
“Ang Bathala,” sining ni Charlemagne John “Jojo” Chua mula sa kuhang larawan ni Xiao Chua.
“Bathala.” Ito ang tawag, kapwa ng mga nagmamahal at naiirita, kay Zeus Atayza Salazar, retiradong propesor ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, at Ama ng Pantayong Pananaw. Tanggap niya ang tawag na ito, subalit marami ang namamali sa pag-aakalang Diyos ang turing niya sa kanyang sarili. Ang tanging dahilan ng kanyang pagtanggap sa tawag na ito ay sapagkat ito ang direktang salin ng kanyang pangalan sa wikang Filipino, na kanyang masigasig na isinusulong tungo sa pagkakaisa at pagbubuo ng bansa.
Sa kabila nito, kung ang historiograpiyang Pilipino ay Bundok Olympo, garantisadong isa si ZAS sa mga magkakaroon ng apotheosis, sa kanyang impluwensya sa marami sa Agham Panlipunan. Hindi ito maipagkakaila.
Isa lamang ito sa mga dalumat na maaaring ikabit kay ZAS. Tulad sa dalumat ni Dr. Covar, si ZAS, na may pagkataong Pilipino, ay tila isang banga—may loob, labas at lalim. Sa labas, maaaring sabihing 75 taon na siya, ngunit ang kanyang loob—kaisipan, ay patuloy na tumatalas, kung minsa’y nakahihiwa pa (no pun intended). At sa lalim ng kanyang iba’t ibang pagkatao makikita pa rin ang dalumat ng ating kalinangan.

Zeus Salazar, UP, Summa Cum Laude
Si Zeus bilang Dangal: Nang iluwal ng bayan ng Tiwi, Albay noong 29 Abril 1934 ang isang Zeus Salazar, naging ligaya at dangal na ito ng kanyang mga magulang na sina Ireneo Salazar at Luz Salazar (nee Atayza) bilang kanilang panganay sa pitong anak. Namayagpag bilang estudyante ng Bikol at Maynila bago tumuntong ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong 1951. Noong 1955, nagtapos siya ng AB Kasaysayan bilang Summa Cum Laude. Simula lamang ito ng marami pang karangalan para kay ZAS kabilang na ang Chévalier dans l’Ordre des Palmes Academiques ng Pamahalaang Pranses noong 1978 at “Gawad Lope K. Santos”. At tila naipasa niya ang dangal na ito sa kanyang mga anak na matatagumpay sa kanilang napiling karera sa Europa.

Si Zeus sa Europa
Si Zeus bilang Raja Laot: Mula 1956 hanggang 1968, nilakbay ni ZAS ang Europa sa kanyang pag-aaral ng iba’t ibang kurso sa Sorbonne, Université de Paris at iba pang paaralan sa Pransya, Alemanya at Olandia. Noong Dekada 1980 at 1990, nagturo rin siya sa Italya, Alemanya, Croatia, Montenegro, at Australia.

Si Zeus Salazar (kanan) sa Palma Hall, UP Diliman
Si Zeus bilang Ladino: Sa kanyang paglalakbay, natuto siya ng humigit-kumulang sampung wika at nakakapagsalita at nakakapagsulat sa mga wikang Filipino, Bicolano, Ingles, Español, Pranses, Aleman, Italyano, Ruso, Malayo.

Si Zeus bilang Bagani: Sa kabila ng kanyang pagtatamo ng kalinangan ng daigdig, tulad ng isang sinaunang kawal, siya ay nagbalik sa bayan upang ibalik ang karunungang kanyang natamo bilang isang guro. Laganap na ang kwentong si ZAS at isang terror teacher, mabagsik, istrikto. Hindi iilang estudyante ang umiyak nang dahil sa pangalang Zeus. Subalit, lahat ng nakausap ay nagsasabing hinasa at inalagaan niya sila upang maging isang mas mabuting historyador at tao.

Zeus Salazar bilang whistle-blower ng kontrobersyang Tasaday, sa Tasaday International Conference, 1986.
Si Zeus bilang Umalahokan: Nang pumutok ang pandaigdigang isyu ng pagkakatuklas sa mga Tasaday ng Rehimeng Marcos, si ZAS ang pinakaunang akademiko na nagduda sa pagka-Stone Age nito. Marahil, dahil dito, at sa kanyang pakikilahok sa kilusang bayan noong Sigwa ng Unang Kwarto (1970) at Diliman Commune (1971), isa si ZAS sa mga unang akademikong napiit sa ilalim ng Batas Militar noong 1972-1973.

