XIAOTIME, 8 November 2012: TEODORA ALONSO, Ang Dakilang Ina ng Ating Bayaning si Dr. Jose Rizal
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 8 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
8 November 2012, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=uKHxATs7-kI&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay po ang segment na ito sa aking mahal na mama na si Vilma Briones Chua. Kwento ito ng isang ina. 185 years ago bukas, November 9, 1827 isinilang sa Meisic, Maynila si Teodora Alonso Morales Realonda y Quintos. Siya na nga ang ina ng ating National Hero na si José Rizal, kilala noon sa tawag na Doña Lolay. Ang ama ni Lolay ay isang dating delegado ng Cortes o ng Senado ng Espanya. Si Lolay mismo ay nag-aral at nakapagtapos sa paaralang kumbento ng Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros.
Bihira noon ang india na nakapag-aral at may personal na aklatan na may isang libong aklat. Kaya bilang ina naipasa niya sa kanyang mga anak, lalo na si José Rizal o si Pepe, ang pagmamahal sa kaalaman. Walang José Rizal na dakilang tao kung walang Doña Lolay. Labing-isa ang naging anak niya kay Francisco Mercado, wala pang RH noon, ngunit magaling si Lolay sa negosyo.
Ang mga pananim ng kanilang plantasyon na nirerentahan sa mga prayle ay kanilang ibinebenta sa isang sari-sari store sa unang palapag ng kanilang bahay na bato sa Calamba, Laguna. Naging kumportable ang buhay ng pamilya Mercado-Rizal. Ngunit lumabo ang kanyang mga mata at sinasabing isa ito sa dahilan kung bakit nag-aral si Pepe ng optalmolohiya sa ibang bansa.
Hindi lamang ang kanyang mata ang pagkawalay sa anak ang ininda niya. Nakulong siya ng dalawang taon dahil pinagbintangan siyang nilalason ang kanyang hipag. Binitawan sila ng kanilang mga kaibigang prayle at Espanyol. Sa edad na 64, pinalakad naman siya mula Maynila hanggang Sta. Cruz, Laguna dahil hindi raw niya ginamit ang tamang apelyido. Pinalaki niyang maayos ang kanyang mga anak na may pagmamahal sa bayan. Si Paciano, Josefa at Trinidad halimbawa ay naging mga kasapi ng Katipunan.

Si Lolay at mga anak at apo matapos na mabaril si Rizal, nakapamburol, larawan mula sa Vibal Foundation
Ngunit noong bata pa si Rizal, pinag-ingat niya rin ito sa ukol sa pagkukuwento ng nangyari sa isang gamu-gamo na nasilaw sa apoy ng karunungan at nasunog sa kabila ng babala ng ina.
O anong pait sa kanyang puso na makita sa huling pagkakataon ang kanyang anak na si Pepe isang araw bago ito barilin noong 1896, hindi man lamang pinayagan na magyakap sila. Hindi na kailangan ng salita, tanging nasulat ni Rizal sa huling pagkakataon para sa ina, “A mi muy amada madre…” “Sa aking mahal na ina, Sra. Da. Teodora Alonso, A las 6 de la mañana del 30 Deciembre de 1896.”
Sa kabila nito, nang alayan ng mga Amerikano ng pensyon si Lolay, kanyang sinabi sa kanila, “Ang aking pamilya ay hindi kailanman naging makabayan dahil sa pera.” Namatay si Teodora Alonso noong 1911. Ang magsilang at magpalaki ng mga anak na iniaalay sa ikauunlad ng bayan ay kabayanihan. Ang atin pong mga ina ay mga bayani. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Andrew Hall, DLSU Maynila, 29 October 2012)