IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

XIAOTIME, 9 November 2012: TEODORO AGONCILLO CENTENNIAL

Broadcast of Xiaotime news segment today, 9 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teodoro Agoncillo, “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas” sa kanyang pagreretiro. Mula sa Kasaysayan 1, dyornal ng Departamento ng Kasaysayan na inedit ni Dr.Zeus A. Salazar.

9 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=CpWS1CA3rJc&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang segment na ito sa aking ama na si Charles Chua.  Happy birthday, dad.  Ito ay tungkol din sa isang itinuturing na ama ng maraming historyador.  100 years ago ngayon, November 9, 1912, isinilang sa Lemery, Batangas si Teodoro Andal Agoncillo.  Kilala natin siya na senior author ng isa sa pinakapopular na teksbuk sa nakalipas na limang dekada, ang History of the Filipino People na malamang sa malamang nagamit natin noong tayo ay nag-aaral pa.  Nagtapos siya ng BA at MA sa Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas.  Ngunit marahil, kaya naging popular na historyador ay dahil sa galing ng kanyang panulat.  Bago kasi siya nagturo sa UP ay nagtrabaho muna siya sa Surian ng Wikang Pambansa, kilala sa kanyang mga tula at kwento.

Si Ser Agô noong kanyang kabataan. Larawan mula sa “Bahaghari’t Bulalakaw: Katipunan Ng Mga Sanaysay at Mga Pag-Aaral” ni Teodoro Agoncillo

Isa sa kanyang mga tula ay ang “Republikang Basahan” na isinulat noong panahon ng mga Hapones:  “Republika baga itong busabos ka ng dayuhan, ang tingin sa tanikala’y busilak na kalayaan?  Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi, ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?”

Mula sa Koleksyon ni Prop. Dante Ambrosio sa kamay ng Xiao Chua Archives.

Nagwagi siya ng unang gantimpala sa Paligsahan ng Republika ukol kay Andres Bonifacio noong 1948 para sa kanyang obra maestrang The Revolt of the Masses:  The Story of Bonifacio and the Katipunan.  Dahil sa kanyang mga aklat ukol sa Rebolusyong Pilipino at panahon ng mga Hapones sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, walang nais na magturo ng mga subject na ito sa Unibersidad ng Pilipinas kahit wala siyang doktorado.  Sabi niya kay Ambeth Ocampo, “Sinong magtuturo sa akin?”

Teodoro Agoncillo at ang batang Ambeth Ocampo, 1984.

Sa mga akda raw naaalala ang mga tao, hindi sa mga titik na sinusundan ng kanyang pangalan.  Tomoh!  Isa sa tagapagtatag ng Philippine Historical Association noong 1955 at naging tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan mula 1963 hanggang 1969.  Kung tutuusin, ipinagpatuloy niya ang hindi natapos na gawain na sinimulan ni José Rizal sa kanyang mga anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga, ang pagsulat ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa pananaw ng mga Pilipino.  Bago kasi si Agoncillo, nagsikap ang mga historyador na Pilipino na sumulat sa positibistang pananaw, obhektibo, isalaysay ang nakaraan batay sa mga nakasulat na dokumento.  Ngunit, alam naman natin na ang mga dokumento ay isinulat ng mga dayuhan at mga mayayaman kaya tila naging litanya lamang ito ng mga datos na hindi tayo maka-relate.  Kay Agoncillo, nabigyan ng kulay sa kanyang panulat at damdaming makabayan sa kanyang pananaw ang pagbabasa ng nakaraan.  Hindi raw maaaring maging objective ang isang historian, “Show me a historian, a real historian who is not biased!”  Sa kanyang pagreretiro noong 1977, pinuri siya ng kanyang mga kasama bilang “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas.”  Namatay siya noong 1985.  Maaaring may mga mas bago nang pananaw sa kasaysayan ngunit hindi ibig sabihin ibabasura na natin silang naunang historians.  Bahagi sila ng ating pag-unlad.  Bilang isa historian na nagtapos at nagturo rin sa kanyang departamento, aking nadarama ang minsang sinabi ni Isaac Newton, “Nakakakita ako ng mas malawak dahil nakatungtong ako sa balikat ng mga higante.”  Salamat Ser Agô!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 30 October 2012)

Teodoro A. Agoncillo, 1985. Kuha ni Dr. Ambeth R. Ocampo

Autographed copy ng isang aklat ni Agoncillo na nailathala sa ibang bansa na napasakamay ng Xiao Chua Archives mula sa isang ukay-ukay sa Yakal Residence Hall ng UP Diliman.

