PAGPUPUGAY NI XIAO CHUA PARA SA PAGRERETIRO NI DR. MILAGROS GUERRERO
by xiaochua
MA’AM G: “IT’S ALL ABOUT ENERGY”[1]

Si Xiao Chua kasama ang kanyang gurong si Dr. Milagros Guerrero, sa unang araw ng pagiging guro ni Xiao sa UP Departamento ng Kasaysayan at saan man noong 9 Hunyo 2005 sa Faculty Center, UP Diliman, Lungsod Quezon, isa sa pinakamahalagang araw sa kanyang buhay, sa karerang ang laki ng impluwensya sa kanya ng nasabing guro.
(Sa tuwing isyu ng balitang ADHIKA sa panahon ng kumperensya, nagtatampok ito ng isang historyador. Itinatampok ngayon si Dr. Milagros C. Guerrero bilang pagpapahalaga at pagkilala sa kanyang kontribusyon sa historiograpiyang Pilipino at sa pagsusulat ng kasaysayang Pilipino. Isang mahusay na guro at makabayang historyador, si Dr. Guerrero ay magreretiro na ngayong 2007 at napapanahong sariwain ang kanyang naging ambag sa pangkasaysayang kadalubhasaan, na nilalaman ngayon ng isa sa pinakabatang mga guro sa UP Departamento ng Kasaysayan. Pinakatampok na kontribusyon ni Dr. Guerrero ang mga pag-aaral ukol sa rebolusyong Pilipino, kasaysayang panlipunan ng Pilipinas sa panahon ng kolonyalismo, Komonwelt/Pananakop ng Hapon, at mga kilusang panlipunan. Si Dr. Guerrero ay isa sa tagapagtatag ng ADHIKA ng Pilipinas.—Dr. Ferdinand C. Llanes)
Isang paglalakbay ang aking pagtuturo at pag-aaral ng Kasaysayan. Nang magsimula ang aking pagkahilig at pagkahumaling sa kasaysayan noong ako ay musmos pa lamang, sinimulan kong buuin ang aking mga pangarap. Sa aking pag-aaral noong high school at sa aking pag-aral ng kasaysayan bilang undergrad, ang mga pangarap na ito ay unti-unting nagkaroon ng mga paa at lumakad. Ngayon, masaya kong ipinagpapatuloy ang aking pakikipag-ulayaw sa musang si Clio.
At sa karerang ito, marami akong nakasabay at nakasalubong. Itinuturing kong isang biyaya mula sa Bathala Maykapal na sa isang punto ng aking paglalakbay, isang Dr. Milagros C. Guerrero ang aking nakasalubong. Masaya niya akong binati, at matapos noon ay sinamahan. Patuloy siyang nagsisilbing ilaw at gabay sa akin.
Kung paglalakbay lamang sa landas ng Kasaysayan ang pag-uusapan, daig pa niya sina Elma Muros at Lydia de Vega sa milya-milya na niyang natakbo sa pagtuturo, pagsasaliksik at pagsusulat ng Kasaysayan, both literally (sa dami ng bansang kanyang napuntahan sa pananaliksik), and figuratively (sa dami ng kanyang mga ambag sa historyograpiyang Pilipino).
Masarap isipin na ako ang naatasan na magparangal kay Dr. Guerrero. Bagama’t may kababaang loob ko na sasabihing hindi ako nararapat sa karangalan—sapagkat mayroong mga taong mas nakakikilala sa kanya ng lubusan at matagal na niyang nakasama—may pagmamahal at pagtatangi ang aking limitadong pagkakakilala sa kanya.
Bagama’t maituturing siyang isang higante sa kasaysayan, nadama namin na kanyang mga estudyante ang kanyang kababaang-loob. Simple lamang ang tawag namin sa kanya, “Ma’am G.” at pinapahintulutan naman niya ito sapagkat nalalaman niyang binabanggit namin ito na may pagmamahal at pagdakila. Maaalala namin ang kanyang mga panayam sa klase na hindi lamang humahablot sa mga takip-matang lumalambong sa aming mga kaisipan, kundi kumakatok din sa aming mga puso. Sapagkat ang pagtuturo ni Ma’am G. ay sinasamahan ng marubdob na damdamin at wagas na pagmamalasakit sa kasaysayan at sa kakayahan nitong paunlarin ang ating bayan. Ayon sa isang papel na kanyang isinulat noong 1972, “…the study of History will continue to be of utmost value for man’s understanding of the huge sprawling panorama of his development.”[2]
Maaalala ko naman si Ma’am G. bilang aking INA sa departamento. Estudyante pa lamang niya ako sa Kasaysayan 199, madalas na ang kanyang paghimok sa akin hinggil sa aking pagsusulat nang may pag-aaruga. Bago ako magtapos sa aking kurso kamakailan lamang, ninais kong tuparin ang aking pangarap na makapagturo sa aking departamento na minahal ko sa punto ng obsesyon, bagama’t pinipigil ako ng aking pagdududa sa aking kakayahan. Ang wika niya sa akin, “Nothing should stop you from trying.” Ang anim na salitang ito ang dahilan kung bakit nandito kayo ngayon, at binabasa ang aking sinulat.