Panunumpa ni Dr. Zeus Salazar bilang Dekano ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng UP Diliman, katabi si Dr. Prospero Covar
Si Zeus bilang Datu: Naging tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan (1987-1989) at Dekano ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (1989-1992). Kahit ngayon, mayroon siyang swabeng paraan ng paghingi ng pabor/pag-utos, na kung susuriing mabuti, ang gawain para sa kasaysayan ang lubos na makikinabang.

Si Zeus Salazar habang nilalagdaan ang kanyang panunumpa sa tungkulin bilang Dekano, kasama ang kanyang mga kaguro.
Si Zeus bilang Bisa: Ang iskolarsyip ni ZAS, mula sa kanyang mga sulatin ukol sa ating pinagmulang Austronesyano, dalumat ng Ginhawa, Real ni Bonifacio, at marami pang iba, ay naging mabisa sa paghahablot ng takip-matang Kolonyalismo na lumalambong sa kaisipan ng marami. Dahil sa kanya at sa BAKAS, nailimbag ang mga iskolarling akda sa Kasaysayan sa Wikang Filipino, marahil sa unang pagkakataon. Sa kanyang paggigiit sa paggamit ng wikang nagbubukold sa buong bansa, mabisa niyang naipupunla sa maraming iskolar, guro at estudyanteng Pilipino ang kanyang mga kaisipan.

The Running Dean
Si Zeus bilang Hangaway: Bagama’t maaaring maging simpatiko, si ZAS ay isang masigasig na tagapagtanggol ng kanyang mga ideya laban sa kanyang mga kritiko. Walang sinasanto kung nakikita niyang mali ang mga pananaw na inilatag. Ngunit kaiba sa kanyang mga kaaway na kadalasan ay personal ang ginagawang atake, ideya ang larangan ni ZAS. Totoo siya sa kanyang mga pananaw at ginagawa niya lamang ito sa diwa ng akademikong talastasan at diyalogo. Ang matalas niyang mga kritika ay mabilis nang lumaganap nang simulan niyang gamitin ang Cyberspace–Multiply at iba pang social networks May mga kritiko rin si ZAS na nananatiling kaibigan niya, at sa katunayan, madalas siyang tumanggi na magsabi ng masama laban sa mga kumakalaban sa kanya. Hangaway din siyang maituturing sapagkat nilabanan na niya ng maraming beses ang malalaking panganib sa kanyang kalusugan, kaya patuloy siyang nakatayo bilang isa sa atin.

Si ZAS at ang kanyang mga alagad at hangaway
Si Zeus bilang Gahum: Bilang mentor, si ZAS ay masasabing gamhanan nga tawo—ang kapangyarihan ng kanyang kaisipan ay malaki ang impluwensya sa maraming iskolar. Mapag-aruga sa mga alaga subalit hinahayaan niyang ipagaspas nila ang kanilang mga sariling pakpak. Kaya naman ganoon na lamang ang sigasig nila sa diwa ng Pantayong Pananaw saan man sila magturo, sa kabila ng mga panganib mula sa mga hindi kapanalig. Sa tatag ng kanyang mga tagasunod, minsan na silang binansagang coterie. Ang gahum ni ZAS ay makikita sa pagkakatatag ng iba’t ibang samahang pangkasaysayan at ang patuloy nilang pag-iral: Bahay Saliksikan ng Kasaysayan—Bagong Kasaysayan, Inc. (BAKAS), ADHIKA ng Pilipinas, at UP Lipunang Pangkasaysayan (LIKAS).
Si Zeus bilang Anito: Minsang sinabi ng isang dating kasama na si ZAS ay tila isang malaking puno na niyuyungyungan ang mga batang puno upang hindi lumago. Mawalang galang na po ngunit hindi ko po ito naranasan bilang isa sa kanyang mga kapanalig. Malaki ang naging pakinabang ng kanyang mga kaisipan at ng kanyang mga matatalim na kritisismo sa aking patuloy na pag-unlad bilang isang historyador. Bilang aming mentor, madalas namin siyang sangguniin na tila isang Anito, hindi lamang ukol sa mga bagay na patungkol sa kasaysayan, kundi maging sa aming mga personal na usapin, maging sa isyu ng pag-ibig—ilan na ring mga kapanalig ang nais niyang ipagbuklod at may ilang mga kaso nang nagkakatuluyan bilang magkasintahan, at maging mag-asawa! Ang kanyang mga pantas na tagubilin ang nagsisilbing gabay, hindi dikta, upang magkaroon kami ng mas mahusay na mga pasya sa aming personal at akademikong buhay.
Si Zeus bilang Ginhawa: Bilang kaibigan at kasama, si ZAS ay bukas palad at hindi maramot, isang daluyan ng ginhawa. Isang halimbawa nito ay ang kanyang pagiging galante lalo na sa pagkain, na minsan nang nasabi na “Pang-akit ng Pantayong Pananaw.”

