XIAOTIME, 9 November 2012: TEODORO AGONCILLO CENTENNIAL
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment today, 9 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teodoro Agoncillo, “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas” sa kanyang pagreretiro. Mula sa Kasaysayan 1, dyornal ng Departamento ng Kasaysayan na inedit ni Dr.Zeus A. Salazar.
9 November 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=CpWS1CA3rJc&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay po ang segment na ito sa aking ama na si Charles Chua. Happy birthday, dad. Ito ay tungkol din sa isang itinuturing na ama ng maraming historyador. 100 years ago ngayon, November 9, 1912, isinilang sa Lemery, Batangas si Teodoro Andal Agoncillo. Kilala natin siya na senior author ng isa sa pinakapopular na teksbuk sa nakalipas na limang dekada, ang History of the Filipino People na malamang sa malamang nagamit natin noong tayo ay nag-aaral pa. Nagtapos siya ng BA at MA sa Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas. Ngunit marahil, kaya naging popular na historyador ay dahil sa galing ng kanyang panulat. Bago kasi siya nagturo sa UP ay nagtrabaho muna siya sa Surian ng Wikang Pambansa, kilala sa kanyang mga tula at kwento.

Si Ser Agô noong kanyang kabataan. Larawan mula sa “Bahaghari’t Bulalakaw: Katipunan Ng Mga Sanaysay at Mga Pag-Aaral” ni Teodoro Agoncillo
Isa sa kanyang mga tula ay ang “Republikang Basahan” na isinulat noong panahon ng mga Hapones: “Republika baga itong busabos ka ng dayuhan, ang tingin sa tanikala’y busilak na kalayaan? Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi, ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?”
Nagwagi siya ng unang gantimpala sa Paligsahan ng Republika ukol kay Andres Bonifacio noong 1948 para sa kanyang obra maestrang The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan. Dahil sa kanyang mga aklat ukol sa Rebolusyong Pilipino at panahon ng mga Hapones sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, walang nais na magturo ng mga subject na ito sa Unibersidad ng Pilipinas kahit wala siyang doktorado. Sabi niya kay Ambeth Ocampo, “Sinong magtuturo sa akin?”
Sa mga akda raw naaalala ang mga tao, hindi sa mga titik na sinusundan ng kanyang pangalan. Tomoh! Isa sa tagapagtatag ng Philippine Historical Association noong 1955 at naging tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan mula 1963 hanggang 1969. Kung tutuusin, ipinagpatuloy niya ang hindi natapos na gawain na sinimulan ni José Rizal sa kanyang mga anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga, ang pagsulat ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa pananaw ng mga Pilipino. Bago kasi si Agoncillo, nagsikap ang mga historyador na Pilipino na sumulat sa positibistang pananaw, obhektibo, isalaysay ang nakaraan batay sa mga nakasulat na dokumento. Ngunit, alam naman natin na ang mga dokumento ay isinulat ng mga dayuhan at mga mayayaman kaya tila naging litanya lamang ito ng mga datos na hindi tayo maka-relate. Kay Agoncillo, nabigyan ng kulay sa kanyang panulat at damdaming makabayan sa kanyang pananaw ang pagbabasa ng nakaraan. Hindi raw maaaring maging objective ang isang historian, “Show me a historian, a real historian who is not biased!” Sa kanyang pagreretiro noong 1977, pinuri siya ng kanyang mga kasama bilang “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas.” Namatay siya noong 1985. Maaaring may mga mas bago nang pananaw sa kasaysayan ngunit hindi ibig sabihin ibabasura na natin silang naunang historians. Bahagi sila ng ating pag-unlad. Bilang isa historian na nagtapos at nagturo rin sa kanyang departamento, aking nadarama ang minsang sinabi ni Isaac Newton, “Nakakakita ako ng mas malawak dahil nakatungtong ako sa balikat ng mga higante.” Salamat Ser Agô! Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 30 October 2012)