Sa mga batang guro sa kasaysayan, patuloy na magsisilbing inspirasyon ang buhay ni Ma’am G. Estudyante pa lamang siya sa UP, humahataw na siya sa pagiging College Scholar mula 1958-1959. Lalo siyang nagningning sa kanyang unang semestre ng kanyang pag-aaral ng gradwado bilang isang University Scholar. Dalawang taon lamang matapos niyang simulan ang buhay sa akademya noong 1961, itinanghal na siyang kawaksing propesor sa Departamento ng Kasaysayan ng UP. Sa kanyang unang sampung taon, nakapagsulat na siya ng maraming mga publikasyon at nakatambal na si Teodoro A. Agoncillo sa pagsulat ng malaganap na teksbuk na History of the Filipino People. Sa kanyang pagpapatuloy, natapos niya ang kanyang doktorado sa University of Michigan noong 1977, nang matapos niya ang kanyang disertasyong Luzon at War: Contradictions in Philippine Society, 1898-1902. Sa ngayon, isa si Ma’am G. sa mga pangunahing tagapagsulong ng kasaysayan bilang isang mananaliksik, tagasulat at edukador hindi lamang sa departamento kundi sa buong bansa.
Sa kanyang mga nakasama sa departamento, tinitingala nila ang kanyang pagmamalasakit sa Lost History—na hindi lamang nagsisimula ang pagdalumat sa kasaysayang Pilipino sa mga kaganapan ng 1872. Pangunahin din siyang tagapagtaguyod ng Social History na sinasabing sumasalamin lamang ang pulitikal na kasaysayan sa mga sosyo-ekonomikong realidad.
Nalalapit na ang pagreretiro ng ating minamahal na si Ma’am G. Tila nalalapit na sa finish line ng kanyang pagtakbo sa karera ng kasaysayan. Ngunit, kahit na milya-milya na ang kanyang natakbo, hindi pa rin titigil si Ma’am G sa sandaling mapatid niya ang tali. Lagi niyang sinasabi, “It’s all about energy.” At dahil sa kanyang marubdob na damdamin para sa ating disiplina, naipakita niya sa kanyang buhay na marami siya nito, at marami pa siyang mailalabas na enerhiya para sa kasaysayan. Minsan, nag-usap kami ukol sa kanyang mga plano matapos magretiro. Kanyang sinabi, “gusto ko pa ring magturo.” Kaya naman, nandyan pa rin siya para sa mga katulad ko at katulad niyong tumatakbo sa karera ng kasaysayan, nagsisilbing gabay at ilaw sa malawak pang prontera sa historiograpiyang Pilipino na kailangan pang matuklasan.
Ika-23 ng Nobyembre, 2005, 10:00 NU
#2018 FacultyCenter, Bulwagang Rizal,
Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon
Karagdagang tala:
MASAYA AKO NA NAGING GURO KO SA UP DEPARTAMENTO NG KASAYSAYAN si Dr. MILAGROS C. GUERRERO, isang historyador ng kasaysayang panlipunan at pang-ekonomiya at eksperto sa Kasaysayan ng Amerika Latin, Himagsikang Pilipino at kay Andres Bonifacio, sa aking dalawang undergrad thesis subjects at isang asignaturang pang-masterado. Sa aking murang edad tiwala ang kanyang ipinakita sa aking kakayahan at ginabayan niya ang aking perspektiba. Siya ang itinuturing kong Ina sa aking disiplina.
Siya ang nagbigay ng aking paksa sa aking tesis masterado.
Modelo ko siya bilang guro at iskolar: Kritikal at makabuluhan. Ipinakita niya sa kilos at gawa ang kahalagahan ng aming propesyon, “…the study of History will continue to be of utmost value for man’s understanding of the huge sprawling panorama of his development.”Si Dr. Guerrero ay nakatambal ni Teodoro A. Agoncillo sa pagsulat ng malaganap na teksbuk na History of the Filipino People hanggang noong mga Dekada 1980. Natapos niya ang kanyang doktorado sa University of Michigan noong 1977 sa kanyang mapanghawang landas na disertasyong Luzon at War: Contradictions in Philippine Society, 1898-1902.
Ang sanaysay na ito ay binasa rin sa pagdiriwang ng kanyang pagreretiro sa University Hotel ng UP Diliman noong 2006.
[1] Lumabas sa Balitang ADHIKA, Opisyal na Pahayagan ng Asosasyon ng mga Dalubhasa, May Hilig sa Kasaysayan ng Pilipinas, Inc., Tomo 1, Blg. 1 (2005).
[2] Guerrero, Milagros C., “New Trends In Teaching History,” in Proceedings And Position Papers: Third Regional Seminar On History, January 22-23, 1972, Dumaguete City (Manila: National Historical Institute, 1976), p. 16.