Si Zeus bilang Dungan: Bilang isang maginoo, mapapansin ang karisma ni ZAS…
Si Zeus bilang Panday: Hindi lamang siya akademiko, guro at historyador, isa rin siyang antroplohista, linggwista, tagasalin, makata at …pintor! Isang kapanalig ang nagsasabing dalawang salita lamang ang kanyang naiisip sa tuwing naaalala si ZAS—“José Rizal.” Si Zeus blang isang Renaissance Man.
Si Zeus bilang Babaylan: Sa kanyang pagbibigay ng isang bagong lente sa atin, isang bagong pagsalaysay sa nakaraang may saysay na magbubuklod ng ating bayan, mula sa kontrobersyal na proyektong “Tadhana” hanggang sa “Pantayong Pananaw,” hindi na matatawaran ang kanyang ambag sa historiograpiyang Pilipino.

Si Zeus bilang Kapatid: Lahat ng kanyang mga gawa at naisulat, ay tungo sa pagbubuo ng bayan na inadhika ni Andres Bonifacio bilang Katipunan ng mga magkakapatid, mga Anak ni Inang Bayan, na kumikilos tungo sa minimithing ginhawa ng lahat. Lagi niyang sinasabi, “Kung pumutok man ang tunay na rebolusyon, naroon ako kasama ng bayan!”
Hindi lahat ng aspekto ng buhay ni ZAS ay saklaw ng sulatin na ito. Maaari rin na maraming magtaas ng kilay sa mga hindi gaanong friendly kay Doc, ngunit si Kristo lamang siguro ang perpektong Dakilang Tao. Si ZAS ay kinailangang gumawa ng mga desisyong masalimuot. Isang kompleks na katauhan at hindi mabibigyan ng hustisya ng mga abang pahinang ito. Ngunit kung may magsasaliksik sa katotohanan ng kanyang buhay, ito ang kanilang masusumpungan: Bagama’t isang akademikong masasabing nasa intelektwal na elit, ang lahat ng gawa at isinulat ni ZAS ay para sa pagwawakas ng Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan, at pagbubuo ng bansa sa ilalim ni Inang Bayan, samakatuwid, si ZEUS bilang Bayani.

Si Zeus Salazar bilang ama
Sa pistang ito para sa ating bayani, natitipon tayo ngayon sapagkat minsan na niyang nasabi na bagama’t hindi niya kapiling ang mga minamahal at matatagumpay niyang mga tunay na anak, ay masaya siya sa piling ng kanyang mas dumadaming anak at pamilya.

“Mahal na Doc ZAS, sa iyong diamanteng jubileo, nandito kaming mga anak, kapamilya at kaibigan mo dahil ipinakita mo sa aming mahalaga kami sa iyo at sa ating gawain. Kung kami ay mga diamante, ito ay dahil kami ay hinubog, hinasa, pinakinang at inalagaan ng iyong mga kamay. Kung kami ay diamante, ang brand name namin at “Zeus Salazar.” Hindi namin ito ikinakahiya!
Pantayo si Zeus, TAYO SI ZEUS!
“Para sa iyo, Ama, Anak, Mangingibig, Guro, Iskolar, Makata, Historyador, Antropolohista, Linggwista, Kaibigan, Mentor, Ama ng Pantayong Pananaw—ZEUS A. SALAZAR, Pilipino!”
29 Abril 2009, 3:00 NH , 73C Ocampo St.,
Pook Amorsolo, UP Diliman, Lungsod Quezon

Si Zeus Salazar noong selebrasyon ng kanyang ika-75 kaarawan, Abril 2009


Si Zeus Salazar, kasama si Xiao Chua, Ivana Guevara at Miggy Vargas, Abril 2009