi magastos, madaling iwanan at balikan kapag hinabol sila roon marami sila lulusutan, hindi mapakikinabangan ng mga Espanyol at pahihirapan sila dahil wala silang kasanayan.  Matapos ang mga pagsalakay sa Pinaglabanan, kahit na maraming nasawing mga Katipunero, hindi sila naubos at nalipol.  Hindi rin sila nahabol ng mga Espanyol.  Dahil naka-atras sila sa mga “real.”  Ang pinagtuunan ng pansin ay ang Cavite na mas kaya nilang pataubin.  At nang tuluyang bumagsak ang mga trintsera sa Cavite at tuluyang matalo si Aguinaldo, ang sumalo sa kanya ay ang mga “real” na ipinatayo ng “walang taktikang-militar” na si Bonifacio hanggang sa mapadpad siya sa  “real” ng Biyak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan!  Kung saan nagkaroon sila ng bentahe na makipagkasundo sa mga Espanyol, linlangin sila at kalaunan ituloy ang Revolucion habang ang himagsikan ay ipinagpatuloy ng mga anak ng bayan.  Ayon kay John Ray Ramos ng Security Matters magazine may pagkakaiba ang taktika na mas limitado at ispesipiko habang ang istratehiya ay mas malawang pakikidigma.  Samakatuwid sina Aguinaldo ay nasa lebel ng taktika noong 1896 habang hawak ni Bonifacio ang istratehiya ng Katipunan.  Samakutuwid, hindi totoong walang istratehiyang militar si Bonifacio.  Mas katutubo nga lamang ito.  Kung tutuusin, ginagamit pa rin ito ng NPA at mga Mandirigmang Moro.  Ayon kay Milagros Guerrero, dahil sa pagtatakda ng istratehiya ng himagsikan bilang may command responsibility, lahat ng mga pagkatalo at pagkapanalo ng himagsikan ay dapat ding ibigay kay Bonifacio.  Ang sinasabi ng ilang historyador na natalo si Bonifacio sa lahat ng kanyang laban ay katawa-tawa.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Yellow Cab DLSU Taft, 22 November 2012)

Zeus Salazar

Milagros Guerrero

John Ray Ramos