Si Xiao Chua, ika-9 mula sa kaliwa, kasama ang mga guro at estudyante ng UP Departamento ng Kasaysayan, Hunyo 2005.

XIAOTIME, 8 November 2012: TEODORA ALONSO, Ang Dakilang Ina ng Ating Bayaning si Dr. Jose Rizal

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 8 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teodora Alonso de Rizal, larawan mula sa Vibal Foundation

8 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=uKHxATs7-kI&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang segment na ito sa aking mahal na mama na si Vilma Briones Chua.  Kwento ito ng isang ina.  185 years ago bukas, November 9, 1827 isinilang sa Meisic, Maynila si Teodora Alonso Morales Realonda y Quintos.  Siya na nga ang ina ng ating National Hero na si José Rizal, kilala noon sa tawag na Doña Lolay.  Ang ama ni Lolay ay isang dating delegado ng Cortes o ng Senado ng Espanya.  Si Lolay mismo ay nag-aral at nakapagtapos sa paaralang kumbento ng Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros.

Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros, larawan mula sa Vibal Foundation

Bihira noon ang india na nakapag-aral at may personal na aklatan na may isang libong aklat.  Kaya bilang ina naipasa niya sa kanyang mga anak, lalo na si José Rizal o si Pepe, ang pagmamahal sa kaalaman.  Walang José Rizal na dakilang tao kung walang Doña Lolay.  Labing-isa ang naging anak niya kay Francisco Mercado, wala pang RH noon, ngunit magaling si Lolay sa negosyo.

Francisco Mercado, larawan mula sa Vibal Foundation

Ang mga pananim ng kanilang plantasyon na nirerentahan sa mga prayle ay kanilang ibinebenta sa isang sari-sari store sa unang palapag ng kanilang bahay na bato sa Calamba, Laguna.  Naging kumportable ang buhay ng pamilya Mercado-Rizal.  Ngunit lumabo ang kanyang mga mata at sinasabing isa ito sa dahilan kung bakit nag-aral si Pepe ng optalmolohiya sa ibang bansa.

Obra na nasa Rizal Shrine sa Fort Santiago, Maynila.

Hindi lamang ang kanyang mata ang pagkawalay sa anak ang ininda niya.  Nakulong siya ng dalawang taon dahil pinagbintangan siyang nilalason ang kanyang hipag.  Binitawan sila ng kanilang mga kaibigang prayle at Espanyol.  Sa edad na 64, pinalakad naman siya mula Maynila hanggang Sta. Cruz, Laguna dahil hindi raw niya ginamit ang tamang apelyido.  Pinalaki niyang maayos ang kanyang mga anak na may pagmamahal sa bayan.  Si Paciano, Josefa at Trinidad halimbawa ay naging mga kasapi ng Katipunan.

Si Lolay at mga anak at apo matapos na mabaril si Rizal, nakapamburol, larawan mula sa Vibal Foundation

Ngunit noong bata pa si Rizal, pinag-ingat niya rin ito sa ukol sa pagkukuwento ng nangyari sa isang gamu-gamo na nasilaw sa apoy ng karunungan at nasunog sa kabila ng babala ng ina.

Obra ni Benedicto Cabrera

O anong pait sa kanyang puso na makita sa huling pagkakataon ang kanyang anak na si Pepe isang araw bago ito barilin noong 1896, hindi man lamang pinayagan na magyakap sila.  Hindi na kailangan ng salita, tanging nasulat ni Rizal sa huling pagkakataon para sa ina, “A mi muy amada madre…”  “Sa aking mahal na ina, Sra. Da. Teodora Alonso, A las 6 de la mañana del 30 Deciembre de 1896.”

“Sa aking mahal na ina…”  Larawan mula sa facebook page ni Dr. Ambeth Ocampo

Sa kabila nito, nang alayan ng mga Amerikano ng pensyon si Lolay, kanyang sinabi sa kanila, “Ang aking pamilya ay hindi kailanman naging makabayan dahil sa pera.”  Namatay si Teodora Alonso noong 1911.  Ang magsilang at magpalaki ng mga anak na iniaalay sa ikauunlad ng bayan ay kabayanihan.  Ang atin pong mga ina ay mga bayani.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Maynila, 29 October 2012)

Teodora Alonso habang itinatanghal ang bungo ng kanyang anak na si Jose Rizal, larawan mula sa Vibal Foundation

Larawan mula sa Vibal Foundation